“Gayung-gayon ang Ginawa” Nila
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan.”—1 JUAN 5:3.
1. Ano ang masasabi hinggil sa lawak ng pag-ibig ng Diyos?
“ANG DIYOS AY PAG-IBIG.” Lahat ng nakakakilala sa Diyos at sumusunod sa kaniyang mga kautusan ay nagtatamo ng taimtim na pagpapahalaga sa lalim ng pag-ibig na iyan. “Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi na siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” Habang tayo’y nananampalataya sa napakahalagang haing pantubos ni Jesus, tayo ay ‘nananatili sa pag-ibig ng Diyos.’ (1 Juan 4:8-10, 16) Sa gayon ay makapagtatamasa tayo ng mayamang espirituwal na pagpapala sa ngayon at sa darating na sistema ng mga bagay, buhay na walang-hanggan.—Juan 17:3; 1 Juan 2:15, 17.
2. Papaano nakinabang ang mga lingkod ng Diyos sa pagsunod sa kaniyang mga kautusan?
2 Ang ulat ng Bibliya ay hitik na hitik sa mga halimbawa niyaong sumunod sa mga kautusan ng Diyos at niyaong saganang pinagpala bilang resulta. Kasali sa mga ito ang mga saksi bago ang panahong Kristiyano, na hinggil sa ilan sa kanila ay ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na tinanggap ang mga iyon at hayagang ipinahayag na sila ay mga estranghero at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” (Hebreo 11:13) Nang maglaon, ang nakatalagang Kristiyanong mga lingkod ng Diyos ay nakinabang buhat sa “di-sana-nararapat na kabaitan at ang katotohanan [na] dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (Juan 1:17) Sa loob ng 6,000 taon ng kasaysayan ng tao, ginantimpalaan ni Jehova ang tapat na mga saksi na tumupad sa kaniyang mga kautusan, na tunay namang “hindi nakapagpapabigat.”—1 Juan 5:2, 3.
Sa mga Kaarawan ni Noe
3. Sa anu-anong paraan na “gayung-gayon” ang ginawa ni Noe?
3 Ganito ang sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng mula-sa-Diyos na babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng maka-Diyos na takot at nagtayo ng daong ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay nagpataw siya ng hatol sa sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na alinsunod sa pananampalataya.” Bilang “isang mángangarál ng katuwiran,” walang-pasubaling sinunod ni Noe ang Diyos, anupat nagbigay-babala sa marahas na sanlibutan bago ang Baha tungkol sa dumarating na kahatulan ng Diyos. (Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5) Sa pagtatayo ng daong, maingat na sinunod niya ang disenyong ibinigay ng Diyos. Pagkatapos ay ipinasok niya ang itinakdang mga hayop at suplay ng pagkain. “Nagpasimulang gumawa si Noe alinsunod sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Genesis 6:22.
4, 5. (a) Papaanong ang isang masamang impluwensiya ay nakaapekto sa sangkatauhan magpahanggang sa ngayon? (b) Bakit dapat na “gayung-gayon” ang gawin natin sa pagsunod sa tagubilin ng Diyos?
4 Kinailangang makipagbaka si Noe at ang kaniyang pamilya sa masamang impluwensiya ng masuwaying mga anghel. Ang mga anak na ito ng Diyos ay nagkatawang-tao at nakisama sa mga babae, na nagluwal ng mas malalakas na mga supling ng magkahalong espiritu at tao na umapi sa sangkatauhan. “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.” Si Jehova ay nagpasapit ng Delubyo upang palisin ang balakyot na salinlahing iyon. (Genesis 6:4, 11-17; 7:1) Sapol noong kaarawan ni Noe ang mga demonyong anghel ay hindi na pinahintulutang makapagkatawang-tao. Gayunpaman, ‘ang buong sanlibutan ay nagpatuloy na nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,’ si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9) Sa makahulang paraan, inihambing ni Jesus ang rebelyosong salinlahing iyon noong kaarawan ni Noe sa salinlahi ng sangkatauhan na nagtakwil sa kaniya mula nang maging maliwanag ang tanda ng kaniyang “pagkanaririto” noong 1914.—Mateo 24:3, 34, 37-39; Lucas 17:26, 27.
5 Ngayon, gaya noong kaarawan ni Noe, si Satanas ay nagsisikap na ipahamak ang sangkatauhan at ang ating planeta. (Apocalipsis 11:15-18) Kaya naman apurahan na sundin natin ang kinasihang utos: “Isuot ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11, talababa [sa Ingles]) Dahil dito, tayo ay napatitibay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagkakapit nito sa ating buhay. Isa pa, nasa atin ang mapagkalingang organisasyon ni Jehova, kasama ang pinahirang “tapat at maingat na alipin” at ang mapagmahal na matatanda nito, upang matiising magpastol sa atin sa daan na dapat nating lakaran. Mayroon tayong pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na dapat ganapin. (Mateo 24:14, 45-47) Tulad ni Noe, na nagpakaingat na sumunod sa mga tagubilin ng Diyos, sana’y “gayung-gayon” ang lagi nating gawin.
Si Moises—Ang Pinakamaamo sa mga Tao
6, 7. (a) Anong kapaki-pakinabang na pagpili ang ginawa ni Moises? (b) Anong may tibay-loob na parisan ang iniwan sa atin ni Moises?
6 Isaalang-alang ang isa pang lalaking may pananampalataya—si Moises. Maaari naman niyang tamasahin ang mapagpalugod-sa-sariling pamumuhay sa gitna ng mga luho sa Ehipto. Subalit minabuti niyang “mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Bilang inatasang lingkod ni Jehova, “tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran [at] nagpatuloy siyang matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.”—Hebreo 11:23-28.
7 Sa Bilang 12:3, mababasa natin: “Ang taong si Moises ay malayong higit na pinakamaamo sa lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa.” Sa kabaligtaran, si Faraon ng Ehipto ay kumilos na gaya ng pinakapalalo sa lahat ng tao. Nang iutos ni Jehova kina Moises at Aaron na ipahayag ang kaniyang hatol kay Faraon, papaano sila tumugon? Sinabihan tayo: “Ginawa nina Moises at Aaron kung paanong iniutos sa kanila ni Jehova. Gayung-gayon ang ginawa nila.” (Exodo 7:4-7) Tunay na isang may tibay-loob na parisan para sa atin na naghahayag ng mga kahatulan ng Diyos sa ngayon!
8. Papaano hiniling sa mga Israelita na “gayung-gayon” ang gawin, at papaanong ang ibinungang pagsasaya ay maihahalintulad sa malapit na hinaharap?
8 Ang mga Israelita ba ay buong-katapatang sumuporta kay Moises? Pagkatapos na pasapitin ni Jehova sa Ehipto ang siyam sa sampung salot, ang mga Israelita ay binigyan niya ng detalyadong tagubilin sa pagdiriwang ng Paskuwa. “Nang magkagayon ang mga tao ay yumukod nang mababa at nagpatirapa ng kanilang mga sarili. Pagkaraan ang mga anak ni Israel ay humayo at gumawa ayon sa iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron. Gayung-gayon ang ginawa nila.” (Exodo 12:27, 28) Nang hatinggabi ng makasaysayang gabing iyon, Nisan 14, 1513 B.C.E., sinimulang paslangin ng anghel ni Jehova ang lahat ng panganay ng Ehipto ngunit nilampasan niya ang tahanan ng mga Israelita. Bakit pinaligtas ang mga panganay ng Israel? Sapagkat nakasumpong sila ng proteksiyon sa ilalim ng dugo ng kordero ng Paskuwa, na iniwisik sa kanilang pintuan. Ginawa nila ang ayon sa iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron. Oo, “gayung-gayon ang ginawa nila.” (Exodo 12:50, 51) Sa Dagat na Pula, gumawa pa si Jehova ng isang himala sa pagliligtas sa kaniyang masunuring bayan samantalang nililipol si Faraon at ang kaniyang makapangyarihang puwersang militar. Gayon na lamang ang pagbubunyi ng mga Israelita! Gayundin naman sa ngayon, marami na tumalima sa mga utos ni Jehova ay magsasaya na maging mga saksing nakakita ng pagbabangong-puri sa kaniya sa Armagedon.—Exodo 15:1, 2; Apocalipsis 15:3, 4.
9. Anong modernong-panahong mga pribilehiyo ang inilalarawan ng “gayung-gayon” na ginawa ng mga Israelita may kinalaman sa tabernakulo?
9 Nang utusan ni Jehova ang Israel na mag-abuloy at magtayo ng tabernakulo sa ilang, bukas-palad na tumangkilik ang bayan. Pagkatapos, maging sa pinakamaliit na detalye, sinunod ni Moises at ng kaniyang kusang-loob na mga kamanggagawa ang arkitektural na plano na inilaan ni Jehova. “Kaya ang gawain para sa tabernakulo ng tolda ng kapulungan ay nakumpletong lahat, sa bagay na ang mga anak ni Israel ay patuloy na gumawa alinsunod sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises. Gayung-gayon ang ginawa nila.” Gayundin naman, sa pasinaya ng pagkasaserdote, “si Moises ay nagsimulang gumawa alinsunod sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Exodo 39:32; 40:16) Sa modernong panahon, mayroon tayong pagkakataon na buong-pusong sumuporta sa gawaing pangangaral at sa mga programa para sa pagpapalawak ng Kaharian. Kaya pribilehiyo natin na “gayung-gayon” ang gawin taglay ang pagkakaisa.
Si Josue—May Tibay-Loob at Totoong Malakas
10, 11. (a) Ano ang nagsangkap kay Josue ukol sa tagumpay? (b) Papaano tayo mapalalakas na harapin ang mga pagsubok sa modernong panahon?
10 Nang atasan ni Moises si Josue na manguna sa Israel patungo sa lupang pangako, malamang na ang kinasihang Salita ni Jehova ay nasusulat pa lamang sa limang aklat ni Moises, sa isa o dalawang awit, at sa aklat ni Job. Itinagubilin ni Moises kay Josue na pisanin ang bayan kapag narating na nila ang Lupang Pangako at “basahin ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pakinig.” (Deuteronomio 31:10-12) Bukod dito, si Jehova mismo ang nag-utos kay Josue: “Ang aklat na ito ng kautusan ay hindi dapat mahiwalay mula sa iyong bibig, at dapat kang bumasa nang pabulong mula rito araw at gabi, upang maingatan mong gawin ayon sa lahat ng nasusulat doon; sapagkat kung magkagayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong daan at kung magkagayon ay kikilos ka nang may karunungan.”—Josue 1:8.
11 Ang araw-araw na pagbabasa ng “aklat” ni Jehova ang siyang nagsangkap kay Josue upang maharap ang mga pagsubok na nasa unahan, kung papaanong ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ni Jehova, ang Bibliya, ay nagpapalakas sa Kaniyang mga Saksi sa modernong panahon upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Palibhasa’y napalilibutan tayo ng isang marahas na sanlibutan, atin ding isapuso ang payo ng Diyos kay Josue: “Magpakatibay-loob ka at magpakalakas. Huwag kang mangilabot o masindak man, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.” (Josue 1:9) Pagkatapos masakop ang Canaan, saganang ginantimpalaan ang mga tribo ng Israel nang sila’y manahanan sa kanilang mana. “Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel.” (Josue 14:5) Nakakatulad na gantimpala ang naghihintay sa ating lahat sa ngayon na bumabasa ng Salita ng Diyos at nagkakapit nito sa ating buhay, anupat “gayung-gayon” ang masunuring ginagawa.
Mga Hari—Ang Tapat at ang Di-masunurin
12. (a) Anong utos ang ibinigay sa mga hari sa Israel? (b) Ano ang ibinunga ng pagkabigong sumunod ng mga hari?
12 Kumusta naman ang mga hari sa Israel? Iniatas ni Jehova sa hari ang kahilingang ito: “Kapag umuupo siya sa trono ng kaniyang kaharian, dapat siyang sumulat sa isang aklat para sa kaniyang sarili ng isang kopya ng kautusang ito mula roon sa nasa pangangasiwa ng mga saserdote, ang mga Levita. At ito’y dapat mamalagi sa kaniya, at kaniyang babasahin ito sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang siya’y matutong matakot kay Jehova na kaniyang Diyos upang tuparin ang lahat ng salita ng kautusang ito at ng mga regulasyong ito sa pagsasagawa sa mga ito.” (Deuteronomio 17:18, 19) Sinunod ba ng mga hari sa Israel ang utos na iyan? Sa kalakhang bahagi, totoong nabigo sila, kung kaya dumanas sila ng mga sumpa na inihula sa Deuteronomio 28:15-68. Sa wakas, ang Israel ay pinapangalat “mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”
13. Papaano tayo makikinabang, gaya ni David, sa pagpapamalas ng pag-ibig sa Salita ni Jehova?
13 Gayunman, si David—ang unang tapat na haring tao sa Israel—ay nagpamalas ng pambihirang debosyon kay Jehova. Siya ay napatunayang ‘isang batang leon sa Juda,’ na lumalarawan kay Kristo Jesus, ang nananakop na ‘leon sa tribo ng Juda, ang ugat ni David.’ (Genesis 49:8, 9; Apocalipsis 5:5) Sa ano nakasalig ang lakas ni David? Siya ay may matinding pagpapahalaga sa nasusulat na Salita ni Jehova at namuhay nang ayon dito. Sa Awit 19, “isang himig ni David,” mababasa natin: “Ang batas ni Jehova ay sakdal.” Pagkatapos banggitin ang paalaala, tagubilin, utos, at hudisyal na mga pasiya ni Jehova, nagpatuloy si David sa pagsasabi: “Ang mga ito’y higit na kanais-nais kaysa sa ginto, oo, kaysa maraming dinalisay na ginto; at mas matamis kaysa pulot-pukyutan at sa tumutulong pulot ng bahay-pukyutan. Saka, ang sarili mong lingkod ay pinapag-iingat ng mga ito; sa pagsunod sa mga ito ay may malaking gantimpala.” (Awit 19:7-11) Kung ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ni Jehova at pagbubulay-bulay nito ay kapaki-pakinabang noong nakalipas na 3,000 taon, lalo ngang higit sa ngayon!—Awit 1:1-3; 13:6; 119:72, 97, 111.
14. Papaano ipinakikita ng landasin ni Solomon ang pangangailangan ng higit pa sa kaalaman?
14 Subalit hindi sapat na magtamo lamang ng kaalaman. Mahalaga rin na ang mga lingkod ng Diyos ay kumilos ayon sa kaalamang iyan, ikapit ito alinsunod sa banal na kalooban—oo, na “gayung-gayon” ang gawin. Ito ay mailalarawan sa kaso ng anak ni David na si Solomon, na pinili ni Jehova “upang maupo sa trono ng pagkahari ni Jehova sa Israel.” Ang atas na itayo ang templo ay tinanggap ni Solomon, na gumamit ng arkitektural na mga plano na natanggap ni David “sa pamamagitan ng pagkasi.” (1 Cronica 28:5, 11-13) Papaano maisasakatuparan ni Solomon ang malaking gawaing ito? Bilang sagot sa panalangin, pinagkalooban siya ni Jehova ng karunungan at kaalaman. Sa pamamagitan nito, at sa pagsunod sa inilaan ng Diyos na mga plano, naitayo ni Solomon ang maringal na bahay na iyon, na napuspos ng kaluwalhatian ni Jehova. (2 Cronica 7:2, 3) Subalit nang dakong huli, si Solomon ay nabigo. Sa anong paraan? Ganito ang batas ni Jehova hinggil sa hari ng Israel: “Hindi rin siya dapat magparami ng asawa para sa kaniyang sarili, upang hindi mailigaw ang kaniyang puso.” (Deuteronomio 17:17) Ngunit si Solomon ay “nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang kalunyâ; at ang kaniyang mga asawa ay unti-unting . . . nagkiling sa kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos.” Sa kaniyang mga huling taon, hindi na “gayung-gayon” ang ginawa ni Solomon.—1 Hari 11:3, 4; Nehemias 13:26.
15. Papaanong “gayung-gayon” ang ginawa ni Josias?
15 May ilang masunuring hari sa Juda, na ang kahuli-hulihan sa kanila ay si Josias. Noong taóng 648 B.C.E., sinimulan niyang linisin ang lupain buhat sa idolatriya at ayusin ang templo ni Jehova. Doon nasumpungan ng mataas na saserdote “ang aklat ng batas ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” Ano ang ginawa ni Josias tungkol dito? “Ngayon ay naparoon ang hari sa bahay ni Jehova kasama ang lahat ng lalaki ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem at ang mga saserdote at ang mga Levita at ang buong bayan, ang malalaki gayundin ang maliliit; at kaniyang sinimulang basahin sa kanilang pandinig ang lahat ng mga salita ng aklat ng tipan, na natagpuan sa bahay ni Jehova. At ang hari ay nanatiling nakatayo sa kaniyang dako at nagsimulang makipagtipan sa harap ni Jehova upang patuloy na sumunod kay Jehova at tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga patotoo at ang kaniyang mga regulasyon nang buong puso niya at nang buong kaluluwa niya, upang ganapin ang mga salita ng tipan na nakasulat sa aklat na ito.” (2 Cronica 34:14, 30, 31) Oo, “gayung-gayon ang ginawa” ni Josias. Bilang resulta ng kaniyang tapat na landasin, ang pagpapatupad ng kahatulan ni Jehova sa walang-pananampalatayang Juda ay ipinagpaliban hanggang sa mga araw ng kaniyang suwail na mga anak.
Pamumuhay Kasuwato ng Salita ng Diyos
16, 17. (a) Sa anong paraan kailangang sundin natin ang yapak ni Jesus? (b) Sino pang ibang lingkod ng Diyos ang naglaan ng halimbawa para sa atin?
16 Sa lahat ng tao na nabuhay kailanman, ang pinakamainam na halimbawa ng pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at pamumuhay kasuwato nito ay ang Panginoong Jesu-Kristo. Ang Salita ng Diyos ay gaya ng pagkain sa kaniya. (Juan 4:34) Sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat anumang mga bagay ang ginagawa ng Isang iyon, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa katulad na paraan.” (Juan 5:19, 30; 7:28; 8:28, 42) “Gayung-gayon ang ginawa” ni Jesus, anupat ipinahahayag: “Ako ay bumaba mula sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) Tayo na mga nakaalay na Saksi ni Jehova ay tinatawagan na “gayung-gayon” ang gawin sa pamamagitan ng pagsunod sa yapak ni Jesus.—Lucas 9:23; 14:27; 1 Pedro 2:21.
17 Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang siyang pinakapangunahin sa isip ni Jesus. Siya’y lubusang nakaaalam sa Salita ng Diyos at sa gayo’y nasasangkapan na magbigay ng maka-Kasulatang mga sagot. (Mateo 4:1-11; 12:24-31) Sa palaging pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos, tayo man ay maaaring maging “lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Sundin natin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong sinauna at nang sumunod na mga panahon at higit sa lahat yaong sa ating Panginoon, si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Upang malaman ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama, gaya ng kautusan na ibinigay ng Ama sa akin upang gawin, gayon ang aking ginagawa.” (Juan 14:31) “Gayung-gayon” din sana ang patuloy nating gawin bilang pagpapamalas ng ating pag-ibig sa Diyos.—Lucas 12:29-31.
18. Ano ang dapat magpasigla sa atin na ‘maging tagatupad ng salita,’ at ano ang susunod na tatalakayin?
18 Habang binubulay-bulay natin ang masunuring landasin ng mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya, hindi ba tayo napatitibay-loob na ganapin ang tapat na paglilingkuran sa mga huling araw ng balakyot na sistema ni Satanas? (Roma 15:4-6) Talagang dapat tayong mapasigla na ‘maging tagatupad ng salita’ sa ganap na diwa, gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo.—Santiago 1:22.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang dapat na kahulugan sa atin ng “pag-ibig ng Diyos”?
◻ Ano ang natututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Noe, Moises, at Josue?
◻ Hanggang saan sinunod ng mga hari sa Israel ang “salita” ng Diyos?
◻ Papaanong si Jesus ang ating Uliran sa paggawa nang “gayung-gayon”?
[Mga larawan sa pahina 15]
“Gayung-gayon ang ginawa” nina Noe, Moises, at Josue