Kung Bakit Magwawakas ang Makasanlibutang Relihiyon
“Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—APOCALIPSIS 18:4.
1. (a) Sa anong paraan na ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na? (b) Papaano nakaapekto sa mga Saksi ni Jehova ang pangyayaring ito?
“BUMAGSAK NA ang Babilonyang Dakila!” Oo, buhat sa pangmalas ni Jehova ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay bumagsak na. Totoo ito sapol noong 1919, nang ang mga nalabi sa mga kapatid ni Kristo ay lumabas buhat sa ilalim ng impluwensiya ng Sangkakristiyanuhan, isang dominanteng bahagi ng mahiwagang Babilonya. Bunga nito, sila’y naging malaya upang batikusin ang huwad na relihiyon at ipahayag ang matuwid na pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian. Sa loob ng siglong ito ay ibinunyag ng tapat na mga Saksi ni Jehova ang kalipunan ng mga relihiyong sunud-sunuran kay Satanas, na kaniyang ginagamit upang iligaw ang “buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9; 14:8; 18:2.
Papaano Bumagsak ang Babilonyang Dakila?
2. Ano ang kasalukuyang kalagayan ng mga relihiyon ng sanlibutan?
2 Subalit, baka may magtanong, ‘Papaano mo nasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila, gayong ang relihiyon ay waring lumalago sa napakaraming lupain?’ Ang Katolisismo at Islam ay nag-aangking may mahigit sa tig-isang bilyong mánanampalatayá. Lumalaganap pa rin ang Protestantismo sa Amerika, kung saan patuloy na nagsusulputan ang mga bagong simbahan at mga kapilya. Daan-daang milyon ang sumusunod sa mga ritwal ng Budismo at Hinduismo. Gayunman, hanggang saan ang positibong impluwensiya ng relihiyong ito sa paggawi ng bilyun-bilyong ito? Napigil ba nito ang mga Katoliko at mga Protestante buhat sa pagpapatayan sa Hilagang Ireland? Nagdulot ba ito ng tunay na kapayapaan sa mga Judio at mga Muslim sa Gitnang Silangan? Umakay ba ito sa pagkakasundo sa pagitan ng mga Hindu at mga Muslim sa India? At, kamakailan lamang, nahadlangan ba nito ang mga Ortodoksong Serbiano, Katolikong Croatiano, at mga Muslim na taga-Bosnia buhat sa pagsasagawa ng “paglilinis ng lahi,” pandarambong, panghahalay, at pagpapatayan? Ang relihiyon ay kalimitan nang isa lamang katawagan, isang mistulang singnipis-ng-balat-ng-itlog na takip na madaling mabasag sa bahagyang puwersa.—Galacia 5:19-21; ihambing ang Santiago 2:10, 11.
3. Bakit ang relihiyon ay hahatulan ng Diyos?
3 Sa pangmalas ng Diyos, ang relihiyosong suporta ng karamihan ay hindi bumabago sa isang di-maiiwasang katotohanan—lahat ng relihiyon ay hahatulan ng Diyos. Ang Babilonyang Dakila, gaya ng pinatutunayan ng kaniyang kasaysayan, ay nararapat tumanggap ng masamang hatol sapagkat “ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawa ng kawalang-katarungan.” (Apocalipsis 18:5) Sa makahulang pananalita ay sumulat si Oseas: “Sapagkat hangin ang patuloy nilang inihahasik, at bagyong hangin ang kanilang aanihin.” Ang lahat ng huwad na relihiyon ni Satanas sa buong daigdig ay magbabayad ng pinakamalaking halaga dahil sa kanilang pagtatakwil sa Diyos, sa kaniyang pag-ibig, sa kaniyang pangalan, at sa kaniyang Anak.—Oseas 8:7; Galacia 6:7; 1 Juan 2:22, 23.
Dapat Kayong Pumili
4, 5. (a) Sa anu-anong kalagayan tayo nabubuhay sa ngayon? (b) Anong mga tanong ang dapat nating sagutin?
4 Nabubuhay tayo sa katapusang bahagi ng “mga huling araw,” at bilang mga tunay na Kristiyano ay nagpupunyagi tayong makaligtas sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang tunay na mga Kristiyano ay pansamantalang naninirahan sa sanlibutan ni Satanas, na tunay namang nagpapaaninaw ng kaniyang masamang personalidad bilang isang mamamatay-tao, sinungaling, at maninirang-puri. (Juan 8:44; 1 Pedro 2:11, 12; Apocalipsis 12:10) Napalilibutan tayo ng karahasan, pandaraya, panghuhuwad, katiwalian, at malubhang imoralidad. Ipinagwawalang-bahala na ang mga simulain. Bukambibig na ang pagpapalugod sa sarili at sariling kapakinabangan. At sa maraming kaso ay binabantuan ng klero ang malinaw na paghatol ng Bibliya laban sa homoseksuwalidad, pakikiapid, at pangangalunya upang mabigyang-dahilan ang kahalayan. Kaya ang tanong ay, Itinataguyod at binibigyang-dahilan ba ninyo ang huwad na pagsamba, o kayo’y aktibong nakikibahagi sa tunay na pagsamba?—Levitico 18:22; 20:13; Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9-11.
5 Ngayon ang panahon ng pagbubukud-bukod. Kaya naman, may higit pang dahilan upang makilala ang huwad at ang tunay na pagsamba. Ano pa ba ang nagawa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan anupat ang mga ito’y totoong karapat-dapat na hatulan?—Malakias 3:18; Juan 4:23, 24.
Isinakdal ang Huwad na Relihiyon
6. Papaano nagtaksil ang Sangkakristiyanuhan sa Kaharian ng Diyos?
6 Bagaman milyun-milyon sa Sangkakristiyanuhan ang regular na bumibigkas ng Panalangin ng Panginoon, na doo’y ipinananalangin nila ang pagdating ng Kaharian ng Diyos, masigasig nilang itinataguyod ang lahat ng anyo ng pulitikal na kapahayagan, anupat kinaliligtaan ang teokratikong pamahalaang iyan. Mga siglo na ang nakalipas nang ang “mga prinsipe” ng Simbahang Katoliko, tulad nina Kardinal Richelieu, Mazarin, at Wolsey, ay kumilos din bilang sekular na mga estadista, mga ministro ng pamahalaan.
7. Papaano ibinunyag ng mga Saksi ni Jehova ang klero ng Sangkakristiyanuhan mahigit na 50 taon na ang nakaraan?
7 Mahigit sa 50 taon na ang nakaraan, sa buklet na pinamagatang Religion Reaps the Whirlwind, ibinunyag ng mga Saksi ni Jehova ang pagkakasangkot ng Sangkakristiyanuhan sa pulitika.a Ang nabanggit noon ay matindi pa ring kumakapit sa ngayon: “Ang tapat na pagsisiyasat sa paggawi ng relihiyosong klero ng lahat ng denominasyon ay magsisiwalat na ang mga relihiyosong lider ng buong ‘Sangkakristiyanuhan’ ay masugid na nakikibahagi sa pulitika ng ‘kasalukuyang balakyot na sanlibutan’ at nakikialam sa makasanlibutang gawain nito.” Noon ay binatikos ng mga Saksi si Papa Pius XII sa kaniyang pakikipagtipan kay Hitler na Nazi (1933) at sa Pasistang si Franco (1941), gayundin sa pakikipagpalitan ng mga diplomatikong kinatawan ng papa sa sumasalakay na bansang Hapón noong Marso 1942, mga ilang buwan lamang pagkatapos ang napabalitang pag-atake sa Pearl Harbor. Ang papa ay nabigong makinig sa babala ni Santiago: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.”—Santiago 4:4.
8. Papaano nasasangkot ang Simbahang Romano Katoliko sa pulitika ngayon?
8 Ano ang situwasyon sa ngayon? Ang papado ay sangkot pa rin sa pulitika, kapuwa sa pamamagitan ng klero nito at ng mga legong kinatawan nito. Ipinakita ng mga naging papa kamakailan ang kanilang pagsang-ayon sa United Nations sa pamamagitan ng pagtatalumpati sa gawang-taong impostor ukol sa pandaigdig na kapayapaan. Ipinatalastas ng isang kamakailang isyu ng L’Osservatore Romano, ang opisyal na pahayagan ng Batikano, na pitong bagong diplomatiko, “mga embahador sa Santa Sede,” ang nagharap ng kanilang mga kredensiyal sa “Banal na Ama.” Makikini-kinita kaya natin sina Jesus at Pedro na masasangkot sa gayong diplomatikong ugnayan? Tumanggi si Jesus na siya’y gawing hari ng mga Judio at nagsabi na ang kaniyang Kaharian ay hindi sa sanlibutang ito.—Juan 6:15; 18:36.
9. Bakit natin masasabi na ang mga relihiyong Protestante ay walang ipinagkaiba sa kanilang Katolikong katapat?
9 May ipinagkaiba ba ang mga Protestanteng lider sa kanilang mga Katolikong katapat? Sa Estados Unidos, maraming konserbatibong relihiyong Protestante, at gayundin ang mga Mormon, ang kilalang may pulitikal na kapanalig. Ang Christian Coalition ay lubhang nasasangkot sa pulitika sa E.U. Ang ibang klerong Protestante ay maliwanag na kilalang may ibang pulitikal na paninindigan. Kung minsan ay nakalilimutan na sa Estados Unidos, ang pulitikal na mga tagapagsalita tulad ni Pat Robertson at Jesse Jackson ay mga “Reberendo” rin, gaya ng Britanong miyembro ng Parlamento na si Ian Paisley ng Hilagang Ireland. Papaano pa nila mabibigyang-katuwiran ang kanilang paninindigan?—Gawa 10:34, 35; Galacia 2:6.
10. Ano ang maliwanag na ipinahayag noong 1944?
10 Gaya ng itinanong ng Religion Reaps the Whirlwind noong 1944, gayundin ang itinatanong natin sa ngayon: “Ang anumang organisasyon na pumapasok sa mga kasunduan kasama ng makasanlibutang mga kapangyarihan at aktibong nagmamaneobra ng sarili nito sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutang ito, anupat humahanap ng kapakinabangan at proteksiyon sa sanlibutang ito . . . ay maaari kayang maging iglesya ng Diyos o kinatawan ni Kristo Jesus sa lupa? . . . Maliwanag, lahat ng relihiyonista na may kaparehong mga tunguhin sa mga kaharian ng sanlibutang ito ay hindi maaaring kumatawan sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”
Ang Espiritu ni Cain na Taglay ng Huwad na Relihiyon
11. Papaano sumunod ang huwad na relihiyon sa halimbawa ni Cain?
11 Sa buong kasaysayan, ipinakita ng huwad na relihiyon ang espiritu ng mamamatay-taong si Cain, na pumaslang sa kaniyang kapatid na si Abel. “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa katotohanang ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang mensahe na inyong narinig buhat pa nang pasimula, na magkaroon tayo ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid. At sa anong dahilan pinatay niya siya? Sapagkat ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matutuwid.” Palibhasa’y di-sumasang-ayon sa dalisay at kaayaayang pagsamba sa Diyos ng kaniyang kapatid, si Cain ay bumaling sa karahasan—ang huling paraan niyaong hindi makapagbigay-katuwiran sa kanilang pagkilos.—1 Juan 3:10-12.
12. Ano ang patotoo ng pagkakasangkot ng relihiyon sa mga digmaan at alitan?
12 Sinusuhayan ba ng mga katotohanan ang pagsasakdal na ito sa huwad na relihiyon? Sa aklat na Preachers Present Arms, sinabi ng awtor: “Sa kasaysayan ng mga kabihasnan, . . . dalawang puwersa ang laging magkasama sa isang tambalang alyansa. Ang mga ito ay ang digmaan at ang relihiyon. At, sa lahat ng malalaking relihiyon sa daigdig, . . . walang nakatalaga sa [digmaan] ang hihigit pa kaysa sa [Sangkakristiyanuhan].” Mga ilang taon na ang nakalipas, ganito ang sabi ng pahayagang The Sun ng Vancouver, Canada: “Isa itong kahinaan ng marahil lahat ng organisadong relihiyon na ang simbahan ay sumusunod sa watawat . . . Anong digmaan ang kailanma’y ipinakipagbaka kung saan ang Diyos ay hindi inangking nasa magkabilang panig?” Maaaring nakita mo na ang patotoo nito sa ilang lokal na simbahan. Lubhang malimit, ang altar ay napapalamutian ng mga pambansang watawat. Sa ilalim kaya ng aling watawat sa palagay ninyo magmamartsa si Jesus? Umaalingawngaw ang kaniyang mga salita sa mga nagdaang siglo: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito”!—Juan 18:36.
13. (a) Papaano nabigo ang huwad na relihiyon sa Aprika? (b) Anong pagkakakilanlang tanda ng Kristiyanismo ang ibinigay ni Jesus?
13 Hindi tinuruan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang mga kawan ng katotohanan tungkol sa tunay na pag-ibig pangkapatid. Sa halip, ang pagkakaiba ng mga bansa, tribo, at lahi ay hinayaang maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng kanilang mga miyembro. Ipinakikita ng mga ulat na ang klerong Katoliko at Anglikano ay gumanap ng papel sa pagkakabaha-bahaging nagbunga ng paglipol ng lahi sa Rwanda. Nag-ulat ang The New York Times: “Ang mga lansakang pamamaslang sa Rwanda ay nag-udyok sa maraming Romano Katoliko roon na madamang ipinagkanulo sila ng pamunuan ng simbahan. Malimit na nababahagi ang simbahan kung tungkol sa lipi, sa pagitan ng mga Hutu at mga Tutsi.” Sinipi ng pahayagan ding iyon ang isang pari ng Maryknoll na nagsabi: “Lubhang nabigo ang simbahan sa Rwanda noong 1994. Maraming taga-Rwanda ang sa isang diwa ay lumimot na sa simbahan. Wala na itong anumang kredibilidad.” Anong laking kaibahan sa mga salita ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
14. Anong ulat ng paggawi ang ipinakikita ng mga pangunahing di-Kristiyanong relihiyon?
14 Ang iba pang pangunahing relihiyon ng Babilonyang Dakila ay hindi nagpakita ng mas mainam na halimbawa. Ang kakila-kilabot na mga lansakang pamamaslang noong 1947, nang hatiin ang India, ay nagpapakita na ang mga pangunahing relihiyon doon ay hindi nagbigay-daan sa pagpaparaya. Ang patuloy na karahasan sa mga pamayanan sa India ay nagpapatunay na ang karamihan ng tao ay hindi nagbago. Hindi nga nakapagtataka na ang magasing India Today ay nagsabi: “Ang relihiyon ang naging bandila na sa ilalim nito ay isinagawa ang pinakakakila-kilabot na mga krimen. . . . Inilalabas nito ang katakut-takot na karahasan at isang napakamapangwasak na puwersa.”
“Kapuna-punang Kabalintunaan”
15. Ano ang kalagayan ng relihiyon sa kanluraning daigdig?
15 Maging ang sekular na mga komentarista ay nakapuna sa pagkabigo ng relihiyon na makakumbinsi, magkintal ng mga tunay na pamantayan, at tumanggi sa pagpasok ng sekularismo. Sa kaniyang aklat na Out of Control, sumulat ang dating tagapayo para pambansang seguridad ng E.U. na si Zbigniew Brzezinski: “Isang kapuna-punang kabalintunaan na ang pinakadakilang tagumpay para sa panukalang ‘ang Diyos ay patay’ ay naganap hindi sa mga estadong dominado ng Marxismo . . . kundi sa mga lipunang liberal at demokratiko sa Kanluran, na doo’y naging bahagi na ng kultura ang pagwawalang-bahala sa moral. Sa huling nabanggit, ang katotohanan ay na ang relihiyon ay hindi na isang pangunahing puwersa sa lipunan.” Nagpatuloy siya: “Ang impluwensiya ng relihiyon sa Europeong kultura ay lubhang humina, at ang Europa sa ngayon—higit pa kaysa sa Amerika—ay talagang isang sekular na lipunan.”
16, 17. (a) Ano ang ipinayo ni Jesus hinggil sa klero noong kaniyang kaarawan? (b) Anong mainam na simulain ang ipinahayag ni Jesus tungkol sa mga bunga?
16 Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa Judiong klero noong kaniyang kaarawan? “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises [upang ituro ang Torah, ang Batas]. Samakatuwid lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo, ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.” Oo, ang relihiyosong pagpapaimbabaw ay hindi na bago.—Mateo 23:2, 3.
17 Ang mga bunga ng huwad na relihiyon ang siyang humahatol dito. Kapit na kapit ang alituntuning ibinigay ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy ay makapagluluwal ng mainam na bunga. Bawat punungkahoy na hindi nagluluwal ng mainam na bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Tunay, kung gayon, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.”—Mateo 7:17-20.
18. Papaano dapat pinanatili ng Sangkakristiyanuhan ang kalinisan sa gitna ng mga miyembro nito?
18 Kung maingat na ikakapit ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang Kristiyanong disiplina ng pagtitiwalag, o ekskomunikasyon, para sa lahat ng katampalasanang ginawa niyaong nag-aangking mga miyembro nito, ano ang mangyayari? Ano ang mangyayari sa lahat ng di-nagsisising sinungaling, mapakiapid, mangangalunya, homoseksuwal, manggagantso, kriminal, mga tagapagbenta at sugapa sa droga, at mga miyembro ng organisadong krimen? Walang alinlangan, dahil sa mga bulok na bunga ng Sangkakristiyanuhan kung kaya nararapat lamang na puksain ito ng Diyos.—1 Corinto 5:9-13; 2 Juan 10, 11.
19. Ano ang inamin hinggil sa pamumuno ng relihiyon?
19 Ang pangkalahatang kapulungan para sa Simbahang Presbiteryano sa Estados Unidos ay umamin: “Nakaharap tayo sa isang krisis na kakila-kilabot ang antas at saklaw. . . . Nasa pagitan ng 10 at 23 porsiyento ng klero sa buong bansa ang nasangkot sa mahalay na paggawi o seksuwal na kaugnayan sa mga nagsisimba, kliyente, empleyado, atb.” Mainam ang pagkabuod ng isang negosyante sa E.U. sa puntong ito: “Nabigo ang mga institusyong relihiyoso na ihatid ang kanilang moral na mga pamantayan, at sa maraming kaso, ay naging bahagi ng suliranin.”
20, 21. (a) Papaano tinuligsa nina Jesus at Pablo ang pagpapaimbabaw? (b) Anu-anong tanong ang kailangan pang sagutin?
20 Ang pagtuligsa ni Jesus sa relihiyosong pagpapaimbabaw ay totoo sa ngayon tulad noong kaniyang panahon: “Kayong mga mapagpaimbabaw, si Isaias ay angkop na humula tungkol sa inyo, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila ang mga pag-uutos ng mga tao bilang mga doktrina.’ ” (Mateo 15:7-9) Inilalarawan din ng mga salita ni Pablo kay Tito ang ating modernong kalagayan: “Hayagan nilang ipinahahayag na kilala nila ang Diyos, subalit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, dahil sila ay kasuklam-suklam at masuwayin at hindi sinang-ayunan para sa anumang uri ng mabuting gawa.”—Tito 1:16.
21 Sinabi ni Jesus na kung isang taong bulag ang aakay sa isang taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay. (Mateo 15:14) Ibig ba ninyong magwakas kasama ng Babilonyang Dakila? O ibig ninyong lumakad nang bukás ang inyong mga mata sa matuwid na landas at magtamasa ng pagpapala ni Jehova? Ang mga tanong na nakaharap sa atin ngayon ay: Aling relihiyon, kung mayroon man, ang nagpapamalas ng maka-Diyos na mga bunga? Papaano natin makikilala ang tunay na pagsamba na kaayaaya sa Diyos?—Awit 119:105.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1944; ngayo’y hindi na iniimprenta.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kasalukuyang katayuan ng Babilonyang Dakila sa harap ng Diyos?
◻ Sa anong saligan isinakdal ang huwad na relihiyon?
◻ Papaano ipinakita ng huwad na relihiyon ang espiritu ni Cain?
◻ Anong simulain ang ipinahayag ni Jesus sa paghatol sa anumang relihiyon?
[Larawan sa pahina 13]
Sa buong kasaysayan ang mga relihiyosong lider ay nakialam sa pulitika
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mga klerigong ito ay makapangyarihang mga estadista rin
Kardinal Mazarin
Kardinal Richelieu
Kardinal Wolsey
[Picture Credit Line]
Sina Kardinal Mazarin at Kardinal Richelieu: Mula sa aklat na Ridpath’s History of the World (Tomo VI at Tomo V ayon sa pagkasunud-sunod). Kardinal Wolsey: Mula sa aklat na The History of Protestantism (Tomo I).