Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang Nakapagpapabagong Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
AYON sa kaniya mismong pag-amin, siya ay dating “mamumusong at isang mang-uusig at isang walang-pakundangang tao.” (1 Timoteo 1:13) Subalit siya’y nagbago! Ang pagbabago ni apostol Pablo ay totoong malaki anupat naipahayag niya nang bandang huli: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.”—1 Corinto 11:1.
Sa ngayon, daan-daang libong taimtim na mga mananamba sa buong daigdig ang gumagawa ng gayunding pagbabago. Ano ang nagpapangyaring magawa nila ang gayon? Sila’y kumukuha ng kaalaman sa Salita ng Diyos at ikinakapit ito sa kanilang buhay. Ang sumusunod na mga karanasan ay nagtatampok ng nakapagpapabagong kapangyarihan ng Salita ng Diyos.
Isang may edad nang mag-asawa sa Slovenia ang nagsosolong nakatira sa labas ng isang nayon. Ang asawang lalaki, si Jože, ay mga 60 taon na ang edad at isang alkoholiko. Gayunman, inaalagaan niya ang kaniyang maysakit na kabiyak, si Ljudmila. Isang araw ay nilapitan ng dalawang mamamahayag ng Kaharian si Jože. Inanyayahan niya ang dalawang Saksi sa kaniyang bahay, kung saan nakilala nila ang kaniyang asawa. Nang marinig ang mensahe ng Kaharian, napaluha si Ljudmila dahil sa kagalakan. Nasiyahan din si Jože sa kaniyang narinig at nagtanong nang marami. Matapos na maipasakamay ang ilang literatura sa Bibliya sa mag-asawa, ang mga Saksi ay umalis.
Pagkalipas ng isang buwan ay nakabalik ang mga Saksi, at napansin nila sa ibabaw ng mesa ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang itanong kung saan niya ito nakuha, sinabi ni Jože: “Nakita ko ang isang anunsiyo sa likod ng isa sa mga magasin na iniwan ninyo sa akin. Kaya sumulat ako sa inyong tanggapan sa Zagreb at hiniling ang aklat.” Dahilan sa kaniyang interes, inanyayahan siyang dumalo sa nalalapit na Memoryal ng kamatayan ni Kristo na gaganapin sa Kingdom Hall. Anong laking tuwa ng mga Saksi dahil siya ay dumalo!
Di-nagtagal ay sinimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at naging masulong ito. Halimbawa, nang ipakita kay Jože mula sa Bibliya na “huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o . . . yuyukuran ang mga ito o mahihikayat ka mang maglingkod sa mga ito,” agad niyang tinipon ang lahat ng relihiyosong imahen na nasa bahay, pati na ang mga larawan, at itinapon ang mga ito.—Exodo 20:4, 5.
Ang pagkauhaw ni Jože sa espirituwal na katotohanan ay nasasapatan. Gayunpaman, nakalulungkot, mayroon pa rin siyang isang pagkauhaw. Sa loob ng mga 18 taon, nakauubos siya ng mga sampung litrong alak sa bawat araw. Dahilan sa kaniyang paglalasing, hindi siya gaanong nagbibigay-pansin sa kaniyang hitsura. Subalit matapos matutuhan ang pangmalas ng Diyos hinggil sa maling paggamit ng alkohol, naging determinado siyang magbago.
Sinikap niyang mapanagumpayan nang unti-unti ang kaniyang paglalasing, anupat itinatala kung gaano karami ang kaniyang naiinom sa bawat araw. Di-nagtagal ay hindi na siya alipin ng alak. Sa panahon ng kaniyang mga pag-aaral ng Bibliya, natutuhan din niya na kahilingan sa mga tunay na Kristiyano na magpanatili ng personal na kalinisan ng katawan. Kaya naman, nagbigay siya ng pera sa mga Saksi at nagsabi: “Buweno, bumili kayo ng anumang kasuutang kailangan ko upang maging kaayaaya sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa paglilingkod sa larangan!” Ang mga Saksi ay bumalik na may dalang kasuutang panloob, medyas, sapatos, mga kamisadentro, mga terno, mga kurbata, at isang portpolyo.
Matapos pag-aralan ang Bibliya nang isang taon, sina Jože at Ljudmila ay naging kuwalipikado na sumama sa mga Saksi sa pangangaral sa bahay-bahay. Pagkalipas ng tatlong buwan ay sinagisagan nila ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng katandaan at pagkakasakit, si Jože ay regular na nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita at nang maglaon, hanggang sa kaniyang kamatayan noong Mayo ng 1995, ay tapat na naglingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Ang positibong resulta na naganap sa buhay ng mapagpakumbabang lalaking ito at ng kaniyang kabiyak ay nagpapatotoo sa nakapagpapabagong kapangyarihan ng Salita ng Diyos!