Sino ang Karapat-dapat na Tawaging Rabbi?
ANG di-naghihinalang turista ay may kaunting tsansa na makarating sa paliparan nang nasa oras. Daan-daang pulis ang nagsikap na ayusin ang trapiko samantalang binabantayan ang mahigit sa 300,000 namimighati na nagsisiksikan sa mga lansangan ng Jerusalem. Tinawag ito ng The Jerusalem Post na “isang prusisyon ng libing na ang laki ay katulad ng nauukol lamang sa mga presidente, hari, o mga totalitaryong diktador.” Sino ang nakapagpangyari ng gayong karaming kapahayagan ng debosyon, anupat naparalisado ang kabisera ng Israel sa loob ng maraming oras? Isang iginagalang na rabbi. Bakit pumupukaw ng gayong paggalang at debosyon sa mga Judio ang pagiging isang rabbi? Kailan unang ginamit ang terminong “rabbi”? Kanino lamang ito nararapat itawag?
Si Moises ba ay Isang Rabbi?
Ang pinakakagalang-galang na tao sa Judaismo ay si Moises, ang tagapamagitan ng tipang Kautusan ng Israel. Siya ay tinatawag ng mga relihiyosong Judio na “si Moises ‘na aming Rabbi.’ ” Gayunpaman, saanman sa Bibliya ay hindi tinukoy si Moises sa titulong “Rabbi.” Sa katunayan, ang terminong “rabbi” ay hindi kailanman lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Paano, kung gayon, nagsimula ang pagtawag ng mga Judio kay Moises sa gayong paraan?
Ayon sa Hebreong Kasulatan, ang pananagutan at awtoridad sa pagtuturo at pagpapaliwanag sa Kautusan ay ibinigay sa mga inapo ni Aaron, ang mga saserdote sa tribo ni Levi. (Levitico 10:8-11; Deuteronomio 24:8; Malakias 2:7) Subalit, noong ikalawang siglo B.C.E., nagsimula ang di-kapansin-pansing pagbabago sa Judaismo, na may namamalaging epekto sa kaisipang Judio sapol noon.
Tungkol sa pagbabagong ito sa espirituwal na paraan, sumulat si Daniel Jeremy Silver sa A History of Judaism: “Noong panahong [iyon] ay sinimulang hamunin ng isang uring hindi mga saserdoteng eskriba at iskolar ang legal na karapatan ng mga saserdote na magpaliwanag ng Torah [Mosaikong Kautusan]. Lahat ay sumang-ayon na ang mga saserdote ay kailangan bilang mga tagapaglingkod sa Templo, ngunit bakit nasa kanila ang panghuling pasiya pagdating sa mga bagay hinggil sa Torah?” Sino ang mga tagapagpasimuno ng paghahamong ito sa awtoridad ng mga uring saserdote? Isang bagong grupo sa Judaismo na tinatawag na mga Fariseo. Nagpatuloy si Silver: “Isinalig ng mga Fariseo sa kuwalipikasyon, hindi sa pinagmulan [makasaserdoteng angkan], ang kanilang batayan sa pagtanggap ng mga estudyante sa kanilang mga paaralan, at nagbangon sila ng bagong uri ng mga Judio sa pamunuan ng relihiyon.”
Sa pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga nagtapos sa mga paaralang ito ng mga Fariseo ay nakilala bilang mga guro, o mga maestro, ng kautusang Judio. Bilang tanda ng paggalang, sila ay sinimulang tukuyin ng ibang mga Judio bilang “aking guro,” o “aking maestro,” na sa Hebreo ay rabbi.
Wala nang higit pang makapagbibigay ng awtoridad sa bagong titulong ito kundi ang ikapit ito sa isa na kinikilala bilang ang pinakadakilang guro sa kasaysayan ng mga Judio, si Moises. Ang epekto nito ay lalo pang magpapahina sa pagdiriin sa pagkasaserdote samantalang pinauunlad naman nito ang katayuan ng lumalaking impluwensiya ng pamumuno ng mga Fariseo. Kaya naman, mahigit na 1,500 taon pagkaraan ng kaniyang kamatayan, si Moises ay itinuring na tinaguriang “Rabbi” kahit noon pa man.
Pagtulad sa Maestro
Bagaman kung minsan ay ginagamit ng publiko ang katagang “rabbi” (“aking maestro”) upang tumukoy sa ibang guro na kanilang iginagalang, ang termino ay karaniwang ikinakapit sa mga prominenteng guro sa mga Fariseo, “ang mga paham.” Nang mawasak ang templo noong 70 C.E. anupat nagwakas ang awtoridad ng pagkasaserdote, ang mga Fariseong rabbi ay naging ang walang katunggaling mga pinuno ng Judaismo. Ang kawalan ng kaagaw sa kanilang posisyon ay nagpasigla sa pagbangon ng isang uri ng kulto na nakasentro sa mga paham na rabbi.
Tinatalakay ang yugto ng pagbabagong ito noong unang siglo C.E., ganito ang sinabi ni Propesor Dov Zlotnick: “ ‘Ang pagmamasid sa mga Paham,’ ay naging higit na mahalaga kaysa sa pag-aaral ng Torah.” Ganito pa ang paliwanag ng Judiong iskolar na si Jacob Neusner: “Ang ‘alagad ng mga paham’ ay isang estudyante na may malapit na kaugnayan sa isang rabbi. Ginagawa niya ang gayon dahil gusto niyang matuto ng ‘Torah.’ . . . Ang Torah ay hindi natututuhan sa pamamagitan ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pagmamasid sa kautusan na nakapaloob sa mga kilos at gawa ng nabubuhay na paham. Itinuturo nila ang kautusan sa pamamagitan ng kanilang ginagawa, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang sinasabi.”
Ipinaliwanag ito ng iskolar sa Talmud na si Adin Steinsaltz, na sumulat: “Sinabi mismo ng mga paham, ‘Ang mga karaniwang usapan, biro, o di-pormal na pananalita ng mga paham ay dapat na pag-aralan.’ ” Hanggang saan ito maaaring kumapit? Ganito ang sabi ni Steinsaltz: “Ang isang sukdulang halimbawa nito ay tungkol sa isang alagad na iniulat na nagtago sa ilalim ng kama ng kaniyang dakilang guro upang alamin kung paano ito sumisiping sa kaniyang kabiyak. Nang tanungin tungkol sa kaniyang pagkamausisa, sumagot ang kabataang alagad: ‘Iyon ay Torah at dapat na pag-aralan,’ isang paraan na tinatanggap bilang wasto kapuwa ng mga rabbi at mga estudyante.”
Dahil sa pagdiriin sa rabbi sa halip na sa Torah—pag-aaral ng Torah sa pamamagitan ng mga rabbi—ang Judaismo mula noong unang siglo C.E. patuloy ay naging isang relihiyong nakasentro sa mga rabbi. Ang isa ay napapalapit sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng kinasihang nasusulat na Salita, kundi sa pamamagitan ng isang huwarang tao, isang maestro, ang rabbi. Kaya naman, likas lamang na malipat ang pagdiriin mula sa kinasihang Kasulatan tungo sa binigkas na mga kautusan at tradisyon na itinuturo ng mga rabbing ito. Mula noon, ang mga literaturang Judio, gaya ng Talmud, ay higit na nagtuon ng pansin sa mga pagtalakay, anekdota, at paggawi ng mga rabbi sa halip na sa mga kapahayagan ng Diyos.
Ang mga Rabbi sa mga Panahong Nagdaan
Bagaman hawak ang malaking kapangyarihan at impluwensiya, hindi pinagkakitaan ng mga unang rabbi ang kanilang relihiyosong gawain. Sinabi ng Encyclopaedia Judaica: “Ang rabbi sa Talmud ay . . . ibang-iba sa mga may gayong titulo sa ngayon. Ang rabbi sa Talmud ay isang tagapagsalin at tagapagpaliwanag ng Bibliya at ng Binigkas Na Kautusan, at pangkaraniwan nang may trabaho na siyang pinagkukunan niya ng ikabubuhay. Noon lamang Edad Medya na ang rabbi ay naging . . . ang guro, tagapangaral, at espirituwal na pinuno ng kongregasyon o pamayanang Judio.”
Nang magsimulang baguhin ng mga rabbi ang kanilang tungkulin tungo sa isang sinusuwelduhang trabaho, binatikos ito ng ilan. Si Maimonides, ang kilalang rabbi noong ika-12 siglo na naghahanap-buhay bilang isang manggagamot, ay matinding tumuligsa sa gayong mga rabbi. “Itinakda [nila] ang halagang para sa kanila na hihilingin sa mga indibiduwal at mga pamayanan at pinapangyaring isipin ng mga tao, na talaga namang kamangmangan, na pananagutan at wasto na tulungan [sa pinansiyal] ang mga paham at iskolar at mga tao na nag-aaral ng Torah, sa gayon ang kanilang Torah ay trabaho nila. Subalit lahat ng ito ay mali. Wala ni isa mang salita, kahit sa Torah o sa mga kasabihan ng mga paham, ang magpapatunay dito.” (Commentary on the Mishnah, Avot 4:5) Subalit ang pagtuligsa ni Maimonides ay hindi binigyang-pansin ng sumunod na mga salinlahi ng mga rabbi.
Nang pumasok ang Judaismo sa modernong panahon, nagkabaha-bahagi ito sa mga sekta ng repormasyon, konserbatibo, at ortodoksong paniniwala. Para sa maraming Judio ay naging pangalawahing bagay na lamang ang relihiyosong paniniwala at gawain. Dahil dito, ang katayuan ng rabbi ay humina. Sa kalakhang bahagi, ang rabbi ay naging isang ordinadong pinuno ng isang kongregasyon, gumaganap bilang isang bayaran, propesyonal na guro at tagapayo para sa mga miyembro ng kaniyang grupo. Gayunpaman, sa gitna ng mga grupong Hasidic na labis-labis ang pagka-ortodokso, ang kaisipan na ang rabbi ay isang maestro at huwaran ay lalo pang lumago.
Pansinin ang sinabi ni Edward Hoffman sa kaniyang aklat tungkol sa kilusang Hasidic na Chabad-Lubavitch: “Idiniriin din ng unang Hasidim na sa bawat salinlahi ay may umiiral na isang Judiong lider, isang zaddik [isang taong matuwid], na siyang “Moises” sa kaniyang panahon, ang isa na ang kaalaman, at debosyon sa iba ay hindi mapapantayan. Sa pamamagitan ng kaniyang kahanga-hangang kabanalan, bawat grupong Hasidim ay nakadarama, na ang kanilang Rebbe [salitang Yiddish para sa “rabbi”] ay makaiimpluwensiya pa nga sa mga dekreto ng Makapangyarihan-sa-lahat. Hindi lamang siya iginagalang bilang huwaran dahil sa kaniyang nagsisiwalat na mga pahayag, kundi ang kaniya mismong paraan ng pamumuhay (‘kung paano niya itinatali ang sintas ng kaniyang sapatos,’ wika nga) ay kinikilalang nagtataas ng pagkatao at nagsisiwalat ng bahagyang mga palatandaan ng landas na patungo sa kabanalan.”
“Huwag Kayong Patawag na Rabbi”
Si Jesus, ang Judio noong unang-siglo na nagtatag ng Kristiyanismo, ay nabuhay noong panahon na ang maka-Fariseong kaisipan tungkol sa rabbi ay nagsisimulang mangibabaw sa Judaismo. Siya ay hindi Fariseo, ni siya ay sinanay sa kanilang mga paaralan, subalit siya man ay tinawag na Rabbi.—Marcos 9:5; Juan 1:38; 3:2.
Sa pagtuligsa sa kalakaran ng mga rabbi sa Judaismo, sinabi ni Jesus: “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. Gusto nila ng pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga, at ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako at ang tawagin ng mga tao na Rabbi. Ngunit kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid.”—Mateo 23:2, 6-8.
Nagbabala si Jesus laban sa klero-legong pagtatangi na nagaganap sa Judaismo. Tinuligsa niya ang pag-uukol ng gayong di-nararapat na kadakilaan sa mga tao. “Iisa ang inyong guro,” ang tahasang ipinahayag niya. Sino ang isang Ito?
Si Moises, na “kilala ni Jehova nang mukhaan” at na tinatawag na “aming Rabbi” ng mga paham mismo, ay isang di-sakdal na tao. Siya man ay nagkamali. (Deuteronomio 32:48-51; 34:10; Eclesiastes 7:20) Sa halip na itampok si Moises bilang ang pangunahing huwaran, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Isang propeta ang aking ibabangon para sa kanila buhat sa gitna ng kanilang mga kapatid, kagaya mo; at ilalagay ko ang aking mga salita sa bibig niya, at tiyak na sasalitain niya ang lahat ng aking iuutos sa kaniya. At mangyayari na ang tao na hindi makikinig sa aking mga salita na sasalitain niya sa aking pangalan, akin mismong papananagutin siya.”—Deuteronomio 18:18, 19.
Ang mga hula sa Bibliya ay nagpapatunay na ang mga salitang ito ay natupad kay Jesus, ang Mesiyas.a Si Jesus ay hindi lamang “kagaya” ni Moises; siya ay mas dakila kay Moises. (Hebreo 3:1-3) Isinisiwalat ng Kasulatan na si Jesus ay isinilang na isang sakdal na tao, at di-gaya ni Moises, naglingkod siya sa Diyos nang “walang kasalanan.”—Hebreo 4:15.
Sundan ang Huwaran
Ang masinsinang pag-aaral sa bawat kilos at salita ng isang rabbi ay hindi nagpangyaring lalong mapalapit ang mga Judio sa Diyos. Bagaman ang isang di-sakdal na tao ay maaaring maging huwaran sa katapatan, kung ating pag-aaralan at tutularan ang bawat kilos niya, matutularan natin ang kaniyang mga pagkakamali at di-kasakdalan gayundin ang kaniyang mabubuting katangian. Nakapag-uukol tayo ng di-nararapat na kaluwalhatian sa isang nilalang sa halip na sa Maylalang.—Roma 1:25.
Subalit si Jehova ay talagang naglaan ng isang Huwaran para sa sangkatauhan. Ayon sa Kasulatan, bago naging tao si Jesus ay umiiral na siya. Sa katunayan, siya ay tinawag na “ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Palibhasa’y naglingkod na sa langit sa loob ng milyun-milyong taon bilang ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos, si Jesus ay nasa angkop na kalagayan upang tumulong sa atin na makilala si Jehova.—Kawikaan 8:22-30; Juan 14:9, 10.
Kaya naman, maisusulat ni Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘tingnang mabuti ang Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.’ Ipinaliwanag din niya na “maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Hebreo 12:2; Colosas 2:3) Walang ibang tao—hindi si Moises ni ang sinumang paham na rabbi—ang karapat-dapat sa gayong atensiyon. Kung mayroon man na dapat na maingat na tularan, iyon ay si Jesus. Ang mga lingkod ng Diyos ay hindi nangangailangan ng isang titulo na gaya ng rabbi, lalo na kung isasaalang-alang ang modernong kahulugan nito, subalit kung mayroon mang karapat-dapat na tawaging Rabbi, iyon ay si Jesus.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga katibayan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, tingnan ang brosyur na Will There Ever Be a World Without War?, pahina 24-30, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 28]
© Brian Hendler 1995. Reserbado ang Lahat ng Karapatan