Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kung minsan ay naririnig natin ang mga kapatid na nagsasalita o nananalangin ukol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos sa lupa. Ito ba ay wastong kapahayagan?
Sa tuwirang pananalita, hindi ito isang maka-Kasulatang paraan ng pagpapahayag ng mga bagay. Ang Kaharian ng Diyos ay makalangit. Kaya naman, sumulat si apostol Pablo: “Ililigtas ako ng Panginoon mula sa bawat balakyot na gawa at ililigtas ako para sa kaniyang makalangit na kaharian. Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailan kailanman. Amen.”—2 Timoteo 4:18; Mateo 13:44; 1 Corinto 15:50.
Ang Kaharian ay itinatag sa langit noong 1914, at hindi ito kailanman ililipat sa isinauling makalupang Paraiso o saanman. Si Jesu-Kristo ang Hari ng Kaharian. Bilang Hari, si Jesus ay may awtoridad sa mga anghel. Kaya naman, ang kaniyang angkop na dako ng pamamahala ay sa kanang kamay ng Diyos doon sa langit. Ang mga pinahirang Kristiyano ay kasama niya bilang mga hari at mga saserdote sa langit.—Efeso 1:19-21; Apocalipsis 5:9, 10; 20:6.
Kung gayon, nangangahulugan ba ito na hindi na natin dapat na ipahayag sa Diyos ang mga kahilingan na masusumpungan sa bahagi ng Panalangin ng Panginoon na nagsasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa”? (Mateo 6:10) Sa kabaligtaran, ang panalanging iyan ay wasto at punô pa rin ng kahulugan.
Ang Kaharian ng Diyos ay tiyak na kikilos sa hinaharap ukol dito sa lupa, at ito ang nasa isip natin kapag tayo’y nananalangin at gumagamit ng mga salitang tulad ng nasa Panalangin ng Panginoon. Halimbawa, inihula sa Daniel 2:44 na “darating” ang Kaharian upang puksain ang lahat ng bansa at iyan ang mamamahala sa lupang ito. Bumabanggit ang Apocalipsis 21:2 hinggil sa Bagong Jerusalem na bumababang galing sa langit. Ang Bagong Jerusalem ay binubuo ng 144,000 pinahirang Kristiyano na magiging kasintahang-babae ng Kristo. Sila rin ay kasamang tagapagmana ni Jesus sa Kaharian. Kaya inilalarawan ng Apocalipsis 21:2 ang pagbabaling nila ng pansin sa lupa, na nagbubunga ng saganang pagpapala para sa tapat na sangkatauhan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Hangga’t hindi natutupad ang mga ito at ang ibang kamangha-manghang mga hula, magiging wasto pa rin na ipanalangin sa Diyos na Jehova kasuwato ng mga salita ni Jesus, “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Subalit dapat nating tandaan na ang Kaharian ay hindi paririto sa planetang Lupa sa diwang literal. Ang pamahalaan ng Kaharian ay mamamalagi sa langit, hindi sa lupa.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Lupa: Batay sa kuha ng NASA