Isang Mas Mabuting Buhay—Malapit Na!
GUNIGUNIHIN mo ang isang tagatantiya ng lagay ng panahon na ang hula’y halos palaging nagkakatotoo. Kapag tinantiya niya sa panggabing balita na uulan kinabukasan, hindi ka na mag-aatubili pang magdala ng payong kapag umalis ka ng bahay sa kinaumagahan. Nakuha niya ang iyong pagtitiwala dahil sa kaniyang nakaraang rekord. Kumikilos ka ayon sa kaniyang sinasabi.
Ngayon, gaano mo mapanghahawakan ang pangako ni Jehova ng isang mas mabuting buhay sa isang paraisong lupa? Buweno, ano ba ang ipinahihiwatig ng kaniyang nakaraang rekord? Ang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay maliwanag na nagpapatibay sa naging rekord ni Jehova. Siya’y isang Diyos ng di-nabibigong katumpakan at katotohanan. (Josue 23:14; Isaias 55:11) Lubos na maaasahan ang mga pangako ng Diyos na Jehova anupat kung minsan siya’y aktuwal na nagsasabi ng tungkol sa ipinangakong mga mangyayari sa hinaharap na waring nangyari na nga ang mga ito. Halimbawa, kasunod ng kaniyang pangako hinggil sa isang bagong sanlibutan na doo’y wala nang kamatayan at pagdadalamhati, mababasa natin: “Naganap na ang mga iyon [ang ipinangakong mga pagpapala]!” Sa ibang pananalita, “Ang mga ito’y tunay na nangyari!”—Apocalipsis 21:5, 6, talababa (sa Ingles).
Oo, ang katuparan ng mga ipinangako ni Jehova noon ay nagbibigay sa atin ng pagtitiwala sa kaganapan ng kaniyang pangako na isang mas mabuting buhay para sa sangkatauhan. Ngunit kailan kaya darating ang mas mabuting buhay na ito?
Isang Mas Mabuting Buhay—Kailan?
Malapit na nga ang mas mabuting buhay! Maaasahan natin ito sapagkat sinasabi ng Bibliya na maraming masasamang bagay ang magaganap muna sa lupa bago ilaan ng Paraiso ang mas mabuting buhay. Ang masasamang bagay na iyon ay nagaganap na ngayon.
Halimbawa, inihula ni Jesu-Kristo na magkakaroon ng malalaking digmaan. Sabi niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Ang hulang ito ay naganap na. Noong mga taóng 1914 hanggang 1945, nagkaroon na ng dalawang digmaang pandaigdig, at ang mga ito ay nasundan pa ng maraming iba pang digmaan na doo’y naglaban-laban ang mga bansa. “Ayon sa aberids na saligan taun-taon, ang bilang ng namamatay sa digmaan sa panahong ito [mula noong Digmaang Pandaigdig II] ay mahigit na doble ng namatay noong ika-19 na siglo at pitong ulit na mas marami kaysa noong ika-18 siglo.”—World Military and Social Expenditures 1993.
Ang paglaganap ng sakit ay isa pang katibayan na malapit na ang isang mas mabuting buhay sa Paraiso. Inihula ni Jesus na magkakaroon ng ‘mga salot sa iba’t ibang dako.’ (Lucas 21:11) Nagkatotoo na ba ang hulang ito? Oo. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, ang trangkaso Espanyola ay pumatay ng mahigit sa 20 milyon katao. Mula noon, ang kanser, sakit sa puso, malarya, AIDS, at iba pang karamdaman ay kumitil na ng milyun-milyon katao. Sa nagpapaunlad na mga bansa, ang mga sakit na resulta ng maruming tubig (kasali na ang diarrhea at mga impeksiyon dahil sa bulati sa tiyan) ay kumikitil ng milyun-milyong buhay taun-taon.
Sinabi rin ni Jesus: “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Gaya ng binanggit sa nakaraang artikulo, ang mahihirap sa daigdig ay walang sapat na makakain. Ito’y isa pang bahagi ng patunay na malapit nang dumating ang isang mas mabuting buhay sa Paraiso.
“Magkakaroon ng malalakas na lindol,” sabi ni Jesus. (Lucas 21:11) Ito’y nagkatotoo rin sa ating kapanahunan. Mula noong 1914 ang paninira ng mapangwasak na mga lindol ay kumitil na ng daan-daang libong buhay.
Sinasabi pa ng Bibliya na ang magiging tanda ng “mga huling araw” ay ang pagbabago sa mga tao. Sila’y magiging “maibigin sa kanilang sarili” at “maibigin sa salapi,” at ang mga anak ay magiging “masuwayin sa mga magulang.” Ang mga tao sa pangkalahatan ay magiging “maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Hindi ka ba sasang-ayon na marami ang nababagay sa ganitong paglalarawan?
Habang parami nang paraming tao ang gumagawa ng masasamang bagay, lumalago rin ang katampalasanan. Ito man ay inihula rin. Ayon sa Mateo 24:12, si Jesus ay bumanggit ng tungkol sa “paglago ng katampalasanan.” Malamang na sasang-ayon ka na ang krimen ay mas malala ngayon kaysa noong nakaraang mga taon. Ang mga tao saanman ay natatakot na sila’y manakawan, madaya, o masaktan sa anumang paraan.
Ang mga digmaan, laganap na sakit, kakapusan sa pagkain, lindol, lumalagong krimen, at ang paglubha ng pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa—lahat ng mga ito ay kitang-kita ngayon, gaya ng inihula ng Bibliya. ‘Ngunit hindi ba ang mga ito’y nangyari na noon pa sa buong kasaysayan ng tao?’ marahil ay itatanong mo. ‘Ano ang pagkakaiba sa ating kaarawan?’
May ilang napakahahalagang aspekto ng nangyayari sa ngayon. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang alinmang bahagi, gaya ng kakapusan sa pagkain, ay magiging patunay sa ganang sarili na tayo’y nasa panahon na ng kawakasan at na ang mas mabuting buhay ay malapit na. Ang mga hula ng Bibliya hinggil sa panahon ng kawakasan ay matutupad sa isang walang-Diyos na salinlahi.—Mateo 24:34-39; Lucas 17:26, 27.
Isa pa, waring nakapagtataka na ang ilang bahagi ng hula ni Jesus—lalo na yaong tungkol sa kakapusan sa pagkain at laganap na sakit—ay nagkakatotoo sa ngayon. Bakit? Sapagkat higit kailanman ay mas malawak ngayon ang nagagawa ng siyensiya. Ang kaalaman sa medisina at ilang paraan ng panggagamot ay hindi kailanman naging ganito kaunlad o kalaganap. Tanging Diyos lamang ang makahuhula sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na sa gayong panahon, lulubha pa ang sakit at taggutom, hindi bubuti.
Yamang ang lahat ng hula ng Bibliya tungkol sa panahon ng kawakasan, o “mga huling araw,” ay nagkakatotoo, ano ang ating mahihinuha? Na ang isang mas mabuting buhay ay malapit na! Ngunit papaano ba ito mangyayari?
Isang Mas Mabuting Buhay—Papaano?
Sa palagay mo ba’y makakaya ng mga tao na papangyarihin ang Paraiso? Sa buong kasaysayan hanggang sa araw na ito, nagkaroon na ng maraming uri ng pamahalaan ng tao. Ang ilan ay buong sigasig na nagsikap na masapatan ang mga pangangailangan ng mga tao. Ngunit, lumulubha ang maraming suliranin. Kapuwa sa mayayamang bansa at sa mahihirap na lupain, nakikipagpunyagi ang mga pamahalaan sa pang-aabuso sa droga, problema sa pagpapabahay, kahirapan, krimen, kawalan ng trabaho, at pagdidigmaan.
Kahit na malutas pa ng mga pamahalaan ang ilan sa mga suliraning ito, hindi kailanman mailalaan ng mga ito ang lubusang kalayaan mula sa pagkakasakit; ni mawawakasan man nila ang pagtanda at kamatayan. Maliwanag, hindi kailanman mapangyayari ng mga tao ang Paraiso sa lupang ito.
May-katalinuhang sinasabi ng Bibliya: “Huwag maglagak ng iyong tiwala sa mga taong-mahal, ni sa anak ng makalupang tao, na sa kaniya’y walang nauukol na kaligtasan.” Kung gayon, kanino tayo dapat maglagak ng tiwala? Ang Bibliya’y sumasagot: “Maligaya ang isa na taglay ang Diyos ni Jacob upang siya’y tulungan, na ang pag-asa’y nasa kay Jehova na kaniyang Diyos.” (Awit 146:3, 5) Kung ilalagak natin ang ating pag-asa sa Diyos na Jehova, hindi tayo kailanman mabibigo.
Tiyak na ang Isa na may karunungan at kapangyarihang makalalang ng lupa, ng araw, at ng mga bituin ay magagawa ring paraiso ang lupa. Kaya niyang papagtamasahin ang mga tao ng isang mas mabuting buhay. Anumang bagay na sinabi niyang gagawin, ay kaya niya at isasakatuparan niya. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.” (Lucas 1:37) Ngunit papaano pangyayarihin ng Diyos ang isang mas mabuting buhay?
Dudulutan ni Jehova ang sangkatauhan ng mas mabuting buhay sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. At ano ba ang Kaharian ng Diyos? Ito’y isang literal na pamahalaan na may inatasan-ng-Diyos na Tagapamahala, si Jesu-Kristo. Ang Kaharian ng Diyos ay nasa langit, ngunit ito’y malapit nang maglaan ng kahanga-hangang pagpapala at ng mas mabuting buhay sa mga maninirahan sa makalupang Paraiso.—Isaias 9:6, 7.
Marahil ay pamilyar ka na sa modelong panalangin ni Jesus, na masusumpungan sa Bibliya sa Mateo 6:9-13. Ganito ang sabi ng bahagi ng panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Kasuwato ng panalanging iyan, ‘darating’ ang Kaharian ng Diyos upang isakatuparan ang layunin ng Diyos na Jehova para sa lupa. At layunin niya na maging paraiso ang lupa.
Ang isang pangwakas na tanong ay bumabangon: Ano ang dapat mong gawin upang tamasahin ang isang mas mabuting buhay sa darating na Paraiso?
Kung Ano ang Dapat Mong Gawin
Maibiging iniaalok ng Diyos na Jehova ang pag-asa ng isang mas mabuting buhay sa Paraiso sa lahat ng gumagawa ng kaniyang kalooban. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Ang matuwid mismo ay magmamay-ari ng lupa, at sila’y mananahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Ngunit papaano nagiging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Upang mapaluguran si Jehova kailangan nating matuto pa nang higit tungkol sa kung ano ang nais niyang gawin natin. Kapag kumuha tayo ng kaalaman ng Diyos at ikinapit iyon sa ating buhay, maaari tayong mabuhay magpakailanman. Sa isang panalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ang aklat na nagsasabi sa atin ng tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito’y isa sa pinakamahalagang kaloob ni Jehova. Ang Bibliya ay gaya ng isang liham ng maibiging ama sa kaniyang mga anak. Sinasabi nito sa atin ang tungkol sa pangako ng Diyos na dudulutan ang sangkatauhan ng isang mas mabuting buhay at ipinakikita kung papaano natin ito matatamo. Ipinaaalam sa atin ng Bibliya ang nagawa na ng Diyos noon at kung ano ang kaniyang gagawin sa hinaharap. Binibigyan din tayo nito ng praktikal na payo kung papaano mapagtatagumpayan ang ating mga suliranin sa ngayon. Tunay, tinuturuan tayo ng Salita ng Diyos kung papaano makasusumpong ng isang antas ng kaligayahan kahit nasa maligalig na sanlibutang ito.—2 Timoteo 3:16, 17.
Magagalak ang mga Saksi ni Jehova na magsaayos ng isang libreng pantahanang pag-aaral ng Bibliya para sa iyo. Pag-aralan kung papaano ka maaaring magkaroon ng mas maligayang buhay sa ngayon, taglay ang pag-asa ng isang mas mabuting buhay sa malapit na hinaharap.
[Larawan sa pahina 5]
Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na ang isang mas mabuting buhay ay malapit na
[Larawan sa pahina 7]
Ilalaan ng Kaharian ng Diyos ang isang mas mabuting buhay para sa sangkatauhan