Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 12/15 p. 3-4
  • Pagbibigay—Inaasahan ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagbibigay—Inaasahan ba Ito?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Mabuti Kaysa Pag-aaginaldo
    Gumising!—1992
  • Kaloob, Regalo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Makatuwiran ba ang Pag-aaginaldo?
    Gumising!—1992
  • Ang Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay—Nararanasan Mo Ba Ito?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 12/15 p. 3-4

Pagbibigay​—Inaasahan ba Ito?

MARAHIL ay alam na alam na ninyo na ang pagreregalo ay madalas na idinidikta ng kostumbre. Sa maraming kultura ay may mga okasyon na inaasahan ang mga regalo. Ang gayong mga regalo ay maaaring tanda ng paggalang o kapahayagan ng pag-ibig. Marami sa mga ito ay hindi kailanman nagamit ng nakatanggap; ang iba naman ay nakatugon sa totoong mga pangangailangan at lubhang pinahalagahan.

Sa Denmark kapag ang isang sanggol ay isinilang, dumadalaw ang mga kaibigan at kamag-anak at nagdadala ng mga regalo na inaasahan nilang magagamit ng sanggol. Sa ibang lupain, nagdaraos ang mga kaibigan ng isang salu-salo na doo’y ipinagkakaloob ang gayong mga regalo habang sabik na hinihintay ang pagsilang.

Sa maraming pagkakataon, taunang pagdiriwang ang mga okasyon na kung kailan inaasahan ang mga regalo. Bagaman ang gayong mga pagdiriwang ay hindi naging kaugalian sa mga unang Kristiyano, ang mga ito ay naging popular sa maraming nag-aangking Kristiyano gayundin sa mga hindi Kristiyano. Ang kaugalian ng pagreregalo para sa kapanganakan ay maaaring lumipas sa ibang kultura habang nagkakaedad ang mga bata, subalit hindi gayon sa kostumbre ng mga Griego. Sa Gresya ay malaking atensiyon ang ibinibigay sa mga kapanganakan. Nagreregalo din sila sa isang tao sa “araw ng [kaniyang] pangalan.” Ano iyon? Buweno, ang relihiyosong kostumbre ay nagtatakda ng iba’t ibang “santo” sa bawat araw ng taon, at maraming tao ang pinanganlan ayon sa mga “santo.” Kapag sumapit na ang araw ng “santo,” yaong nagtataglay ng gayong pangalan ay nakatatanggap ng mga regalo.

Bukod pa sa pagdiriwang ng kapanganakan ng kanilang mga anak, ang mga Koreano ay may pambansang kapistahan na kilala bilang Araw ng mga Bata. Iyon ang panahon na namamasyal ang pamilya at nagreregalo sa mga bata anuman ang petsa ng kanilang kapanganakan. Ang mga Koreano ay mayroon ding Araw ng mga Magulang, na ang mga bata naman ang nagreregalo sa kanilang mga magulang, at may Araw ng mga Guro, na pinararangalan ng mga estudyante ang kanilang mga guro at nagreregalo sa kanila. Ayon sa isang kostumbreng Koreano, kapag ang isang tao ay sumapit na sa edad na 60, nagdaraos ng isang malaking parti. Nakikibahagi ang pamilya at mga kaibigan sa pagbati ukol sa mahabang buhay at kaligayahan, at nireregaluhan ang taong umabot na sa gayong panahon sa kaniyang buhay.

Ang kasal ay isa pang okasyon na kaugalian na ang pagreregalo. Kapag may nagpakasal sa Kenya, ang pamilya ng kasintahang lalaki ay inaasahang magreregalo sa pamilya ng kasintahang babae. Nagdadala rin ng regalo ang mga panauhin. Kung susundin ng magkasintahan ang kaugalian, uupo sila sa isang entablado, samantalang dinadala ng mga panauhin ang kanilang mga regalo. Habang inihaharap ang bawat isa, ipatatalastas na si “Ganito’t ganoon ay nagdala ng regalo sa mag-asawa.” Marami sa nagregalo ang sumasamâ ang loob kapag hindi sila nabigyan ng gayong pagkilala.

Sa mga taga-Lebanon, kapag ang isa ay nagpakasal, ang mga kaibigan at kapitbahay, kahit na ang mga taong hindi gaanong nakakakilala sa magkasintahan, ay nagdaratingan na taglay ang mga regalo mga ilang araw pagkatapos ng kasal. Mula sa pagkabata, sila ay tinuruan na ang pagreregalo ay isang pananagutan, tulad ng pagbabayad ng utang. “Kung hindi mo gagawin iyon, hindi mabuti ang madarama mo sa iyong sarili,” sabi ng isang lalaking taga-Lebanon. “Iyon ay tradisyon.”

Gayunpaman, sa lahat ng okasyon na inaasahan ang pagbibigay, pangunahin na ang Kapaskuhan sa maraming lupain. Hindi ba ganiyan din sa inyong lugar? Nito lamang 1990, tinatantiya na ang mga Amerikano ay gumagastos taun-taon ng mahigit sa $40 bilyon sa mga pamaskong regalo. Napakasigla rin ng pagdiriwang ng mga Budista at mga Shintoista sa kapistahang iyan sa Hapón, at iba’t ibang anyo ng pagdiriwang ang masusumpungan sa Europa, Timog Amerika, at ilang panig ng Aprika.

Ang Pasko ay kapanahunan kung kailan inaasahan ng mga tao na sila’y magiging maligaya, subalit marami ang hindi nagiging gayon. At hindi kakaunti ang nakasusumpong na ang pagkukumahog sa pamimili ng mga regalo at ang kabalisahan sa pagbabayad ng mga gastusin ay nakahihigit sa anumang sandali ng kasiyahan na nararanasan nila.

Gayunman, sinasabi ng Bibliya na mayroong kaligayahan sa pagbibigay. Totoo namang mayroon, depende sa espiritu na nag-udyok sa pagbibigay.​—Gawa 20:35.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share