Biktima Ka ba ng Pagtatangi?
SA ANO nagkakatulad ang karahasan ng mga lipi, pagtatangi ng lahi, diskriminasyón, pagbubukod, at paglipol ng lahi? Ang mga ito ay bunga ng isang palasak na hilig ng tao—ang pagtatangi!
Ano ang pagtatangi? Binibigyang-katuturan ito ng isang ensayklopidiya bilang “isang opinyong nabuo nang hindi gumugugol ng panahon o pagmamalasakit na humatol nang walang-kinikilingan.” Bilang di-sakdal na mga tao, sa isang antas ay may hilig tayong magtangi. Marahil ay maiisip mo ang mga pagkakataon na ikaw ay humatol nang hindi nalalaman ang buong pangyayari. Ipinakikita ng Bibliya ang kaibahan ng gayong hilig na magtangi sa paraan ng paghatol ng Diyos na Jehova. Sinasabi nito: “Ang paraan ng pagtingin ng tao ay di-gaya ng paraan ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Makapipinsala ang Pagtatangi
Walang alinlangan na lahat ay minsang may kamaliang nahatulan ng iba. (Ihambing ang Eclesiastes 7:21, 22.) Karaniwan, lahat tayo ay biktima ng pagtatangi. Gayunman, kapag agad na kinalimutan, ang mga iniisip na pagtatangi ay malamang na bahagya o hindi makapinsala. Ang pagpapanatili ng gayong kaisipan ang magbubunga ng pinsala. Lilinlangin tayo nito na maniwala sa isang kasinungalingan. Halimbawa, sa ilalim ng impluwensiya ng pagtatangi, ang ilang tao ay totoong naniniwala na ang isang tao ay maaaring maging sakim, tamad, mangmang, o hambog dahil lamang sa kabilang siya sa isang relihiyoso, panlahi, o pambansang grupo.
Sa maraming kaso ang gayong maling paghatol ay nagbubunga ng di-makatarungan, mapang-abuso, o maging ng marahas na pagtrato sa iba. Milyun-milyong tao ang nawalan ng kanilang buhay sa mga lansakang pamamaslang, paglipol ng lahi, pagpapatayan ng mga lipi, at iba pang anyo ng labis na pagtatangi.
Sa buong daigdig, binabaka ng mga pamahalaan ang pagtatangi sa pamamagitan ng legal na paggarantiya sa di-malalabag na karapatan sa kalayaan, katiwasayan, at pagkakapantay-pantay. Kung babasahin mo ang saligang batas o pangunahing kalipunan ng mga batas sa iyong bansa, tiyak na masusumpungan mo ang isang sugnay o isang susog na nilayong pangalagaan ang mga karapatan ng lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang lahi, kasarian, o relihiyon. Gayunman, palasak ang pagtatangi at diskriminasyon sa buong daigdig.
Biktima ka ba ng pagtatangi? Nabansagan ka na ba na sakim, tamad, mangmang, o hambog dahil lamang sa iyong lahi, edad, kasarian, bansa, o relihiyosong paniniwala? Pinagkakaitan ka ba ng mga pagkakataon para sa angkop na edukasyon, trabaho, pabahay, at serbisyong panlipunan dahil sa pagtatangi? Kung gayon, papaano mo mapagtatagumpayan iyon?
[Larawan sa pahina 3]
Ang pagiging palaisip sa pagtatangi ay nagpapaalab sa pagkakapootan ng mga lahi
[Credit Line]
Nina Berman/Sipa Press