Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 6/1 p. 9-14
  • Ang Binhi ng Serpiyente—Paano Inilantad?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Binhi ng Serpiyente—Paano Inilantad?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Kahulugan ng Hula
  • ‘Alitan sa Pagitan Mo at ng Babae’
  • Pagkapoot sa Binhi ng Babae ng Diyos
  • Modernong-Panahong Paglalantad sa Binhi ng Serpiyente
  • Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Ang Kamangha-manghang Tema ng Bibliya
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Binhi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Isa na Tungkol sa Kaniya ay Nagpatotoo ang Lahat ng mga Propeta
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 6/1 p. 9-14

Ang Binhi ng Serpiyente​—Paano Inilantad?

“Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi.”​—GENESIS 3:15.

1. (a) Bakit si Jehova ang maligayang Diyos? (b) Ano ang ginawa niya upang makibahagi tayo sa kaniyang kagalakan?

SI Jehova ang maligayang Diyos at may mabuting dahilan. Siya ang pinakadakila at pangunahing Tagapagbigay ng lahat ng bagay na mabuti, at walang makahahadlang sa katuparan ng kaniyang mga layunin. (Isaias 55:10, 11; 1 Timoteo 1:11; Santiago 1:17) Ibig niyang makibahagi ang kaniyang mga lingkod sa kaniyang kagalakan, at naglalaan siya ng matitibay na dahilan upang gawin nila ang gayon. Kaya naman, sa isa sa pinakamadilim na sandali sa kasaysayan ng tao​—ang paghihimagsik sa Eden​—naglaan siya ng saligan upang makatingin tayo sa kinabukasan nang may pag-asa.​—Roma 8:19-21.

2. Nang igawad ang hatol sa mga rebelde sa Eden, paano naglaan si Jehova ng saligan ng pag-asa para sa supling nina Adan at Eva?

2 Ang isa sa mga espiritung anak ni Jehova, sa pamamagitan ng paglaban at paninirang-puri sa Diyos, ay ginawang Satanas na Diyablo ang kaniyang sarili. Ang unang mga tao, si Eva at saka si Adan, ay nahulog sa ilalim ng kaniyang impluwensiya at lumabag sa maliwanag na batas ni Jehova. Sila’y makatuwirang hinatulan ng kamatayan. (Genesis 3:1-24) Gayunman, nang igawad ang hatol sa mga rebeldeng ito, naglaan si Jehova para sa mga supling nina Adan at Eva ng saligan sa pag-asa. Sa anong paraan? Gaya ng nakaulat sa Genesis 3:15, sinabi ni Jehova: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Susugatan ka niya sa ulo at susugatan mo siya sa sakong.” Ang hulang iyan ang susi sa pag-unawa sa buong Bibliya gayundin sa nakaraan at kasalukuyang mga pangyayari na nagsasangkot kapuwa sa sanlibutan at sa mga lingkod ni Jehova.

Kung Ano ang Kahulugan ng Hula

3. Gaya ng tinukoy sa Genesis 3:15, ipakilala (a) ang Serpiyente, (b) “ang babae,” (c) ang “binhi” ng Serpiyente, (d) ang “binhi” ng babae.

3 Upang maunawaan ang kahulugan nito, isaalang-alang ang iba’t ibang bahagi ng hula mismo. Ang kinakausap sa Genesis 3:15 ay ang Serpiyente​—hindi ang hamak na ahas kundi ang isa na gumamit dito. (Apocalipsis 12:9) “Ang babae” ay hindi si Eva kundi ang makalangit na organisasyon ni Jehova, ang ina ng kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga lingkod sa lupa. (Galacia 4:26) Ang “binhi” ng Serpiyente, ay ang binhi ni Satanas, ang kaniyang supling​—mga demonyo at mga tao gayundin ang mga organisasyon ng tao na nagpapamalas ng mga katangian ni Satanas at nakikipag-alitan sa “binhi” ng babae. (Juan 15:19; 17:15) Ang “binhi” ng babae ay pangunahin nang si Jesu-Kristo, na pinahiran ng banal na espiritu noong 29 C.E. Ang 144,000, na ‘ipinanganak muli . . . sa tubig at sa espiritu’ at mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian kasama ni Kristo, ang siyang pangalawahing bahagi ng binhing ipinangako. Ang mga ito ay nagsimulang idagdag sa binhi ng babae mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy.​—Juan 3:3, 5; Galacia 3:16, 29.

4. Paano nauugnay ang Genesis 3:15 sa pagiging paraiso ng lupa, na puno ng mga taong malaya sa kasalanan at kamatayan?

4 Ang literal na serpiyente sa Eden ay ginamit na tagapagsalita niyaong isa na ang pandaraya ay humantong sa pagkawala ng Paraiso ng sangkatauhan. Inaakay ng Genesis 3:15 ang pansin sa panahon na dudurugin ang isa na kumasangkapan sa serpiyenteng iyon. Pagkatapos ay muling mabubuksan ang daan para sa mga taong lingkod ng Diyos upang tumahan sa Paraiso, anupat malaya buhat sa kasalanan at kamatayan. Ano ngang ligayang panahon iyan!​—Apocalipsis 20:1-3; 21:1-5.

5. Anong mga katangian ang pagkakakilanlan sa espirituwal na supling ng Diyablo?

5 Kasunod ng paghihimagsik sa Eden, nagsimulang lumitaw ang mga indibiduwal at mga organisasyon na nagpapamalas ng mga katangian na katulad niyaong kay Satanas na Diyablo​—paghihimagsik, pagsisinungaling, paninirang-puri, at pagpaslang, lakip na ang pagsalansang sa kalooban ni Jehova at sa mga sumasamba kay Jehova. Ang mga katangiang iyan ang nagpapakilala sa supling, ang espirituwal na mga anak, ng Diyablo. Kabilang sa mga ito si Cain, na pumaslang kay Abel nang sang-ayunan ni Jehova ang pagsamba ni Abel sa halip na yaong kay Cain. (1 Juan 3:10-12) Si Nimrod ay isa na ang mismong pangalan ay nagpapakilala sa kaniya bilang isang rebelde at naging isang makapangyarihang mangangaso at tagapamahalang sumasalansang kay Jehova. (Genesis 10:9) Bukod dito ay nariyan ang sunud-sunod na sinaunang mga kaharian, kasali na ang Babilonya, lakip ang kanilang itinataguyod-ng-estadong mga relihiyon na itinatag sa kasinungalingan, at ang mga ito ay buong-lupit na umapi sa mga mananamba ni Jehova.​—Jeremias 50:29.

‘Alitan sa Pagitan Mo at ng Babae’

6. Sa anu-anong paraan ipinakita ni Satanas ang pakikipag-alitan sa babae ni Jehova?

6 Sa buong panahong ito, may alitan sa pagitan ng Serpiyente at ng babae ni Jehova, sa pagitan ni Satanas na Diyablo at ng makalangit na organisasyon ni Jehova ng matapat na mga espiritung nilalang. Ang pakikipag-alitan ni Satanas ay ipinakita nang tuyain niya si Jehova at sikaping ligaligin ang makalangit na organisasyon ni Jehova, anupat hinikayat ang mga anghel na iwan ang kanilang wastong tirahang dako. (Kawikaan 27:11; Judas 6) Iyon ay nahayag nang gamitin ni Satanas ang kaniyang mga demonyo upang sikaping hadlangan ang mga mensaherong anghel na isinugo ni Jehova. (Daniel 10:13, 14, 20, 21) Naging lalong maliwanag ito sa ika-20 siglong ito nang sikapin ni Satanas na lipulin ang Mesianikong Kaharian nang isilang ito.​—Apocalipsis 12:1-4.

7. Bakit may pakikipag-alitan ang matapat na mga anghel ni Jehova laban sa simbolikong Serpiyente, gayunma’y anong pagpipigil ang ipinamalas nila?

7 Mayroon ding pakikipag-alitan sa bahagi ng babae ni Jehova, ang lupon ng matapat na mga anghel, laban sa simbolikong Serpiyente. Siniraang-puri ni Satanas ang mabuting pangalan ng Diyos; at hinamon din niya ang integridad ng bawat isa sa matatalinong nilalang ng Diyos, kasali na ang lahat ng anghel, at siya ay aktibong nagsisikap na sirain ang kanilang pagkamatapat sa Diyos. (Apocalipsis 12:4a) Ang matapat na mga anghel, kerubin, at mga serapin ay tiyak na nakadarama ng pagkamuhi sa isa na gumawang Diyablo at Satanas sa kaniyang sarili. Gayunman, hinintay nila na si Jehova ang lumutas ng mga bagay-bagay sa kaniyang sariling panahon at paraan.​—Ihambing ang Judas 9.

Pagkapoot sa Binhi ng Babae ng Diyos

8. Sino ang binabantayan ni Satanas?

8 Samantala, binabantayan ni Satanas ang inihulang Binhi ng babae, ang isa na sinabi ni Jehova na siyang susugat sa ulo ng Serpiyente. Nang ihayag ng anghel buhat sa langit na si Jesus, na isinilang sa Betlehem, ang “Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon,” ito ay isang matibay na patotoo na siya ang magiging inihulang Binhi ng babae.​—Lucas 2:10, 11.

9. Pagkasilang ni Jesus, papaano nagpamalas si Satanas ng mahigpit na pakikipag-alitan?

9 Ang mahigpit na pakikipag-alitan ni Satanas ay dagling naihayag nang akitin niya ang mga paganong astrologo sa isang misyon na umakay muna sa kanila kay Haring Herodes sa Jerusalem at pagkatapos ay sa bahay sa Betlehem kung saan nila nasumpungan ang batang si Jesus at ang kaniyang ina, si Maria. Di-nagtagal pagkatapos ay iniutos ni Haring Herodes ang pagpatay sa lahat ng batang lalaki buhat sa edad na dalawa pababa, sa loob at sa palibot ng Betlehem. Dito, nagpamalas si Herodes ng satanikong pagkapoot sa Binhi. Maliwanag na lubusang nababatid ni Herodes na tinatangka niyang patayin ang isa na magiging ang Mesiyas. (Mateo 2:1-6, 16) Pinatotohanan ng kasaysayan na si Herodes ay walang-budhi, tuso, at mamamatay-tao​—tunay na isa sa binhi ng Serpiyente.

10. (a) Kasunod ng bautismo ni Jesus, paano personal na sinikap ni Satanas na hadlangan ang layunin ni Jehova hinggil sa ipinangakong Binhi? (b) Paano ginamit ni Satanas ang mga Judiong lider ng relihiyon sa pagsasakatuparan ng kaniyang mithiin?

10 Pagkatapos na si Jesus ay pahiran ng banal na espiritu noong 29 C.E. at si Jehova ay magsalita mula sa langit upang ipakilalang si Jesus ang kaniyang Anak, paulit-ulit na tinangka ni Satanas na tuksuhin si Jesus, sa gayo’y sinikap na hadlangan ang layunin ni Jehova hinggil sa kaniyang Anak. (Mateo 4:1-10) Yamang nabigo rito, bumaling siya sa paggamit pa ng mga ahenteng tao upang maisakatuparan ang kaniyang mga mithiin. Kabilang sa mga ginamit upang tangkaing pasamain si Jesus ay ang mapagpaimbabaw na mga relihiyosong lider. Gumamit sila ng mga kasinungalingan at paninirang-puri, ang uri ng kasangkapan na ginamit ni Satanas mismo. Nang sabihin ni Jesus sa paralitiko, “Lakasan mo ang iyong loob, . . . ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na,” humatol ang mga eskriba na si Jesus ay isang mamumusong nang hindi man lamang hinintay na makita kung ang lalaki ay talaga ngang gumaling. (Mateo 9:2-7) Nang magpagaling si Jesus ng mga tao sa Sabbath, ang mga Fariseo ay nagparatang na siya ay lumabag sa batas ng Sabbath at sila’y nagplanong ipapatay siya. (Mateo 12:9-14; Juan 5:1-18) Nang magpalabas ng mga demonyo si Jesus, nagbintang ang mga Fariseo na siya ay kasapakat ni “Beelzebub, ang tagapamahala ng mga demonyo.” (Mateo 12:22-24) Pagkatapos ibangon si Lazaro mula sa mga patay, maraming tao ang sumampalataya kay Jesus, ngunit muling nagpulong ang mga punong saserdote at ang mga Fariseo upang patayin siya.​—Juan 11:47-53.

11. Tatlong araw bago mamatay si Jesus, sino ang ipinakilala niya bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente, at bakit?

11 Noong Nisan 11, 33 C.E., si Jesus, bagaman lubusang batid ang kanilang binabalak, ay walang-takot na pumasok sa dako ng templo sa Jerusalem at doo’y hayagang hinatulan sila. Bilang isang grupo, walang-pagbabagong ipinamalas ng mga Fariseo kung anong uri sila ng tao; kaya sinabi ni Jesus: “Kaabahan sa inyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng mga langit sa harap ng mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok, ni hindi rin naman ninyo pinahihintulutang makapasok yaong mga papasok na.” Tuwirang ipinahayag ni Jesus na sila ay bahagi ng binhi ng Serpiyente, anupat sinabi: “Mga serpiyente, supling ng mga ulupong, paano kayo makatatakas mula sa paghatol ng Gehenna?” (Mateo 23:13, 33) Ang kaniyang pananalita ay nagpapagunita ng hula sa Genesis 3:15.

12, 13. (a) Paano nagbigay ng karagdagang patotoo ang mga punong saserdote at mga eskriba kung sino ang kanilang espirituwal na ama? (b) Sino ang nakisama sa kanila? (c) Bilang katuparan ng Genesis 3:15, paano sinugatan sa sakong ang Binhi ng babae?

12 Nang marinig ang mga salita ni Jesus, sila ba’y nalungkot, anupat sila’y nagmakaawa sa Diyos? Nagsisi ba sila sa kanilang kabalakyutan? Hindi! Nag-uulat ang Marcos 14:1 na kinabukasan mismo, sa isang pulong sa looban ng mataas na saserdote, “ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay naghahanap ng paraan kung paano susunggaban [si Jesus] sa pamamagitan ng tusong pakana at siya ay maipapatay.” Patuloy silang nagpamalas ng nakamamatay na espiritu ni Satanas, na naunang inilarawan ni Jesus bilang isang mamamatay-tao. (Juan 8:44) Di-nagtagal at nakisama sa kanila si Judas Iscariote, na pinukaw ni Satanas na maging isang apostata. Tinalikuran ni Judas ang walang-kapintasang Binhi ng babae ng Diyos at nakisama sa binhi ng Serpiyente.

13 Sa kinaumagahan ng Nisan 14, dinalang bihag si Jesus sa Romanong gobernador ng mga miyembro ng relihiyosong korte ng mga Judio. Dito ay nanguna ang mga punong saserdote sa pagsigaw na ipako siya. Nang itanong ni Pilato, “Ipapako ko ba ang inyong hari?” ang mga punong saserdote ang siyang sumagot, “Wala kaming hari kundi si Cesar.” (Juan 19:6, 15) Talaga naman, pinatunayan nila sa lahat ng paraan na sila’y bahagi ng binhi ng Serpiyente. Pero tiyak na hindi sila nag-iisa. Nagbibigay ng ganitong ulat ang kinasihang rekord sa Mateo 27:24, 25: “Si Pilato ay kumuha ng tubig at naghugas ng kaniyang kamay sa harap ng pulutong.” Nang magkagayon ay sinabi ng buong bayan: “Ang kaniyang dugo ay mapasaamin at sa aming mga anak.” Sa gayon ay ipinakilala ng maraming Judio sa salinlahing iyon ang kanilang sarili bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente. Bago matapos ang araw na iyon, patay na si Jesus. Sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang nakikitang binhi, sinugatan ni Satanas sa sakong ang Binhi ng babae ng Diyos.

14. Bakit ang pagsugat sa sakong ng Binhi ng babae ay hindi nangangahulugan ng tagumpay para kay Satanas?

14 Nagtagumpay ba si Satanas? Hinding-hindi! Dinaig ni Jesu-Kristo ang sanlibutan at nagwagi laban sa tagapamahala nito. (Juan 14:30, 31; 16:33) Naingatan niya ang kaniyang pagkamatapat kay Jehova hanggang sa kamatayan. Ang kaniyang kamatayan bilang isang sakdal na tao ay naglaan ng halagang pantubos na kailangan upang ibalik ang karapatan sa buhay na naiwala ni Adan. Kaya binuksan niya ang daan tungo sa walang-hanggang buhay para sa mga sasampalataya sa paglalaang iyan at susunod sa mga kautusan ng Diyos. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Ibinangon ni Jehova si Jesus mula sa mga patay tungo sa imortal na buhay sa langit. Sa panahong itinakda ni Jehova, dudurugin ni Jesus si Satanas upang hindi na umiral. Sa Genesis 22:16-18, inihula na pagpapalain ni Jehova ang lahat ng pamilya sa lupa na kikilos upang pagpalain ang kanilang sarili sa pamamagitan ng matapat na Binhing iyan.

15. (a) Pagkamatay ni Jesus, paano patuloy ng inilantad ng kaniyang mga apostol ang binhi ng Serpiyente? (b) Ano pang pagkapoot ang ipinamalas ng binhi ng Serpiyente hanggang sa ating kaarawan?

15 Pagkamatay ni Jesus, patuloy na inilantad ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ang binhi ng Serpiyente, gaya ng ginawa ng kanilang Panginoon. Palibhasa’y napakilos ng banal na espiritu, nagbabala si apostol Pablo laban sa “taong tampalasan” na ang pagkanaririto ay “alinsunod sa pagkilos ni Satanas.” (2 Tesalonica 2:3-10) Ang “taong” ito sa kabuuan ay napatunayang ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Buong-lupit na pinag-usig naman ng binhi ng Serpiyente ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Sa hula na nakaulat sa Apocalipsis 12:17, patiunang sinabi ni apostol Juan na si Satanas ay patuloy na makikipagdigma laban sa nalabi ng binhi ng babae ng Diyos hanggang sa ating kaarawan. Iyan nga ang eksaktong nangyari. Sa maraming lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal, inumog, ibinilanggo, o inihagis sa mga kampong piitan dahil sa kanilang matatag na paninindigan sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang matuwid na mga daan.

Modernong-Panahong Paglalantad sa Binhi ng Serpiyente

16. Sa modernong panahon, sino ang inilantad bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente, at paano?

16 Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, walang humpay ang mga tunay na Kristiyano sa kanilang walang-takot na paglalantad sa Serpiyente at sa kaniyang binhi. Noong 1917 ay naglathala ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, ng aklat na The Finished Mystery, na doo’y inilantad nila ang pagpapaimbabaw ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Ito ay sinundan, noong 1924, ng isang inilimbag na resolusyon na pinamagatang Ecclesiastics Indicted. Limampung milyong kopya ang ipinamahagi sa buong daigdig. Noong 1937, nagpahayag si J. F. Rutherford, presidente noon ng Samahang Watch Tower, ng mariing paglalantad sa binhi ni Satanas sa mga diskursong pinamagatang “Inilantad” at “Relihiyon at Kristiyanismo.” Nang sumunod na taon, sa harap ng mga tagapakinig sa 50 kombensiyon sa iba’t ibang lupain, ipinahayag niya ang diskursong “Harapin ang mga Katotohanan” sa pamamagitan ng radyo-telepono buhat sa London, Inglatera. Pagkaraan ng isang buwan, isang malawakang kawing ng radyo sa Estados Unidos ang nagsahimpapawid ng talumpating “Pasismo o Kalayaan.” Ito ay sinundan ng mapuwersang mga paglalantad sa mga aklat na gaya ng Enemies at Religion at gayundin sa buklet na Uncovered. Kasuwato ng nailathala na sapol noong dekada ng 1920, ang aklat na Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!,a ngayo’y inilimbag sa 65 wika, ay nagpapakilala sa tiwaling pulitikal na mga tagapamahala at masasakim, walang-prinsipyong mangangalakal na kabilang sa mga pangunahing miyembro ng nakikitang binhi ng Serpiyente. Kapag ang pulitikal na mga lider ay paulit-ulit na bumabaling sa kasinungalingan upang iligaw ang kanilang mga sakop, upang magpakita ng kawalang-galang sa kabanalan ng dugo, at upang apihin ang mga lingkod ni Jehova (sa gayo’y ipinakikita ang pagkapoot sa binhi ng babae ng Diyos), tiyak na ipinakikilala nila ang kanilang sarili na bahagi ng binhi ng Serpiyente. Totoo rin ito sa mga mangangalakal na, walang pagkatigatig ng budhi, nagsisinungaling ukol sa pinansiyal na pakinabang at gumagawa o nagtitinda ng mga produktong kilala na sanhi ng pagkakasakit.

17. Anong pagkakataon ang bukás pa sa mga prominenteng indibiduwal na lalabas sa sistema ng sanlibutan?

17 Hindi lahat ng indibiduwal na nabahiran ng makasanlibutang relihiyon, pulitika, o komersiyo ay sa wakas ituturing bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente. Ang ilan sa mga lalaki at babaing ito ay humahanga sa mga Saksi ni Jehova. Ginagamit nila ang kanilang impluwensiya upang tulungan sila at sa kalaunan ay yamayakap sa tunay na pagsamba. (Ihambing ang Gawa 13:7, 12; 17:32-34.) Sa lahat ng gayong tao, ipinaabot ang panawagang ito: “Ngayon, O mga hari, gumamit ng malalim na unawa; hayaang ituwid ang inyong sarili, O mga hukom sa lupa. Maglingkod kay Jehova nang may takot at magalak nang may panginginig. Hagkan ninyo ang anak, upang hindi siya magalit at hindi kayo mapawi sa daan, sapagkat madaling sumiklab ang kaniyang galit. Maligaya yaong lahat na nagkakanlong sa kaniya.” (Awit 2:10-12) Tunay, mahalaga para sa lahat ng nagnanais ng pabor ni Jehova na kumilos na ngayon, bago sarhan ng makalangit na Hukom ang pinto ng pagkakataon!

18. Bagaman hindi bahagi ng binhi ng babae, sino ang gayunpama’y mga mananamba ni Jehova?

18 Lahat niyaong bubuo ng makalangit na Kaharian ay bahagi ng binhi ng babae. Maliit lamang ang bilang ng mga ito. (Apocalipsis 7:4, 9) Gayunman, may isang malaking pulutong ng iba pa, oo, milyun-milyon sa kanila, na bilang mga mananamba ni Jehova ay umaasa sa buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa. Kapuwa sa salita at sa gawa, sinasabi nila sa mga pinahiran ni Jehova: “Sasama kami sa inyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo.”​—Zacarias 8:23.

19. (a) Anong pasiya ang dapat gawin ng lahat ng tao? (b) Kanino partikular na ginawa ang taimtim na panawagan na kumilos nang may katalinuhan habang mayroon pang pagkakataon?

19 Ngayon ang panahon na ang buong sangkatauhan ay dapat na magpasiya. Ibig ba nilang sumamba kay Jehova at magtaguyod ng kaniyang soberanya, o hahayaan nila si Satanas na maging kanilang tagapamahala sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya? Mga limang milyon katao buhat sa lahat ng bansa ang pumanig kay Jehova kasama ng mga nalabi ng binhi ng babae, ang mga tagapagmana ng Kaharian. Walong milyong iba pa ang nagpapakita ng interes sa pag-aaral ng Bibliya kasama nila o sa pagdalo sa kanilang mga pulong. Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng mga ito: Bukás pa ang pinto ng pagkakataon. Walang alinlangang pumanig kay Jehova. Kilalanin si Kristo Jesus bilang ang ipinangakong Binhi. Maligayang makisama sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Makibahagi sana kayo sa lahat ng pagpapalang ilalaan Niya sa pamamagitan ng pamamahala ng Hari, si Kristo Jesus.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Gaya ng tinukoy sa Genesis 3:15, sino ang Serpiyente? At sino ang babae?

◻ Anong mga katangian ang nagpapakilala sa binhi ng Serpiyente?

◻ Paano inilantad ni Jesus ang binhi ng Serpiyente?

◻ Sino ang inilantad bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente sa modernong panahon?

◻ Anong apurahang pagkilos ang kailangan upang maiwasang maging bahagi ng binhi ng Serpiyente?

[Larawan sa pahina 10]

Inilantad ni Jesus ang mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon bilang bahagi ng binhi ng Serpiyente

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share