Mayroon Ka Bang Espiritu ng Pagbibigay?
NAPANSIN mo na ba na hindi lamang iisang dahilan ang gumaganyak sa mga tao na magbigay? Ang regalo ay maaaring isang kapahayagan ng pag-ibig, ng pagkabukas-palad, o ng pagpapahalaga. Subalit hindi mo ba napapansin na ang pagreregalo ay maaaring udyok din ng hangarin ng isang tao na magkamit ng pabor? O maaaring ibinigay iyon dahil lamang sa pagkadama ng obligasyon o dahil sa ang nagbigay ay may inaasahang kapalit.
Ang regalo ay maaaring ibinalot at tinalian ng magandang laso. Ngunit hindi ba totoo na ang isang mainam na regalo ay maaari ring isang pumpon ng bulaklak, isang putahe ng pagkain, o isang gawang kabaitan? Sa katunayan, ang mga regalo na lubhang pinahahalagahan ay yaong nagsasangkot sa pagbibigay ng sarili.
Umaasa Ka ba ng Pabor Buhat sa Isang Tao?
Pangkaraniwan na sa isang tao ang magregalo sa isa na hinihingan niya ng pabor. Sa ilang lupain ang isang binata na naghahangad na mawagi ang pagsinta ng isang napupusuang pakasalan ay maaaring nagdadala sa kaniya ng mga bulaklak. Gayunma’y hindi lamang ang regalo ang tinitingnan ng isang pantas na babae. Isinasaalang-alang niya kung sa pag-ibig ng isang nanunuyo sa pamamagitan ng regalo ay masasalamin din kung siya’y magiging isang mabuting kabiyak. Ang gayong regalo, kung nagpapaaninaw ng maka-Diyos na espiritu, ay maaaring umakay sa malaking kaligayahan kapuwa sa nagbibigay at sa tumatanggap.
Bumabanggit ang Bibliya ng isang pagkakataon nang si Abigail, ang asawa ni Nabal, ay agad na naghanda ng malaking regalo para kay David, na kinikilala niya bilang ang isa na pinili ng Diyos upang maging hari ng Israel sa hinaharap. Siya rin naman ay umaasa ng pabor. Hinamak ng kaniyang asawa si David at binulyawan ang mga tauhan ni David. Nangunguna sa isang pangkat ng 400 armadong lalaki, humayo si David upang lipulin si Nabal at ang kaniyang sambahayan. Namagitan si Abigail, na agad nagpadala kay David ng maraming pagkain para sa kaniyang mga tauhan. Siya mismo ay dumating kasunod ng kaniyang regalo, at pagkatapos na mapagpakumbabang humingi ng paumanhin sa ginawa ng kaniyang asawa, napatunayang siya’y may malaking kaunawaan habang nakikipagpaliwanagan kay David.
Marangal ang kaniyang layunin, at mabuti ang kinalabasan. Tinanggap ni David ang kaniyang regalo at sinabi sa kaniya: “Humayo kang mapayapa sa iyong bahay. Tingnan mo, nakinig ako sa iyong tinig na aking isinaalang-alang ang iyong pagkatao.” Nang bandang huli, pagkamatay ni Nabal, inalok pa nga ni David ng kasal si Abigail, at iyon ay malugod niyang tinanggap.—1 Samuel 25:13-42.
Subalit sa ilang kaso, ang pabor na hinihingi ng isang tao ay maaaring nagsasangkot ng pagkiling, o maging ng pagpilipit sa katarungan. Sa gayong kaso, ang regalo ay isang suhol. Iniisip ng nagbibigay na siya ay makikinabang, ngunit ninanakawan niya ang kaniyang sarili ng kapayapaan ng isip. Laging nariyan ang panganib na iyon ay matuklasan ng iba, at siya ay magsusulit. Kahit na ang hinihinging pabor ay ipinagkaloob, masusumpungan ng isa na humingi niyaon na siya ngayon ay kilala bilang isa na may kahina-hinalang motibo. Sa pagpapaaninaw ng maka-Diyos na karunungan, nagbibigay-babala ang Bibliya laban sa gayong regalo.—Deuteronomio 16:19; Eclesiastes 7:7.
Ang Regalo ba ay Buhat sa Isang Pusong Mapagbigay?
Walang alinlangan—ang pagbibigay sa isang minamahal dahil sa ibig mong gawin iyon ay nagdudulot ng ibayong kagalakan kaysa sa pagbibigay dahil ipinadama sa iyo ng iba na dapat mong gawin iyon.
Hinggil sa pagtitipon ng tulong para sa mga kapuwa Kristiyano na lubhang nangangailangan sa materyal, nagpahayag si apostol Pablo ng ilang mahusay na simulain sa maka-Diyos na pagbibigay. “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna,” isinulat niya, “lalo na itong kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi niya taglay.” Sinabi pa niya: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.” (2 Corinto 8:12; 9:7) Sa gayon, malaki ang nakasalalay sa iyo. Sa halip na magkautang dahil sa labis-labis na pagreregalo, gumagasta ka ba ayon lamang sa iyong makakaya? Sa halip na mapilitang magbigay dahil sa panggigipit ng mga tao at ng komersiyo, ginagawa mo ba ang ipinasiya ng iyong puso? Tungkol sa mga unang Kristiyano na nagkapit ng gayong maka-Diyos na mga simulain, ganito ang isinulat ni Pablo: “Sila sa kanilang sariling kagustuhan ay patuloy na nagsusumamo sa amin na may matinding pamamanhik para sa pribilehiyo na may-kabaitang pagbibigay at para sa isang bahagi sa ministeryong itinalaga para sa mga banal.”—2 Corinto 8:4.
Kabaligtaran naman nito, ganito ang sabi ng Royal Bank Letter ng Nobyembre/Disyembre 1994 hinggil sa mga sanlinggo bago ang Pasko: “Ang kapanahunan ay maaaring malasin bilang isang panahon ng artipisyal na kagalakan na pinukaw ng kapakanang pangnegosyo upang hikayatin ang mga tao na bumili ng mga bagay na sa ibang paraan ay hindi nila bibilhin.” Kung bumili sa pamamagitan ng pag-utang, anumang kasiyahang natatamo sa pagreregalo ay biglang natatakpan kapag dumating na ang panahon ng pagbabayad.
Ang Iyong Pangunahing Pananagutan—Ang Okasyon? O Kapahayagan ng Pag-ibig?
Nasumpungan mo ba na ang iyong pagreregalo ay karaniwan nang ginagawa sa mga okasyon na waring inaasahan na iyon? Kung gayon, hindi mo nararanasan ang malaking kagalakan na idinudulot ng kusang-loob na pagbibigay.
Maraming tao ang hindi nasisiyahan sa mga resulta ng pagreregalo sa mga itinakdang araw. Sinabi ng isang ina na isa ring manunulat na lumilitaw ang kasakiman sa kaniyang mga anak habang papalapit na ang araw na doo’y inaasahan ang mga regalo. Inamin niya na ang sarili niyang kasiyahan sa isang magandang regalo ay nasisira dahil iba ang inaasahan niya. Maraming ulat ang bumabanggit na ang mga kapistahan na may mga kasayahan at pagpapalitan ng regalo ay mga panahon din na doo’y maraming labis na nanlulumo at nag-aabuso sa alak.
Sa pagkamasid na ang pagbibigay-diin sa pagreregalo kung panahon ng kapistahan ay kung minsan nagkakaroon ng masamang epekto sa mga bata, ganito ang inirekomenda ng isang propesor sa sikolohiya na sinipi sa The New York Times: “Pag-isipan ang pagreregalo sa ibang araw bilang paraan ng pagbabawas ng kaigtingan.” Sa palagay mo kaya’y magkakaroon ito ng mabuting epekto?
Ganito ang isinulat ni Tammy, isang 12 taóng gulang sa isang sambahayan na hindi nagdiriwang ng Pasko at kapanganakan: “Mas nakakatuwang makatanggap ng regalo kapag hindi mo iyon inaasahan.” Sinabi niya na sa halip na magregalo nang minsan o makalawang beses lamang sa isang taon, ang kaniyang mga magulang ay nagbibigay niyaon sa kaniya at sa kaniyang kapatid na lalaki sa buong taon. Ngunit may isang bagay na mas mahalaga sa kaniya kaysa sa mga regalong iyon. Gaya ng sabi niya, “Maligayang-maligaya ang aking pamilya.”
Ganito ang tahasang sinabi ng aklat na Secrets of Strong Families: “Karamihan sa atin ay gumugugol ng panahon at salapi nang maraming beses sa isang taon sa pagpili ng pinakaangkop na regalo sa mga kapanganakan, anibersaryo, o mga kapistahan para sa mga taong minamahal natin. Ang pinakamainam na regalo sa lahat ay hindi mabibili ng salapi. At hindi mo na kailangang ibalot iyon. Kung ikaw ay naniniwala, tulad ng maraming tao, na ang iyong buhay ang siyang pinakamahalagang pag-aari na taglay mo, kung gayon ang ilang sandali ng iyong buhay ang siyang pinakamahalagang regalo na maipagkakaloob mo. Ibinibigay natin ang napakahalagang regalong iyan sa laki ng panahon na ginugugol natin sa ating mga minamahal.”
Ang gayong pagbibigay ay maaaring ipaabot sa iba bukod sa iyong pamilya. Ang kusang-loob na pagbibigay upang matugunan ang malinaw na pangangailangan ng iba ay makapagdudulot ng natatanging kasiyahan. Hinimok tayo ni Jesu-Kristo na magpamalas ng gayong maibiging pagmamalasakit sa mga dukha, pilay, at bulag, anupat idinagdag: “Magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.”—Lucas 14:12-14.
Kamakailan ay nag-ulat ang Rockland Journal-News (E.U.A.) ng isang halimbawa ng gayong uri ng pagbibigay. Nang gumuho ang tahanan ng isang matandang babae na bulag, ipinagtayo siya ng mga kaibigan ng isang bagong bahay. Nagdonasyon ang ilang lokal na bahay-kalakal, at nagkaloob ng tulong na salapi ang lokal na ahensiya ng pamahalaan. “Subalit ang pinakamahalaga,” sabi ng pahayagan, “ang 150 o higit pang mga tao, na karamihan ay dumadalo sa Haverstraw congregation ng mga Saksi ni Jehova, ay nagbigay ng panahon upang itayo ang bahay.”
Nagpatuloy ang artikulo: “Sa lugar na pinagtatayuan ay naroon ang mga salansan ng mga materyales katabi ng mga mesa na punô ng pagkain. Sa loob ng dalawang araw ay naitayo ng mga manggagawa ang tahanan na para sa dalawang pamilya, may tatlong palapag. . . . Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang kakayahan sa mabilisang pagtatayo ng mga gusali. . . . Gayunman, ang gayong kabilisan ay kabaligtaran ng pagkapermanente ng kanilang misyon: ang maglaan ng tibay sa isang gawa ng pag-ibig. Hindi makikita ni Bb. Blakely ang kaniyang bagong tahanan, ngunit madarama iyon ng kaniyang mga kamay, at natatalos niya kung gaano naantig ang kaniyang damdamin sa gayong walang-pag-iimbot na pagkilos.”
Espiritu ng Pagkabukas-palad sa Buong Taon
Yaong mga tunay na bukas-palad ay hindi na naghihintay ng pantanging mga araw. Ang kanilang buhay ay hindi nakasentro sa sarili lamang. Kapag nakatanggap sila ng isang mabuting bagay, nasisiyahan silang ibahagi iyon sa iba. Hindi ito nangangahulugan na sila ay walang-habas kung magregalo. Hindi ito nangangahulugan na gayon na lamang sila kung magbigay anupat napagkakaitan na ang kani-kanilang pamilya. Hindi ibig sabihin ay nagbibigay sila nang hindi iniisip ang epekto sa tumatanggap. Gayunman, sila ay mga tao na naging ‘kaugalian na ang pagbibigay,’ gaya ng itinuro ni Jesus na gawin ng kaniyang mga alagad.—Lucas 6:38.
Batid nila ang kalagayan ng mga kaibigan at mga kapitbahay na matatanda na, may sakit, o kaya’y nangangailangan ng pampatibay-loob. Ang kanilang “kaloob” ay maaaring ang pamimili para sa kanila o pagtulong sa mga gawaing-bahay. Maaaring iyon ay pagsisibak ng kahoy o pagpapala ng niyebe. Maaaring iyon ay isang mangkok ng inihandang pagkain o isang oras ng pagdalaw at pagbabasa nang magkasama. Ang kanilang buhay ay maaaring abala ngunit hindi napakaabala para tumulong. Natutuhan nila buhat sa karanasan na tunay ngang “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Sabihin pa, ang pinakadakilang Tagapagbigay sa lahat, ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Siya ang “nagbibigay sa lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Sa Bibliya, pinaglalaanan din niya tayo ng malalim na unawa hinggil sa kaniyang layunin na wakasan ang kabalakyutan, sakit, at kamatayan, at gawing paraiso ang lupang ito. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:4, 5) Sa pagkaalam nito, hindi sinasarili niyaong mga bukas-palad ang mabuting balitang iyan. Isa sa pinagmumulan ng kanilang malaking kasiyahan ay ang pamamahagi nito sa iba. Tunay ngang maka-Diyos ang kanilang espiritu ng pagbibigay. Ganiyan ba ang espiritu na nililinang ninyo?
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang ilan sa pinakamahahalagang regalo ay hindi mabibili ng salapi