Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Lahat ng Iyong Utos ay Katotohanan”
ILANG sandali bago ang kaniyang kamatayan, masidhing pinayuhan ni Moises ang bayang Israel na sundin ang lahat ng utos ni Jehova. Sinabi niya: “Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat ng salita na aking sinasalita bilang babala sa inyo sa araw na ito, na inyong iutos sa inyong mga anak upang isagawa ang lahat ng salita ng kautusang ito. Sapagkat ito’y hindi isang hamak na salita lamang para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay.”—Deuteronomio 32:46, 47.
Daan-daang taon pagkatapos, itinampok ng salmista ang kahalagahan ng lahat ng turo ng Diyos nang kaniyang sabihin: “Ikaw ay malapit, O Jehova, at lahat ng iyong utos ay katotohanan.” (Awit 119:151) Noong unang siglo, si Jesus mismo ay bumanggit sa kahalagahan ng “bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) At sa ilalim ng pag-akay ng Diyos ay isinulat ni apostol Pablo na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.”—2 Timoteo 3:16.
Maliwanag, inaasahan ni Jehova na taimtim na isasaalang-alang ng kaniyang mga mananamba ang buong mensahe na inihahatid sa atin sa mga pahina ng kaniyang Salita. Wala ni isa mang talata sa Bibliya ang salat sa kahalagahan. Ganiyan ang saloobin ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa Salita ng Diyos, gaya ng inilalarawan ng sumusunod na karanasan buhat sa Mauritius.
Si G. D—— ay naninirahan sa isang malayong nayon, kung saan siya ay isang panggabing bantay. Matagal na niyang taimtim na hinahanap ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos. Sa gabi na siya’y nagbabantay, sinimulan niyang basahin ang Bibliya. Sa wakas ay nabasa niya ang kabuuan nito. Natutuhan niya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova—isang pangalan na makikita nang maraming beses sa kaniyang Bibliyang Hindi. Nasumpungan niyang kapana-panabik ang aklat ng Apocalipsis.
Pagkatapos ay inisip-isip niya kung may relihiyon kaya na sumusunod sa buong Bibliya. Napansin niya na ang alam niyang mga relihiyon, sa ilalim ng pinakakaayaayang kalagayan, ay sumusunod lamang sa ilang bahagi ng Bibliya. Tinanggap ng ilang relihiyon ang Hebreong Kasulatan at tinanggihan naman ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinagwawalang-bahala naman ng ibang relihiyon ang Hebreong Kasulatan, anupat tanging ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ang itinuturing na may praktikal na halaga.
Isang araw ay nakita ni G. D—— ang isang mag-asawa na nababasa sa ulan at inanyayahan silang sumilong sa kaniyang tahanan. Sila ay mga Saksi ni Jehova. Ang asawang babae ay may hawak na aklat na Apocalipsis—Malapit Na Ang Dakilang Kasukdulan Nito!a Karaka-raka ay humiling si G. D—— ng aklat sa kanila. Inakala ng mga Saksi na masyadong malalim para sa kaniya ang materyal sa hula ng Apocalipsis, kaya inalok nila siya ng ibang publikasyon. Subalit iginiit ni G. D—— na gusto niya ang aklat na Apocalipsis.
Nang makuha niya ang kaniyang kopya, binasa niya agad ang aklat. Pagkatapos ay nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal ay humanga siya sa mataas na paggalang ng mga Saksi sa buong Bibliya. Nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, kung saan kapuwa pinag-aaralan nang maingat ang Hebreong Kasulatan at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Siya ngayon ay isang mamamahayag ng Kaharian at bautisadong miyembro ng Kristiyanong kongregasyon.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.