Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/15 p. 20-23
  • Kaaliwan at Pampatibay-loob—Mga Hiyas na Maraming Pitak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaaliwan at Pampatibay-loob—Mga Hiyas na Maraming Pitak
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Pamamagitan ng Personal na Kaugnayan sa Diyos
  • Sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral ng Salita ng Diyos
  • Sa Pamamagitan ng Kongregasyon
  • Sa Pamamagitan ng “Tapat at Maingat na Alipin”
  • “Aliwin ang Lahat ng Nagdadalamhati”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Magbigay ng Kaaliwan sa mga Namimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Tulong Para sa mga Biktima ng Pang-aabuso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/15 p. 20-23

Kaaliwan at Pampatibay-loob​—Mga Hiyas na Maraming Pitak

MARAMI sa atin ang dumanas ng mga panahong waring tayo’y kinakapos​—hindi naman sa pananalapi kundi sa kasiglahan. Tayo’y nawalan ng pag-asa, labis na nanlumo pa nga. Gayunman, sa gayong mga pagkakataon ay maaaring abot-kamay natin ang isang napakahalagang bagay na lubhang makabubuti sa atin. Ang “hiyas” na iyon ay pampatibay-loob.

Sa Bibliya ay may iisang salitang Griego na ginamit para sa “patibaying-loob” at “aliwin.” Ang dalawang salitang ito ay naghahatid ng diwa ng pagbibigay ng lakas-loob, lakas, o pag-asa. Maliwanag, kung gayon, na kapag tayo’y nanghihina o nanlulumo, kaaliwan at pampatibay-loob ang talagang kailangan natin. Saan masusumpungan ang mga ito?

Tinitiyak sa atin ng Bibliya na si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Sinasabi rin nito sa atin na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Kaya masusumpungan ang kaaliwan at pampatibay-loob. Isaalang-alang natin ang apat na pangunahing larangan na doo’y naglalaan si Jehova ng pampatibay-loob.

Sa Pamamagitan ng Personal na Kaugnayan sa Diyos

Ang pinakamalaking pinagmumulan ng kaaliwan ay ang personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Nakapagpapatibay-loob ang bagay na posible ang gayong kaugnayan. Kung sa bagay, sino nga bang tagapamahala sa daigdig ang tatanggap ng ating mga tawag sa telepono o magpapahayag ng personal na interes sa ating mga suliranin? Si Jehova ay lubhang mas makapangyarihan sa gayong mga tao. Gayunman, siya ay mapagpakumbaba​—totoong handang makitungo sa mga taong mababa at di-sakdal. (Awit 18:35) Si Jehova pa nga ang nagkusang magpakita ng pag-ibig sa atin. Sinasabi ng 1 Juan 4:10: “Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi na siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” Bukod dito, maibiging inilalapit tayo ni Jehova sa kaniyang Anak.​—Juan 6:44.

Ikaw ba ay tumugon at humanap ng kaaliwan sa pakikipagkaibigan sa Diyos? (Ihambing ang Santiago 2:23.) Halimbawa, kung ikaw ay may matalik at malapit na kaibigan, hindi ba nakalulugod na gumugol ng panahon na kayong dalawa lamang ng kaibigang iyon, anupat malayang pinag-uusapan ang inyong mga kabalisahan at agam-agam, ang inyong pag-asa at kagalakan? Ganiyan din ang ipinag-aanyaya ni Jehova sa inyo. Hindi niya hinahanggahan ang pakikipag-usap ninyo sa kaniya sa panalangin​—at talagang nakikinig siya. (Awit 65:2; 1 Tesalonica 5:17) Si Jesus ay nanalangin nang regular at taimtim. Sa katunayan, bago piliin ang kaniyang 12 apostol, siya ay magdamag na nanalangin.​—Lucas 6:12-16; Hebreo 5:7.

Sa pana-panahon, lahat tayo ay maaaring mapag-isa kasama ni Jehova. Ang pag-upo lamang nang tahimik sa tabi ng bintana o payapang paglalakad ay makapaglalaan ng pagkakataon na buksan ang ating niloloob kay Jehova sa panalangin. Ang paggawa nito ay magiging isang pinagmumulan ng malaking kaginhawahan at kaaliwan. Kung pagmamasdan natin ang ilang pitak ng paglalang ni Jehova habang tayo’y nagbubulay-bulay​—kahit isang bahagi lamang ng langit, ilang punungkahoy o mga ibon​—​sa paraang iyon ay makasusumpong tayo ng ilang nakaaaliw na paalaala ng pag-ibig at pagmamalasakit sa atin ni Jehova.​—Roma 1:20.

Sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral ng Salita ng Diyos

Subalit sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya talagang inihahayag sa atin ang mga katangian ni Jehova. Paulit-ulit na isinisiwalat ng Bibliya na si Jehova ay “Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6; Nehemias 9:17; Awit 86:15) Likas na katangian ng personalidad ni Jehova ang hangarin na aliwin ang kaniyang mga lingkod sa lupa.

Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Jehova sa Isaias 66:13: “Gaya ng isang taong laging inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin.” Dinisenyo ni Jehova na ang pag-ibig ng ina sa kaniyang mga anak ay maging mapagsakripisyo-sa-sarili at matapat. Kung nakakita ka na ng isang mapagmahal na ina na umaaliw sa kaniyang nasaktang anak, alam mo kung ano ang ibig sabihin ni Jehova kapag sinasabi niyang aaliwin niya ang kaniyang bayan.

Maraming salaysay sa Bibliya ang nagpapakita ng gayong kaaliwan sa gawa. Nang magbanta ang balakyot na si Reyna Jezebel na ipapapatay niya si propeta Elias, ito ay nasiraan ng loob at tumakas. Gayon na lamang ang kaniyang pagkatakot anupat tinahak niya ang ilang para sa maghapong paglalakbay, tiyak na hindi nakapagdala ng tubig o panustos. Dala ng pagdadalamhati ay nasabi ni Elias kay Jehova na ibig na niyang mamatay. (1 Hari 19:1-4) Ano ang ginawa ni Jehova upang aliwin at patibaying-loob ang kaniyang propeta?

Hindi sinaway ni Jehova si Elias dahil sa pagkadama nito ng pag-iisa, kawalang-halaga, at pagkatakot. Sa kabaligtaran, narinig ng propeta ang “isang mahinahon, mababang tinig.” (1 Hari 19:12) Kung babasahin mo ang 1 Hari kabanata 19, mapapansin mo kung papaano inaliw ni Jehova si Elias, pinaginhawa siya, at pinatibay ang kaniyang pananampalataya. Hindi mababaw ang kaaliwang ito. Tumagos iyon sa nababagabag na puso ni Elias, anupat pinatibay-loob ang propeta na magpatuloy. (Ihambing ang Isaias 40:1, 2) Di-nagtagal, bumalik siya sa kaniyang atas.

Inaaliw at pinatitibay-loob din naman ni Jesu-Kristo ang kaniyang tapat na mga tagasunod. Sa katunayan, humula si Isaias tungkol sa Mesiyas: “Ang Soberanong Panginoong Jehova . . . ang nagsugo sa akin upang bigkisan ang mga pusong wasak, . . . upang aliwin ang lahat ng namimighati.” (Isaias 61:1-3) Sa buong buhay niya, tiniyak ni Jesus na ang mga salitang ito ay kumakapit sa kaniya. (Lucas 4:17-21) Kung nadarama mong kailangan mo ng kaaliwan, bulay-bulayin ang banayad at maibiging pakikitungo ni Jesus sa mga taong nasaktan at nangangailangan. Oo, ang masusing pag-aaral ng Bibliya ay isang malaking pinagmumulan ng kaaliwan at pampatibay-loob.

Sa Pamamagitan ng Kongregasyon

Sa Kristiyanong kongregasyon, ang mga hiyas ng kaaliwan at pampatibay-loob ay kumikinang sa maraming pitak ng mga ito. Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 5:11) Papaano masusumpungan sa mga pulong ng kongregasyon ang kaaliwan at pampatibay-loob?

Mangyari pa, dumadalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong pangunahin na upang ‘maturuan ni Jehova,’ upang tumanggap ng turo tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga daan. (Juan 6:45) Ang gayong pagtuturo ay nilayong maging nakapagpapatibay at nakaaaliw. Sa Gawa 15:32, mababasa natin: “Sina Judas at Silas . . . ay nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.”

Naranasan mo na bang pumunta sa Kristiyanong pagpupulong sa panahong ikaw ay nasisiraan ng loob at nakauwi na may mabuting pakiramdam? Marahil may nasabi sa pahayag, sa isang komento, o sa panalangin na nakaantig ng iyong puso at naglaan ng kinakailangang kaaliwan at pampatibay-loob. Kaya huwag kaliligtaan ang mga Kristiyanong pagpupulong.​—Hebreo 10:24, 25.

Ang pakikisama sa ating mga kapatid sa ministeryo at sa iba pang okasyon ay maaaring magkaroon ng nakakatulad na epekto. Sa Hebreo ang ilang pandiwa na nangangahulugang “bigkising sama-sama” ay tumukoy rin nang maglaon sa “lakas” o “palakasin”​—ang malinaw na idea ay na nagiging mas matibay ang mga bagay-bagay kapag binigkis nang sama-sama. Totoo ang simulaing ito sa kongregasyon. Tayo ay naaaliw, napatitibay-loob, oo, napalalakas, sa pagtitipong sama-sama. At tayo ay binubuklod ng pag-ibig, ang pinakamatibay sa lahat ng bigkis.​—Colosas 3:14.

May mga pagkakataon na ang katapatan ng ating espirituwal na mga kapatid ang siyang nagpapatibay-loob sa atin. (1 Tesalonica 3:7, 8) Kung minsan iyon ay ang pag-ibig na ipinamamalas nila. (Filemon 7) At kung minsan iyon ay ang paggawa lamang nang sama-sama, balikatan, samantalang nakikipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kung nanghihina ka at nangangailangan ng pampatibay-loob hinggil sa ministeryo, bakit hindi gumawa ng kaayusan na sumama sa isang mas matanda o mas makaranasang mamamahayag ng Kaharian? Malamang na makasusumpong ka ng malaking kaaliwan sa paggawa nito.​—Eclesiastes 4:9-12; Filipos 1:27.

Sa Pamamagitan ng “Tapat at Maingat na Alipin”

Sino ang nag-oorganisa ng nakaaaliw na mga bahagi ng ating pagsamba? Inatasan ni Jesus ang isang uri na kaniyang tinukoy bilang “ang tapat at maingat na alipin” upang mamahagi ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Noong unang siglo C.E., ang lupong ito ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu ay kumikilos na. Ang lupon ng matatanda sa Jerusalem ay nagpadala ng mga liham ng tagubilin at patnubay sa mga kongregasyon. Ano ang resulta? Iniuulat ng Bibliya kung papaano tumugon ang mga kongregasyon sa isa sa gayong liham: “Pagkabasa nito, sila ay nagsaya sa pampatibay-loob.”​—Gawa 15:23-31.

Gayundin naman, sa mapanganib na mga huling araw na ito, ang tapat at maingat na alipin ay nagbibigay ng espirituwal na pagkain na naglalaan ng malaking kaaliwan at pampatibay-loob sa bayan ni Jehova. Nakikibahagi ka ba sa pagkaing iyan? Makukuha ito sa inilimbag na literatura na inilalaan ng uring alipin sa buong daigdig. Ang mga magasing Bantayan at Gumising! gayundin ang mga aklat, brosyur, at mga tract na inilalathala ng Samahang Watch Tower ay nagdudulot ng kaaliwan sa napakaraming mambabasa.

Ganito ang isinulat ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ang karamihan sa ating mga kapatid ay ibig gumawa ng tama, subalit malimit na sila’y nakikipagpunyagi sa pagkasiphayo, takot, at pagkadama na sila’y walang-kakayahan na tulungan ang kanilang sarili. Ang mga artikulo sa ating mga babasahin ay tumutulong sa marami na mapanumbalik ang kanilang kakayahang ituwid ang kanilang buhay at damdamin. Higit pa kaysa mababaw na pampatibay-loob ang ibinibigay ng mga artikulo na magagamit din ng matatanda.”

Gamiting lubusan ang literatura buhat sa uring tapat na alipin. Ang napapanahong mga magasin, aklat, at iba pang publikasyon ay makatutulong sa atin na makasumpong ng kaaliwan kapag mahirap ang panahon. Sa kabilang dako, kung ikaw ay nasa kalagayang makapagbibigay ng pampatibay-loob sa isang nanlulumo, gamitin ang maka-Kasulatang impormasyon sa mga babasahing ito. Maingat ang pagkakasulat ng mga artikulo, malimit na pagkatapos ng mga sanlinggo o mga buwan ng masikap na pagsasaliksik, pag-aaral, at pananalangin. Ang payo ay salig sa Bibliya, subók at totoo. Natuklasan ng ilan na lubhang nakatutulong ang basahin ang isa o dalawang angkop na artikulo sa isa na nasisiraan ng loob. Ito’y maaaring magbunga ng malaking kaaliwan at pampatibay-loob.

Kapag nakasumpong ka ng mahahalagang hiyas, itatago mo ba ang mga ito, o bukas-palad na ibabahagi ang ilang yaman sa iba? Gawing tunguhin na maging isang pinagmumulan ng kaaliwan at pampatibay-loob sa iyong mga kapatid sa kongregasyon. Kung ikaw ay nagpapatibay sa halip na nanggigiba, pumupuri sa halip na pumupuna, nagsasalita taglay “ang dila ng mga naturuan” sa halip na ang ‘walang-pakundangang mga saksak ng isang tabak,’ malaki ang magagawa mo sa buhay ng iba. (Isaias 50:4; Kawikaan 12:18) Oo, malamang na ikaw mismo ay mamalasin bilang isang hiyas​—isang pinagmumulan ng tunay na kaaliwan at pampatibay-loob!

[Kahon sa pahina 20]

Kaaliwan Para sa mga Nangangailangan

MARAMI ang nagkomento kung papaanong ang ilang artikulo sa Bantayan at Gumising! ay nagpalalim ng kanilang personal na kaugnayan kay Jehova. Ganito ang sabi ng isa: “Pagkabasa ng artikulong ito, nadama kong kasama ko si Jehova taglay ang kaniyang buong kapangyarihan at kadakilaan. Nadama kong siya’y isang tunay na persona.” Isa pang liham ang nagsaad: “Gayon na lamang kalaki ang pagbabago ng aming pangmalas kay Jehova sa aming puso at isip anupat hindi na kami kagaya ng dati. Para bang may nagpahid ng aming mga salamin sa mata, at ngayo’y malinaw na malinaw naming nakikita ang lahat ng bagay.”

Ang iba ay sumulat upang sabihin kung papaanong ang mga magasin ay nakatulong sa kanila na harapin ang espesipikong mga suliranin o hamon, na sa pamamagitan nito ay natitiyak nila ang personal na interes sa kanila ni Jehova. Ganito ang pagkasabi ng isang mambabasa: “Lubos ko kayong pinasasalamatan sa muling pagpapakita sa amin kung gaano kalaki ang pagmamalasakit at pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan.” Isang babae na namatayan ng anak sa Hapón ang nagsabi ng ganito tungkol sa mga artikulo sa Gumising! hinggil sa paksang iyon: “Ang tindi ng awa ng Diyos ay bumuhos mula sa mga pahina, at ako’y umiyak nang umiyak. Inilagay ko ang mga artikulong ito sa lugar na madali kong mababasa ang mga ito kailanma’t ako’y nanlulumo at nalulungkot.” Ganito naman ang isinulat ng isang babaing nagdadalamhati: “Ang mga artikulo sa Bantayan at Gumising at ang brosyur na “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal” ay nagbigay sa akin ng lakas na kailangan ko upang mabata ang panahon ng aking kalumbayan.”

Ang Banal na Kasulatan ang pangunahing pinagmumulan ng kaaliwan. (Roma 15:4) Nanghahawakan Ang Bantayan sa Bibliya bilang awtoridad nito, at gayundin ang kasamahang magasin nito, ang Gumising! Dahil dito, ang mga babasahing ito ay napatunayang isang kaaliwan at pampatibay-loob sa mga mambabasa nito.

[Larawan sa pahina 23]

Ang Diyos ng buong kaaliwan ay siya ring Dumirinig ng panalangin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share