Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 7/15 p. 21-24
  • Mapagtatagumpayan Mo ang mga Hadlang na Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagtatagumpayan Mo ang mga Hadlang na Ito!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nababagot Ka ba?
  • Nasiraan Ka ba ng Loob Dahil sa Isang Masamang Halimbawa?
  • Napakahirap Bang Maging Isang Saksi?
  • Pananatiling Masigla
  • Kung Paano Tayo Inaakay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Inuuna ba ng Inyong Pamilya ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Bakit Dapat Dumalo sa mga Pulong?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 7/15 p. 21-24

Mapagtatagumpayan Mo ang mga Hadlang na Ito!

ANG isang dambuhalang eroplano ay maaaring maglulan ng daan-daang pasahero at tone-toneladang kargada. Papaano makalilipad ang gayong kabigat na sasakyang panghimpapawid? Simple lamang, sa pamamagitan ng puwersa.

Kapag bumilis na ang takbo ng eroplano sa runway, ang hangin ay biglang daraan sa ibabaw at sa ilalim ng kurbadong mga pakpak. Ito’y magiging sanhi ng paitaas na puwersa na tinatawag na lift. Kapag nakalikha na ng sapat na puwersa, aangat na ang eroplano sa lupa at makalilipad. Siyempre, ang isang eroplanong may labis na karga ay hindi makalilikha ng sapat na puwersa upang makalipad.

Tayo man ay maaaring maging labis ang karga. Mga siglo na ang nakalilipas, sinabi ni Haring David na ang kaniyang ‘mga pagkakamali ay tulad ng isang pasan na totoong napakabigat para sa kaniya.’ (Awit 38:4) Gayundin naman, nagbabala si Jesu-Kristo laban sa pagiging napabibigatan ng labis na mga kabalisahan sa buhay. (Lucas 21:34) Ang negatibong kaisipan at damdamin ay maaaring magpabigat sa atin hanggang sa waring mahirap nang “makalipad.” Ikaw ba ay nabibigatan sa ganitong paraan? O nakaranas ka na ba ng ilang hadlang sa iyong higit na pagsulong sa espirituwal? Kung gayon, ano kaya ang makatutulong?

Nababagot Ka ba?

Ang pagkabagot​—isang karaniwang reklamo sa ngayon​—ay maaaring maging isang hadlang sa isipan, kahit na para sa ilan sa bayan ni Jehova. Ang mga kabataan lalo na ang may hilig na ituring na nakababagot ang ilang gawain. Ganiyan ba kung minsan ang nadarama mo sa mga pulong Kristiyano? Kung gayon, ano ang magagawa mo upang gawing masigla ang iyong pagdalo sa mga pulong?

Ang pakikibahagi ang siyang susi. Sumulat si Pablo sa kabataang si Timoteo: “Sanayin mo ang iyong sarili taglay ang maka-Diyos na debosyon bilang iyong tunguhin. Sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:7, 8) Magiging nakababagot at walang gaanong kabuluhan ang isang aklat tungkol sa pagpapalakas ng katawan kung hindi natin lubusang susundin ang iminungkahing mga ehersisyo. Ang mga pulong Kristiyano ay dinisenyo upang sanayin ang ating isip at magagawa ito kung tayo’y naghahanda at nakikibahagi. Magiging mas kasiya-siya at kawili-wili ang mga pulong sa ganitong pakikibahagi.

Hinggil dito, ganito ang sabi ng isang dalagitang Kristiyano na si Mara: “Kapag hindi ako naghanda para sa mga pulong, hindi ako nasisiyahan sa mga ito. Subalit, kapag ako’y patiunang naghanda, mas madaling tumanggap ng impormasyon ang aking isip at puso. Ang mga pulong ay nagiging mas makabuluhan, at nasasabik akong magkomento.”

Ang pagkatutong makinig ay makatutulong din. Madali at agad na nakasisiya ang pakikinig sa magandang musika. Subalit hindi lahat ng kasiyahan ay agad na matatamasa. Masisiyahan lamang tayo buhat sa programa sa pulong kung tayo’y matamang nakikinig sa sinasabi. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong nagngangalang Rachel: “Kapag hindi masigla ang tagapagsalita, kailangang makinig akong mabuti. Ang tuntunin ko ay, ‘Kapag di-gaanong kawili-wili ang pahayag, lalo namang kailangan kong makinig na mabuti.’ . . . Binibigyan ko ng pantanging pansin ang mga kasulatan, anupat sinisikap na lubusang makinabang mula sa mga ito hangga’t maaari.” Tulad ni Rachel, kailangang disiplinahin natin ang ating sarili upang magawang makinig. Ganito ang sabi ng aklat ng Kawikaan: “Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa.”​—Kawikaan 5:1.

Ang ilang impormasyon na inihaharap sa mga pulong ay maaaring waring paulit-ulit na. Kailangang maging gayon! Lahat ng lingkod ng Diyos ay nangangailangan ng paalaala. Ang di-sakdal na laman, na may makasalanang hilig at kay daling lumimot, ay nangangailangan ng lahat ng tulong na makakamit nito. Si apostol Pedro ‘ay handa na ipaalaala sa mga kapananampalataya ang tungkol sa ilang mga bagay, bagaman alam nila ang mga ito at matibay na nakatatag sa katotohanan.’ (2 Pedro 1:12) Ipinaliwanag din ni Jesus na “bawat pangmadlang tagapagturo . . . ay tulad ng isang tao, isang may-bahay, na naglalabas mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan ng mga bagay na bago at luma.” (Mateo 13:52) Samakatuwid, samantalang ang ating mga pulong ay naglalabas ng maka-Kasulatang mga kaisipan na pangkaraniwan na, o ‘mga lumang kayamanan,’ palaging may ‘mga bagong kayamanan’ na ikalulugod natin.

Ang pagiging determinado na lubusang samantalahin ang mga pulong ay maaaring magbunga ng tunay na espirituwal na pampatibay. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan [yaong mga namamalimos ng espiritu],” sabi ni Jesus. (Mateo 5:3, talababa sa Ingles) Ang gayong saloobin sa mainam na espirituwal na pagkaing inilalaan sa mga pulong ay papawi ng pagkabagot.​—Mateo 24:45-47.

Nasiraan Ka ba ng Loob Dahil sa Isang Masamang Halimbawa?

Nabalisa ka na ba dahil sa paggawi ng isa sa inyong kongregasyon? Marahil ay naitanong mo, ‘Papaanong ang isang kapatid ay gumagawi nang ganiyan at gayunma’y mabuti pa rin ang katayuan?’ Ang gayong kaisipan ay magsisilbing hadlang sa isipan, na binubulag tayo sa kahalagahan ng kasiya-siyang pagsasamahan na matatamasa natin sa bayan ng Diyos.​—Awit 133:1.

Marahil ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Colosas ay may gayunding suliranin. Pinayuhan sila ni Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Colosas 3:13) Natanto ni Pablo na marahil ang ilang Kristiyanong taga-Colosas ay gumawi ng masama at sa gayo’y nagbigay sa iba ng makatuwirang dahilan upang magreklamo. Kaya hindi tayo dapat na labis na magtaka kung sa pana-panahon ang isa sa ating mga kapatid ay hindi nagpapamalas ng isang Kristiyanong katangian. Nagbigay si Jesus ng isang mahusay na payo kung papaano lulutasin ang malulubhang di-pagkakaunawaan. (Mateo 5:23, 24; 18:15-17) Subalit kadalasan, maaaring pagpasensiyahan na lamang natin ang pagkukulang ng mga kapananampalataya at patawarin sila. (1 Pedro 4:8) Sa katunayan, ang gayong saloobin ay para sa ikabubuti natin at ng iba. Bakit nga gayon?

“Ang malalim na unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang,” sabi ng Kawikaan 19:11. Anong inam nga na magpatawad kaysa sa hayaang lumala ang galit at hinanakit! Ganito ang sabi ni Salvador, isang matanda na kilala sa kaniyang maibiging kalooban: “Kapag hindi mabuti ang pakikitungo sa akin ng isang kapatid o kaya’y masakit siyang magsalita, itinatanong ko sa aking sarili: ‘Papaano ko kaya matutulungan ang aking kapatid? Papaano ko kaya mapananatili ang aking mahalagang kaugnayan sa kaniya?’ Palagi kong iniisip na madaling makapagsabi ng maling bagay. Kung ang isa ay nagsasalita nang hindi muna iniisip, ang pinakamabuting solusyon ay bawiin ang sinabi niya at magsimula uli. Pero imposible iyan, kaya ginagawa ko ang susunod na pinakamabuting hakbang at di-pinapansin ang sinabi. Ipinalalagay ko na lamang na iyon ay bunga ng di-kasakdalan sa halip na salamin ng tunay na personalidad ng aking kapatid.”

Baka madama mo na ito’y mas madaling sabihin kaysa gawin. Ngunit malaki ang nakasalalay sa paraan ng ating pag-iisip. “Anumang mga bagay na kaibig-ibig, . . . patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito,” ang payo ni Pablo. (Filipos 4:8) Ang “kaibig-ibig” ay literal na nangangahulugang “nakapupukaw ng pagmamahal.” Nais ni Jehova na isaalang-alang natin ang mabuti sa mga tao, magpako ng pansin sa bagay na pumupukaw ng pagmamahal sa halip ng hinanakit. Siya mismo ay nagbibigay sa atin ng pinakadakilang halimbawa sa bagay na ito. Ipinaalaala sa atin ng salmista ang bagay na ito, sa pagsasabi: “Kung mga pagkakamali ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?”​—Awit 103:12; 130:3.

Totoo, maaaring may pagkakataon na nakalulungkot ang paggawi ng isang kapatid, subalit ang karamihan sa ating mga kapuwa mananamba ay mahuhusay na halimbawa ng Kristiyanong pamumuhay. Kung tatandaan natin ito, tulad ni David tayo ay maliligayahang ‘magpasalamat ng marami kay Jehova at purihin siya sa gitna ng karamihan.’​—Awit 109:30.

Napakahirap Bang Maging Isang Saksi?

Nakalulungkot, dahil sa isa pang hadlang sa isipan, hindi pa nagsisimula ang ilan na purihin si Jehova. Maraming lalaki na hindi mga Saksi ni Jehova ay responsableng naglalaan para sa kani-kanilang pamilya at sinusuportahan pa man din ang kanilang maybahay sa ministeryong Kristiyano. Sila’y palakaibigan at maaaring nagpapakita ng interes sa kongregasyon, subalit iniiwasan nilang maging nakaalay na lingkod ng Diyos. Ano ang pumipigil sa kanila?

Ang isang suliranin ay maaaring dahil sa napapansin ng mga asawang lalaking ito ang abalang teokratikong gawain ng kani-kanilang asawa at nadarama nila na masyadong maraming kahilingan sa pagiging isang Saksi. O marahil ay nangangamba sila na hindi nila kailanman magagawa ang pangangaral sa bahay-bahay. Sa kanilang punto de vista, ang mga pananagutan ay waring nakahihigit kaysa sa mga pagpapala. Bakit may gayong hadlang sa isipan? Karamihan sa mga estudyante ng Bibliya ay unti-unting natututo at nagkakapit ng katotohanan. Subalit malimit na nababatid na ng di-nananampalatayang mga asawang lalaki ang lahat ng Kristiyanong pananagutan bago pa man sila maganyak na tanggapin ang mga ito.

Si Manuel, na nasa ganitong kalagayan, ay nagpaliwanag: “Sa loob ng mga sampung taon, sinasamahan ko ang aking asawa sa mga asamblea at mga pulong. Ang totoo, mas gusto kong makasama ang mga Saksi kaysa sa mga tao sa sanlibutan, at nagagalak akong tumulong sa kanila kung makakaya ko. Humahanga ako sa pag-ibig na umiiral sa gitna nila. Pero isang malaking hadlang para sa akin ang idea na pumunta sa bahay-bahay, at nangangamba ako na baka ako’y pagtawanan ng aking mga katrabaho.

“Ang aking asawa ay matiyaga sa akin at hindi ako kailanman pinilit na mag-aral ng Bibliya. Kapuwa siya at ang mga bata ay ‘nangaral’ pangunahin na sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa. Si José, na isang matanda sa kongregasyon, ay nagpakita ng pantanging interes sa akin. Sa palagay ko ang kaniyang pampatibay-loob ang sa wakas ay nagpakilos sa akin na mag-aral nang dibdiban. Pagkatapos mabautismuhan, natanto ko na nasa isip ko lamang pala ang mga hadlang. Minsang magpasiya akong maglingkod kay Jehova, naranasan ko ang kaniyang tulong upang madaig ang aking mga pangamba.”

Papaano matutulungan ng mga asawang babae at ng Kristiyanong matatanda ang mga asawang lalaki na katulad ni Manuel upang mapagtagumpayan ang hadlang sa kanilang isipan? Ang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring magpasigla ng pagpapahalaga at hangarin na gawin ang kalooban ng Diyos. Sa katunayan, ang malawak na kaalaman sa Kasulatan ay saligan sa pananampalataya at pagtitiwala sa pag-asa sa hinaharap.​—Roma 15:13.

Ano ang magpapasigla sa gayong mga asawang lalaki na tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya? Kalimitan, ang pakikipagkaibigan sa isang maunawaing kapatid na lalaki sa kongregasyon ay isang salik na nakatutulong sa pagpapasiya. Marahil ang isang matanda o isa pang may-karanasang kapatid na lalaki ay maaaring makipagkilala sa asawang lalaki. Minsang maitatag na ang isang mabuting ugnayan, baka ang kailangan na lamang ay alukin siya na makipag-aral. (1 Corinto 9:19-23) Samantala, maaaring ibahagi ng isang maingat na Kristiyanong asawang babae ang maliliit na espirituwal na bagay sa kaniyang di-nananampalatayang asawa, yamang natatanto na siya ay malamang na hindi tutugon sa pamimilit.​—Kawikaan 19:14.

Gaya ng natutuhan ni Manuel sa pamamagitan ng karanasan, minsang magtamo ng espirituwal na lakas ang isang tao, ang gabundok na mga hadlang ay magiging mistulang gabutil na mga bagay. Pinalalakas ni Jehova yaong nagnanais maglingkod sa kaniya. (Isaias 40:29-31) Sa pamamagitan ng lakas ng Diyos at suporta ng maygulang na mga Saksi, maaaring maalis ang mga hadlang. Sa gayo’y magiging di na gaanong nakasisira ng loob ang gawaing pagbabahay-bahay at ang mga katrabaho ay di na gaanong nakababahala, samantalang ang buong-kaluluwang paglilingkuran ay nagiging mas kaakit-akit.​—Isaias 51:12; Roma 10:10.

Pananatiling Masigla

Posible na mapagtagumpayan ang mga hadlang tulad ng tatlong tinalakay na natin. Sa pag-imbulog ng eroplano, pinakamalaking puwersa ng makina ang karaniwang kailangan gayundin ang di-nababahaging pansin ng piloto at mga tauhan ng eroplano. Sa panahon ng pag-imbulog, ang mga makina ay kumukunsumo ng pinakamaraming krudo kaysa sa alinmang ibang panahon ng paglipad. Gayundin naman, upang maiwaksi ang mga negatibong kaisipan at damdamin, kailangan ang pinakamalaking pagsisikap at pagbubuhos ng pansin. Ang pagsisimula ang maaaring pinakamahirap na yugto, samantalang nagiging mas madali ang pagsulong minsang matamo na ang kasiglahan.​—Ihambing ang 2 Pedro 1:10.

Ang pagsulong ay mapananatili sa pamamagitan ng agad na pagsunod sa pampatibay ng Kasulatan. (Awit 119:60) Matitiyak natin na ang kongregasyon ay ibig na tumulong. (Galacia 6:2) Subalit nakahihigit sa lahat ay ang alalay ng Diyos na Jehova. Gaya ng sabi ni David, “purihin si Jehova, na sa araw-araw ay nagdadala ng pasan para sa atin.” (Awit 68:19) Kapag inihihinga natin ang ating mga kabalisahan sa panalangin, nagiging mas magaan ang ating pasan.

Kung minsan, ang eroplano ay lumilipad sa panahong maulan at makulimlim, dumaraan sa isang makapal na suson ng ulap, at pumapailanlang sa maaliwalas na himpapawid. Maaari rin naman nating iwan ang negatibong mga kaisipan. Sa tulong ng Diyos, makalalagos tayo sa suson ng ulap, wika nga, at madadarang sa maaliwalas, maligayang kapaligiran ng pambuong-daigdig na pamilya ng mga sumasamba kay Jehova.

[Mga larawan sa pahina 23]

Sa tulong ni Jehova, mapagtatagumpayan natin ang mga hadlang sa isipan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share