Kung Ano ang Dapat Ninyong Malaman Tungkol sa Paninibugho
ANO ang paninibugho? Ito ay isang masidhing damdamin na maaaring maging sanhi ng kabalisahan, kalungkutan, o galit ng isang tao. Maaari nating maranasan ang paninibugho kapag ang iba ay waring mas matagumpay kaysa sa atin sa isang gawain. O maaari tayong makadama ng paninibugho kapag ang isang kaibigan ay pinapurihan nang higit kaysa sa atin. Subalit palagi bang mali ang paninibugho?
Ang mga taong nadaraig ng paninibugho ay may hilig na maghinala sa potensiyal na mga karibal. Si Haring Saul ng sinaunang Israel ay isang halimbawa nito. Sa simula ay minahal niya ang kaniyang tagapagdala ng armas, si David, na ginawa pa niyang isang lider ng hukbo. (1 Samuel 16:21; 18:5) Pagkatapos, isang araw ay narinig ni Haring Saul ang mga babae na pumupuri kay David taglay ang mga salitang: “Pinatay ni Saul ang kaniyang libu-libo, at ni David ang kaniyang sampu-sampung libo.” (1 Samuel 18:7) Hindi sana dapat na hinayaan ni Saul na makaapekto ito sa kaniyang mabuting kaugnayan kay David. Subalit, nagalit siya. “Si Saul ay patuloy na tumingin nang may paghihinala kay David mula nang araw na iyon.”—1 Samuel 18:9.
Ang isang naninibughong tao ay baka hindi naman naghahangad na mapinsala ang iba. Baka kinayayamutan lamang niya ang tagumpay ng isang kasama at ninanasang taglayin ang parehong mga katangian o kalagayan. Sa kabilang dako, ang inggit ay isang partikular na negatibong anyo ng paninibugho. Ang isang taong naiinggit ay maaaring palihim na magkait ng isang mabuting bagay sa isa na pumupukaw ng kaniyang paninibugho o maaaring magnais na mapinsala ang taong iyon. Kung minsan, hindi maitago ng isang taong naiinggit ang kaniyang damdamin. Maaaring mapakilos siya na hayagang pinsalain ang iba, kung papaanong tinangka ni Haring Saul na patayin si David. Hindi lamang miminsan na naghagis ng sibat si Saul sa pagtatangkang “tuhugin si David sa pader.”—1 Samuel 18:11; 19:10.
‘Pero ako ay hindi isang taong mapanibughuin,’ maaaring itugon mo. Totoo, maaaring hindi sinusupil ng paninibugho ang iyong buhay. Subalit, sa isang banda, lahat tayo ay apektado ng paninibugho—ng ating sariling paninibugho at niyaong sa iba. Bagaman mabilis na mapansin ang paninibugho ng iba, baka makupad naman tayo na makita iyon sa ating mga sarili.
“Nakahilig sa Pagkainggit”
Ang rekord ng likas na pagkamakasalanan ng tao gaya ng isiniwalat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay malimit na nagtatampok ng mga kasalanan ng pagkainggit. Natatandaan ba ninyo ang salaysay tungkol kina Cain at Abel? Ang dalawang anak na ito nina Adan at Eva ay naghandog ng mga hain sa Diyos. Ginawa iyon ni Abel dahil siya ay isang taong may pananampalataya. (Hebreo 11:4) Nanampalataya siya sa kakayahan ng Diyos na tuparin ang Kaniyang dakilang layunin may kinalaman sa lupa. (Genesis 1:28; 3:15; Hebreo 11:1) Naniwala rin si Abel na ang tapat na mga tao ay gagantimpalaan ng Diyos ng buhay sa dumarating na Paraiso sa lupa. (Hebreo 11:6) Sa gayon, ipinakita ng Diyos na siya’y nalugod sa hain ni Abel. Kung totoong iniibig ni Cain ang kaniyang kapatid, naging maligaya sana siya nang pagpalain ng Diyos si Abel. Sa halip, si Cain ay “nag-init sa matinding galit.”—Genesis 4:5.
Hinimok ng Diyos si Cain na gumawa ng mabuti upang siya rin naman ay makatanggap ng pagpapala. Pagkatapos ay nagbabala ang Diyos: “Kung ikaw ay hindi bumaling sa paggawa ng mabuti, nariyan ang kasalanan na nakayukayok sa pintuan, at nagnanasa sa iyo; at ikaw ba, sa ganang iyo, ay makadaraig niyaon?” (Genesis 4:7) Nakalulungkot, hindi dinaig ni Cain ang kaniyang may paninibughong galit. Ito ang nagtulak sa kaniya na patayin ang kaniyang matuwid na kapatid. (1 Juan 3:12) Mula noon, daan-daang milyong buhay ang ibinuwis sa mga paglalabanan at mga digmaan. “Ang ilan sa mga pangunahing sanhi ng digmaan ay maaaring ang paghahangad sa higit pang lupain, paghahangad sa higit pang kayamanan, paghahangad sa higit pang kapangyarihan, o paghahangad ng katiwasayan,” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia.
Hindi nakikibahagi ang tunay na mga Kristiyano sa mga digmaan ng sanlibutang ito. (Juan 17:16) Subalit nakalulungkot, may indibiduwal na mga Kristiyano kung minsan na nasasangkot sa mga batuhan ng masasakit na salita. Kung ang ibang miyembro ng kongregasyon ay nakikialam, ang mga pag-aaway na ito ay hahantong sa nakapipinsalang mga alitan. “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo?” ang tanong ng manunulat ng Bibliya na si Santiago sa kaniyang mga kapananampalataya. (Santiago 4:1) Sinagot niya ang tanong na ito sa pamamagitan ng paglalantad ng kanilang materyalistikong kasakiman at sinabi pa, “Patuloy kayong . . . nag-iimbot,” o “naninibugho.” (Santiago 4:2, talababa sa Ingles) Oo, ang materyalismo ay maaaring umakay sa pag-iimbot at paninibugho doon sa mga waring nagtatamasa ng mas mainam na kalagayan. Dahil dito, nagbabala si Santiago laban sa ‘hilig [ng tao] na mainggit.’—Santiago 4:5.
Anong kapakinabangan mayroon sa pagsusuri ng mga sanhi ng paninibugho? Buweno, makatutulong ito sa atin na maging matapat at itaguyod ang mas mabuting kaugnayan sa iba. Makatutulong din ito sa atin na maging mas maunawain, mapagparaya, at mapagpatawad. Higit sa lahat, itinatampok nito ang matinding pangangailangan ng tao sa maibiging paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan at pagkahango buhat sa makasalanang hilig ng tao.—Roma 7:24, 25.
Isang Sanlibutan na Walang Makasalanang Paninibugho
Buhat sa pangmalas ng tao, waring imposible ang isang sanlibutan na walang makasalanang paninibugho. Ganito ang inamin ng awtor na si Rom Landau: “Ang natipong karunungan sa maraming panahon, pati na ang nabanggit ng lahat ng mga pilosopo . . . at mga sikologo tungkol sa paksa, ay walang iniaalok na patnubay sa isang taong pinahihirapan ng paninibugho. . . . Mayroon na bang doktor na nakagamot sa isang taong naninibugho?”
Subalit ipinaaabot ng Salita ng Diyos ang pag-asa ng pagtatamo ng sakdal na buhay-tao sa isang bagong sanlibutan na kung saan ang sinuman ay hindi na kailanman sasalutin ng di-maka-Diyos na paninibugho o pagkainggit. Isa pa, ang kapayapaan sa bagong sanlibutang iyon ay hindi magagambala ng mga taong nagpapamalas ng gayong balakyot na mga katangian.—Galacia 5:19-21; 2 Pedro 3:13.
Gayunpaman, hindi lahat ng paninibugho ay di-nararapat. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na si Jehova “ay isang mapanibughuing Diyos.” (Exodo 34:14) Ano ang ibig sabihin nito? At ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa nararapat na paninibugho? Kasabay nito, papaano madaraig ng isang tao ang di-nararapat na paninibugho? Tingnan ang kasunod na mga artikulo.