Mga Mata at Pusong Laging Nakapako sa Gantimpala
AYON SA PAGLALAHAD NI EDITH MICHAEL
Sa pagsisimula ng mga taon ng 1930, kami noon ay nakatira sa labas ng St. Louis, Missouri, E.U.A., nang isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw. Tamang-tama naman na nalagot ang sampayan, anupat ang nangingislap sa puting mga labada ni Inay ay nahulog sa putik. Tinanggap niya ang mga aklat na inialok, nang sa gayon ay makaalis na ang babae, at inilagay ang mga iyon sa istante, at nalimutan na ang tungkol doon.
NOON ay mga taon ng depresyon, at si Itay ay natanggal sa trabaho. Isang araw ay naghanap siya ng anumang mababasa sa bahay. Binanggit ni Inay sa kaniya ang tungkol sa mga aklat. Sinimulan niyang basahin ang mga iyon, at pagkaraan ng ilang sandali ay napabulalas siya: “Mahal, ito ang katotohanan!”
“Ay naku, gaya rin iyan ng ibang relihiyon na gusto lang magkapera,” sagot niya. Ngunit, hinimok siya ni Itay na maupo at tingnan nilang dalawa ang mga kasulatan. Nang siya’y pumayag, siya man ay nakumbinsi. Pagkaraan nito ay sinimulan nilang hanapin ang mga Saksi at natuklasan nilang ang mga ito’y nagpupulong sa isang inuupahang bulwagan malapit sa sentro ng St. Louis, isang bulwagang ginagamit din sa mga sayawan at iba pang okasyon.
Isinama ako nina Itay at Inay—mga tatlong taon ako noon—at nakita namin ang bulwagan, ngunit may nagsasayawan doon. Nalaman ni Itay kung kailan nagpupulong, at kami’y bumalik. Nagsimula na rin kaming dumalo sa lingguhang pag-aaral ng Bibliya na malapit sa amin. Iyon ay ginaganap sa bahay ng babaing unang dumalaw sa amin. “Bakit hindi ninyo rin isama ang inyong mga anak na lalaki?” tanong niya. Nahiya si Inay na sabihing wala kasi silang mga sapatos. Nang sabihin na rin niya sa wakas, nagbigay sila ng mga sapatos, at ang aking mga kapatid ay nakasama na namin sa pagdalo.
Binigyan si Inay ng teritoryong mapangangaralan na malapit sa amin, at sinimulan niya ang ministeryo sa bahay-bahay. Sumama ako, habang nagtatago sa likuran niya. Bago siya natutong magmaneho, kami’y naglalakad noon nang mahigit sa isang kilometro upang makasakay ng bus na maghahatid sa amin sa mga pulong sa St. Louis. Kahit na masama ang lagay ng panahon, hindi kami kailanman lumiban sa mga pulong.
Noong 1934, nabautismuhan sina Itay at Inay. Gusto ko ring magpabautismo, at patuloy akong nangungulit hanggang sa pakisuyuan ni Inay ang isang nakatatandang Saksi na kausapin ako hinggil doon. Marami siyang itinanong sa paraang mauunawaan ko. Pagkatapos ay sinabihan niya ang aking mga magulang na hindi ako dapat hadlangan sa pagpapabautismo; baka makasamâ iyon sa aking espirituwal na pagsulong. Kaya nabautismuhan ako nang sumunod na tag-araw, nang ako’y anim na taon pa lamang.
Gustung-gusto ko ang buklet na Home and Happiness, na lagi kong dala sa lahat ng pagkakataon, anupat inilalagay ko pa iyon sa ilalim ng aking unan sa aking pagtulog. Nakiusap ako kay Inay na paulit-ulit na basahin iyon sa akin, hanggang sa masaulo ko iyon. Ang likod niyaon ay may larawan ng isang batang babae na kasama ang isang leon. Ang sabi ko’y ako ang batang iyon. Ang larawang iyon ay nakatulong sa akin upang ipako ang aking mga mata sa gantimpalang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Ako’y napakamahiyain, ngunit kahit na ako ay nanginginig, lagi akong sumasagot sa mga tanong sa Pag-aaral ng Bantayan sa kongregasyon.
Nakalulungkot sabihin, natakot si Itay na baka mawalan siya ng trabaho, kaya huminto na siya ng pakikisama sa mga Saksi. Gayundin ang aking mga kapatid na lalaki.
Buong-Panahong Ministeryo
Ipinapaparada ni Inay sa aming bakuran ang mga trailer ng mga payunir, o buong-panahong mga ministro, at paglabas sa paaralan ay sumasama ako sa kanila sa ministeryo. Di-nagtagal at gusto ko na ring magpayunir, ngunit tumutol si Itay, na ang paniwala’y dapat pa akong mag-aral. Sa wakas ay nakumbinsi siya ni Inay na payagan na akong magpayunir. Kaya noong Hunyo 1943, nang ako’y 14, sinimulan ko ang buong-panahong ministeryo. Upang makatulong sa gastusin sa bahay, kumuha ako ng pansamantalang trabaho, at kung minsan ay nagtatrabaho ako nang buong-panahon. Magkagayunman ay naaabot ko ang buwanang tunguhin na 150 oras sa gawaing pangangaral.
Dumating ang panahon na nakatagpo ako ng isang kaparehang payunir, si Dorothy Craden, na nagsimulang magpayunir noong Enero 1943, nang siya’y 17. Siya’y dating debotong Katoliko, ngunit pagkalipas ng anim na buwang pag-aaral ng Bibliya, siya’y nabautismuhan. Sa loob ng maraming taon ay naging pampatibay at pampalakas-loob siya sa akin, at ako naman sa kaniya. Kami’y naging higit pa sa magkapatid.
Simula noong 1945, kami’y magkasamang nagpayunir sa isang maliit na bayan sa Missouri na walang kongregasyon. Sa Bowling Green ay gumawa kami ng isang mapagpupulungan; dumating si Inay at kami’y tinulungan. Pagkatapos ay dumadalaw kami linggu-linggo sa lahat ng bahay sa bayan at inaanyayahan ang mga tao sa isang pahayag pangmadla na aming isinaayos na ibibigay ng aming pinapupuntang mga kapatid na lalaki mula sa St. Louis. Mayroon kaming lingguhang dumadalo na 40 hanggang 50. Pagkaraan ay gayundin ang aming ginawa sa Louisiana, na doo’y umupa kami ng isang templo ng mga Mason. Upang mapagtakpan ang halaga ng upa sa bulwagan, naglagay kami ng mga donation box, at linggu-linggo ay nababayaran namin ang mga gastusin.
Pagkatapos ay tumungo kami sa Mexico, Missouri, na doo’y umupa kami ng isang kuwarto sa loob ng tindahan. Inayos namin iyon para gamitin ng isang maliit na kongregasyon doon. Ang gusali ay may magkakalapit na mga kuwarto na tinirhan namin. Tumulong din kami upang maisaayos ang mga pahayag pangmadla sa Mexico. Pagkatapos ay pumunta kami sa kapitolyo ng estado, sa Jefferson City, na doo’y nakikipagkita kami sa mga opisyal ng bayan sa kanilang mga opisina bawat simpleng araw sa umaga. Kami’y nanirahan sa isang kuwarto sa itaas ng Kingdom Hall kasama ni Stella Willie, na para naming ina.
Mula roon kaming tatlo ay pumunta sa mga bayan ng Festus at Crystal City, na magkalapit lamang. Nanirahan kami sa isang dating kulungan ng manok sa likod-bahay ng isang interesadong pamilya. Palibhasa’y walang mga bautisadong lalaki, kami ang nangasiwa ng lahat ng pulong. Bilang pansamantala naming trabaho, nagtitinda kami ng mga kosmetiko. Kapos kami sa materyal. Sa katunayan, ni hindi namin maipagawa ang mga suwelas ng aming sapatos, kaya tuwing umaga ay sinasapnan na lang namin ng panibagong karton ang mga iyon, at tuwing gabi naman ay nilalabhan namin ang aming kaisa-isang damit.
Sa pagsisimula ng 1948, nang ako’y 19, tumanggap kami ni Dorothy ng imbitasyon sa ika-12 klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero. Pagkatapos ng limang-buwang kurso, nagtapos ang sandaang estudyante noong Pebrero 6, 1949. Napakasaya namin noon. Ang aking mga magulang ay lumipat na sa California, at mula roon ay nagbiyahe si Inay upang masaksihan iyon.
Patuloy sa Aming Atas
Dalawampu’t walong nagtapos ang ipinadala sa Italya—anim, kasali kami ni Dorothy, ay sa lunsod ng Milan. Noong Marso 4, 1949, nilisan namin ang New York sakay ng barkong Vulcania ng Italya. Ang paglalayag ay inabot ng 11 araw, at dahil sa lakas ng alon ay naliyo ang karamihan sa amin. Sinalubong kami ni Brother Benanti sa daungan ng Genoa at inihatid kami sa Milan sakay ng tren.
Nang makarating kami sa tahanan ng mga misyonero sa Milan, nadatnan namin ang mga bulaklak na inilagay ng isang kabataang Italyana sa bawat kuwarto namin. Pagkalipas ng mga taon, ang batang ito na si Maria Merafina, ay pumasok sa Gilead, bumalik sa Italya, at kaming dalawa ay magkasamang naglingkod sa tahanan ng mga misyonero!
Kinabukasan ng umaga pagdating namin sa Milan, dumungaw kami sa bintana ng paliguan. Sa isang kalye sa likod ay may malaking apartment na nagiba ng bomba. Di-sinasadya’y naihulog ng isang mambobombang Amerikano ang isang bomba na kumitil sa lahat ng 80 pamilya na nakatira roon. Sa isa pang pagkakataon, ang bomba ay tumama sa isang paaralan sa halip na sa pabrika at kumitil ng 500 bata. Kaya ang mga tao roon ay ayaw sa mga Amerikano.
Ayaw na ng mga tao ng digmaan. Marami ang nagsabi na kung magkakaroon muli ng digmaan, hindi na sila magtatago sa mga bomb shelter kundi mananatili na lang sa bahay at bubuksan nila ang gas at bahala nang mamatay sila roon. Tiniyak namin sa kanila na kami’y naroroon hindi upang katawanin ang Estados Unidos o ang anumang ibang gawang-taong pamahalaan, kundi ang Kaharian ng Diyos, na siyang tatapos sa lahat ng mga digmaan at mga pagdurusang dulot nito.
Sa malaking lunsod ng Milan, ang kaisa-isang kongregasyon na may humigit-kumulang na 20 ang nagpupulong noon sa tahanan ng mga misyonero. Wala pang naisasaayos na mapangangaralang teritoryo, kaya nagsimula kami ng pagpapatotoo sa isang malaking apartment. Sa unang pinto, nakausap namin si G. Giandinotti, na ayaw nang pagsimbahin ang kaniyang asawa, kaya tinanggap niya ang isa sa aming mga publikasyon. Si Gng. Giandinotti ay isang taimtim na babae, na maraming tanong. “Matutuwa ako kung matututuhan ninyo ang wikang Italyano,” sabi niya, “para maturuan ninyo ako ng Bibliya.”
Ang kisame ng kanilang apartment ay mataas at kulimlim ang ilaw, kaya ipinapatong niya ang kaniyang silya sa mesa kung gabi upang mapalapit sa ilaw para mabasa ang Bibliya. “Kung makikipag-aral ako sa inyo ng Bibliya,” tanong niya, “puwede pa ba akong magsimba?” Sinabi namin sa kaniya na nasasakaniya na iyon. Nagsisimba siya kung Linggo ng umaga at dumadalo naman sa aming mga pulong kung hapon. Pagkatapos ay sinabi niya isang araw, “Hindi na ako magsisimba.”
“Bakit?” tanong namin.
“Kasi’y hindi nila itinuturo ang Bibliya, at natagpuan ko na ang katotohanan sa pakikipag-aral ng Bibliya sa inyo.” Siya’y nabautismuhan at nagdaos ng pag-aaral sa maraming kababaihan na nagsisimba araw-araw. Nang maglaon ay sinabi niya sa amin na kung sinabi raw namin sa kaniya na huwag na siyang magsimba, hindi na sana siya makikipag-aral at marahil ay hindi na niya kailanman matututuhan ang katotohanan.
Mga Bagong Atas
Dumating ang sandali na kami ni Dorothy, kasama ng apat pang ibang misyonera, ay inatasan sa Italyanong lunsod ng Trieste, na sakop noon ng mga pangkat ng Britano at Amerikano. Mayroon lamang mga sampung Saksi, ngunit dumami ang bilang na ito. Nangaral kami sa Trieste sa loob ng tatlong taon, at nang kami’y umalis, mayroon nang 40 mamamahayag ng Kaharian, 10 sa kanila ang mga payunir.
Ang aming sumunod na atas ay ang lunsod ng Verona, na walang kongregasyon. Ngunit nang gipitin ng simbahan ang sekular na mga awtoridad, kami’y napilitang umalis. Kami ni Dorothy ay inatasan sa Roma. Doon ay umupa kami ng isang kuwarto na may mga kagamitan na, at ginawa namin ang teritoryong malapit sa Batikano. Kasalukuyang naroroon kami nang pumunta si Dorothy sa Lebanon upang pakasalan si John Chimiklis. Halos 12 taon kaming nagkasama, at talagang nangulila ako sa kaniya.
Noong 1955 ay nabuksan ang isang bagong tahanan ng mga misyonero sa iba pang bahagi ng Roma sa isang kalye na ang tawag ay New Appian Way. Ang isa sa apat na nasa tahanan ay si Maria Merafina, ang batang babaing naglagay ng mga bulaklak sa aming mga kuwarto noong gabing dumating kami sa Milan. Isang bagong kongregasyon ang natatag sa lugar na ito ng lunsod. Pagkatapos ng internasyonal na kombensiyon sa Roma nang tag-araw na iyon, nagkapribilehiyo akong makadalo sa kombensiyon sa Nuremberg, Alemanya. Tunay na nakapananabik makilala yaong mga nagbatá nang gayon na lamang sa ilalim ng rehimen ni Hitler!
Balik sa Amerika
Noong 1956, dahil sa suliraning pangkalusugan, nagbakasyon ako pabalik sa Estados Unidos. Ngunit kailanman ay hindi ko inalis ang aking mga mata sa gantimpala ng paglilingkod kay Jehova ngayon at magpakailanman sa kaniyang bagong sanlibutan. Nagplano akong bumalik sa Italya. Ngunit, nakilala ko si Orville Michael, na naglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Nagpakasal kami pagkatapos ng internasyonal na kombensiyon noong 1958 sa New York City.
Di-nagtagal pagkaraan ay lumipat kami sa Front Royal, Virginia, kung saan ay naging maligaya kami sa paglilingkod kapiling ng isang maliit na kongregasyon. Nanirahan kami sa isang maliit na apartment sa likod ng Kingdom Hall. Sa wakas, noong Marso 1960 kinailangang bumalik kami sa Brooklyn upang humanap ng trabaho para mabayaran ang aming mga obligasyon. Nililinis namin ang iba’t ibang bangko kung gabi upang makapanatili kami sa buong-panahong paglilingkod.
Samantalang nasa Brooklyn kami, namatay ang aking ama, at ang nanay naman ng aking asawa ay nagkaroon ng bahagyang atake. Kaya ipinasiya naming lumipat sa Oregon upang mapalapit sa aming mga ina. Kapuwa kami nakakuha ng pansamantalang trabaho at nagpatuloy sa ministeryo roon bilang mga payunir. Noong taglagas ng 1964, kaming mag-asawa kasama ng aming mga ina ay nagbiyahe sa kotse upang makadalo sa taunang pulong ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Pittsburgh, Pennsylvania.
Sa pagbisita namin sa Rhode Island, napasigla kami ng isang tagapangasiwa ng sirkito, si Arlen Meier, at ng kaniyang asawa na lumipat sa kapitolyo ng estado, sa Providence, kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Hinimok kami ng aming mga ina na tanggapin ang bagong atas na ito, kaya nang bumalik kami sa Oregon, ipinagbili namin ang karamihan sa aming mga gamit at kami’y lumipat.
Muli Sa Paaralang Gilead
Noong tag-araw ng 1965, dumalo kami sa isang kombensiyon sa Yankee Stadium. Doon ay nag-aplay kami para sa Paaralang Gilead bilang mag-asawa. Pagkalipas ng mga isang buwan, nagulat kami nang makatanggap ng mga aplikasyon, na kailangang ibalik sa loob ng 30 araw. Nababahala ako noon sa pagtungo sa malayong bansa yamang hindi na mabuti ang kalusugan ni Inay. Ngunit hinimok niya ako: “Sulatan mo na ang mga aplikasyong iyan. Alam mong dapat mong tanggapin ang anumang pribilehiyo ng paglilingkod na iniaalok ni Jehova!”
Iyon ang nakalutas. Tinapos namin ang aplikasyon at ipinadala ang mga ito. Anong laking tuwa namin nang matanggap ang imbitasyon para sa ika-42 klase, na nagsimula noong Abril 25, 1966! Ang Paaralang Gilead ay nasa Brooklyn, New York noon. Wala pang limang buwan ang nakalilipas, 106 sa amin ang nagtapos noong Setyembre 11, 1966.
Inatasan sa Argentina
Dalawang araw pagkatapos ng gradwasyon, kami’y patungo na sa Argentina sakay ng Peruvian Airlines. Nang dumating kami sa Buenos Aires, sinalubong kami sa paliparan ng tagapangasiwa ng sangay, si Charles Eisenhower. Tinulungan niya kami sa adwana at pagkatapos ay inihatid kami sa sangay. Mayroon kaming isang araw para ayusin ang aming mga dala-dalahan; pagkatapos ay nagsimula na ang aming klase sa Espanyol. Pinag-aralan namin ang Kastila nang 11 oras sa isang araw sa unang buwan. Sa ikalawang buwan, pinag-aralan namin ang wika nang apat na oras sa isang araw at nagsimulang makibahagi sa ministeryo sa larangan.
Kami’y nasa Buenos Aires sa loob ng limang buwan at pagkatapos ay naatasan sa Rosario, isang malaking siyudad na mga apat na oras sa tren pahilaga. Pagkatapos na makapaglingkod doon sa loob ng 15 buwan, ipinadala kami sa dako pa roon ng hilaga sa Santiago del Estero, isang siyudad sa mainit na disyertong probinsiya. Habang naroroon kami, noong Enero 1973, namatay ang aking ina. Hindi ko siya nakita sa loob ng apat na taon. Ang naging dahilan upang mabatá ko ang pamimighati ay ang tiyak na pag-asa ng pagkabuhay-muli gayundin ang pagkaalam na ako’y naglilingkod kung saan kagustuhan ng aking ina na ako’y naroroon.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Ang mga taga-Santiago del Estero ay mga palakaibigan, at madaling makapagbukas ng mga pag-aaral sa Bibliya. Nang kami’y dumating noong 1968, may mga 20 o 30 dumadalo noon sa mga pulong, ngunit pagkalipas ng walong taon mayroon nang mahigit na sandaan sa aming kongregasyon. Karagdagan pa, nagkaroon ng dalawang bagong kongregasyon sa karatig na mga bayan na may 25 hanggang 50 mamamahayag.
Balik na Naman sa Amerika
Dahil sa suliraning pangkalusugan, noong 1976 ay inatasan kaming bumalik sa Estados Unidos bilang mga espesyal payunir—sa Fayetteville, North Carolina. Marami roong nagsasalita ng Kastila mula sa Sentral at Timog Amerika, Dominican Republic, Puerto Rico, at maging sa Espanya. Marami kaming mga pag-aral sa Bibliya, at dumating ang panahon na pinasimulan ang isang kongregasyon sa Kastila. Gumugol kami ng halos walong taon sa atas na iyan.
Gayunman, kinailangang kami’y mapalapit sa aking biyenang babae, na matanda na at may kapansanan. Nakatira siya sa Portland, Oregon, kaya nakatanggap kami ng bagong atas sa kongregasyon na wikang Kastila sa Vancouver, Washington, na di-kalayuan sa Portland. Maliit lamang ang kongregasyon nang kami’y dumating noong Disyembre 1983, ngunit marami kaming nakikitang interesado na dumadalo.
Noong Hunyo 1996, nakumpleto ko ang 53 taon ng buong-panahong paglilingkod, at nakumpleto naman ng aking asawa ang 55 taon noong Enero 1, 1996. Sa loob ng maraming taóng ito, nagkaroon ako ng pribilehiyo na makatulong sa daan-daang tao na makaalam ng katotohanan ng Salita ng Diyos at ialay ang kanilang buhay kay Jehova. Marami sa mga ito ang naglilingkod ngayon bilang matatanda at buong-panahong mga ministro.
Kung minsan ay tinatanong ako kung hindi ako nanghihinayang at wala kaming mga anak. Ang totoo, biniyayaan ako ni Jehova ng maraming espirituwal na mga anak at apo. Oo, ang aking buhay ay naging makabuluhan at kapaki-pakinabang sa paglilingkod kay Jehova. Nauunawaan ko ang naging kalagayan ng anak na babae ni Jephte, na gumugol ng kaniyang buhay sa paglilingkod sa templo at hindi kailanman nagkaanak dahil sa dakilang pribilehiyo ng paglilingkod.—Hukom 11:38-40.
Sariwa pa sa aking alaala ang aking pag-aalay kay Jehova noong ako’y maliit pa. Sa ngayon ay malinaw pa rin sa aking isip ang larawan ng Paraiso tulad noon. Ang aking mga mata at puso ay nakapako pa rin sa gantimpala ng walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. Oo, hangad kong maglingkod kay Jehova, hindi lamang sa loob ng mga 50 taon, kundi magpakailanman—sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa Kaharian.
[Larawan sa pahina 23]
Si Dorothy Craden, nakahawak sa aking balikat, at mga kapuwa payunir noong 1943
[Larawan sa pahina 23]
Sa Roma, Italya, kasama ang mga kapuwa misyonera noong 1953
[Larawan sa pahina 25]
Kasama ang aking asawa