Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 11/1 p. 25-29
  • Kaaliwan Para sa mga May “Bagbag na Espiritu”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaaliwan Para sa mga May “Bagbag na Espiritu”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Nakabaóng Alaala”
  • Talaga Nga Bang Naganap Iyon?
  • Paglalaan ng Kanlungan
  • Manatiling Matibay sa Espirituwalidad
  • Kumusta Naman ang Ipinalalagay na Nang-abuso?
  • Ano ang Magagawa ng Matatanda?
  • Paglaban sa Diyablo
  • “Isang Panahon ng Paggaling”
    Gumising!—1991
  • “Ang mga Dating Bagay ay Hindi Aalalahanin”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Pag-ibig at Katarungan sa Harap ng Kakila-kilabot na Kasamaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Tulong Para sa mga Biktima ng Pang-aabuso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 11/1 p. 25-29

Kaaliwan Para sa mga May “Bagbag na Espiritu”

SA NGAYON, ang sanlibutan ni Satanas ay “nawalan [na] ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:19; 1 Juan 5:19) Ang pangangalunya at pakikiapid ay naging palasak. Sa maraming lupain 50 porsiyento o mahigit pa ng pag-aasawa ang nagwawakas sa diborsiyo. Malawakang tinatanggap ang homoseksuwalidad. Ang seksuwal na karahasan​—panghahalay​—​ay madalas na nasa balita. Ang pornograpya ay isang bilyong-dolyar na industriya.​—Roma 1:26, 27.

Ang isa sa nakaririmarim na kahalayan ay ang seksuwal na pang-aabuso sa mga inosenteng bata. Tulad ng karunungan ng sanlibutan ni Satanas, ang seksuwal na pang-aabuso sa bata ay “makahayop, makademonyo.” (Santiago 3:15) Sa Estados Unidos lamang, sinasabi ng magasing Time na, “mahigit sa 400,000 kaso ng napatunayang seksuwal na pandarahas ang iniuulat ng mga guro at mga doktor sa mga awtoridad taun-taon.” Kahit ang mga biktimang ito’y magkaedad na, taglay pa rin ng marami ang masasakit na sugat, at ang mga sugat na ito’y totoo! Sabi ng Bibliya: “Ang espiritu [pangkaisipang hilig, lihim na damdamin at kaisipan] ng isang tao ay makapagtitiis sa kaniyang karamdaman; ngunit kung tungkol sa isang bagbag [sugatán, naghihirap] na espiritu, sino ang makapagtitiis nito?”​—Kawikaan 18:14.

Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nakaaakit sa lahat ng uri ng tao, kasali na ang may “pusong wasak” at yaong may “espiritung nasisiraan ng loob.” (Isaias 61:1-4) Hindi kataka-taka, marami sa mga may naghihirap na kalooban ang tumutugon sa ganitong paanyaya: “Ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Ang Kristiyanong kongregasyon ay maaaring maging isang dako ng kaaliwan para sa mga ito. Natutuwa silang malaman na ang pagdurusa’y malapit nang maging isang lumipas na kahapon. (Isaias 65:17) Gayunman, bago sumapit ang panahong iyon, baka kailangang sila’y ‘aliwin’ at ‘talian’ ang kanilang mga sugat. Angkop lamang ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.”​—1 Tesalonica 5:14.

“Nakabaóng Alaala”

Noong nakalipas na mga taon ang ilan ay nagtataglay ng “pusong wasak” dulot ng mga pangyayaring para sa iba’y mahirap maunawaan. Sila’y mga adulto na nagsasabi, batay sa tinatawag na “nakabaóng alaala,” na sila’y hinalay noong bata pa.a Ang iba naman ay wala sa isip na sila’y minolestiya hanggang sa di-inaasahan, biglang bumabalik ang kahapong nagdaan at “mga alaala” ng isang adulto (o mga adulto) na umabuso sa kanila noong sila’y bata pa. Mayroon bang sinuman sa Kristiyanong kongregasyon na may ganitong balisáng kaisipan? Sa ilang lupain, mayroon, at ang mga nakaalay na ito ay maaaring dumaranas ng matinding pagkabahala, galit, pagkadama ng kasalanan, pagkapahiya, o kalungkutan. Gaya ni David baka sila’y nakadaramang napahiwalay sa Diyos at napapabulalas: “Bakit, O Jehova, tumatayo kang malayo? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?”​—Awit 10:1.

Ang maraming anyo ng “mga alaala[ng]” ito ay hindi gaanong maunawaan ng mga propesyonal sa kalusugan ng pag-iisip. Magkagayon man, ang ganitong “mga alaala” ay nakapipinsala sa espirituwalidad ng mga nakaalay na Kristiyano. Kaya buong-pagtitiwala tayong umaasa ng patnubay mula sa Salita ng Diyos upang harapin ang mga ito. Ang Bibliya ay naglalaan ng “kaunawaan sa lahat ng mga bagay.” (2 Timoteo 2:7; 3:16) Tumutulong din ito sa lahat ng kinauukulan na sumampalataya kay Jehova, “ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.”​—2 Corinto 1:3, 4.

Talaga Nga Bang Naganap Iyon?

Sa sanlibutan, napakaraming kontrobersiya sa kung ano nga ba talaga ang “mga alaala[ng]” ito at kung hanggang saan kumakatawan ang mga ito sa mga bagay-bagay na aktuwal na naganap. Ang mga Saksi ni Jehova ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at hindi nakikibahagi sa kontrobersiyang ito. (Juan 17:16) Ayon sa mga napalathalang ulat, ang “mga alaala” kung minsan ay napatutunayang tumpak. Halimbawa, pagkatapos na “magunita” ng tagatantiya ng seguro na si Frank Fitzpatrick na siya’y minolestiya ng isang pari, halos sandaan pa ang lumitaw na nagsasabing sila man ay inabuso ng pari ring iyon. Iniulat na inamin ng pari ang pang-aabuso.

Gayunman, kapansin-pansin na hindi napatunayan ng ilang indibiduwal ang kanilang “mga alaala.” Napakaliwanag sa gunita ng ilang naghihirap sa ganitong paraan ang isang indibiduwal na nagkakasala ng pang-aabuso o ang pang-aabuso na ginagawa sa isang tiyak na lugar. Gayunman, pagkaraan, niliwanag ng kapani-paniwalang katibayan na ang mga “nagugunitang” detalyeng ito ay hindi maaaring magkatotoo.

Paglalaan ng Kanlungan

Gayunpaman, papaano mabibigyan ng kaaliwan yaong mga dumaranas ng “bagbag na espiritu” dahil sa gayong “mga alaala”? Alalahanin ang talinghaga ni Jesus tungkol sa mabait na Samaritano. Ang isang lalaki ay sinalakay ng mga magnanakaw, binugbog, at hinubaran ng kaniyang mga ari-arian. Nang dumaan ang Samaritano, nahabag siya sa sugatáng lalaki. Ano ang ginawa niya? Iginiit ba niya na dapat muna niyang marinig ang bawat detalye ng pambubugbog? O hiningi ba ng Samaritano ang hitsura ng mga magnanakaw at dali-daling hinabol ang mga ito? Hindi. Nasaktan ang lalaki! Kaya maingat na tinalian ng Samaritano ang kaniyang mga sugat at buong-pagmamalasakit na dinala siya sa ligtas na lugar sa malapit na bahay-tuluyan na doo’y maaari siyang magpagaling.​—Lucas 10:30-37.

Tunay nga, may pagkakaiba ang pisikal na mga sugat at ang “bagbag na espiritu” na bunga ng aktuwal na seksuwal na pang-aabuso sa panahon ng kabataan. Ngunit kapuwa ito nagdudulot ng matinding pagdurusa. Kung gayon, ang ginawa ng Samaritano sa sugatáng Judio ay nagpapakita kung ano ang maaaring gawin upang matulungan ang naghihirap na kasamahang Kristiyano. Ang dapat unahin ay ang pagbibigay ng maibiging kaaliwan at tulungan siyang gumaling.

Sinaktan ng Diyablo ang tapat na si Job, anupat sa malas ay nakatitiyak ito na alinman sa emosyonal o pisikal na paghihirap ay makasisira sa kaniyang katapatan. (Job 1:11; 2:5) Mula noon, madalas na ginagamit ni Satanas ang pagpapahirap​—tuwiran man niyang pinapangyayari ito o hindi​—upang pahinain ang pananampalataya ng mga lingkod ng Diyos. (Ihambing ang 2 Corinto 12:7-9.) Makapag-aalinlangan pa ba tayo na ginagamit ngayon ng Diyablo ang pang-aabuso sa bata at ang “espiritung nasisiraan ng loob” ng maraming adulto na dumaranas nito (o binabagabag ng “mga alaala” na sila’y nakaranas nito) upang subuking pahinain ang pananampalataya ng mga Kristiyano? Gaya ni Jesus nang salakayin ni Satanas, ang isang Kristiyano na nasasaktan ngunit buong-tatag na tumatangging talikuran ang kaniyang katapatan ay nagsasabi: “Lumayas ka, Satanas!”​—Mateo 4:10.

Manatiling Matibay sa Espirituwalidad

“Ang tapat at maingat na alipin” ay naglathala ng impormasyon upang tulungang harapin ang espirituwal at emosyonal na hapding dulot ng pang-aabuso noong bata pa. (Mateo 24:45-47) Ipinakikita ng karanasan na ang nagdurusa ay natutulungan kung siya’y aasa sa ‘lakas ng Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,’ na isinusuot “ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” (Efeso 6:10-17) Lakip sa pandigmang ito ang “katotohanan” ng Bibliya, na nagsisiwalat kay Satanas bilang ang huling kaaway at pumapawi sa kadiliman na doon siya at ang kaniyang mga kampon ay gumagawa. (Juan 3:19) Pagkatapos, nariyan “ang baluti ng katuwiran.” Ang naghihirap ay dapat na magsikap na manghawakan sa matuwid na mga pamantayan. Halimbawa, ang ilan ay may mapusok na simbuyo ng damdamin na pinsalain ang kanilang sarili o magkasala ng imoralidad. Sa bawat pagkakataong mapaglabanan nila ang ganitong mga simbuyo ng damdamin, sila’y nagwawagi!

Kalakip ng espirituwal na pandigma “ang mabuting balita ng kapayapaan.” Ang pakikipag-usap sa iba ng tungkol sa mga layunin ni Jehova ay nakapagpapalakas sa nagsasalita gayundin sa sinumang nakikinig. (1 Timoteo 4:16) Kung ikaw ay may “bagbag na espiritu,” anupat napakahirap sa iyo na ipakipag-usap ang tungkol sa mabuting balita, sikapin mong sumama sa isa pang Kristiyano habang ginaganap niya ang napakahalagang gawaing ito. At huwag mong kalilimutan “ang malaking kalasag ng pananampalataya.” Manalig kang iniibig ka ni Jehova at na ibabalik niya ang lahat ng iyong naiwala. Walang-pasubaling maniwala ka na iniibig ka rin ni Jesus, at ito’y pinatunayan niya nang siya’y mamatay alang-alang sa iyo. (Juan 3:16) Palagi nang ibinibintang ni Satanas na si Jehova ay walang malasakit sa kaniyang mga lingkod. Iyan ay isa pa rin sa kaniyang napakalubha at napakasamang kasinungalingan.​—Juan 8:44; ihambing ang Job 4:1, 15-18; 42:10-15.

Kung dahil sa sugat ng puso ay nahihirapan kang maniwala na si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo, makatutulong kung makikisalamuha ka sa iba na buong-katatagang naniniwala na siya’y tunay ngang nagmamalasakit. (Awit 119:107, 111; Kawikaan 18:1; Hebreo 10:23-25) Huwag mong pahintulutang agawin sa iyo ni Satanas ang gantimpala ng buhay. Tandaan, “ang helmet ng kaligtasan” ay bahagi ng pandigma; gayundin “ang tabak ng espiritu.” Ang Bibliya ay kinasihan ng banal na espiritu, na di-kayang daigin ni Satanas. (2 Timoteo 3:16; Hebreo 4:12) Ang nakalulunas na pananalita ay nakapagpapabawa ng sakit ng damdamin.​—Ihambing ang Awit 107:20; 2 Corinto 10:4, 5.

Sa wakas, muli’t muling manalangin para sa lakas upang makapagbata. (Roma 12:12; Efeso 6:18) Ang buong-pusong pananalangin ay nakatulong kay Jesus sa ilalim ng matinding paghihirap ng kalooban, at ito’y makatutulong din sa iyo. (Lucas 22:41-43) Mahirap ba para sa iyo ang manalangin? Hilingin sa iba na manalanging kasama mo at para sa iyo. (Colosas 1:3; Santiago 5:14) Susuportahan ng banal na espiritu ang iyong mga panalangin. (Ihambing ang Roma 8:26, 27.) Gaya ng isang masakit na karamdaman sa katawan, ang ilang may malalim na sugat sa kanilang kalooban ay baka hindi lubusang gumaling dito sa sistemang ito ng mga bagay. Ngunit sa tulong ni Jehova tayo’y makapagbabata, at ang pagbabata ay isang tagumpay, na gaya ng ginawa ni Jesus. (Juan 16:33) “Magtiwala [kay Jehova] sa lahat ng panahon, O bayan. Sa harapan niya ay ibuhos ang inyong puso. Ang Diyos ay kanlungan para sa atin.”​—Awit 62:8.

Kumusta Naman ang Ipinalalagay na Nang-abuso?

Ang isang tao na aktuwal na nang-aabuso sa isang bata sa seksuwal na paraan ay isang manghahalay at dapat na ituring na gayon nga. Sinumang nabiktima sa paraang ito ay may karapatang akusahan ang nang-abuso sa kaniya. Gayunman, hindi dapat magpadalus-dalos kung ito’y batay lamang sa “nakabaóng alaala” ng pang-aabuso. Sa ganitong kaso ang pinakamahalagang bagay para sa nagdurusa ay ang mapanauli ang isang antas ng tibay ng loob. Pagkalipas ng ilang panahon, baka mas mabuti na ang kaniyang kalagayan upang mapagtimbang-timbang ang “mga alaala” at magpasiya kung ano, kung mayroon man, ang gusto niyang gawin tungkol sa mga iyon.

Isaalang-alang ang kaso ni Donna. Siya diumano ay may problema sa pagkain at sumangguni siya sa isang tagapayo​—wari’y sa isa na may nakapag-aalinlangang kakayahan. Di-nagtagal pinaratangan niya ang kaniyang ama ng insesto at ito’y dinala niya sa hukuman. Hindi makapagpasiya ang hurado, kaya hindi nabilanggo ang ama, ngunit kinailangan nitong magbayad ng $100,000 para sa ginawang paglilitis. At pagkatapos ng lahat ng iyon, sinabi ni Donna sa kaniyang mga magulang na ngayo’y hindi na siya naniniwalang naganap ang gayong pang-aabuso!

Buong-kapantasang sinabi ni Solomon: “Huwag humayo sa pagpapatnugot ng legal na usapin nang madalian.” (Kawikaan 25:8) Kung may tunay na dahilan na maghinalang ang ipinalalagay na nagkasala ay nang-aabuso pa rin ng mga bata, baka kailanganing magbigay ng babala. Makatutulong ang matatanda sa kongregasyon sa gayong kaso. Kung hindi naman, huwag kang magmadali. Pagsapit ng panahon, baka makontento ka na at kalimutan na lamang ito. Gayunman, kung ibig mo pa ring harapin ang ipinalalagay na nagkasala (pagkatapos na pagtimbang-timbangin muna ang posibleng maging damdamin mo sa maaaring mangyari), may karapatan kang gawin iyon.

Sa panahong ang isa’y nakalilimot na mula sa “mga alaala,” maaaring bumangon ang mga asiwáng kalagayan. Halimbawa, maaaring napakaliwanag ng mga larawan sa kaniyang balintataw na siya’y minomolestiya ng isang tao na nakikita niya araw-araw. Walang mailalagay na mga patakaran sa pagharap dito. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Kung minsan baka iniisip ng isa na sangkot dito ang isang kamag-anak o isang miyembro ng sariling pamilya nito. Tandaan ang nakapag-aalinlangang uri ng ilang “nakabaóng alaala” kapag itinuturo ang isang hinihinalang nagkasala. Sa ganitong kalagayan, habang ang bagay na ito’y hindi pa matibay na napatutunayan, ang pagiging malapít sa pamilya​—kahit man lamang sa manaka-nakang pagdalaw, pagliham, o pagtawag sa telepono​—​ay nagpapakitang nagsisikap ang isa na masunod ang maka-Kasulatang landasin.​—Ihambing ang Efeso 6:1-3.

Ano ang Magagawa ng Matatanda?

Kapag ang matatanda ay nilapitan ng isang miyembro ng kongregasyon na nakararanas ng pagbabalik ng kahapon o “nakabaóng alaala” ng pang-aabuso sa bata, karaniwan nang dalawa sa kanila ang inaatasang tumulong. Buong-kabaitang hihimukin ng matatandang ito ang nagdurusa na pansamantala’y sikaping mapaglabanan ang kabalisahan ng damdamin. Ang mga pangalan ng sinumang “nagugunitang” nagkasala ay dapat na pakaingatan.

Ang pangunahing tungkulin ng matatanda ay ang kumilos bilang mga pastol. (Isaias 32:1, 2; 1 Pedro 5:2, 3) Dapat na magpakaingat sila upang “damtan [ang kanilang sarili] ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12) Hayaan silang makinig nang may kabaitan at pagkatapos ay magbigay ng nakapagpapatibay na pananalita mula sa Kasulatan. (Kawikaan 12:18) Ang ilang pinahihirapan ng masakit na “mga alaala” ay nagpahayag ng pasasalamat sa matatandang regular na dumadalaw o tumatawag sa telepono upang kumustahin ang kanilang kalagayan. Ang gayong pakikipag-alam ay hindi naman nangangailangan ng malaking panahon, ngunit nagpapakita ito na ang organisasyon ni Jehova ay nagmamalasakit. Kapag napagtanto ng isang nagdurusa na ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano ay tunay na nagmamahal sa kaniya, baka matulungan siyang mapanauli ang isang malaking antas ng emosyonal na pagkatimbang.

Kumusta naman kung ang nagdurusa ay magpasiyang gusto niyang magharap ng akusasyon?b Sa gayon ay papayuhan siya ng dalawang matanda na, kasuwato ng simulain sa Mateo 18:15, dapat na personal niyang ilapit ang bagay na ito sa akusado. Kung walang lakas ng loob ang umaakusa na gawin ito nang harapan, magagawa ito sa telepono o marahil sa pagsulat ng liham. Sa ganitong paraan ang akusado ay nabibigyan ng pagkakataong gumawa ng nasusulat na pahayag sa harap ni Jehova bilang sagot sa akusasyon sa kaniya. Makapagbibigay pa man din siya ng mga katibayan na hindi niya ginawa ang pang-aabuso. O maaaring umamin ang akusado, at makamit ang pagkakasunduan. Ito’y magiging isang pagpapala! Kung magkakaroon ng pag-amin, higit pang aasikasuhin ng dalawang matanda ang bagay na ito ayon sa mga simulain ng Kasulatan.

Kung ang akusasyon ay itinatanggi, dapat ipaliwanag ng matatanda sa umaakusa na wala na silang magagawa pa sa paraang hudisyal. At patuloy na ituturing ng kongregasyon ang inakusahan bilang isang taong walang kasalanan. Sinasabi ng Bibliya na kailangang may dalawa o tatlong saksi bago gumawa ng hudisyal na aksiyon. (2 Corinto 13:1; 1 Timoteo 5:19) Kahit na higit pa sa isa ang “nakagunita” ng pang-aabuso ng indibiduwal ding iyon, ang katangian ng mga gunitang ito ay totoong walang katiyakan upang pagbatayan ng hudisyal na mga paghatol sa mga ito nang walang iba pang sumusuportang katibayan. Hindi naman ito nangangahulugan na ang gayong “mga alaala” ay itinuturing na di-totoo (o ang mga ito’y itinuturing na totoo). Subalit dapat sundin ang mga simulain ng Bibliya upang mapagtibay ang isang bagay sa hudisyal na paraan.

Papaano naman kaya kung ang akusado​—bagaman itinatanggi ang kasalanan​—ay talaga naman palang nagkasala? Siya ba’y “makalulusot,” wika nga? Tiyak na hindi! Ang tanong na kung siya ba’y may kasalanan o wala ay nasa mga kamay na ni Jehova. “Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag sa madla, na umaakay nang tuwiran sa paghatol, ngunit kung tungkol sa ibang tao naman ang kanilang mga kasalanan ay nagiging hayag din sa kalaunan.” (1 Timoteo 5:24; Roma 12:19; 14:12) Sinasabi ng aklat ng Kawikaan: “Ang pag-asam ng mga matuwid ay isang pagsasaya, ngunit ang pag-asa ng balakyot ay maglalaho.” “Kapag namatay ang isang balakyot na tao, naglalaho ang kaniyang pag-asa.” (Kawikaan 10:28; 11:7) Sa katapusan, ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus ay magbibigay ng walang-hanggang paghatol taglay ang katarungan.​—1 Corinto 4:5.

Paglaban sa Diyablo

Kapag ang mga nakaalay na kaluluwa ay nakapagbabata sa harap ng matinding kirot sa pisikal at emosyon, isa ngang katibayan iyon ng kanilang panloob na lakas at pag-ibig sa Diyos! At anong laking patunay sa kapangyarihan ng espiritu ni Jehova na matulungan sila!​—Ihambing ang 2 Corinto 4:7.

Kumakapit ang mga salita ni Pedro sa kanila: “Manindigan kayo laban [kay Satanas], matatag sa pananampalataya.” (1 Pedro 5:9) Ang paggawa nito ay maaaring hindi madali. Kung minsan, maaaring maging mahirap na makapag-isip nang maliwanag at may katuwiran. Ngunit lakasan mo ang iyong loob! Di-magtatagal, hindi na iiral ang Diyablo at ang kaniyang tusong mga gawa. Tunay, nananabik tayo sa panahong iyon na ‘papahirin mismo ng Diyos . . . ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Mga talababa]

a Ang “nakabaóng alaala” at katulad na mga pananalita ay ikinulong sa mga panipì upang ipakita ang pagkakaiba nito sa karaniwang mga alaala na taglay nating lahat.

b Maaaring kailanganin ding sundin ang hakbang na binalangkas sa parapong ito kung ang bagay na iyon ay naging usap-usapan na sa kongregasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share