Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 7/15 p. 28-30
  • Ang mga Karaite at ang Kanilang Paghahanap sa Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Karaite at ang Kanilang Paghahanap sa Katotohanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Papaano ba Nagsimula ang Alitan?
  • Nagkasalungatan ang mga Karaite at ang mga Rabbi
  • Papaano Tumugon ang mga Rabbi?
  • Nawalan ng Puwersa ang Kilusang Karaite
  • Ang Pasalitang Batas—Bakit Ito Isinulat?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • “Kaliwanagan” Tungkol sa Bibliya Mula sa Pinakamatandang Aklatan sa Russia
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Judaismo—Paghahanap sa Diyos sa Tulong ng Kasulatan at Tradisyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Ano Ba ang Talmud?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 7/15 p. 28-30

Ang mga Karaite at ang Kanilang Paghahanap sa Katotohanan

“LUBUSAN mong saliksikin ang [Kasulatan] at huwag kang umasa sa aking palagay.” Ang mga salitang ito ay binigkas ng isang pinunong Karaite noong ikawalong siglo C.E. Sino ba ang mga Karaite? May matututuhan kaya tayong anumang mahalaga mula sa kanilang halimbawa? Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangang bumalik tayo sa kasaysayan tungkol sa isang matagal-nang alitan na umakay sa kilusang Karaite.

Papaano ba Nagsimula ang Alitan?

Noong mga huling siglo bago ng Karaniwang Panahon, bumangon ang isang bagong pilosopiya sa loob ng Judaismo. Iyon ay ang idea na ang Diyos ay nagbigay ng dalawang Batas sa Bundok Sinai, isa na isinulat at isa na binigkas.a Pagsapit ng unang siglo C.E., may maiinit na pagtatalo sa pagitan niyaong tumatanggap ng bagong turo na ito at niyaong tumatanggi rito. Ang mga Fariseo ang siyang mga tagapagtaguyod, samantalang kabilang naman sa mga salungat ang mga Saduceo at ang mga Eseno.

Sa gitna ng nagaganap na alitang ito, si Jesus ng Nasaret ay dumating bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Daniel 9:24, 25; Mateo 2:1-6, 22, 23) Hinarap ni Jesus ang lahat niyaong nagkakasalungatang grupo ng mga Judio. Sa pakikipagkatuwiranan sa kanila, tinuligsa niya ang ginagawang pagpapawalang-bisa sa salita ng Diyos dahil sa kanilang mga tradisyon. (Mateo 15:3-9) Itinuro rin ni Jesus ang espirituwal na mga katotohanan sa paraan na ang Mesiyas lamang ang makagagawa. (Juan 7:45, 46) Isa pa, ang tunay na mga tagasunod lamang ni Jesus ang nagbigay patotoo ng pag-alalay ng Diyos. Nakilala sila bilang ang mga Kristiyano.​—Gawa 11:26.

Nang mawasak ang templo sa Jerusalem noong 70 C.E., tanging ang mga Fariseo lamang ang grupong nakaligtas na buo. Ngayong wala nang pagkasaserdote, mga hain, at templo, ang Judaismo ng mga Fariseo ay maaari nang makaimbento ng kahalili para sa lahat ng ito, anupat nagpapahintulot na ang tradisyon at pagpapakahulugan ang pumalit sa nasusulat na Batas. Ito ang nagbukas ng daan para maisulat ang bagong “sagradong mga aklat.” Una ay ang Mishnah, lakip ang mga karagdagan nito at pagpapakahulugan ng kanilang binigkas na batas. Nang maglaon, idinagdag ang iba pang koleksiyon ng mga kasulatan at tinawag na Talmud. Kasabay nito, sinimulan ng apostatang mga Kristiyano ang paglihis sa mga turo ni Jesus. Ang dalawang grupong ito ang pinagmulan ng makapangyarihang mga sistema sa relihiyon​—ang rabinikong awtoridad sa isang panig at ang awtoridad ng simbahan sa kabilang panig.

Dahil sa pakikipag-alitan ng mga Judio sa paganong Roma at nang dakong huli sa “Kristiyanong” Roma, ang sentro ng Judaismo ay nalipat sa Babilonya nang dakong huli. Doon inayos ang mga kasulatan ng Talmud sa kumpletong kayarian nito. Bagaman inangkin ng mga rabbi na mas lubusang isinisiwalat ng Talmud ang kalooban ng Diyos, nadama ng maraming Judio ang tumitinding impluwensiya ng rabinikong awtoridad at sila’y nanabik sa salita ng Diyos na inihatid sa kanila sa pamamagitan ni Moises at ng mga propeta.

Sa huling kalahatian ng ikawalong siglo C.E., ang mga Judio sa Babilonya na sumalungat sa rabinikong awtoridad at sa paniniwala sa kanilang binigkas na batas ay tumugon nang may pagsang-ayon sa isang may-kaalamang lider na nagngangalang Anan ben David. Ipinahayag niya ang karapatan ng bawat Judio sa walang-takdang pag-aaral ng Hebreong Kasulatan bilang ang tanging pinagmumulan ng tunay na relihiyon, nang hindi isinasaalang-alang ang rabinikong pagpapakahulugan o ang Talmud. Itinuro ni Anan: “Lubusan mong saliksikin ang Torah [ang nasusulat na batas ng Diyos] at huwag kang umasa sa aking palagay.” Dahil sa pagbibigay-diin na ito sa Kasulatan, ang mga tagasunod ni Anan ay nakilala bilang Qa·ra·ʼimʹ, isang Hebreong pangalan na nangangahulugang “mga mambabasa.”

Nagkasalungatan ang mga Karaite at ang mga Rabbi

Ano ang ilang halimbawa ng mga turo ng mga Karaite na naging sanhi ng pangamba sa mga rabinikong grupo? Ipinagbabawal ng mga rabbi ang pagkain ng pinagsamang karne at gatas. Iniharap nila ito bilang binigkas-na-batas na pagpapaliwanag sa Exodo 23:19, na nagsasabi: “Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.” Sa kabilang panig, itinuro ng mga Karaite na iyon lamang sinabi ng talatang ito ang siyang kahulugan nito​—walang labis, walang kulang. Nangatuwiran sila na imbento lamang ng tao ang mga pagbabawal ng mga rabbi.

Ayon sa kanilang pagpapakahulugan sa Deuteronomio 6:8, 9, nanghawakan ang mga rabbi na ang mga lalaking Judio ay kailangang manalangin nang nakasuot ng tefillin, o pilakterya, at na dapat maglagay ng isang mezuzah sa bawat haligi ng pintuan.b Itinuring ng mga Karaite na ang mga talatang ito ay mayroon lamang matalinghaga at makasagisag na kahulugan at dahil dito ay tinanggihan ang gayong mga rabinikong alituntunin.

Sa ibang bagay ay mas mahigpit naman ang mga Karaite kaysa sa mga rabbi. Halimbawa, tingnan ang kanilang pangmalas sa Exodo 35:3, na kababasahan: “Huwag kayong magpaparingas ng apoy sa alinman sa inyong mga dakong tirahan sa araw ng sabbath.” Ipinagbabawal ng mga Karaite na panatilihing may ningas ang isang lampara o ilawan kahit na ito’y sinindihan bago pa man ang Sabbath.

Lalo na pagkamatay ni Anan, madalas magtalo ang mga Karaite tungkol sa antas at uri ng ilang pagbabawal, at hindi laging maliwanag ang kanilang mensahe. Hindi nagkakaisa ang mga Karaite dahil wala silang kinikilalang isang pinuno kundi idiniriin ang personal na pagbabasa at pagpapakahulugan ng Kasulatan, na salungat naman sa rabinikong istilo ng awtoridad. Gayunman, sa kabila nito, naging popular at maimpluwensiya ang kilusan ng mga Karaite nang lampas pa sa pamayanan ng mga Judiong taga-Babilonya at lumaganap sa buong Gitnang Silangan. Itinatag pa man din sa Jerusalem ang isang pangunahing sentro ng mga Karaite.

Noong ikasiyam at ikasampung siglo C.E., nakahigit ang mga iskolar na Karaite sa panibagong pag-aaral ng wikang Hebreo at nakaranas sila ng isang uri ng ginintuang panahon. Itinuring nilang banal ang teksto ng Hebreong Kasulatan, hindi ang bibigang mga tradisyon. Ang ilang Karaite ay naging maiingat na tagakopya ng Hebreong Kasulatan. Sa katunayan, ang hamon ng mga Karaite ang nagpasigla ng Masoretikong pag-aaral ng Kasulatan sa lahat ng Judio, anupat tumitiyak ng isang wastong naingatang teksto ng Bibliya sa ngayon.

Sa panahong ito ng mabilis na pagsulong, ang Judaismo ng mga Karaite ay nagsagawa ng hayagang pagmimisyonero sa ibang mga Judio. Ito’y nagsilbing isang malinaw na banta sa rabinikong Judaismo.

Papaano Tumugon ang mga Rabbi?

Ang ganti ng mga rabbi ay matinding batuhan ng mga salita, anupat tusong ibinabagay at binabago ang kanilang mga turo upang makamit ang kanilang tunguhin. Sa siglong kasunod ng pag-atake ni Anan, ang rabinikong Judaismo ay gumamit ng ilang pamamaraan ng mga Karaite. Naging lalong mahusay ang mga rabbi sa pagsipi ng Kasulatan, anupat inilakip ang istilo at pamamaraan ng mga Karaite sa kanilang retorika.

Ang kinilalang lider ng pakikipagbatuhang ito ng mga salita sa mga Karaite ay si Saʽadia ben Joseph, na naging pinuno ng Judiong pamayanan sa Babilonya noong unang kalahatian ng ikasampung siglo C.E. Ang pangunahing akda ni Saʽadia na The Book of Beliefs and Opinions ay isinalin sa Ingles ni Samuel Rosenblatt, na nagsabi sa pambungad nito: “Kahit na . . . siya ang awtoridad sa Talmud noong kaniyang kaarawan, bihirang gamitin [ni Saʽadia] ang pinagmulang ito ng Judiong tradisyon, malamang na dahil sa kaniyang hangarin na madaig sa pamamagitan ng kanilang sariling sandata ang mga Karaite na tumanggap sa Nasusulat na Batas lamang bilang tanging maybisa.”

Bilang pagsunod sa yapak ni Saʽadia, nang maglaon ay nangibabaw ang rabinikong Judaismo. Nagawa ito sa pamamagitan ng pakikibagay sa antas na sapat lamang upang maalis ang matibay na ebidensiya mula sa mga pangangatuwiran ng mga Karaite. Ang pangwakas na dagok ay nanggaling kay Moses Maimonides, ang kilalang iskolar sa Talmud noong ika-12 siglo. Sa kaniyang mapagparayang saloobin sa mga Karaite na nakasama niyang manirahan sa Ehipto, pati na ang kaniyang mapanghikayat na istilong akademiko, nakamtan niya ang kanilang paghanga at napahina ang kalagayan ng kanilang sariling liderato.

Nawalan ng Puwersa ang Kilusang Karaite

Ngayong nagkakabaha-bahagi na at walang magkakasuwatong pamamaraan ng pagtatanggol, naiwala ng kilusang Karaite kapuwa ang puwersa at ang mga tagasunod. Sa paglakad ng panahon, binago ng mga Karaite ang kanilang mga pangmalas at simulain. Ganito ang isinulat ni Leon Nemoy, isang awtor tungkol sa kilusang Karaite: “Samantalang ipinagpapalagay na nanatiling ipinagbabawal ang Talmud, karamihan sa mga impormasyon mula sa Talmud ay palihim na inilakip sa pagtupad ng batas at kaugalian ng mga Karaite.” Sa diwa, naiwala ng mga Karaite ang kanilang orihinal na layunin at tinanggap ang kalakhang bahagi ng rabinikong Judaismo.

Mayroon pa ring humigit-kumulang 25,000 Karaite sa Israel. Ilang libo pa ang matatagpuan sa ibang pamayanan, karamihan ay sa Russia at sa Estados Unidos. Gayunman, yamang taglay ang kanilang sariling binigkas na mga tradisyon, naiiba sila buhat sa unang mga Karaite.

Ano ang matututuhan natin mula sa kasaysayan ng mga Karaite? Na isang malaking pagkakamali na ‘pawalang-bisa ang salita ng Diyos dahil sa tradisyon.’ (Mateo 15:6) Kailangan ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan upang makalaya buhat sa nagpapabigat na mga tradisyon ng tao. (Juan 8:31, 32; 2 Timoteo 3:16, 17) Oo, yaong nagsisikap na makaalam at matupad ang kalooban ng Diyos ay hindi umaasa sa mga tradisyon ng tao. Sa halip, masikap nilang sinasaliksik ang Bibliya at ikinakapit ang kapaki-pakinabang na turo ng kinasihang Salita ng Diyos.

[Mga talababa]

a Para sa paliwanag tungkol sa umano’y binigkas na batas, tingnan ang pahina 8-11 ng brosyur na Will There Ever Be a World Without War?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Ang tefillin ay dalawang maliit at parisukat na kahong yari sa katad na naglalaman ng mga pergaminong sinulatan ng mga talata sa Kasulatan. Ang mga kahitang ito ay kinaugaliang isuot sa kaliwang bisig at sa ulo sa panahon ng pananalangin tuwing umaga. Ang mezuzah naman ay isang maliit na balumbong pergamino na doo’y nakasulat ang Deuteronomio 6:4-9 at 11:13-21, na inilagay sa isang kahita na ikinabit sa haligi ng pintuan.

[Larawan sa pahina 30]

Isang grupo ng mga Karaite

[Credit Line]

Mula sa aklat na The Jewish Encyclopedia, 1910

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share