“Ang Aking Pamatok ay May Kabaitan at ang Aking Pasan ay Magaan”
“Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin.”—MATEO 11:29.
1, 2. (a) Ano ang naranasan ninyo sa buhay na nagdulot sa inyo ng kaginhawahan? (b) Ano ang kailangang gawin ng isa upang matamo ang kaginhawahan na ipinangako ni Jesus?
ISANG nakarerepreskong paligo sa dulo ng maalinsangan at mahalumigmig na maghapon, o mahimbing na pagtulog pagkatapos ng isang mahaba at nakáhahapong paglalakbay—o, anong ginhawa! Gayundin naman kapag naalis ang isang mabigat na pasanin o napatawad ang mga pagkakasala at paglabag. (Kawikaan 25:25; Gawa 3:19) Ang kaginhawahang naidudulot ng gayong nakapagpapasiglang mga karanasan ay nakapagpapanariwa sa atin, at tayo’y napalalakas na gumawa pa nang higit.
2 Lahat ng nabibigatan at napapagod ay makalalapit kay Jesus, sapagkat gayon nga ang ipinangako niya sa kanila—kaginhawahan. Gayunman, upang makasumpong ng kaginhawahan na totoong kalugud-lugod, may isang bagay na kailangang handang gawin ng isa. “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin,” sabi ni Jesus, “at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:29) Ano ang pamatok na ito? Papaano ito nagdudulot ng kaginhawahan?
Isang Pamatok na May Kabaitan
3. (a) Anong uri ng mga pamatok ang ginagamit noong panahon ng Bibliya? (b) Anong makasagisag na kahulugan ang iniuugnay sa isang pamatok?
3 Palibhasa’y nabubuhay sa isang lipunan ng mga magsasaka, pamilyar kay Jesus at sa kaniyang mga tagapakinig ang tungkol sa pamatok. Karaniwan na, ang pamatok ay isang mahabang kahoy na may dalawang ukà sa gawing ilalim upang maiagpang sa leeg ng isang pares ng panghilang mga hayop, karaniwan nang gaya ng baka, upang pagtuwángin ang mga ito sa paghila ng isang araro, o kariton, o iba pang kargada. (1 Samuel 6:7) Gumagamit din ng pamatok para sa mga tao. Ito ay simpleng kahoy o haligi na pinapasan sa balikat samantalang may pasan na nakakabit sa magkabilang dulo. Sa pamamagitan nito, ang mga manggagawa ay nakapagdadala ng mabibigat na pasan. (Jeremias 27:2; 28:10, 13) Dahil sa kaugnayan nito sa mga pasanin at paggawa, ang pamatok ay malimit gamitin sa makasagisag na paraan sa Bibliya upang lumarawan sa pananakop at pagsupil.—Deuteronomio 28:48; 1 Hari 12:4; Gawa 15:10.
4. Ano ang isinasagisag ng pamatok na iniaalok ni Jesus sa mga lumalapit sa kaniya?
4 Ano, kung gayon, ang pamatok na ipinag-anyaya ni Jesus na pasanin niyaong lumalapit sa kaniya ukol sa kaginhawahan? Alalahanin na sinabi niya: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin.” (Mateo 11:29) Ang natututo ay isang alagad. Samakatuwid, ang pagpasan sa pamatok ni Jesus ay talagang nangangahulugan ng pagiging kaniyang alagad. (Filipos 4:3) Gayunman, ito’y humihiling ng higit pa kaysa sa pagkaalam lamang sa kaniyang mga turo. Humihiling ito ng pagkilos kasuwato ng mga ito—ginaganap ang kaniyang gawain at tinutularan ang kaniyang paraan ng pamumuhay. (1 Corinto 11:1; 1 Pedro 2:21) Humihiling ito ng kusang pagpapasakop sa awtoridad niya at doon sa mga pinagkalooban niya ng awtoridad. (Efeso 5:21; Hebreo 13:17) Nangangahulugan ito ng pagiging nakaalay, bautisadong Kristiyano, na tinatanggap ang lahat ng pribilehiyo at pananagutan na kalakip sa gayong pag-aalay. Iyon ang pamatok na iniaalok ni Jesus sa lahat ng lumalapit sa kaniya ukol sa kaaliwan at kaginhawahan. Handa mo bang tanggapin iyon?—Juan 8:31, 32.
5. Bakit hindi magiging isang malupit na karanasan ang magpasan ng pamatok ni Jesus?
5 Ang makasumpong ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagpapasan ng pamatok—hindi ba isang pagkakasalungatan iyan? Hindi naman talagang gayon, yamang sinabi ni Jesus na ang kaniyang pamatok ay “may kabaitan.” Ang salitang ito ay may kahulugan ng pagiging mahinahon, kalugud-lugod, kaayaaya. (Mateo 11:30; Lucas 5:39; Roma 2:4; 1 Pedro 2:3) Bilang isang propesyonal na karpintero, malamang na gumawa si Jesus ng mga araro at pamatok, at alam niya kung papaano ihugis ang isang pamatok na aakma upang pinakamalaking gawain ang magampanan nang maalwan hangga’t maaari. Maaaring sinasapinan niya ang mga pamatok ng aporong yari sa tela o katad. Ganiyan ang pagkagawa sa marami upang ang mga ito ay hindi gaanong makagasgas, o makakuskos, ng leeg. Gayundin naman, ang makasagisag na pamatok na iniaalok ni Jesus ay “may kabaitan.” Bagaman nasasangkot sa pagiging alagad niya ang ilang obligasyon at pananagutan, hindi iyon isang malupit o mahirap na karanasan kundi nakagiginhawa pa nga. Ang mga kautusan ng kaniyang Makalangit na Ama, si Jehova, ay hindi rin naman nakapagpapabigat.—Deuteronomio 30:11; 1 Juan 5:3.
6. Ano kaya ang maaaring ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Pasanin ninyo ang aking pamatok”?
6 May isa pang bagay kung bakit ang pamatok ni Jesus ay “may kabaitan,” o magaang dalhin. Nang sabihin niya: “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” maaaring isa sa dalawang bagay ang tinutukoy niya. Kung ang nasa isip niya ay ang dobleng pamatok, alalaong baga, ang uri na nagkakawing sa dalawang panghilang hayop upang hilahin ang kargada, kung gayon ay inaanyayahan niya tayo na makituwáng sa pasan niyang pamatok. Ano ngang laking pagpapala iyan—ang makasama si Jesus sa paghila ng ating pasan! Sa kabilang dako, kung ang nasa isip ni Jesus ay ang pamatok na ginagamit ng karaniwang manggagawa, kung gayon ay nag-aalok siya sa atin ng pantulong na sa pamamagitan nito ay magiging mas magaan o mas madali ang anumang pasan na kailangan nating dalhin. Alinman dito, ang kaniyang pamatok ay pinagmumulan ng tunay na kaginhawahan sapagkat tinitiyak niya sa atin: “Sapagkat ako’y mahinahong-loob at mababa ang puso.”
7, 8. Anong pagkakamali ang ginagawa ng ilan kapag sila’y nasasagad na?
7 Ano, kung gayon, ang nararapat nating gawin kung nadarama natin na ang mga suliranin sa buhay na ating pinapasan ay hindi na natin makayanan at tayo’y halos masagad na? Baka ang ilan ay di-wastong makadama na ang pamatok ng pagiging alagad ni Jesu-Kristo ay napakahirap o lubhang mabigat, bagaman ang kabalisahan sa pang-araw-araw na pamumuhay ang siyang nagpapabigat sa kanila. Ang ilang tao na may ganiyang kalagayan ay humihinto na ng pagdalo sa mga pulong Kristiyano, o hindi na nakikibahagi sa ministeryo, marahil sa pag-aakalang ito’y makagiginhawa sa kanila. Subalit iyan ay isang malubhang pagkakamali.
8 Nauunawaan natin na ang pamatok na iniaalok ni Jesus ay “may kabaitan.” Kung hindi natin iyon dadalhin sa tamang paraan, maaaring makagasgas iyon. Kung gayon nararapat nating suriin ang pamatok na nasa balikat natin. Kung, sa anumang kadahilanan, ang pamatok ay may depekto o hindi wasto ang pagkakalagay, ang paggamit dito ay hindi lamang uubos ng ating lakas kundi magdudulot pa nga ng kirot. Sa ibang pananalita, kung nagiging waring pasanin na sa atin ang teokratikong mga gawain, kailangang suriin natin kung ginagampanan natin ang mga ito sa tamang paraan. Ano ba ang ating motibo sa ating ginagawa? Tayo ba ay sapat na nakapaghanda kapag dumadalo sa mga pulong? Nakakondisyon ba ang ating katawan at isipan kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan? Nagtatamasa ba tayo ng malapit at mabuting kaugnayan sa mga iba sa kongregasyon? At, higit sa lahat, kumusta ang ating personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo?
9. Bakit ang Kristiyanong pamatok ay hindi kailanman nararapat na maging isang napakabigat na pasanin?
9 Kapag buong-pusong tinatanggap natin ang pamatok na iniaalok ni Jesus at natututo tayong dalhin iyon sa wastong paraan, walang dahilan para iyon ay maging isang napakabigat na pasanin. Sa katunayan, kung mailalarawan natin ang situwasyon—katuwáng natin si Jesus sa iisang pamatok—hindi mahirap para sa atin na makita kung sino talaga ang nagdadala ng malaking bahagi ng pasanin. Iyon ay katulad sa isang batang paslit na nakahilig sa hawakán ng kaniyang stroller, anupat iniisip na itinutulak niya iyon, pero ang totoo, siyempre, ang magulang ang siyang gumagawa niyaon. Bilang isang maibiging Ama, alam na alam ni Jehova ang ating mga limitasyon at mga kahinaan, at tumutugon siya sa ating mga pangangailangan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang “Diyos naman ay maglalaan nang lubusan ng lahat ng inyong pangangailangan sa abot ng kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian sa pamamagitan ni Kristo Jesus,” sabi ni Pablo.—Filipos 4:19; ihambing ang Isaias 65:24.
10. Ano ang naging karanasan ng isa na taimtim na isinasaalang-alang ang pagiging alagad?
10 Maraming nakaalay na Kristiyano ang nakaunawa nito sa pamamagitan ng personal na karanasan. Halimbawa, nariyan si Jenny, na nasumpungang maigting para sa kaniya ang paglilingkod bilang auxiliary pioneer bawat buwan at ang pagkakaroon ng isang mahirap at buong-panahong sekular na trabaho. Gayunman, nadarama niya na ang pagpapayunir ay aktuwal na nakatutulong sa kaniya na manatiling timbang. Ang pagtulong sa mga tao na matutuhan ang katotohanan sa Bibliya at makitang binabago nila ang kanilang buhay upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos—ito ang nagdudulot sa kaniya ng pinakamalaking kagalakan sa kaniyang magawaing buhay. Buong-puso siyang sumasang-ayon sa mga salita ng kawikaan na nagsasabi: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kalungkutan.”—Kawikaan 10:22.
Isang Magaan na Pasan
11, 12. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Ang aking pasan ay magaan”?
11 Bukod pa sa pangangako sa atin ng isang pamatok na “may kabaitan,” tinitiyak sa atin ni Jesus: “Ang aking pasan ay magaan.” Ang isang pamatok na “may-kabaitan” ay sapat na upang maging mas madali ang gawain; kung ang pasan ay pinagaan din naman, tunay ngang kasiya-siya ang gawain. Subalit ano nga ba ang nasa isip ni Jesus sa pangungusap na iyan?
12 Tingnan kung ano ang gagawin ng isang magsasaka kung ibig niyang baguhin ang trabaho ng kaniyang mga hayop, halimbawa mula sa pag-aararo ng bukid tungo sa paghila ng kariton. Aalisin muna niya ang araro at saka ikakabit ang kariton. Magiging kakatuwa nga kung pareho niyang itatali ang araro at kariton sa mga hayop. Gayundin, hindi naman sinasabi ni Jesus sa mga tao na ipatong nila ang kaniyang pasan sa ibabaw ng isa na dala-dala na nila. Ganito ang sabi niya sa kaniyang mga alagad: “Walang tagapaglingkod sa bahay ang maaaring maging alipin ng dalawang panginoon.” (Lucas 16:13) Sa gayon, binibigyan ni Jesus ang mga tao ng mapagpipilian. Patuloy ba nilang dadalhin ang kanilang mabigat na pasan, o ibababa nila iyon at tatanggapin ang iniaalok niya? Binigyan sila ni Jesus ng maibiging pangganyak: “Ang aking pasan ay magaan.”
13. Anong pasan ang taglay ng mga tao noong kaarawan ni Jesus, at ano ang resulta?
13 Noong kaarawan ni Jesus, nagpupunyagi ang mga tao sa ilalim ng mabigat na pasan na ipinataw sa kanila ng mapaniil na mga tagapamahalang Romano at ng mahihigpit, mapagpaimbabaw na mga pinunong relihiyoso. (Mateo 23:23) Sa pagtatangkang makalaya buhat sa pamamahalang Romano, sinikap ng ilang tao na kumilos ayon sa inaakala nilang nararapat. Nasangkot sila sa pulitikal na pakikipaglaban, na nauwi lamang sa kapahamakan. (Gawa 5:36, 37) Ang iba naman ay determinadong paunlarin ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng labis na pagkasangkot sa materyal na mga tunguhin. (Mateo 19:21, 22; Lucas 14:18-20) Nang alukin sila ni Jesus ng ikagiginhawa sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kanila na maging mga alagad niya, hindi lahat ay handang tumanggap. Nag-aatubili silang ibaba ang kanilang pasan, bagaman mabigat iyon, at dalhin ang kaniyang pasan. (Lucas 9:59-62) Anong laking pagkakamali!
14. Papaano tayo mapabibigatan ng mga kabalisahan sa buhay at materyal na mga hangarin?
14 Kung hindi tayo maingat, makagagawa rin tayo ng gayunding pagkakamali ngayon. Ang pagiging alagad ni Jesus ay nagpapalaya sa atin mula sa pagsusumikap sa mga tunguhin at pamantayan na kagaya ng sa mga tao sa sanlibutan. Bagaman kailangan pa rin nating magpagal upang matamo ang pang-araw-araw na mga pangangailangan, ang mga ito ay hindi natin ginagawang pinakasentro sa ating buhay. Subalit, ang mga kabalisahan sa buhay at ang pang-akit ng materyal na kaginhawahan ay maaaring makaimpluwensiya sa atin. Kung pahihintulutan natin, ang gayong mga hangarin ay maaari pa ngang makahadlang sa katotohanan na may pananabik nating tinanggap. (Mateo 13:22) Baka labis na mabuhos ang ating pansin sa pagtugon sa gayong mga hangarin anupat ang ating mga pananagutang Kristiyano ay nagiging nakababagot na mga obligasyon na ibig nating basta na lamang magampanan at matapos kaagad. Tiyak na hindi tayo makasusumpong ng anumang kaginhawahan sa ating paglilingkod sa Diyos kung ganiyan ang ating kaisipan.
15. Anong babala ang ibinigay ni Jesus hinggil sa materyal na mga hangarin?
15 Itinuro ni Jesus na natatamo ang pagkakontento sa buhay, hindi sa pamamagitan ng pagsusumikap na tugunin ang ating mga naisin, kundi sa pamamagitan ng pagtiyak sa mas mahahalagang bagay sa buhay. “Tigilan na ninyo ang pagkabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan may kinalaman sa kung ano ang inyong isusuot,” ang payo niya. “Hindi ba higit na mahalaga ang kaluluwa kaysa pagkain at ang katawan kaysa pananamit?” Pagkatapos ay itinawag-pansin niya ang mga ibon sa langit at saka sinabi: “Hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama.” Sa pagtukoy sa mga liryo sa parang, sinabi niya: “Hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon man sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.”—Mateo 6:25-29.
16. Ano ang ipinakikita ng karanasan hinggil sa epekto ng materyal na mga tunguhin?
16 May matututuhan ba tayo mula sa payak na mga halimbawang ito? Karaniwang nararanasan na habang lalong nagsusumikap ang isang tao na umunlad sa kabuhayan, lalo naman siyang nasasangkot sa makasanlibutang mga tunguhin at nagiging mas mabigat ang kaniyang pasanin. Ang daigdig ay punúng-punó ng mga nakipagsapalaran na ang naging kapalit ng kanilang tagumpay sa materyal ay watak-watak na pamilya, bigong pag-aasawa, sakit, at marami pa. (Lucas 9:25; 1 Timoteo 6:9, 10) Ganito ang minsang sinabi ni Albert Einstein na pinagkalooban ng Nobel Prize: “Ang mga tinatangkilik, panlabas na tagumpay, publisidad, karangyaan—para sa akin ang mga ito sa tuwina ay walang-silbi. Ako ay naniniwala na ang simple at katamtamang paraan ng pamumuhay ang siyang pinakamabuti para sa lahat.” Inuulit lamang ng pananalitang ito ang simpleng payo ni apostol Pablo: “Ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, ang maka-Diyos na debosyon na ito kasama ng pagka-nasisiyahan-sa-sarili.”—1 Timoteo 6:6.
17. Anong paraan ng pamumuhay ang inirerekomenda ng Bibliya?
17 May isang mahalagang bagay na hindi natin dapat kaligtaan. Bagaman maraming pakinabang sa “simple at katamtamang paraan ng pamumuhay,” ito sa ganang sarili ay hindi siyang nagdudulot ng pagkakontento. Marami ang may simpleng paraan ng pamumuhay dahil sa di-maiiwasang mga kalagayan, subalit sila ay hindi talagang kontento o maligaya. Hindi tayo hinihimok ng Bibliya na itakwil ang pagtatamasa ng materyal at mamuhay na tulad sa isang ermitanyo. Ang pagdiriin ay nasa maka-Diyos na debosyon, hindi sa pagka-nasisiyahan-sa-sarili. Matatamo lamang natin ang “paraan ng malaking pakinabang” kung pagtatambalin ang dalawang ito. Anong pakinabang? Sa pagpapatuloy ng liham ding iyan, sinabi ni Pablo na yaong mga ‘naglalagak ng kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos’ ay “maingat na nagtitipon para sa kanilang mga sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan sila nang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:17-19.
18. (a) Papaano masusumpungan ng isa ang tunay na kaginhawahan? (b) Papaano natin dapat na malasin ang mga pagbabagong marahil ay kailangang gawin natin?
18 Tatamasahin natin ang kaginhawahan kung matututuhan nating ibaba ang ating sariling mabigat na pasan at dadalhin ang magaang na pasan na iniaalok ni Jesus. Marami na nagsaayos ng kanilang buhay upang makibahagi nang lubusan sa paglilingkod sa Kaharian ay nakasumpong ng daan tungo sa maligaya at kontentong pamumuhay. Mangyari pa, kailangan ang pananampalataya at lakas ng loob upang magawa ito ng isa, at maaaring may mga hadlang sa paggawa nito. Subalit pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Siya na nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siya na tumitingin sa mga ulap ay hindi mag-aani.” (Eclesiastes 11:4) Maraming bagay ang hindi naman gayong kahirap minsang naipasiya na nating gawin ang mga ito. Waring ang pinakamahirap na bahagi ay ang pagpapasiya. Baka manghimagod tayo dahil sa pinaglalabanan o tinatanggihan natin ang idea. Kung ihahanda natin ang ating isip at tatanggapin ang hamon, baka masorpresa tayo na masumpungang iyon pala ay isang pagpapala. Ganito ang inirekomenda ng salmista: “O inyong tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.”—Awit 34:8; 1 Pedro 1:13.
“Pagpapanariwa ng Inyong mga Kaluluwa”
19. (a) Ano ang maaasahan natin habang patuloy na lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig? (b) Samantalang nasa ilalim ng pamatok ni Jesus, sa ano tayo nakatitiyak?
19 Ganito ang paalaala ni apostol Pablo sa unang-siglong mga alagad: “Kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:22) Totoo pa rin iyan sa ngayon. Habang lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig, nagiging lalong matindi ang panggigipit sa lahat ng determinadong mamuhay nang matuwid at may maka-Diyos na debosyon. (2 Timoteo 3:12; Apocalipsis 13:16, 17) Datapuwâ, nadarama natin ang gaya ng nadama ni Pablo nang sabihin niya: “Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan na hindi makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi ganap na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.” Ito’y dahil sa makaaasa tayo kay Jesu-Kristo na magbibigay sa atin ng lakas na higit sa karaniwan. (2 Corinto 4:7-9) Sa pamamagitan ng buong-pusong pagtanggap ng pamatok ng pagiging alagad, tatamasahin natin ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:29.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang may kabaitang pamatok na iniaalok ni Jesus?
◻ Ano ang nararapat nating gawin kung nadarama nating nagiging isang pasanin ang ating pamatok?
◻ Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Ang aking pasan ay magaan”?
◻ Papaano natin matitiyak na ang ating pasan ay nananatiling magaan?