Pagtitiwalag—Isa Bang Maibiging Paglalaan?
“BANAL, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 4:8) Kaayon ng gayong paglalarawan, si Jehova ang Bukal ng banal na mga pamantayan. Ang mga ito ay inilalahad sa “banal na mga kasulatan,” at ang mga Kristiyano ay obligadong sumunod sa mga alituntuning ito. Sa katunayan, kailangang iwasan nila ang anumang bagay na marumi sa paningin ni Jehova.—2 Timoteo 3:15; Isaias 52:11.
Malinaw na iniuutos ng Bibliya: “Alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ” (1 Pedro 1:15, 16) Mula nang umiral ang Kristiyanong kongregasyon may 19 na siglo na ang nakararaan, nagpupunyagi na ang tunay na mga Kristiyano upang ipagsanggalang ito buhat sa espirituwal at moral na karumihan.—Judas 3.
Kung Bakit Kailangan ang Pananggalang
Nakaharap sa lahat ng lingkod ng Diyos ang hamon ng pananatiling malinis sa moral at espirituwal. Sa layuning ito, kailangang labanan ang tatlong makapangyarihang kaaway—si Satanas, ang kaniyang sanlibutan, at ang hilig ng ating makasalanang laman. (Roma 5:12; 2 Corinto 2:11; 1 Juan 5:19) Tutuksuhin kayo ng sanlibutan ni Satanas upang maging imoral, hihikayatin kayong sumunod sa mga pamamaraan nito, at aalukin kayo ng materyal na kayamanan, katanyagan, posisyon, kabantugan, at kapangyarihan. Ngunit yaong mga determinadong magtaguyod ng tunay na pagsamba ay tumatanggi sa anumang alok ni Satanas at nananatiling “walang batik mula sa sanlibutan.” Bakit? Sapagkat nais nilang manatili sa ilalim ng maingat at maibiging pangangalaga ng malinis na organisasyon ni Jehova.—Santiago 1:27; 1 Juan 2:15-17.
Naglaan si Jehova ng tulong para sa sinumang miyembro ng Kristiyanong kongregasyon na nahulog sa mga pagtukso ni Satanas bunga ng kahinaan ng tao. Ang kuwalipikadong matatanda sa espirituwal ay inatasan upang ipagsanggalang ang kongregasyon at maibiging tulungan ang mga nagkakasala upang magsisi sa kanilang mga kasalanan at gumawa ng kinakailangang pagbabago para sa paggaling. Sinumang Kristiyano na napasangkot sa maling paggawi ay dapat na matiyagang tulungan upang magsisi at magbago ng kaniyang landasin.—Galacia 6:1, 2; Santiago 5:13-16.
Kung Papaano Maibigin ang Pagtitiwalag
Ang bautisadong mga lingkod ni Jehova na kusang tumatahak sa isang balakyot na landasin at tumatangging magbago ay dapat na malasin bilang hindi nagsisisi at kung gayo’y hindi naaangkop sa pagsasamahang Kristiyano. (Ihambing ang 1 Juan 2:19.) Ang gayong mga tao ay hindi mapahihintulutang manatili sa malinis na Kristiyanong kongregasyon at sa gayo’y dumhan ito. Kailangan silang itiwalag.
Ang pagiging angkop ng pagtitiwalag sa mga namimihasa sa mga gawang balakyot ay mailalarawan sa pamamagitan ng sumusunod na kalagayan: Dahil sa pagdami ng pananalakay at mararahas na krimen sa mga estudyante, sinunod ng ilang paaralan ang patakaran na “humihiling ng habambuhay na pagsuspinde sa mga estudyante na gumagamit o nagbabantang gagamit ng mga armas,” ulat ng The Globe and Mail, isang pahayagan sa Toronto, Canada. Ang pagpapaalis ay ginagawa upang ipagsanggalang ang mga estudyante na nais makinabang mula sa edukasyonal na programa nang hindi nahahantad sa mararahas na gawain.
Bakit pagiging maibigin na itiwalag mula sa kongregasyon ang di-nagsisising manggagawa ng masama? Ang paggawa ng gayon ay isang kapahayagan ng pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga daan. (Awit 97:10) Ipinakikita ng ganitong pagkilos ang pag-ibig sa mga nagtataguyod ng isang matuwid na landasin sapagkat inaalis nito mula sa gitna nila ang isa na makapagdudulot ng masamang impluwensiya sa kanila. Ipinagsasanggalang din nito ang kalinisan ng kongregasyon. (1 Corinto 5:1-13) Kung pahihintulutang manatili sa kongregasyon ang malubhang imoralidad o espirituwal na karumihan, mahahawahan ito at hindi na aangkop para sa paghahandog ng banal na paglilingkod kay Jehova, na banal. Isa pa, ang pagkatiwalag ng manggagawa ng masama ay makatutulong sa kaniya na makita ang kaselangan ng kaniyang suwail na landasin, magsisi, at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago at sa gayo’y matanggap muli sa loob ng kongregasyon.
Ang Epekto sa Iba
Kapag ang isang miyembro ng kongregasyon ay nakagawa ng isang malubhang pagkakasala, gaya ng pangangalunya, hindi niya pinagagalak ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Sinumang Kristiyano na napalulong sa seksuwal na imoralidad ay tiyak na hindi tumutulad sa naging kaisipan ni Jose nang sikapin ng asawa ni Potipar na tuksuhin siya upang sumiping sa kaniya. Ang tugon ni Jose ay: “Paano ko magagawa ang malubhang kasamaang ito at aktuwal na magkasala laban sa Diyos?” (Genesis 39:6-12) Iginalang ni Jose ang banal na mga pamantayan ni Jehova at tumakas sa nakatutuksong sitwasyon. Sa kabilang dako, ang isang mangangalunya ay waring kulang ng sapat na pag-ibig sa Diyos upang magpigil mula sa kaniyang makalamang pagnanasa.—Galacia 5:19-21.
Ang isang bautisado na lumalabag sa mga utos ng Diyos ay hindi nababahala hinggil sa pinsala at hapdi na idudulot niya sa kaniyang nananampalatayang kamag-anak. Ang dagok sa emosyon ay higit kaysa sa mababata ng ilan. Nang matuklasan na ang kaniyang anak na lalaki ay imoral, isang Kristiyanong babae ang naghinagpis: “Kakaunting mga kapatid, kung mayroon man, ang waring nakakaunawa kung gaano kami nasaktan at nasiraan ng loob . . . Kami’y lubos na nasiphayo.” Ang mabuting pangalan ng isang buong pamilya ay maaaring pag-alinlanganan. Ang panlulumo at isang antas ng pagkakasala ay maaaring magpahirap sa mga tapat na miyembro ng pamilya. Sa gayon ay nagdudulot ng pighati sa pamilya ang balakyot na landasin ng manggagawa ng masama.
Maibiging Tulong Para sa mga Miyembro ng Pamilya
Kailangang tandaan ng tapat na mga Kristiyanong miyembro sa pamilya ng mga natiwalag na ang pagtitiwalag ay kapuwa maibigin at nagsasanggalang. Sinisikap na gawin ang lahat ng posibleng paraan upang matulungan ang manggagawa ng masama. Subalit kung napatutunayang siya’y di-masunurin sa Diyos at may katigasang di-nagsisisi, ang kongregasyon ay kailangang ipagsanggalang at walang mapagpipilian kundi ang kumilos ayon sa iniuutos ng Salita ng Diyos: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Corinto 5:13) Gaya ng sinabi ng isang Saksi, “sa pagtitiwalag ay nasasangkot ang katapatan kay Jehova.”
Kapag ang isang miyembro ng pamilya ay natiwalag, ang kirot ay nararanasan ng mga kamag-anak na Kristiyano. Angkop lamang kung gayon na gawin ng hinirang na matatanda ang kanilang buong makakaya upang maging nakapagpapaginhawa sila sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:14) Ang matatanda ay maaaring manalangin para sa kanila at kasama nila. Kadalasan maaaring dalawin ang tapat na mga Kristiyanong ito upang ipakipag-usap ang nakapagpapatibay na maka-Kasulatang kaisipan. Dapat samantalahin ng mga pastol ng kawan ang lahat ng pagkakataon upang mapalakas sa espirituwal ang mga minamahal na ito bago at pagkatapos ng Kristiyanong mga pagpupulong. Maaaring magbigay ng karagdagang pagpapatibay-loob sa pamamagitan ng pagsama sa kanila sa ministeryo sa larangan. (Roma 1:11, 12) Kailangang ipakita ng espirituwal na mga pastol ang pag-ibig at pansin na nauukol sa tapat na mga lingkod na ito ni Jehova.—1 Tesalonica 2:7, 8.
Hindi dahilan ang makasalanang landasin ng isang tao upang waling-bahala ang sinuman sa kaniyang pamilya na nananatiling tapat kay Jehova. Itinakwil ng Diyos ang balakyot na si Haring Saul ng Israel, subalit hindi hinayaan ni David na ito’y makahadlang sa kaniyang personal na pagmamahal sa anak na lalaki ni Saul na si Jonathan. Sa katunayan, naging lalong matibay ang buklod sa pagitan nina David at Jonathan. (1 Samuel 15:22, 23; 18:1-3; 20:41) Kaya ang lahat sa kongregasyon ay nararapat na maging matulungin at maibigin sa mga Kristiyano na ang mga kamag-anak ay nagkasala laban kay Jehova.
Tunay ngang kawalan ng pag-ibig ito kung wawaling-bahala o magiging di-mabait sa gayong tapat na mga tao! Ang tapat na mga miyembro ng pamilya ay pantanging nangangailangan ng pampatibay-loob. Maaaring makadama sila ng pag-iisa at masumpungan na napakahirap ng kanilang kalagayan. Marahil maibabahagi mo ang isang kaayaayang punto sa espirituwal o isang nakapagpapatibay na karanasan sa kanila sa pamamagitan ng telepono. Kung ang natiwalag ang siyang sumagot sa telepono, hilingin lamang na makausap ang kamag-anak na Kristiyano. Maaari mo ring anyayahan ang tapat na mga miyembro ng gayong sambahayan sa isang sosyal na pagtitipon o kumain sa inyong tahanan. Kung nagkatagpo kayo samantalang namimili, magagamit mo ang pagkakataong iyon para sa ilang nakapagpapatibay na pagsasamahan. Tandaan, ang tapat na mga Kristiyano na may natiwalag na mga kamag-anak ay bahagi pa rin ng malinis na organisasyon ni Jehova. Madali silang mapag-isa at masiraan ng loob. Kung gayon, maging alisto sa pagpapakita ng kabaitan at pag-ibig sa kanila. Patuloy na gumawa ng mabuti ‘doon sa lahat ng mga kaugnay sa iyo sa pananampalataya’.—Galacia 6:10.
Pahalagahan ang Paglalaan ni Jehova
Anong laking pasasalamat natin na nagpapakita ang Diyos na Jehova ng malumanay na pagmamalasakit sa bawat isa sa pandaigdig na pamilya ng kaniyang mga mananamba. Maibigin siyang naglaan ng isang kaayusan sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon upang alalayan tayo sa paglakad sa harap niya sa isang matuwid na paraan. Kahit na kung ang isang miyembro ng pamilya ay kusang nagkakasala at kailangang itiwalag mula sa kongregasyon, may paraan upang makabalik kung talagang nagsisisi siya. Ito ay inilalarawan ng sumusunod na halimbawa:
Sinikap ng matatanda na tulungan ang isang tao na tatawagin nating Anna, subalit siya’y bumaling sa paninigarilyo, pag-inom, at droga. Siya ay di-nagsisisi at hindi nanatili sa kongregasyon. Gayunman, di-nagtagal ay nagsimulang hanap-hanapin ni Anna ang maibiging pagsasamahan ng malinis na kongregasyon ni Jehova at siya’y nanalangin sa kaniya ukol sa tulong. Inamin niya na hindi niya lubos na napahalagahan kung gaanong pangangalaga ang ginagawa ng matatanda sa mga nawawalay. Nagsimula uling dumalo sa mga pulong si Anna, at ito’y umakay sa pagsisisi. Pagkatapos noon, siya’y tinanggap muli sa loob ng maibigin at nagsasanggalang na kongregasyon. Muli, itinataguyod na naman ni Anna ang mataas na pamantayan ni Jehova sa moralidad. Siya’y nagpapasalamat sa pag-ibig na ipinakita ng matatanda at nagsabi rin: “Hindi ninyo maubos-maisip kung gaanong tulong ang naidulot ng mga publikasyong Kristiyano sa akin. Tunay na sinasapatang mabuti ni Jehova ang ating mga pangangailangan.”
Oo, naglaan si Jehova ng daang pabalik para sa mga natiwalag mula sa kaniyang kongregasyon subalit nagsisi nang maglaon. Nakita rin natin na maging ang pagtitiwalag mismo ay isang maibiging paglalaan. Subalit anong buti nga na iwasan ang nakahahapis na karanasang ito sa pamamagitan ng palaging panghahawakan sa matuwid na mga daan ng ating banal na Diyos! Harinawang tayo’y maging mapagpasalamat sa pribilehiyo ng pagpuri kay Jehova bilang isang bahagi ng kaniyang malinis, maibigin, at nagsasanggalang na organisasyon.
[Larawan sa pahina 26]
Nagpapamalas ka ba ng pag-ibig sa tapat na mga kamag-anak niyaong mga natiwalag mula sa kongregasyon?