Si Jehova ay Nagbibigay ng Lakas sa Napapagod
“Yaong mga umaasa kay Jehova ay magtatamong-muli ng lakas.Sila’y paiilanlang na may mga pakpak tulad ng mga agila.”—ISAIAS 40:31.
1, 2. Ano ang ibinibigay ni Jehova doon sa mga nagtitiwala sa kaniya, at ano ngayon ang isasaalang-alang natin?
ANG agila ay kabilang sa pinakamakapangyarihang mga ibon sa himpapawid. Ang mga ito ay maaaring sumalimbay sa malalaking distansiya nang hindi ipinapayagpag ang kanilang mga pakpak. Sa mga pakpak nito na maaaring bumuka nang mahigit sa dalawang metro, “ang Hari ng mga Ibon,” ang ginintuang agila, ay “isa sa pinakakahanga-hanga sa lahat ng agila; sa paglipad sa ibabaw ng mga burol at mga kapatagan, [ito’y] pumapailanlang nang maraming oras sa ibabaw ng ilang tagaytay ng bundok, pagkatapos ay palikáw na pumapaitaas hanggang sa maging waring isa na lamang munting tuldok sa himpapawid.”—The Audubon Society Encyclopedia of North American Birds.
2 Taglay sa isip ang kakayahang lumipad ng agila, sumulat si Isaias: “[Si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa isa na napapagod; at pinasasagana ang buong kalakasan ng isa na walang dinamikong enerhiya. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manghihimagod, at ang mga kabataang lalaki mismo ay walang-pagsalang matitisod, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ay magtatamong-muli ng lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak tulad ng mga agila. Sila’y tatakbo at hindi manghihimagod; sila’y lalakad at hindi mapapagod.” (Isaias 40:29-31) Ano ngang laking kaaliwan na malamang si Jehova ay nagbibigay ng lakas upang magpatuloy doon sa mga tumitiwala sa kaniya, na para bang sinasangkapan sila ng waring walang-pagod na mga pakpak ng pumapailanlang na agila! Isaalang-alang ngayon ang ilang paglalaan na ginawa niya upang palakasin ang isa na napapagod.
Ang Kapangyarihan ng Panalangin
3, 4. (a) Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na gawin ang ano? (b) Ano ang maaasahan natin na gagawin ni Jehova bilang sagot sa ating mga panalangin?
3 Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” (Lucas 18:1) Ang pagbubukas ba kay Jehova ng ating niloloob ay talagang makatutulong sa atin na magtamong-muli ng lakas at maiwasang manghimagod kapag waring labis-labis na ang mga kagipitan sa buhay? Oo, ngunit may ilang bagay na dapat nating tandaan.
4 Dapat tayong maging makatotohanan sa kung ano ang inaasahan natin na gagawin ni Jehova bilang sagot sa ating mga panalangin. Isang Kristiyano na dumanas ng matinding panlulumo ang nagsabi nang bandang huli: “Tulad sa ibang karamdaman, hindi naghihimala si Jehova sa panahong ito. Ngunit tinutulungan niya tayong makapagtiis at gumaling hanggang sa makakayanan natin sa sistemang ito.” Sa pagpapaliwanag kung bakit nakatulong ang kaniyang mga panalangin, sinabi pa niya: “Nakahihingi ako ng banal na espiritu ni Jehova sa loob ng 24 na oras bawat araw.” Kung gayon, hindi sinasalag ni Jehova ang mga kagipitan sa buhay na maaaring magpahina sa atin, subalit siya ay ‘nagbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!’ (Lucas 11:13; Awit 88:1-3) Ang espiritung iyan ay magbibigay sa atin ng kakayahang harapin ang anumang pagsubok o panggigipit sa atin. (1 Corinto 10:13) Kung kinakailangan, pupuspusin tayo nito ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagbata hanggang sa alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng maigting na suliranin sa bagong sanlibutan na kaylapit-lapit na.—2 Corinto 4:7.
5. (a) Upang maging mabisa ang ating panalangin, anong dalawang bagay ang kailangan? (b) Papaano tayo mananalangin kapag pinaglalabanan natin ang isang kahinaan ng laman? (c) Ano ang ipakikita kay Jehova ng ating matiyaga at espesipikong mga panalangin?
5 Subalit upang maging mabisa ang ating mga panalangin, kailangan nating magtiyaga, at dapat tayong maging espesipiko. (Roma 12:12) Halimbawa, kung minsan ay nanghihimagod ka dahil sa pakikipagpunyagi sa isang kahinaan ng laman, sa umaga pa lamang, magsumamo ka na kay Jehova upang tulungan ka na mapagtagumpayan ang partikular na kahinaang iyan sa buong maghapon. Gayundin ang ipanalangin sa maghapon at bago matulog sa gabi. Kung ikaw ay mabigo, magmakaawang patawarin ka ni Jehova, ngunit sabihin mo rin sa kaniya ang dahilan ng iyong pagkabigo at kung ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang gayong pangyayari sa hinaharap. Ang gayong matiyaga at espesipikong panalangin ay magpapakita sa “Dumirinig ng panalangin” ng iyong taimtim na hangaring magtagumpay sa pakikipagpunyagi.—Awit 65:2; Lucas 11:5-13.
6. Bakit wastong maaasahan natin na diringgin ni Jehova ang ating mga panalangin kahit nadarama nating hindi tayo karapat-dapat manalangin?
6 Subalit kung minsan ay baka madama niyaong nanghimagod na hindi siya karapat-dapat manalangin. Isang Kristiyanong babae na ganiyan ang nadama ay nagsabi nang dakong huli: “Iyan ay totoong mapanganib na kaisipan sapagkat nangangahulugan iyan na hinahatulan na natin mismo ang ating sarili, ngunit hindi para sa atin ang gumawa ng ganiyan.” Sa katunayan, “ang Diyos mismo ang siyang Hukom.” (Awit 50:6) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na bagaman “patawan tayo ng hatol ng ating mga puso . . . , ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Anong laking kaaliwang mabatid na kapag inaakala nating hindi tayo karapat-dapat manalangin, maaaring hindi naman gayon ang nadarama ni Jehova sa atin! Kaniyang “nalalaman ang lahat ng bagay” tungkol sa atin, kasali na ang ating kalagayan sa buhay na maaaring siyang sanhi kung bakit nadarama nating tayo’y totoong di-karapat-dapat. (Awit 103:10-14) Ang kaniyang awa at ang lalim ng kaniyang unawa ay nagpapakilos sa kaniya na dinggin ang mga panalangin ng “isang pusong wasak at durog.” (Awit 51:17) Papaano niya matatanggihang dinggin ang ating mga daing samantalang siya mismo ay humahatol sa “sinumang nagtatakip ng kaniyang tainga sa dumaraing na sigaw ng isa na mababa”?—Kawikaan 21:13.
Ang Init ng Kapatiran
7. (a) Ano ang isa pang paglalaan ni Jehova upang tulungan tayong magtamong-muli ng lakas? (b) Makapagpapalakas sa atin ang pagkaalam ng ano tungkol sa ating kapatiran?
7 Ang isa pang paglalaan ni Jehova upang tulungan tayong magtamong-muli ng lakas ay ang ating Kristiyanong kapatiran. Tunay ngang napakahalagang pribilehiyo ang maging bahagi ng isang pambuong-daigdig na pamilya ng magkakapatid! (1 Pedro 2:17) Kapag pinahihina tayo ng mga kagipitan sa buhay, ang init ng ating kapatiran ay makatutulong sa atin na magtamong-muli ng lakas. Papaano? Ang pagkaalam na tayo ay hindi nag-iisa sa pagharap ng maiigting na hamon ay nakapagpapatibay na sa ganang sarili. Tiyak na sa ating mga kapatid ay may ilan na napaharap sa katulad na panggigipit o pagsubok at na may damdamin ding katulad na katulad ng sa atin. (1 Pedro 5:9) Nakapagpapatibay na malaman na ang dinaranas at nadarama natin ay pangkaraniwan.
8. (a) Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na maaari tayong makasumpong ng lubhang kinakailangang tulong at kaaliwan sa ating kapatiran? (b) Sa anong paraan ikaw ay personal na natulungan o naaliw ng “isang totoong kasamahan”?
8 Sa init ng kapatiran ay makasusumpong tayo ng ‘mga totoong kasamahan’ na, kapag tayo’y nasa kagipitan, ay makapaglalaan ng lubhang kinakailangang tulong at kaaliwan. (Kawikaan 17:17) Kalimitan, ang kailangan lamang ay mga salitang may kabaitan o ang pagiging maalalahanin. Ganito ang nagunita ng isang Kristiyano na nakipagpunyagi sa pagkadama ng kawalang-halaga: “May mga kaibigan na kumakausap sa akin ng tungkol sa mga positibong bagay sa aking sarili upang matulungan akong madaig ang aking mga negatibong kaisipan.” (Kawikaan 15:23) Kasunod ng pagkamatay ng kaniyang kabataang anak na babae, sa simula’y nasumpungan ng isang kapatid na babae na mahirap umawit ng mga awiting pang-Kaharian sa mga pulong ng kongregasyon, lalo na yaong mga awit na bumabanggit ng pagkabuhay-muli. “Minsan,” naalaala niya, “ako’y nakitang umiiyak ng isang kapatid na babae na nakaupo sa tapat ko sa kabilang panig ng upuan. Lumapit siya, niyakap ako, at sinabayan ako sa pagkanta sa natitirang bahagi ng awit. Gayon na lamang ang nadama kong pag-ibig para sa mga kapatid at kayligaya ko na kami’y nakadalo sa mga pulong, anupat napagtanto kong naroroon ang tulong sa amin, doon sa Kingdom Hall.”
9, 10. (a) Papaano tayo makadaragdag sa init ng ating kapatiran? (b) Sino ang lalo nang nangangailangan ng nakapagpapatibay na pakikipagsamahan? (c) Ano ang maaari nating gawin upang matulungan yaong nangangailangan ng pampatibay-loob?
9 Mangyari pa, bawat isa sa atin ay may pananagutan na makaragdag sa init ng Kristiyanong kapatiran. Kaya naman, ang ating mga puso ay dapat na ‘palawakin’ upang makasali ang lahat ng ating kapatid. (2 Corinto 6:13) Ano ngang lungkot para doon sa mga nanghihimagod anupat nadaramang ang pag-ibig ng kapatiran ay naging malamig na para sa kanila! Gayunman, sinasabi ng ilang Kristiyano na sila’y nalulungkot at nakaliligtaan. Ganito ang pakiusap ng isang sister na ang asawa ay salansang sa katotohanan: “Sino ang hindi nagnanais at nangangailangan ng nakapagpapatibay na pakikipagkaibigan, pampasigla, at maibiging pagsasamahan? Pakisuyong ipaalaala sa ating mga kapatid na kailangan namin sila!” Oo, lalo na yaong mga nanghihina dahil sa kanilang kalagayan sa buhay—yaong may di-nananampalatayang asawa, nagsosolong magulang, yaong may malubhang suliranin sa kalusugan, matatanda na, at iba pa—ang nangangailangan ng nakapagpapatibay na pagsasamahan. Kailangan bang ipaalaala sa ilan sa atin ang tungkol sa bagay na ito?
10 Ano ang magagawa natin upang makatulong? Palawakin natin ang ating pagpapahayag ng pag-ibig. Sa pagiging mapagpatuloy, huwag nating kalimutan yaong mga nangangailangan ng pampatibay-loob. (Lucas 14:12-14; Hebreo 13:2) Sa halip na isiping dahil sa kanilang kalagayan ay hindi nila mapauunlakan, bakit hindi pa rin sila anyayahan? Pagkatapos ay hayaan silang magpasiya. Kahit na hindi nila mapaunlakan ang paanyaya, tiyak na mapatitibay sila sa pagkaalam na sila ay iniisip ng iba. Baka iyon lamang ay sapat na upang sila’y magtamong-muli ng lakas.
11. Yaong mga nanghihina ay maaaring nangangailangan ng tulong sa anong mga paraan?
11 Yaong mga nanghihina ay maaaring nangangailangan ng tulong sa iba pang paraan. Halimbawa, ang isang nagsosolong ina ay baka mangailangan ng tulong ng isang maygulang na kapatid na lalaki na pagpakitaan ng interes ang kaniyang anak na lalaking ulila na sa ama. (Santiago 1:27) Ang isang kapatid na may malubhang karamdaman ay maaaring nangangailangan ng tulong sa pamimili o sa mga gawaing-bahay. Ang isang nakatatanda ay maaaring nananabik sa mga kasama o nangangailangan ng tulong upang makalabas sa ministeryo sa larangan. Kapag may lumalaking pangangailangan para sa gayong tulong, ito ay nagsisilbing isang tunay na ‘pagsubok sa pagiging tunay ng ating pag-ibig.’ (2 Corinto 8:8) Sa halip na lumayo sa mga nangangailangan dahil sa panahon at pagsisikap na nasasangkot, sana’y makapasa tayo sa pagsubok ng Kristiyanong pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang at pagtugon sa pangangailangan ng iba.
Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
12. Papaano tayo tinutulungan ng Salita ng Diyos upang magtamong-muli ng lakas?
12 Di-magtatagal at mawawalan ng lakas, o puwersa ang isang tao na hindi na kumakain. Gayundin naman, ang isa pang paraan ng pagbibigay ni Jehova sa atin ng lakas upang magpatuloy ay ang pagtiyak na tayo ay pinakakaing mabuti sa espirituwal. (Isaias 65:13, 14) Anong espirituwal na pagkain ang kaniyang inilaan? Higit sa lahat, ang kaniyang Salita, ang Bibliya. (Mateo 4:4; ihambing ang Hebreo 4:12.) Papaano tayo matutulungan nito na magtamong-muli ng lakas? Kapag ang mga kagipitan at suliranin na napapaharap sa atin ay nagsisimulang umubos ng ating lakas, makakukuha tayo ng lakas buhat sa pagbabasa tungkol sa damdamin at totoong-buhay na pakikipagpunyagi ng tapat na mga lalaki at babae noong panahon ng Bibliya. Bagaman sila ay mahuhusay na halimbawa ng katapatan, sila’y mga tao na “may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17; Gawa 14:15) Sila’y napaharap sa mga pagsubok at panggigipit na katulad ng sa atin. Tingnan ang ilang halimbawa.
13. Anong maka-Kasulatang mga halimbawa ang nagpapakita na ang tapat na mga lalaki at babae noong panahon ng Bibliya ay may damdamin at mga karanasang katulad na katulad ng sa atin?
13 Gayon na lamang ang pagdadalamhati ng patriyarkang si Abraham sa pagkamatay ng kaniyang kabiyak kahit na may pananampalataya siya sa pagkabuhay-muli. (Genesis 23:2; ihambing ang Hebreo 11:8-10, 17-19.) Nadama ng nagsisising si David na siya ay di na karapat-dapat na maglingkod kay Jehova dahil sa kaniyang mga kasalanan. (Awit 51:11) Nakadama si Moises ng kawalang-kakayahan. (Exodo 4:10) Nanlumo si Epafrodito nang mabatid ng marami na dahil sa isang malubhang karamdaman ay limitado na ang nagagawa niya sa “gawain ng Panginoon.” (Filipos 2:25-30) Kinailangang paglabanan ni Pablo ang makasalanang laman. (Roma 7:21-25) Sina Eudias at Sintique, dalawang pinahirang kapatid na babae sa kongregasyon sa Filipos, ay maliwanag na nahirapang magkasundo. (Filipos 1:1; 4:2, 3) Anong laking pampatibay-loob na malaman na ang mga tapat na ito ay may damdamin at mga karanasang tulad ng sa atin, gayunma’y hindi sila sumuko! Hindi rin naman sila pinabayaan ni Jehova.
14. (a) Anong kasangkapan ang ginagamit ni Jehova upang tulungan tayong makakuha ng lakas buhat sa kaniyang Salita? (b) Bakit naglalaan ang mga magasing Bantayan at Gumising! ng mga artikulo tungkol sa panlipunan, pampamilya, at emosyonal na mga isyu?
14 Upang tulungan tayong makakuha ng lakas buhat sa kaniyang Salita, ginagamit ni Jehova ang uring tapat at maingat na alipin upang ilaan sa atin ang patuloy na daloy ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Matagal nang ginagamit ng tapat na alipin ang mga magasing Bantayan at Gumising! upang ipagtanggol ang katotohanan ng Bibliya at ipahayag ang Kaharian ng Diyos bilang siyang tanging pag-asa ng tao. Lalo na sa nakalipas na ilang dekada, naglaan ang mga magasing ito ng napapanahon at maka-Kasulatang mga artikulo tungkol sa panlipunan, pampamilya, at emosyonal na mga hamon na napapaharap maging sa ilang lingkod ng Diyos. Sa anong layunin inilathala ang gayong impormasyon? Tiyak na upang matulungan yaong mga dumaranas ng mga hamong ito na makakuha ng lakas at pampatibay-loob buhat sa Salita ng Diyos. Subalit nakatutulong din sa ating lahat ang gayong mga artikulo upang higit na maunawaan ang maaaring dinaranas ng ilan sa ating mga kapatid. Sa gayon ay higit tayong nasasangkapan na sundin ang mga salita ni Pablo: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.”—1 Tesalonica 5:14.
Ang Matatanda na “Isang Taguang Dako Buhat sa Hangin”
15. Ano ang inihula ni Isaias tungkol doon sa mga naglilingkod bilang matatanda, at anong pananagutan ang inilalagay nito sa kanila?
15 Mayroon pang inilaan si Jehova upang tulungan tayo kapag tayo’y nanghihimagod—ang matatanda sa kongregasyon. Ganito ang isinulat ni propeta Isaias tungkol sa mga ito: “Bawat isa ay dapat na mapatunayang tulad ng isang taguang dako buhat sa hangin at isang dakong kublihan buhat sa bagyong maulan, tulad ng daloy ng tubig sa isang walang-tubig na lupain, tulad ng lilim ng isang matibay na batong mabigat sa isang lupaypay na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Ang matatanda, kung gayon, ay may pananagutan na matugunan ang inihula ni Jehova tungkol sa kanila. Sila’y “dapat na mapatunayang” pinagmumulan ng kaaliwan at kaginhawahan sa iba at handang ‘magdala ng mga pasanin [o, “mga bagay na kaabalahan”; sa literal, “mabibigat na bagay”] ng isa’t isa.’ (Galacia 6:2, talababa [sa Ingles]) Papaano nila magagawa ito?
16. Ano ang magagawa ng matatanda upang matulungan ang isa na nakadaramang siya’y hindi karapat-dapat na manalangin?
16 Gaya ng nabanggit na, kung minsan ay maaaring madama ng isang taong nanghihimagod na siya ay di na karapat-dapat na manalangin. Ano ang magagawa ng matatanda? Maaari silang manalangin na kasama niya o manalangin para sa kaniya. (Santiago 5:14) Kahit na lamang ang paghiling kay Jehova, habang naririnig ng isa na nanghihimagod, na tulungan ang isang iyon na maunawaan kung gaano siya kamahal ni Jehova at ng iba ay tiyak na makaaaliw na. Ang pagkarinig sa taimtim, taos-pusong panalangin ng isang matanda ay maaaring makatulong na patibayin ang pagtitiwala ng taong nababalisa. Baka siya ay matulungang mangatuwiran na kung may pagtitiwala ang matatanda na sasagutin ni Jehova ang mga panalangin alang-alang sa isang iyon, kung magkagayo’y maaari rin niyang taglayin ang pagtitiwalang iyan.
17. Bakit ang matatanda ay kailangang maging madamaying tagapakinig?
17 “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,” sabi ng Santiago 1:19. Upang matulungan ang mga nanghihimagod na magtamong-muli ng lakas, ang matatanda ay kailangang maging madamaying tagapakinig. Sa ilang kaso ay baka nakikipagpunyagi ang mga miyembro ng kongregasyon sa mga suliranin o panggigipit na hindi malulutas sa sistemang ito ng mga bagay. Kung gayon, baka ang kailangan nila ay hindi isang solusyon upang “lutasin” ang kanilang suliranin kundi ang makausap lamang ang isang mabuting tagapakinig—isang taong hindi magsasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang madama kundi makikinig nang hindi humahatol.—Lucas 6:37; Roma 14:13.
18, 19. (a) Papaanong ang pagiging matulin sa pakikinig ay makatutulong sa isang matanda na iwasang pabigatin pa ang pasan ng isang nanghihimagod? (b) Ano ang nagiging resulta kapag nagpapakita ang matatanda ng “damdaming pakikipagkapuwa”?
18 Kayong matatanda, ang pagiging matulin sa pakikinig ay makatutulong sa inyo na maiwasan ang di-sinasadyang pagpapabigat sa pasan ng isang nanghihimagod. Halimbawa, kung ang isang kapatid ay nakaliban sa ilang pulong o nabawasan ang kaniyang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, talaga nga bang kailangan niya ng payo tungkol sa paggawa ng higit pa sa ministeryo o tungkol sa pagiging regular sa mga pulong? Marahil. Subalit alam ba ninyo ang buong pangyayari? Mayroon ba siyang dumaraming suliranin sa kalusugan? Nabago ba kamakailan ang mga pananagutan niya sa pamilya? May iba pa bang kalagayan o kagipitan na nagpapahina sa kaniya? Tandaan, baka ang taong iyon ay nakadarama na ng pagkakasala dahil sa siya’y nagkukulang.
19 Kung gayon, papaano ninyo matutulungan ang kapatid? Bago kayo gumawa ng konklusyon at magpayo, makinig! (Kawikaan 18:13) Sa pamamagitan ng tumatarok na mga tanong ay ‘salukin’ ang damdamin sa puso ng taong iyon. (Kawikaan 20:5) Huwag ipagwalang-bahala ang mga damdaming ito—kilalanin ang mga ito. Maaaring ang isang nanghihimagod ay kailangang muling bigyan ng katiyakan na si Jehova ay nagmamalasakit sa atin at nakauunawa na kung minsan ay maaaring mahadlangan tayo ng ating kalagayan. (1 Pedro 5:7) Kapag ang matatanda ay nagpakita ng gayong “damdaming pakikipagkapuwa,” ang mga nanghihimagod ay ‘makasusumpong ng pagpapanariwa ng kanilang kaluluwa.’ (1 Pedro 3:8; Mateo 11:28-30) Kapag nasumpungan nila ang gayong pagpapanariwa, hindi na sila kailangan pang sabihan na gumawa ng higit; pakikilusin sila ng kanilang puso na gawin ang makatuwirang makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova.—Ihambing ang 2 Corinto 8:12; 9:7.
20. Yamang napakalapit na ang wakas ng balakyot na salinlahing ito, ano ang dapat na determinado tayong gawin?
20 Tunay na tayo’y nabubuhay sa pinakamahirap na panahon sa buong kasaysayan ng tao. Ang mga panggigipit sa pamumuhay sa sanlibutan ni Satanas ay lalong tumitindi habang papalapit na tayo sa panahon ng kawakasan. Tandaan, tulad ng isang leon na humahanap ng masisila, hinihintay ng Diyablo na tayo ay manghimagod at manghina upang madali niya tayong masila. Ano ngang laking pasasalamat natin na si Jehova ay nagbibigay ng lakas sa isa na napapagod! Sana’y samantalahin nating lubusan ang kaniyang mga paglalaan upang bigyan tayo ng lakas na magpatuloy, na para bang pinagkakalooban niya tayo ng makapangyarihang pakpak ng isang pumapailanlang na agila. Yamang napakalapit na ng wakas ng balakyot na salinlahing ito, hindi ngayon ang panahon para huminto ng pagtakbo sa takbuhan ukol sa gantimpala—ang buhay na walang-hanggan.—Hebreo 12:1.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Ano ang maaasahan nating gagawin ni Jehova bilang sagot sa ating mga panalangin?
◻ Sa anu-anong paraan maaari tayong makakuha ng lakas buhat sa ating Kristiyanong kapatiran?
◻ Papaano tayo tinutulungan ng Salita ng Diyos upang magtamong-muli ng lakas?
◻ Ano ang magagawa ng matatanda para matulungan ang mga nanghihimagod na magtamong-muli ng lakas?
[Larawan sa pahina 17]
Sa pagiging mapagpatuloy, huwag nating kalimutan yaong mga nangangailangan ng pampatibay-loob
[Larawan sa pahina 18]
Maaaring hilingin ng matatanda kay Jehova na tulungan ang mga nanghihimagod na maunawaang sila’y totoong minamahal