Isang Mas Mabuting Pag-asa ng Kaluluwa
HINDI ito inaasahan ng mga sundalong Romano. Nang lumusob sila sa moog ng Masada na nasa bundok, ang huling balwarte ng rebeldeng puwersa ng mga Judio, inihanda nila ang sarili sa pagsalakay ng kanilang mga kaaway, sa hiyaw ng mga mandirigma, sa tilian ng mga babae at mga bata. Sa halip ay narinig lamang nila ang lagitik ng naglalagablab na apoy. Habang ginagalugad nila ang nasusunog na kuta, natuklasan ng mga Romano ang masaklap na katotohanan: ang kanilang mga kaaway—humigit-kumulang na 960 katao—ay patay na! Sa sistematikong paraan, pinatay ng mga Judiong mandirigma ang kani-kanilang pamilya, at pagkatapos ay ang isa’t isa. Nagpatiwakal ang pinakahuling lalaki.a Ano ang umakay sa kanila sa ganitong karima-rimarim na pamamaslang at pagpapatiwakal?
Ayon sa istoryador na si Josephus na nabuhay nang panahong iyon, ang isang mahalagang salik ay ang paniniwala sa imortal na kaluluwa. Tinangka muna ni Eleazar Ben Jair, ang lider ng mga Zealot sa Masada, na kumbinsihin ang kaniyang mga tauhan na ang pagpapatiwakal ay mas marangal kaysa sa kamatayan o pagkaalipin sa kamay ng mga Romano. Nang makitang sila’y nag-aatubili, bumulalas siya ng madamdaming talumpati tungkol sa kaluluwa. Sinabi niya sa kanila na ang katawan ay isa lamang hadlang, isang bilangguan para sa kaluluwa. “Subalit kapag, nakalaya na buhat sa bigat na kumakaladkad dito sa lupa at bumabalot dito,” ang sabi pa niya, “ang kaluluwa ay bumabalik sa sariling dako nito, kung magkagayon ay talagang tumatanggap ito ng pinagpalang kapangyarihan at totoong walang-hanggang lakas, anupat nananatiling di-nakikita ng mga mata ng tao gaya ng Diyos Mismo.”
Ang tugon? Iniulat ni Josephus na pagkatapos na si Eleazar ay lubusang magsalita sa ganitong paraan, “pinahinto siya ng lahat ng kaniyang tagapakinig at sila’y buong-kasabikang nagmadali upang gawin ang bagay na iyon.” Sinabi pa ni Josephus: “Sila’y humayong parang sinusupil, bawat isa ay sabik na maunahan ang susunod na lalaki, . . . gayon na lamang katindi ang pagnanais na lumukob sa kanila na paslangin ang kanilang asawa, ang kanilang mga anak, at ang kanilang sarili.”
Ang kakila-kilabot na halimbawang ito ay naglalarawan kung gaano katindi ang impluwensiya ng doktrinang imortalidad ng kaluluwa upang mabago ang normal na pangmalas ng tao tungkol sa kamatayan. Ang mga naniniwala ay tinuruang malasin ang kamatayan, hindi bilang pinakamasamang kaaway ng tao, kundi isa lamang pintuan na nagpapalaya sa kaluluwa upang tamasahin ang nakahihigit na pag-iral. Subalit bakit ganito ang paniniwala ng mga Judiong Zealot na iyon? Aakalain ng marami na ang kanilang banal na mga kasulatan, ang Hebreong Kasulatan, ay nagtuturo na nasa loob ng tao ang isang may malay na espiritu, isang kaluluwang tumatakas upang mabuhay pagkatapos ng kamatayan. Gayon nga bang talaga?
Ang Kaluluwa Ayon sa Hebreong Kasulatan
Sa maikli, hindi. Doon mismo sa pinakaunang aklat ng Bibliya, ang Genesis, sinasabi sa atin na ang kaluluwa ay hindi isang bagay na taglay ninyo, iyon ay kayo. Mababasa natin ang tungkol sa paglalang kay Adan, ang unang tao: “Ang tao ay naging isang nabubuhay na kaluluwa.” (Genesis 2:7) Ang Hebreong salita na ginamit dito para sa kaluluwa, ang neʹphesh, ay lumilitaw nang mahigit sa 700 beses sa Hebreong Kasulatan, ni minsan ma’y hindi naghatid ng idea na isang hiwalay, makalangit, espirituwal na bahagi ng tao. Sa kabaligtaran, ang kaluluwa ay nahahawakan, buo, pisikal.
Tingnan ang sumusunod na binanggit na mga teksto sa inyong sariling kopya ng Bibliya, sapagkat ang Hebreong salitang neʹphesh ay masusumpungan sa bawat isa sa mga ito. Maliwanag na ipinakikita ng mga ito na ang kaluluwa ay maaaring makipagsapalaran, manganib, at maaagaw pa nga (Deuteronomio 24:7; Hukom 9:17; 1 Samuel 19:11); makahipo ng mga bagay (Job 6:7); lagyan ng tanikalang bakal (Awit 105:18); magnasang kumain, magdalamhati sa pamamagitan ng pag-aayuno, at manlupaypay dahil sa gutom at uhaw; at dumanas ng sakit na umuubos ng lakas o maging ng insomniya bunga ng pagdadalamhati. (Deuteronomio 12:20; Awit 35:13; 69:10; 106:15; 107:9; 119:28) Sa ibang pananalita, dahil sa ang inyong kaluluwa ay kayo, ang inyong sarili mismo, mararanasan ng inyong kaluluwa ang anumang mararanasan ninyo.b
Kung gayon, nangangahulugan ba iyan na ang kaluluwa ay maaaring aktuwal na mamatay? Oo. Palibhasa’y hindi imortal, binabanggit sa Hebreong Kasulatan na ang kaluluwa ay “pinuputol,” o pinapatay, dahil sa paggawa ng masama, sinasaktan nang nakamamatay, pinapaslang, pinupuksa, at niluluray-luray. (Exodo 31:14; Deuteronomio 19:6; 22:26; Awit 7:2) “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ay mamamatay,” sabi ng Ezekiel 18:4. Maliwanag, ang kamatayan ang karaniwang wakas ng kaluluwa ng tao, yamang tayong lahat ay nagkakasala. (Awit 51:5) Sinabihan ang unang tao, si Adan, na ang parusa sa kasalanan ay ang kamatayan—hindi ang paglipat sa dako ng mga espiritu at ng imortalidad. (Genesis 2:17) At nang magkasala siya, ipinahayag ang hatol: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Nang mamatay sina Adan at Eva, sila ay naging yaon lamang malimit na tukuyin ng Bibliya bilang ‘patay na mga kaluluwa’ o ‘pumanaw na mga kaluluwa.’—Bilang 5:2; 6:6.
Hindi nga nakapagtataka na ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana tungkol sa kaluluwa sa Hebreong Kasulatan: “Ang idea sa Lumang Tipan tungkol sa tao ay yaong pagkakaisa, hindi ng pagsasama ng kaluluwa at katawan.” Sinabi pa nito: “Ang nefesh . . . ay hindi kailanman inisip na kumikilos nang hiwalay sa katawan.”
Kaya, ano ang paniniwala ng tapat na mga Judio tungkol sa kamatayan? Sa simpleng pananalita, naniniwala sila na ang kamatayan ay siyang kabaligtaran ng buhay. Sinasabi ng Awit 146:4 kung ano ang nangyayari kapag nililisan ng espiritu, o puwersa ng buhay, ang isang tao: “Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”c Gayundin naman, isinulat ni Haring Solomon na ang mga patay “ay walang kamalayan sa anumang bagay.”—Eclesiastes 9:5.
Kung gayon, bakit gayon na lamang katibay ang paniniwala ng maraming unang-siglong Judio, gaya ng mga Zealot sa Masada, tungkol sa imortalidad ng kaluluwa?
Ang Impluwensiya ng mga Griego
Nakuha ng mga Judio ang ideang ito, hindi mula sa Bibliya, kundi mula sa mga Griego. Sa pagitan ng ikapito at ikalimang siglo B.C.E., waring nakapasok ang kaisipang ito mula sa mahiwagang relihiyosong mga kulto ng mga Griego tungo sa pilosopiyang Griego. Ang idea ng kabilang-buhay na doo’y daranas ng makirot na kaparusahan ang masasamang kaluluwa ay matagal nang nakaakit, at ang paniniwala ay naitatag at lumaganap. Walang-katapusang pinagtalunan ng mga pilosopo ang eksaktong kalikasan ng kaluluwa. Sinabi ni Homer na dagling lumilipat ang kaluluwa sa panahon ng kamatayan, anupat lumilikha ng umuugong, humuhuni, o pumapagaspas na ingay. Sinabi naman ni Epicurus na sa katunayan ang kaluluwa ay may timbang at, samakatuwid, ay isang pagkaliit-liit na katawan.d
Subalit marahil ang pinakadakilang tagapagtaguyod ng imortal na kaluluwa ay ang Griegong pilosopo na si Plato, noong ikaapat na siglo B.C.E. Ang paglalarawan niya sa kamatayan ng kaniyang guro, si Socrates, ay nagsisiwalat ng paniniwala na kagayang-kagaya niyaong sa mga Zealot ng Masada pagkaraan ng mga siglo. Gaya ng pagkasabi dito ng iskolar na si Oscar Cullmann, “ipinakita sa atin ni Plato kung paanong si Socrates ay namatay nang ganap na payapa at may kahinahunan. Napakaganda ng pagkamatay ni Socrates. Hindi masasaksihan dito ang kakilabutan ng kamatayan. Hindi maaaring katakutan ni Socrates ang kamatayan, yamang talagang pinalalaya tayo nito buhat sa katawan. . . . Ang kamatayan ang siyang dakilang kaibigan ng kaluluwa. Gayon ang itinuro niya; at gayon siya namatay, kasuwatong-kasuwato ng kaniyang turo.”
Maliwanag na panahon noon ng mga Macabeo, noong ikalawang siglo bago kay Kristo, nang sinimulang tanggapin ng mga Judio ang turong ito mula sa mga Griego. Noong unang siglo C.E., sinasabi sa atin ni Josephus na ang mga Fariseo at ang mga Essene—mga makapangyarihang grupo ng mga relihiyosong Judio—ang yumakap sa doktrinang ito. Masasalamin ang paniniwala ring ito sa ilang tula na malamang na kinatha noong panahong iyon.
Subalit, kumusta naman si Jesu-Kristo? Itinuro rin ba niya at ng kaniyang mga tagasunod ang ideang ito mula sa Griegong relihiyon?
Ang Pangmalas ng mga Unang Kristiyano Tungkol sa Kaluluwa
Ang pangmalas ng mga unang-siglong Kristiyano tungkol sa kaluluwa ay hindi katulad niyaong sa mga Griego. Halimbawa, isaalang-alang ang pagkamatay ng kaibigan ni Jesus na si Lazaro. Kung si Lazaro ay may imortal na kaluluwa na dagling lumipat, malaya at maligaya, sa panahon ng kamatayan, hindi ba lubhang naiiba ang mababasa sa ulat sa Juan kabanata 11? Tiyak na sinabi sana ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod kung si Lazaro ay buháy at maayos naman at may malay sa langit; sa kabaligtaran, inulit niya ang Hebreong Kasulatan at sinabi sa kanila na si Lazaro ay natutulog, anupat walang-malay. (Ju 11 Talata 11) Tiyak na nagsaya sana si Jesus kung ang kaniyang kaibigan ay nagtatamasa ng kamangha-manghang bagong pag-iral; sa halip, nasumpungan natin siyang tumatangis nang hayagan sa pagkamatay na ito. (Ju 11 Talata 35) Tiyak, kung nasa langit ang kaluluwa ni Lazaro, anupat walang-kahulilip ang kaligayahan sa taglay na imortalidad, hindi sana magiging gayong kalupit si Jesus na pabalikin siya upang mabuhay nang ilang taon pa sa “bilangguan” ng di-sakdal na katawang pisikal sa gitna ng maysakit at naghihingalong sangkatauhan.
Nagbalik ba si Lazaro buhat sa kamatayan taglay ang masiglang mga kuwento tungkol sa kaniyang kamangha-manghang apat na araw bilang isang espiritung nakalaya mula sa katawan? Hindi, hindi siya nagbalik nang gayon. Tutugon ang mga naniniwala sa imortal na kaluluwa na ito ay dahil sa gayon na lamang ang karanasan ng tao anupat hindi mailarawan sa pamamagitan ng mga salita. Subalit hindi matibay ang pangangatuwirang iyan; sa katunayan, hindi kaya masasabi ni Lazaro kahit paano sa kaniyang mga minamahal—na hindi sukat mailarawan ang kaniyang naging karanasan? Sa halip, walang anumang sinabi si Lazaro tungkol sa naranasan niya habang siya’y patay. Isipin ito—tahimik tungkol sa isang paksa na siyang pinagtutuunan ng tao ng pansin nang higit sa anupaman: kung ano nga ba ang kamatayan! Maipaliliwanag lamang sa isang paraan ang katahimikang iyan. Walang anumang masasabi. Ang mga patay ay nahihimbing, walang-malay.
Kaya, ipinakikita ba ng Bibliya na ang kamatayan ay kaibigan ng kaluluwa, isa lamang seremonyang magaganap sa pagitan ng mga yugto ng pag-iral? Hindi! Sa tunay na mga Kristiyano tulad ni apostol Pablo, ang kamatayan ay hindi kaibigan; iyon “ang huling kaaway.” (1 Corinto 15:26) Minamalas ng mga Kristiyano ang kamatayan, hindi bilang likas, kundi nakapangingilabot, di-likas, sapagkat iyon ang tuwirang resulta ng kasalanan at paghihimagsik laban sa Diyos. (Roma 5:12; 6:23) Hindi iyon kailanman naging bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Gayunpaman, may pag-asa ang mga tunay na Kristiyano pagdating sa kamatayan ng kaluluwa. Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay isa sa maraming salaysay sa Bibliya na maliwanag na nagpapakita sa atin ng tunay at maka-Kasulatang pag-asa ng mga patay na kaluluwa—ang pagkabuhay-muli. Nagtuturo ang Bibliya ng dalawang uri ng pagkabuhay-muli. Para sa malaking bahagi ng sangkatauhan na nahihimbing sa libingan, maging matuwid man o di-matuwid, may pag-asa ng pagkabuhay-muli tungo sa walang-hanggang buhay sa Paraiso rito sa lupa. (Lucas 23:43; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Para sa isang maliit na grupo na tinukoy ni Jesus bilang kaniyang “munting kawan,” may pagkabuhay-muli tungo sa imortal na buhay sa langit bilang mga espiritung persona. Ang mga ito, na sa kanila’y kabilang ang mga apostol ni Jesus, ay mamamahalang kasama ni Kristo Jesus sa sangkatauhan at magsasauli sa kanila sa kasakdalan.—Lucas 12:32; 1 Corinto 15:53, 54; Apocalipsis 20:6.
Kung gayon, bakit natin nasusumpungang itinuturo ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, hindi ang pagkabuhay-muli, kundi ang imortalidad ng kaluluwa ng tao? Tingnan ang sagot ng teologong si Werner Jaeger sa The Harvard Theological Review noong 1959: “Ang pinakamahalagang katotohanan sa kasaysayan ng doktrinang Kristiyano ay ang bagay na ang ama ng teolohiyang Kristiyano, si Origen, ay isang Platonikong pilosopo sa paaralan ng Alexandria. Idinagdag niya sa doktrinang Kristiyano ang malawak na kalipunan ng mga turo tungkol sa kaluluwa, na nakuha niya mula kay Plato.” Kaya ginawa ng simbahan ang eksaktong ginawa ng mga Judio mga siglo bago nito! Tinalikdan nila ang Biblikal na mga turo kapalit ng pilosopiyang Griego.
Ang Tunay na Pinagmulan ng Doktrina
Ngayon ay maaaring itanong ng ilan, bilang pagtatanggol sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa, Bakit itinuturo ang doktrina ring iyon, sa iba’t ibang anyo, ng napakaraming relihiyon sa sanlibutan? Ang Kasulatan ay nagbibigay ng wastong dahilan kung bakit gayon na lamang kalaganap ang turong ito sa mga relihiyosong pamayanan sa sanlibutang ito.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot” at espesipikong ipinakikilala si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (1 Juan 5:19; Juan 12:31) Maliwanag, ang mga relihiyon ng sanlibutan ay hindi nakaligtas mula sa impluwensiya ni Satanas. Sa kabaligtaran, malaki ang pananagutan nila sa kaguluhan at alitan sa sanlibutan sa ngayon. At tungkol sa kaluluwa, waring malinaw na masasalamin sa kanila ang kaisipan ni Satanas. Paano nagkagayon?
Alalahanin ang pinakaunang kasinungalingan. Sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na kamatayan ang ibubunga kung magkakasala sila laban sa kaniya. Subalit tiniyak ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi ka mamamatay.” (Genesis 3:4) Mangyari pa, talagang namatay sina Adan at Eva; bumalik sila sa alabok gaya ng sinabi ng Diyos. Hindi kailanman tinalikdan ni Satanas, “ang ama ng kasinungalingan,” ang kaniyang unang kabulaanan. (Juan 8:44) Sa maraming relihiyon na lumihis mula sa doktrina ng Bibliya o tahasang nagwalang-bahala rito, pinalalaganap pa rin ang gayunding idea: ‘Tiyak na hindi ka mamamatay. Maaaring pumanaw ang iyong katawan, ngunit patuloy na mabubuhay ang iyong kaluluwa, magpakailanman—tulad ng Diyos!’ Kapansin-pansin, sinabi rin ni Satanas kay Eva na siya ay magiging “kagaya ng Diyos”!—Genesis 3:5.
Tunay ngang mas mabuti na magkaroon ng pag-asa na salig, hindi sa mga kasinungalingan o pilosopiya ng tao, kundi sa katotohanan. Ano ngang inam na magtiwalang ang ating mga namatay na minamahal ay walang-malay sa libingan sa halip na mabalisa tungkol sa kalagayan ng isang imortal na kaluluwa! Hindi tayo dapat na matakot o manlumo sa ganitong pagkahimbing ng mga patay. Sa isang banda, maaari nating malasin na ang mga patay ay nasa isang ligtas na pahingahang dako. Bakit ligtas? Sapagkat tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga patay na minamahal ni Jehova ay buháy sa isang pantanging diwa. (Lucas 20:38) Sila’y buháy sa kaniyang alaala. Iyan ay totoong nakaaaliw na kaisipan sapagkat walang-takda ang kaniyang alaala. Nasasabik siyang ibalik ang buhay ng milyun-milyong taong minamahal at bigyan sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.—Ihambing ang Job 14:14, 15.
Darating ang maluwalhating araw ng pagkabuhay-muli, yamang lahat ng pangako ni Jehova ay tiyak na matutupad. (Isaias 55:10, 11) Isip-isipin ang katuparan ng hulang ito: “Ngunit mabubuhay ang iyong mga patay, babangong-muli ang kanilang mga katawan. Silang nangatutulog sa lupa ay gigising at sisigaw sa kagalakan; sapagkat ang iyong hamog ay hamog ng maningning na liwanag, at ipanganganak muli ng lupa yaong matagal nang namatay.” (Isaias 26:19, The New English Bible) Kaya ang mga patay na natutulog sa libingan ay ligtas na gaya ng isang sanggol sa sinapupunan ng kaniyang ina. Sila ay malapit nang “ipanganak,” buhaying-muli sa isang lupang paraiso!
Ano pa kayang pag-asa ang nakahihigit pa rito?
[Mga talababa]]
a Dalawang babae at limang bata ang iniulat na nakaligtas dahil nakapagtago. Nang dakong huli ay inilahad ng mga babae ang detalye sa mga Romano na bumihag sa kanila.
b Mangyari pa, tulad sa maraming salita na may maraming gamit, ang salitang neʹphesh ay may iba pang uri ng kahulugan. Halimbawa, maaari itong tumukoy sa kalooban ng tao, lalo na may kinalaman sa malalim na damdamin. (1 Samuel 18:1) Maaari rin itong tumukoy sa buhay na tinatamasa ng isa bilang isang kaluluwa.—1 Hari 17:21-23.
c Ang Hebreong salita para sa “espiritu,” ruʹach, ay nangangahulugan ng “hininga” o “hangin.” Tungkol sa mga tao, hindi ito tumutukoy sa may malay na pag-iral ng isang espiritu, kundi, sa halip, gaya ng paglalarawan dito ng The New International Dictionary of New Testament Theology, sa “puwersa ng buhay ng isang indibiduwal.”
d Hindi siya ang pinakahuli sa mga may ganitong kakatuwang hanay ng kaisipan. Sa pasimula ng siglong ito, aktuwal na inangkin ng isang siyentipiko na natimbang niya ang kaluluwa ng maraming tao sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang timbang karaka-raka pagkamatay nila mula sa kanilang timbang kagyat bago sila mamatay.
[Larawan sa pahina 7]
Naniniwala ang mga Judiong Zealot sa Masada na palalayain ng kamatayan ang kanilang mga kaluluwa