Kapag Nagkakasalungatan ang Tradisyon at ang Katotohanan
MAPANGANIB—HINDI PUWEDENG INUMIN ANG TUBIG. Baka sanáy na tayong makakita ng ganitong babala. Sa maraming lugar ang mga tao ay maingat sa kung ano ang kanilang iniinom dahil alam nila na ang ilang suplay ng tubig ay nalalagyan ng lason na tinatawag na “timpla ng mangkukulam” ng nakalalasong dumi. Bunga ng polusyong ito, sabi ng isang pag-aaral, sa halip na maging isang “tagatustos at tagapagsanggalang ng buhay,” ang tubig ay maaaring maging “isang tagapagdala ng mga organismo ng sakit at . . . kemikal na mga dumi.”—Water Pollution.
Pagpaparumi sa Tubig ng Katotohanan
Ang mga tradisyon na salungat sa katotohanan ay tulad ng maruming suplay ng tubig. Baka inosenteng manghawakan tayo sa mga tradisyon—mga impormasyon, opinyon, paniniwala, o mga kaugalian na namana ng isang salinlahi sa naunang salinlahi—na, sa katunayan, ay narumihan ng “timpla ng mangkukulam” ng huwad, nakaliligaw na mga idea at pilosopiya. Tulad ng maruming tubig, ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng napakalaking pinsala—espirituwal na pinsala.
Kahit na kung inaakala nating nakasalig sa Bibliya ang ating tradisyunal na mga relihiyosong paniniwala, lahat tayo ay dapat maglaan ng panahon upang suriing mabuti ang mga ito. Tandaan, nang manghawakan si Martin Luther sa tradisyunal na paniniwala noong kaniyang panahon at hatulan niya si Copernicus, naniniwala siya na taglay niya ang suporta mula sa Bibliya. Gayunman, si Luther ay nabigong sumunod sa mainam na halimbawa ng sinaunang mga taga-Berea na ‘mararangal ang pag-iisip sa maingat na pagsusuri ng Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga bagay na ito.’—Gawa 17:10, 11.
Isip-isipin ang pinsala na nilikha ng tradisyunal na paniniwala sa mga Judio noong kaarawan ni Jesus. Sila’y taimtim na naniniwalang ang kanilang mga tradisyon ay tama. Nang ireklamo nila na ang mga tradisyon ay hindi sinusunod ng mga alagad ni Jesus, hinamon sila ni Jesus sa tanong na: “Bakit nilalampasan din ninyo ang kautusan ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?” (Mateo 15:1-3) Ano ang naging suliranin? Tinukoy ni Jesus ang suliranin nang ulitin niya ang mga salita ni propeta Isaias: “Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa [Diyos], sapagkat itinuturo nila ang mga pag-uutos ng mga tao bilang mga doktrina.”—Mateo 15:9; Isaias 29:13.
Oo, kahalili ng katotohanan na nagmumula sa Diyos, ipinalit nila ang mga idea na nagmula sa mga tao o, mas masahol pa, yaong nagmula sa mga demonyo. Halimbawa, ganito ang paliwanag ng Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 506: “Itinuturo ng mga Fariseo noong panahong iyon na minsang ipahayag ng isang tao ang kaniyang mga pag-aari bilang ‘korban,’ o regalo na nakaalay sa Diyos, hindi niya magagamit ang mga ito upang sapatan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga magulang, kahit na gayon na lamang ang pagdarahop nila, bagaman magagamit niya para sa sarili ang gayong pag-aari hanggang sa mamatay siya kung nanaisin niyang gawin iyon.” Ang karunungan ng tao na nagparumi sa tubig ng katotohanan ay nagkaroon ng masasamang epekto sa mga Judio sa espirituwal na paraan. Itinakwil pa man din ng karamihan ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay.
Dinagdagan ng Sangkakristiyanuhan ang Karumihan
Nakakatulad na pinsalang espirituwal ang ibinunga pagkamatay ni Jesus. Marami na nag-aangking mga tagasunod niya ang bumaling sa binigkas na tradisyon bilang awtoridad sa bagong mga turo. Ayon sa Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni McClintock at Strong, nadama ng ilang tinaguriang Kristiyano na ang gayong tradisyon ay “tagubiling tinanggap ng mga unang simbahang Kristiyano mula sa bibig ng mga apostol, inihatid buhat sa panahon ng mga apostol, at iningatang dalisay hanggang sa kanilang sariling panahon.”—Amin ang italiko.
Ang totoo ay marami sa mga tradisyong ito ang hindi dalisay, maling mga idea. Gaya ng paliwanag ng Cyclopedia, ang mga bagong pilosopiyang ito ay “hindi lamang salungat sa ibang tradisyon, kundi sa mismong isinulat ng mga apostol na taglay naman nila.” Maaasahan lamang ito. Nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”—Colosas 2:8.
Gayundin naman sa ngayon, maraming tradisyunal na paniniwala ang ‘salungat sa mismong isinulat ng mga apostol.’ Nilason ng Sangkakristiyanuhan ang tubig ng katotohanan sa pamamagitan ng di-mabilang na mga ideang kinasihan ng demonyo, tulad ng Trinidad, apoy ng impiyerno, imortalidad ng kaluluwa ng tao, nasyonalismo, at idolatriya.a (1 Timoteo 4:1-3) Pinatutunayan ng kasaysayan ang espirituwal na karamdaman na dumapo sa mga tao na nasila ng maka-demonyong mga turo na naging tradisyunal na mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan.—Ihambing ang Isaias 1:4-7.
Sa katunayan, ang gayong pagpaparumi sa katotohanan ay nagaganap na sa pasimula pa lamang ng tao. Ipinagpatuloy ni Satanas ang paraan ng paglason sa isip ng mga tao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at pandaraya na inumpisahan niya sa Eden. (Juan 8:44; 2 Corinto 11:3) Habang dumarami ang tao sa lupa pagkatapos ng Baha noong kaarawan ni Noe, ang mga tao ng lahat ng kultura ay naging mga biktima ng kusang paglason sa mga bangan ng kaalaman ng tao sa pamamagitan ng mga pilosopiya at ideang kinasihan ng demonyo.
Epekto ng Espirituwal na Karumihan
Anong pinsala ang ibubunga ng gayong espirituwal na karumihan? Maihahambing natin iyon sa epekto ng maruming tubig sa ating pisikal na kalusugan. Ganito ang sabi ng isang awtoridad: “Mga 200 milyon katao ang biktima ng schistosomiasis (bilharzia) [snail fever, na nagdudulot ng anemya, kabalisahan, mahinang kalusugan sa kabuuan, at maging ng kamatayan], sanhi ng maruming tubig sa balat. Limang daang milyon katao ang may trachoma, isa sa pangunahing sanhi ng pagkabulag, dahil sa maruming tubig na pampaligo. . . . Mga dalawang bilyong miyembro ng lahi ng tao ay walang ligtas na tubig na maiinom.” (Our Country, the Planet) Milyun-milyon katao ang espirituwal na nanghina, nabulag, at nasawi pa nga dahil sa pagsunod sa mga tradisyong hinaluan ng huwad, makademonyong mga turo.—1 Corinto 10:20, 21; 2 Corinto 4:3, 4.
Halimbawa, marami ang litó o bulag kung tungkol sa kaugnayan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Nakaugalian na ng ilang nag-aangking Kristiyano na alisin ang sagradong pangalan ng Diyos, na Jehova, mula sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ganito ang sabi ni George Howard sa Journal of Biblical Literature: “Ang pag-aalis na ito ng Tetragram[maton], sa aming palagay, ay lumikha ng kalituhan sa isip ng naunang mga Kristiyanong Gentil hinggil sa kaugnayan sa pagitan ng ‘Panginoong Diyos’ at ng ‘Panginoong Kristo.’ ”
Isip-isipin din ang kalituhan, pamahiin, at takot na likha ng di-maka-Kasulatang tradisyon na ang kaluluwa ng tao ay imortal. (Ihambing ang Eclesiastes 9:5; Ezekiel 18:4.) Gaano karaming tao ang alipin ng pagsamba sa ninuno o nabubuhay sa namamalaging takot na ang mga patay ay magbabalik upang pinsalain sila? Ang paniniwalang ito ay gumanyak pa nga sa mga tao na patayin ang kanilang sarili at ang iba pa.
Maraming Hapones ang nag-aakala na sa kamatayan ang kanilang yumaong mga espiritu ay magkakatagpong-muli sa kabilang buhay. Kaya naman, minabuti ng ilang magulang na nagpatiwakal na isama na rin ang kanilang mga anak. Ganito ang paliwanag ng An English Dictionary of Japanese Ways of Thinking: “Sa Hapón ang pagpapatiwakal ay hindi laging hinahatulan, subalit malimit ituring na isang sinang-ayunang paraan ng paghingi ng tawad sa malubhang pagkakamali ng isa . . . Maging ang pagpapatiwakal ng mga pamilya ay malamang na iulat taglay ang mga salita ng pakikiramay.”
Subukin ang mga Tradisyon
Dahil sa mga panganib na nasasangkot sa bulag na pagsunod sa tradisyunal na mga paniniwala at kaugalian, ano ang dapat nating gawin? Sa pagtatapos ng unang siglo, nagbigay si apostol Juan ng ganitong payo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Mga iniibig, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang pahayag, kundi subukin ang kinasihang mga pahayag [kung papaanong susubukin mo kung dalisay ang tubig] upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo na sa sanlibutan.” (1 Juan 4:1; tingnan din ang 1 Tesalonica 5:21.) Papaano mo malalaman kung ang isang tradisyon ay nakapipinsala? Kailangan mo ng isang uri ng awtoridad, isang pamantayan ng kadalisayan, upang subukin ang iyong pinaniniwalaan.
Ang Bibliya ang gayong awtoridad. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sinabi rin niya: “Ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Sa paggamit ng kinasihang Salita ng Diyos, matatamo mo ang dalisay na tubig ng katotohanan sa halip na ang maruming tubig ng pilosopiya ng tao at ng mga demonyo.—Juan 8:31, 32; 2 Timoteo 3:16.
Tandaan, kahit ang kati-katiting na dumi ay maaaring maging sanhi ng kapaha-pahamak na mga resulta. Kung minsan ay umaabot ng mga taon bago lumitaw ang mga epekto. “Ang maruming tubig,” sabi ni Shridath Ramphal, dating presidente ng World Conservation Union, “ay naging siyang pinakamapanganib na mamamatay-tao sa daigdig. Di-kukulangin sa dalawampu’t limang libo katao ang namamatay araw-araw dahil sa kanilang paggamit nito.” Ang mga tradisyon na may espirituwal na karumihan ay lalo nang mapanganib.
Ikaw ba’y may lakas ng loob na umalpas sa mga tradisyunal na paniniwalang marahil ay sinusunod mo nang maraming taon kung mapatunayang ang mga ito ay salungat sa katotohanan? Makinig sa babala. Ipagsanggalang ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa pamamagitan ng pagtiyak na ang inyong mga tradisyon ay kasuwato ng dalisay na katotohanan ng Salita ng Diyos.—Awit 19:8-11; Kawikaan 14:15; Gawa 17:11.
[Talababa]
a Tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan para sa patotoo na ang gayong mga turo ay walang saligan sa Bibliya. Ang aklat na ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay tulad ng isang ilog ng dalisay, malinis na tubig