Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 3/15 p. 28-30
  • Sino si Teofilo ng Antioquia?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino si Teofilo ng Antioquia?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Personal na Kasaysayan
  • Isang Pag-aaral sa Kaniyang mga Sulat
  • Mahalagang Patotoo
  • Teofilo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Lucas—Isang Minamahal na Kamanggagawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • “Magiging mga Saksi Ko Kayo”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Introduksiyon sa Gawa
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 3/15 p. 28-30

Sino si Teofilo ng Antioquia?

“TINATAWAG mo akong Kristiyano, na para bang ito’y isang kasuklam-suklam na pangalan para taglayin, ako, sa ganang akin, ay tahasang nagpapahayag na ako ay isang Kristiyano, at tinatanggap ang pangalang ito upang maging iniibig ng Diyos, umaasang makapaglilingkod sa Diyos.”

Ganiyan sinisimulan ni Teofilo ang kaniyang akdang may tatlong bahagi na pinamagatang Theophilus to Autolycus. Ito ang simula ng kaniyang pagtatanggol laban sa ikalawang siglong apostasya. Hayagang ipinakikilala ni Teofilo ang kaniyang sarili bilang isang tagasunod ni Kristo. Siya’y waring determinado na ganapin ang kaniyang gawain upang maging isang “iniibig ng Diyos,” kasuwato ng kahulugan ng kaniyang pangalan sa wikang Griego. Sino ba talaga si Teofilo? Kailan siya nabuhay? At ano ang kaniyang naisagawa?

Personal na Kasaysayan

Kakaunti ang nalalaman sa personal na kasaysayan ni Teofilo. Siya ay pinalaki ng mga magulang na di-Kristiyano. Nang maglaon ay nakumberte si Teofilo sa Kristiyanismo ngunit tanging pagkatapos lamang ng maingat na pag-aaral sa Kasulatan. Naging obispo siya ng kongregasyon sa Antioquia sa Siria, kilala ngayon bilang Antakya, sa Turkey.

Kasuwato ng utos ni Jesus, ang unang siglong mga Kristiyano ay nangaral sa mga mamamayan ng Antioquia. Iniulat ni Lucas ang kanilang tagumpay, na sinasabi: “Ang kamay ni Jehova ay sumasa kanila, at isang malaking bilang ng mga naging mananampalataya ang bumaling sa Panginoon.” (Gawa 11:20, 21) Yamang iniutos ng Diyos, ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay nakilala bilang mga Kristiyano. Ang terminong ito ay unang ginamit sa Antioquia sa Siria. (Gawa 11:26) Noong unang siglo C.E., naglakbay si apostol Pablo patungong Antioquia sa Siria, at iyon ang naging kaniyang dakong tinutuluyan. Kasama si Juan Marcos, sinimulan nina Bernabe at Pablo ang kanilang unang paglalakbay-misyonero buhat sa Antioquia.

Ang mga unang Kristiyano sa Antioquia ay walang-alinlangang lubusang napatibay sa mga pagdalaw ng mga apostol sa kanilang lunsod. Ang kanilang masiglang pagtugon sa katotohanan ng Salita ng Diyos ay sa isang bahagi’y tiyak na dahil sa nakapagpapalakas-pananampalatayang mga pagdalaw ng unang-siglong mga kinatawan ng lupong tagapamahala. (Gawa 11:22, 23) Tunay ngang nakapagpapatibay para sa kanila na makitang napakaraming naninirahan sa Antioquia ang nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova! Gayunman, mahigit pang 100 taon ang lumipas bago nabuhay si Teofilo sa Antioquia.

Ang istoryador na si Eusebius ay nagsabi na si Teofilo ang ikaanim na obispo ng Antioquia, kung bibilang mula sa panahon ng mga apostol ni Kristo. Sumulat si Teofilo ng maraming bibigang pagtalakay at pagpapabulaan laban sa erehiya. Siya ay kabilang sa labindalawa o mahigit pang mga Kristiyanong apolohista noong kaniyang panahon.

Isang Pag-aaral sa Kaniyang mga Sulat

Bilang tugon sa naunang pag-uusap, sumulat si Teofilo sa paganong si Autolycus na may ganitong panimulang mga salita: “Ang isang matatas na dila at isang mabulaklak na pananalita ay nakalulugod at ang gayong kapurihan na gaya ng kapalaluan ay kasiya-siya, sa kaaba-abang mga tao na may maruruming isip.” Nagpapaliwanag si Teofilo, na sinasabi: “Ang umiibig sa katotohanan ay hindi nagbibigay-pansin sa mga mapalamuting pangungusap, kundi sinusuri ang tunay na kahulugan ng pananalita . . . Pinaulanan mo ako ng walang kabuluhang mga salita, anupat ipinagyayabang ang iyong mga diyos na kahoy at bato, pinukpok at tinubog, nililok at inukit, na hindi nakakakita ni nakaririnig, sapagkat ang mga ito ay mga idolo, at gawa ng mga kamay ng mga tao.”​—Ihambing ang Awit 115:4-8.

Inilantad ni Teofilo ang kamalian ng idolatriya. Sa kaniyang karaniwang istilo ng pagsulat, siya’y malinaw, bagaman paulit-ulit, na nagsikap na ipahayag ang totoong kalikasan ng tunay na Diyos. Ipinaliwanag niya: “Ang anyo ng Diyos ay di-maisasaysay at di-mailalarawan, at hindi makikita ng mga mata ng tao. Sapagkat sa kaluwalhatian Siya ay hindi maunawaan, sa kadakilaan ay di-malirip, sa kataasan ay di-mailarawan sa isip, sa kapangyarihan ay walang-katulad, sa karunungan ay walang-kapantay, sa kabutihan ay di-mapaparisan, sa kabaitan ay di-maisasalaysay.”

Karagdagan sa paglalarawang ito sa Diyos, nagpapatuloy si Teofilo: “Subalit siya ay Panginoon, sapagkat Siya ang namamahala sa sansinukob; Ama, dahil siya ang nauna sa lahat ng bagay; Disenyador at Manlilikha, sapagkat Siya ang manlalalang at maylikha ng sansinukob; ang Kataas-taasan, dahil sa Kaniyang pagiging mataas sa lahat; at Makapangyarihan-sa-lahat, sapagkat Siya Mismo ang namamahala at sumasakop sa lahat.”

Pagkatapos, itinutuon ang pansin sa espesipikong mga naisagawa ng Diyos, nagpatuloy si Teofilo sa paraang katulad ng kaniyang masusi at parang paulit-ulit na istilo, na sinasabi: “Sapagkat ang mga langit ay Kaniyang gawa, ang lupa ay Kaniyang paglalang, ang dagat ay gawa ng Kaniyang mga kamay; ang tao ay Kaniyang kaanyuan at Kaniyang larawan; ang araw, buwan, at mga bituin ay Kaniyang mga nilalang, ginawa ukol sa mga tanda, at mga panahon, at mga araw, at mga taon, upang ang mga ito’y maglingkod at maging mga alipin ng tao; at lahat ng bagay ay ginawa ng Diyos mula sa mga bagay na hindi umiiral tungo sa mga bagay na umiiral, upang sa pamamagitan ng Kaniyang mga gawa ang Kaniyang kadakilaan ay matanyag at maunawaan.”

Isa pang karagdagang halimbawa ng pag-atake ni Teofilo sa huwad na mga diyos noong kaniyang panahon ay makikita sa mga sumusunod na mga salita kay Autolycus: “Ang mga pangalan niyaong sinabi mong sinasamba mo, ay mga pangalan ng mga patay na tao. . . . At anong uri sila ng mga tao? Hindi ba si Saturno ay nasumpungang isang kanibal, anupat pinupuksa at nilalamon ang kaniyang sariling mga anak? At kung iyong tutukuyin ang kaniyang anak na si Jupiter, . . . kung papaano siya pinasuso ng isang kambing . . . At ang iba pa niyang mga gawa,​—ang kaniyang insesto, at pangangalunya, at kahalayan.”

Pinalalawak pa ang kaniyang argumento, pinatatag ni Teofilo ang kaniyang paninindigan laban sa paganong idolatriya. Sumulat siya: “Kailangan ko pa bang isa-isahin ang maraming hayop na sinamba ng mga Ehipsiyo, kapuwa mga reptilya, at mga baka, at mababangis na hayop, at mga ibon, at mga isda sa ilog . . . Ang mga Griego at ibang bansa, sinasamba nila ang mga bato at kahoy, at iba pang uri ng materyal na mga bagay.” “Subalit ang Diyos, ang buhay at tunay na Diyos, ang sinasamba ko,” ang pahayag ni Teofilo.​—Ihambing ang 2 Samuel 22:47; Gawa 14:15; Roma 1:22, 23.

Mahalagang Patotoo

Ang mga paalaala at mga payo sa tatlong bahaging akda ni Teofilo na nagpapabulaan kay Autolycus ay nagtataglay ng maraming punto at detalyado. Ang ibang mga sulat ni Teofilo ay itinuon laban kina Hermogenes at Marcion. Sumulat din siya ng mga aklat na nagtuturo at may aral, anupat nagdaragdag ng mga komentaryo sa mga Ebanghelyo. Gayunman, tanging ang tatlong aklat para kay Autolycus, isang nag-iisang manuskrito, ang naingatan.

Ang unang aklat ay isang apolohiya na isinulat para kay Autolycus bilang pagtatanggol sa relihiyong Kristiyano. Ang ikalawang aklat para kay Autolycus ay nangangatuwiran laban sa popular na paganong relihiyon, haka-haka, mga pilosopo, at mga makata. Ang mga paganong literatura ay inihahambing sa Kasulatan sa ikatlong aklat ni Teofilo.

Sa pasimula ng ikatlong aklat ni Teofilo, maliwanag na ipinagpapalagay pa rin ni Autolycus na ang Salita ng katotohanan ay isang gawa-gawang kuwento. Pinupuna ni Teofilo si Autolycus, anupat inaangkin: “Malugod mong tinitiis ang mga mangmang. Kung hindi gayon ay hindi ka mauudyukan ng walang-kabuluhang mga tao na paimpluwensiya sa walang-lamang pananalita, at maniwala sa malaganap na bali-balita.”

Ano ba iyang “malaganap na bali-balita”? Inihayag ni Teofilo ang pinagmulan. Ang mga mapanirang-puri na “may labing di-maka-Diyos ay maling nagpaparatang sa amin, [kami] na mga mananamba ng Diyos, at tinatawag na mga Kristiyano, na diumano ang mga asawang babae namin ay aming pinagpapalitan at ginagamit sa kahalayan; at na kami ay nagkakasala pa ng insesto sa aming sariling mga kapatid na babae, at, ang pinakalapastangan at makabarbaro sa lahat, na kami ay kumakain ng laman ng tao.” Nagsikap si Teofilo na sugpuin ang napakamaling paganong pangmalas na ito tungkol sa mga tinaguriang Kristiyano noong ikalawang siglo. Ginamit niya ang liwanag ng katotohanan na nasa kinasihang Salita ng Diyos.​—Mateo 5:11, 12.

Ang patotoo sa malaking kaalaman ni Teofilo sa Salita ng Diyos ay ang madalas niyang paggamit at pagtukoy kapuwa sa Hebreo at Griegong teksto ng Bibliya. Siya ay isa sa mga unang komentarista sa Ebanghelyo. Ang maraming pagtukoy ni Teofilo sa Kasulatan ay naglalaan ng saganang pagkaunawa sa pananaw na laganap noong kaniyang panahon. Ginamit niya ang kaniyang kabatiran sa mga kinasihang kasulatan upang ipakita ang napakalaking kahigitan ng mga ito sa paganong pilosopiya.

Ang balangkas ng materyal ni Teofilo, ang kaniyang nakapagtuturong paraan at paulit-ulit na istilo ay maaaring hindi nakaaakit sa ilang tao. Kung sa anong lawak naapektuhan ng inihulang apostasya ang katumpakan ng kaniyang mga pangmalas ay hindi natin masasabi sa ngayon. (2 Tesalonica 2:3-12) Gayunpaman, nang mamatay siya, noong mga 182 C.E., si Teofilo ay maliwanag na naging walang-sawang apolohista, na ang mga sulat ay pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano sa modernong panahon natin.

[Larawan sa pahina 30]

Hayagang tinutulan ni Teofilo ang mga argumento ni Autolycus

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Mga ilustrasyon sa pahina 28 at 30 na kopya mula sa illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach der deutschen Uebersetzung D. Martin Luther’s

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share