Napatunayang Kasama Ko si Jehova
AYON SA PAGKALAHAD NI MAX HENNING
Noon ay 1933, at kahahawak lamang ni Adolf Hitler ng kapangyarihan sa Alemanya. Gayunman, ang mga 500 Saksi ni Jehova sa Berlin ay hindi natinag. Maraming kabataan ang naging payunir, o buong-panahong ministro, at ang ilan ay tumanggap pa man din ng mga atas sa ibang bansa sa Europa. Kami ng kaibigan kong si Werner Flatten ay malimit na magtanong sa isa’t isa: “Bakit narito lamang tayo, anupat nagsásayáng ng ating panahon? Bakit hindi tayo humayo at magpayunir?”
WALONG araw pagkatapos na ako’y isilang noong 1909, ako’y inalagaan ng mapagmahal na mga magulang na nag-ampon sa akin. Noong 1918 ay nanlumo ang aming pamilya nang biglang mamatay ang aking munting kinakapatid na babae. Di-nagtagal pagkatapos ay kumatok sa aming pintuan ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, at sabik na tinanggap ng aking nag-ampong mga magulang ang katotohanan sa Bibliya. Tinuruan din nila akong maunawaan ang espirituwal na mga bagay.
Nagbuhos ako ng sarili sa sekular na pag-aaral at naging isang tubero. Ngunit higit na mahalaga, nanindigan ako sa espirituwal na paraan. Kami ni Werner ay nagsimulang magpayunir noong Mayo 5, 1933. Nagbisikleta kami patungo sa bayan na mga 100 kilometro sa labas ng Berlin, kung saan kami nanatili at nangaral sa loob ng dalawang linggo. Pagkatapos ay bumalik kami sa Berlin upang asikasuhin ang kinakailangang mga bagay. Pagkaraan ay bumalik kami sa aming teritoryo sa pangangaral sa loob ng dalawa pang linggo.
Hiniling namin na makapaglingkod sa ibang bansa, at noong Disyembre 1933 ay tumanggap kami ng atas sa noon ay Yugoslavia. Gayunman, bago kami makaalis patungong Yugoslavia, binago ang aming atas tungo sa Utrecht sa Netherlands. Di-nagtagal pagkaraan ako ay nabautismuhan. Nang mga araw na iyon ay hindi gaanong idiniriin ang bautismo; ang ministeryo ang siyang mahalaga. Ang pagtitiwala kay Jehova ang siya ngayong naging regular na bahagi ng aking buhay. Nakasumpong ako ng malaking kaaliwan sa mga salita ng salmista sa Bibliya: “Narito! Ang Diyos ang aking katulong; si Jehova ay kabilang sa mga umaalalay sa aking kaluluwa.”—Awit 54:4.
Pagpapayunir sa Netherlands
Di-nagtagal pagdating sa Netherlands, inatasan kami sa lunsod ng Rotterdam. Ang ama at isang anak na lalaki sa pamilya na tinirahan namin ay mga payunir din. Makalipas ang ilang buwan, nabili ang isang malaking bahay sa Leersum, isang bayan na malapit sa Utrecht, upang maging tirahan ng mga payunir, at kami ni Werner ay lumipat doon.
Habang naninirahan sa tahanang iyon ng mga payunir, nagbibisikleta kami patungo sa kalapit na mga teritoryo at gumagamit ng kotseng para sa pitong pasahero patungo sa malalayong teritoryo. Nang panahong iyon, isang daan pa lamang kaming Saksi sa buong Netherlands. Ngayon, makaraan ang 60 taon, ang teritoryo na pinaglingkuran namin buhat sa tahanang iyon ng mga payunir ay may mahigit sa 4,000 mamamahayag sa mga 50 kongregasyon!
Kami’y gumawang puspusan, hanggang 14 na oras sa ministeryo bawat araw, at maligaya kami dahil doon. Ang pangunahing tunguhin ay ang makapagpasakamay ng maraming literatura hangga’t maaari. Karaniwan nang nakapag-iiwan kami sa mga taong interesado ng mahigit sa isang daang buklet sa loob ng isang araw. Hindi pa regular na bahagi ng aming gawain ang pagdalaw-muli at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Isang araw kami ng aking kapareha ay gumagawa sa bayan ng Vreeswijk. Samantalang nagpapatotoo siya sa isang lalaki sa tarangkahan ng isang kutang militar, ginamit ko ang panahon upang basahin ang aking Bibliya. Iyon ay maraming salungguhit na kulay pula at asul. Pagkaraan, isang karpintero na nagtatrabaho sa isang malapit na bubungan ang nagbabala sa lalaki sa tarangkahan na baka ako ay isang uri ng espiya. Bunga nito, nang araw ring iyon ay inaresto ako samantalang nagpapatotoo sa isang bantay ng tindahan, at kinumpiska ang aking Bibliya.
Dinala ako sa hukuman. Doon ay ibinintang na ang mga marka sa aking Bibliya ay isang pagsisikap na iguhit ang kuta. Ipinahayag na ako’y nagkasala, at sinentensiyahan ako ng hukom na mabilanggo nang dalawang taon. Subalit, inapela ang kaso, at ako ay napawalang-sala. Anong ligaya ko na makalaya, ngunit mas maligaya pa ako nang ibalik ang aking Bibliya na may maraming nota!
Noong tag-araw ng 1936, ginugol namin ni Richard Brauning, isa sa mga payunir sa tahanan, ang tag-araw sa pangangaral sa gawing hilaga ng bansa. Sa unang buwan, gumugol kami ng 240 oras sa ministeryo at nakapagpasakamay ng maraming literatura. Nanirahan kami sa isang tolda at nag-asikaso ng lahat ng aming pangangailangan, anupat kami ang naglalaba, nagluluto, at iba pa.
Pagkaraan ay inilipat ako sa bangkang pinanganlang Lightbearer, na naging kilalang-kilala sa gawing hilaga ng Netherlands. Limang payunir ang nakatira sa bangka, at sa pamamagitan nito ay narating namin ang maraming malalayong teritoryo.
Karagdagang Pribilehiyo
Noong 1938, ako’y naatasang maging lingkod ng sona, gaya ng tawag noon sa mga tagapangasiwa ng sirkito ng mga Saksi ni Jehova. Kaya iniwan ko ang Lightbearer at nagsimulang dumalaw sa mga kongregasyon at mga Saksi sa liblib na mga lugar sa tatlong lalawigan sa gawing timog.
Bisikleta lamang ang aming sasakyan. Malimit na gumugugol nang maghapon upang maglakbay mula sa isang kongregasyon o grupo ng mga interesado patungo sa susunod na grupo. Kabilang sa mga lunsod na dinalaw ko ay ang Breda, kung saan ako naninirahan ngayon. Nang panahong iyon, walang kongregasyon sa Breda at mayroon lamang mag-asawang Saksi na matatanda na.
Samantalang naglilingkod sa mga kapatid sa Limburg, inanyayahan akong sumagot sa maraming tanong na ibinangon ng isang manggagawa sa minahan na si Johan Pieper. Nanindigan siyang matatag sa katotohanan ng Bibliya at naging isang may lakas ng loob na mángangarál. Pagkaraan ng apat na taon ay humantong siya sa isang kampong piitan, na doo’y gumugol siya ng tatlo at kalahating taon. Pagkalaya niya ay muli siyang masigasig na nangaral, at ngayon ay isa pa rin siyang tapat na matanda. Ang munting kongregasyong iyon ng 12 Saksi sa Limburg ay lumago na ngayon tungo sa 17 kongregasyon na may humigit-kumulang 1,550 mamamahayag!
Sa Ilalim ng Kapangyarihang Nazi
Sinalakay ng mga Nazi ang Netherlands noong Mayo 1940. Tumanggap ako ng atas sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Amsterdam. Kinailangang maging lubhang maingat kami sa aming gawain, anupat lalo naming napahalagahan ang kawikaan sa Bibliya: “Ang isang tunay na kasamahan . . . ay isang kapatid na ipinanganak kapag may kagipitan.” (Kawikaan 17:17) Ang kaayaayang bigkis ng pagkakaisa na lumago sa panahong ito ng kaigtingan ay may malalim na epekto sa aking espirituwal na pagsulong, at sinangkapan ako nito para sa mas mahihirap pang panahon na darating.
Ang aking atas ay ang pangasiwaan ang paghahatid ng literatura sa mga kongregasyon, na karaniwan nang ginagawa ng mga mensahero. Patuloy na humahanap ang Gestapo ng mga kabataang lalaki upang magtrabaho nang sapilitan sa Alemanya, kaya ginamit namin ang mga kapatid na babae bilang mensahero. Sumapit ang panahon na si Wilhelmina Bakker, na kilala sa tawag na Nonnie, ay ipinadala sa amin buhat sa The Hague, at dinala ko siya sa pinagtataguan ng aming tagapangasiwa ng sangay, si Arthur Winkler. Upang hangga’t maaari’y hindi madaling mapansin, nagbihis ako ng tulad sa isang magsasakang Olandes, nakabakya at iba pa, at sinamahan si Nonnie sakay ng trambiya. Nang dakong huli ay nalaman ko na nahirapan siyang pigilin ang kaniyang pagtawa, yamang sa tingin niya ako ay talagang kapansin-pansin.
Noong Oktubre 21, 1941, ipinagkanulo sa kaaway ang bodega para sa literatura at papel sa Amsterdam. Nang sumalakay ang Gestapo, naaresto sina Winkler at Nonnie. Nang sila’y dalhin sa bilangguan, narinig nilang pinag-uusapan ng dalawang ahente ng Gestapo ang tungkol sa pagtugis nila sa “isang maliit na lalaking may maitim na buhok” na hindi nila nasundan sa mataong lansangan. Maliwanag na ako ang pinag-uusapan nila, kaya sinikap ni Winkler na magpahatid ng mensahe sa mga kapatid. Karaka-raka, ako’y inilipat sa The Hague.
Samantala ay pinalaya si Nonnie mula sa bilangguan, at bumalik siya sa The Hague upang magpayunir. Doon ay nagkita kami uli. Subalit nang maaresto ang lingkod ng kongregasyon sa Rotterdam, ipinadala ako upang humalili sa kaniya. Pagkaraan ay naaresto ang lingkod ng kongregasyon sa Gouda Congregation, at inilipat ako roon upang palitan siya. Sa wakas, noong Marso 29, 1943, nahuli ako. Samantalang sinusuri ang aming suplay ng literatura sa Bibliya, nabigla ako sa paglusob ng Gestapo.
Bukod sa literatura sa Bibliya na nakalatag sa mesa, naroon din ang isang talaan ng mga kapatid na Kristiyano, bagaman ang mga ito ay nasa anyong kodigo. Sa pagkahapis, nanalangin ako na sana’y maglaan si Jehova ng paraan upang maipagsanggalang ko yaong malaya pa upang mangaral. Nang hindi nahahalata, nagawa kong ipatong ang aking kamay sa ibabaw ng talaan ng mga pangalan at lamukusin iyon sa aking palad. Pagkatapos ay hiniling kong makapunta sa palikuran, kung saan ko pinagpupunit ang talaan at pinalubog iyon sa inodoro.
Kapag nasa gayong kagipitan, natutuhan kong kumuha ng lakas mula sa mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan noong nakaraan at mula sa kaniyang mga pangako ng pagliligtas. Narito ang isang kinasihang katiyakan na laging nasa aking isipan: “Kung hindi napatunayang si Jehova ay pumanig sa amin nang bumangon ang mga tao laban sa amin, kung magkagayo’y nilulon na sana nila kami nang buháy.”—Awit 124:2, 3.
Mga Bilangguan at Kampong Piitan
Dinala ako sa bilangguan ng Rotterdam, kung saan nagpasalamat ako na dala ko ang aking Bibliya. Taglay ko rin ang aklat na Salvation, mga bahagi ng aklat na Children, at malaking panahon upang basahin ang lahat ng literaturang ito. Pagkaraan ng anim na buwan ay nagkasakit ako nang malubha at kinailangang maospital. Bago ako umalis sa bilangguan, itinago ko ang literatura sa ilalim ng kama. Pagkaraan ay nalaman ko na isa pang Saksi, si Piet Broertjes, ay inilipat sa aking selda at natuklasan niya iyon. Sa gayon ay nagamit pa rin ang literatura upang palakasin ang iba sa pananampalataya.
Inilipat ako sa isang bilangguan sa The Hague nang ako’y magaling na. Samantalang naroon ay nakilala ko si Leo C. van der Tas, isang estudyante ng abogasya na ibinilanggo dahil sa pagtutol sa pananakop ng Nazi. Hindi pa niya narinig ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at nagkaroon ako ng pagkakataon na magpatotoo sa kaniya. Kung minsan ay gigisingin niya ako sa kalagitnaan ng gabi at magtatanong. Hindi niya maitago ang paghanga niya sa mga Saksi, lalo na pagkatapos malaman na kami ay mapalalaya kung lalagda lamang kami sa isang dokumento na nagtatakwil sa aming pananampalataya. Pagkatapos ng digmaan, si Leo ay naging isang abogado at ipinaglaban ang maraming kaso ng Samahang Watch Tower na nagsasangkot sa kalayaan ng pagsamba.
Noong Abril 29, 1944, isinakay ako sa isang tren para sa isang mahirap na 18-araw na paglalakbay patungong Alemanya. Nabilanggo ako sa kampong piitan ng Buchenwald noong Mayo 18. Hanggang sa mapalaya kami ng mga Alyadong puwersa pagkaraan ng isang taon, di-mailarawan ang nakapangingilabot na kalagayan namin sa buhay. Libu-libo ang nasawi, marami sa kanila ang nakita namin mismo. Dahil sa tumanggi akong magtrabaho sa kalapit na pagawaan ng mga kagamitang pandigma, pinagtrabaho ako sa mga imburnal.
Isang araw ay binomba ang pagawaan. Marami ang humugos sa mga baraks upang makaligtas, samantalang ang iba naman ay tumakbo patungong kakahuyan. Ang mga ligáw na bomba ay tumama sa baraks, at ang mga panunog na bomba ay nagpaliyab sa kakahuyan. Talaga namang kakila-kilabot na tanawin! Marami ang nasunog na buháy! Nakasumpong ako ng ligtas na taguan, at nang humupa na ang apoy, nadaanan ko ang napakaraming bangkay habang ako’y naglalakad pabalik sa kampo.
Batid ng maraming tao sa ngayon ang mga kakilabutan ng Nazi Holocaust. Nagpapasalamat ako na pinatibay ni Jehova ang aking kakayahang mag-isip, anupat ang mga kakilabutan na naranasan ko ay hindi nangibabaw sa aking kaisipan sa paglakad ng mga taon. Kapag naiisip ko ang panahon ng aking pagkabilanggo, ang unang-una kong nadarama ay ang kagalakan sa pag-iingat ng katapatan kay Jehova sa ikaluluwalhati ng kaniyang pangalan.—Awit 124:6-8.
Gawain Pagkatapos ng Digmaan
Pagkatapos na ako’y makalaya at makabalik sa Amsterdam, tuwiran akong nagreport sa tanggapang pansangay para sa isang atas. Sabik akong makabalita kung ano ang nangyari nang ako’y wala. Nagtatrabaho na roon si Nonnie. Nang huling taon ng digmaan, naglingkod siya bilang mensahero na naghahatid ng mga literatura sa Bibliya sa mga kongregasyon. Hindi na siya muling nadakip, bagaman madalas siyang muntik nang di-makaligtas.
Nagpayunir ako nang maikling panahon sa Haarlem, ngunit noong 1946, hinilingan akong pumunta sa sangay sa Amsterdam upang magtrabaho sa Shipping Department. Sa pagtatapos ng 1948, nagpakasal kami ni Nonnie, at nilisan namin ang sangay upang magpayunir na magkasama. Ang aming atas sa pagpapayunir ay sa Assen. Labindalawang taon bago nito ay gumugol kami ni Richard Brauning ng tag-araw roon, na nakatira sa isang tolda at nangangaral. Napag-alaman ko na si Richard ay nabaril at namatay patungo sa isang kampong piitan.
Ang panahon ng aking pagkabilanggo ay maliwanag na nakaapekto sa aking kalusugan. Anim na taon pagkaraang makalaya sa Buchenwald, naratay ako sa banig ng karamdaman sa loob ng apat na buwan. Pagkaraan ng mga taon, noong 1957, nagkasakit ako ng tuberkulosis sa loob ng isang taon. Naubos ang aking lakas, ngunit malakas pa rin ang aking espiritu ng pagpapayunir. Sa panahon ng aking pagkakasakit, sinasamantala ko ang bawat pagkakataon upang makapagpatotoo. Nadama ko na ang espiritung ito ng pagpapayunir ang siyang mahalagang salik sa hindi ko pagpapahintulot na igupo ako ng sakit. Determinado kami ni Nonnie na manatili sa buong-panahong paglilingkod hanggang ipinahihintulot ng aming kalusugan.
Kasunod ng aking paggaling, kami’y inatasan sa lunsod ng Breda. Iyon ay 21 taon pagkatapos na una kong dalawin ang lunsod bilang isang lingkod ng sona. Nang dumating kami noong 1959, may isang maliit na kongregasyon ng 34 na Saksi. Sa ngayon, pagkaraan ng 37 taon, lumago iyon tungo sa anim na kongregasyon na may mahigit sa 500 Saksi, na nagpupulong sa tatlong Kingdom Hall! Sa aming lokal na mga pulong at sa mga asamblea, nakikita namin ang marami na tumanggap ng kaalaman sa katotohanan ng Bibliya bunga ng ilan sa aming pagsisikap. Malimit na madama namin ang gaya ng nadama ni apostol Juan nang isulat niya: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.
Matanda na kami ngayon. Ako’y 86 na at si Nonnie naman ay 78, ngunit kailangan kong sabihin na ang pagpapayunir ay isang nakapagpapalusog na gawain. Mula nang ako ay nasa Breda, napagtagumpayan ko ang karamihan sa mga sakit na resulta ng aking pagkabilanggo. Nagtamasa rin ako ng maraming mabungang mga taon sa paglilingkod kay Jehova.
Ang pagbabalik-tanaw sa maraming taon ng mabungang paglilingkuran ay pinagmumulan ng kagalakan para sa aming dalawa. Dalangin namin sa araw-araw na bigyan kami ni Jehova ng espiritu at lakas upang makapagpatuloy sa paglilingkuran sa kaniya hanggang kami’y may hininga. May pagtitiwalang ipinahahayag namin ang aming sarili sa mga salita ng salmista: “Narito! Ang Diyos ang aking katulong; si Jehova ay kabilang sa mga umaalalay sa aking kaluluwa.”—Awit 54:4.
[Larawan sa pahina 23]
Nakatayo sa tabi ng tolda na ginamit samantalang nagpapayunir noong dekada ng 1930
[Larawan sa pahina 23]
Ang bangkang ginamit upang marating ang malayong teritoryo
[Larawan sa pahina 23]
Habang kinakapanayam sa programa ng kombensiyon noong 1957
[Larawan sa pahina 24]
Ngayon kasama ng aking kabiyak