Paano Tayo Dapat na Manalangin sa Diyos?
NANG isang alagad ang humingi ng tagubilin hinggil sa panalangin, hindi tumanggi si Jesus na magbigay niyaon sa kaniya. Ayon sa Lucas 11:2-4, sumagot siya: “Kapag nanalangin kayo, sabihin: Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Ibigay mo sa amin sa araw na ito ang aming pang-araw-araw na tinapay. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin. At huwag mo kaming akayin sa tukso.” (Katolikong Douay Version) Ito ay karaniwan nang kilala bilang ang Panalangin ng Panginoon. Napakaraming impormasyon ang inihahatid nito.
Una, ang pinakaunang salita mismo ay nagsasabi sa atin kung kanino dapat iukol ang ating mga panalangin—sa ating Ama. Pansinin na si Jesus ay hindi nagbigay ng anupamang dako para sa pananalangin sa ibang persona, imahen, “santo,” o maging sa kaniya. Sa katunayan, ipinahayag ng Diyos: “Hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan sa mga inukit na bagay.” (Isaias 42:8, Dy) Ang mga panalanging iniuukol sa anumang bagay o sa kaninuman maliban sa ating makalangit na Ama kung gayon ay hindi niya pinakikinggan, gaano man kataimtim ang mananamba. Sa Bibliya, ang Diyos na Jehova lamang ang tinatawag na “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
Baka sabihin ng ilan na ang “mga santo” ay nagsisilbing tagapamagitan lamang sa Diyos. Ngunit si Jesus mismo ang may tagubilin: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Gayundin, anuman ang inyong hingin sa aking pangalan, gagawin ko ito, upang ang Ama ay maluwalhati may kaugnayan sa Anak.” (Juan 14:6, 13) Kaya tinanggihan ni Jesus ang idea na ang sinumang tinatawag na santo ay maaaring gumanap ng papel bilang tagapamagitan. Pansinin din kung ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol kay Kristo: “Hindi lamang siya namatay alang-alang sa atin—siya’y bumangon mula sa mga patay, at doon sa kanang kamay ng Diyos ay nakatayo siya at nakikiusap para sa atin.” “Siya ay nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa lahat na lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya.”—Roma 8:34; Hebreo 7:25, Katolikong Jerusalem Bible.
Ang Pangalang Dapat na Sambahin
Ang sumunod na mga salita sa panalangin ni Jesus ay: “Sambahin nawa ang iyong pangalan.” Paano maaaring sambahin, samakatuwid nga, mapababanal, o maitatangi, ng isa ang pangalan ng Diyos malibang alam iyon at ginagamit iyon ng isa? Mahigit na 6,000 ulit sa “Lumang Tipan,” ang Diyos ay ipinakikilala sa pamamagitan ng personal na pangalang Jehova.
Ganito ang sabi sa talababa ng Exodo 6:3 sa Katolikong Douay Version hinggil sa pangalan ng Diyos: “Binalangkas ng ilang makabago ang pangalang Jehovah . . . , sapagkat ang tunay na bigkas ng pangalan [ng Diyos], na nasa tekstong Hebreo, ay hindi na alam ngayon dahil sa matagal na di-paggamit.” Kaya naman ginagamit ng Katolikong New Jerusalem Bible ang pangalang Yahweh. Bagaman minamabuti ng ilang iskolar ang bigkas na iyan, ang “Jehovah” ay isang lehitimo at matagal nang tinanggap na paraan ng pagbigkas ng banal na pangalan sa Ingles. Ang ibang mga wika ay may sariling paraan ng pagbigkas sa banal na pangalan. Ang pinakamahalaga ay na ginagamit natin ang pangalan upang mapabanal iyon. Itinuturo ba sa iyo ng iyong simbahan na gamitin sa panalangin ang pangalang Jehova?
Angkop na mga Paksa sa Panalangin
Sumunod ay tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.” Idinagdag ng Ebanghelyo ni Mateo ang mga salitang: “Gawin nawa ang kalooban mo sa lupa kung paano sa langit.” (Mateo 6:10, Dy) Ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan sa kamay ni Jesu-Kristo. (Isaias 9:6, 7) Ayon sa hula sa Bibliya, malapit na nitong alisin ang lahat ng pamahalaan ng tao at pairalin ang isang panahon ng pangglobong kapayapaan. (Awit 72:1-7; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3-5) Kaya naman ginagawa ng mga tunay na Kristiyano ang pagdating ng Kaharian bilang isang paulit-ulit na tema ng kanilang mga panalangin. Tinuruan ka ba ng iyong simbahan na gawin ang gayon?
Kapansin-pansin, ipinakita rin ni Jesus na maaaring ilakip sa ating mga panalangin ang mga personal na bagay na ikinababahala natin. Sinabi niya: “Ibigay mo sa amin sa araw na ito ang aming pang-araw-araw na tinapay. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso.” (Lucas 11:3, 4, Dy) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na maaari nating hanapin ang kalooban ng Diyos sa pang-araw-araw na mga bagay, na makalalapit tayo kay Jehova tungkol sa anumang bagay na maaaring makabahala sa atin o makagambala ng ating kapayapaan ng isip. Ang palagiang pagsusumamo sa Diyos sa ganitong paraan ay tumutulong sa atin na pahalagahan ang ating pagiging umaasa sa kaniya. Sa gayo’y lalo nating natatalos ang kaniyang impluwensiya sa ating buhay. Kapaki-pakinabang din naman ang araw-araw na paghiling sa Diyos na patawarin tayo sa ating mga pagkakasala. Sa ganitong paraan ay lalo tayong nagiging palaisip sa ating mga kahinaan—at higit na mapagparaya sa pagkukulang ng iba. Ang masidhing payo ni Jesus na manalangin tayo ukol sa pagkaligtas mula sa tukso ay angkop din, lalo na dahil sa bumababang moral ng sanlibutang ito. Kasuwato ng panalanging iyan, maingat tayo na iwasan ang mga kalagayan o mga situwasyon na maaaring umakay sa atin sa paggawa ng masama.
Walang alinlangan, kung gayon, na ang Panalangin ng Panginoon ay maraming itinuturo sa atin tungkol sa paghahandog ng mga panalanging nakalulugod sa Diyos. Subalit nilayon ba ni Jesus na isaalang-alang natin ang panalanging ito at bigkasin lamang iyon nang palagian?
Karagdagang Payo Hinggil sa Panalangin
Nagbigay si Jesus ng karagdagang tagubilin hinggil sa panalangin. Sa Mateo 6:5, 6, mababasa natin: “Kapag kayo ay mananalangin, huwag kayong maging gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan upang makita ng mga tao. . . . Gayunman, ikaw, kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkatapos na maisara ang iyong pintuan, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ay gagantihin ka.” Itinuturo sa atin ng mga salitang ito na hindi dapat manalangin sa isang mapagparangya, pakitang-taong paraan upang pahangain ang isa. Binubuksan mo ba ang iyong puso kay Jehova sa pribadong paraan, gaya ng hinihimok ng Bibliya?—Awit 62:8.
Nagbabala si Jesus: “Sa inyong mga panalangin ay huwag kayong dumaldal na gaya ng ginagawa ng mga pagano, sapagkat iniisip nila na sa paggamit ng maraming salita ay diringgin sila.” (Mateo 6:7, JB) Maliwanag, hindi sinang-ayunan ni Jesus ang pagsasaulo ng mga panalangin—ni ang pagbabasa ng mga ito mula sa isang aklat. Tinatanggihan din ng kaniyang mga salita ang paggamit ng rosaryo.
Ganito ang inamin ng isang Katolikong aklat na pangmisa: “Ang ating pinakamabuting panalangin ay maaaring ang mga kaisipang bumubukal sa ating kalooban kapag bumabaling tayo sa kaniya bilang pasasalamat o paghingi ng tulong, sa panahon ng kalungkutan, o sa ating regular na pagsamba sa kaniya sa araw-araw.” Ang sariling mga panalangin ni Jesus ay kusang-loob, hindi isinaulo. Halimbawa, basahin ang panalangin ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 17. Kaayon ito ng huwarang panalangin, anupat idiniriin ang naisin ni Jesus na makitang pinababanal ang pangalan ni Jehova. Ang panalangin ni Jesus ay kusang-loob at totoong taos-puso.
Mga Panalangin na Dinirinig ng Diyos
Kung naturuan ka na magsaulo ng mga panalangin, manalangin sa “mga santo” o sa mga imahen, o gumamit ng relihiyosong mga bagay, tulad ng rosaryo, maaaring sa una ay waring nakapangangamba ang idea ng pananalangin sa paraan na binalangkas ni Jesus. Gayunman, ang susi ay ang makilala ang Diyos—ang kaniyang pangalan, ang kaniyang mga layunin, ang kaniyang personalidad. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng masinsinang pag-aaral ng Bibliya. (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay handa at nalulugod na tumulong sa iyo hinggil dito. Aba, natulungan na nila ang milyun-milyon sa buong daigdig na ‘matikman at makita na si Jehova ay mabuti’! (Awit 34:8) Habang lalo mong nakikilala ang Diyos, lalo kang mapakikilos na purihin siya sa panalangin. At habang lalo kang lumalapit kay Jehova sa mapitagang pananalangin, lalong magiging malapit ang iyong kaugnayan sa kaniya.
Lahat ng tunay na sumasamba sa Diyos kung gayon ay hinihimok na ‘manalangin nang walang-lubay.’ (1 Tesalonica 5:17) Tiyakin na ang iyong mga panalangin ay tunay na kasuwato ng Bibliya, pati na ng mga tagubilin ni Jesu-Kristo. Sa ganitong paraan ay makatitiyak ka na sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga panalangin.
[Larawan sa pahina 7]
Habang lalo tayong natututo tungkol kay Jehova, lalo tayong napakikilos na manalangin sa kaniya nang taos-puso