Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
‘Isang Malaking Pintuan na Umaakay sa Gawain ang Nabuksan’ sa Cuba
SI APOSTOL Pablo ay isang natatanging mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ginamit niya ang lahat ng pagkakataon upang ibahagi sa iba ang mga pangako ng Maylalang na buhay na walang-hanggan para sa masunuring sangkatauhan. Samantalang dumadalaw sa sinaunang Efeso, kinilala ni Pablo ang bagong kalagayan na magpapangyari sa kaniya na makatulong sa mas marami pang tao. Sinabi niya: “Mananatili ako sa Efeso . . . , sapagkat isang malaking pintuan na umaakay sa gawain ang binuksan sa akin.”—1 Corinto 16:8, 9.
Nasumpungan din ng mga Saksi ni Jehova sa Cuba ang kanilang sarili sa isang bagong kalagayan. Bagaman hindi pa opisyal na nakarehistro, hayagang naibabahagi na ngayon ng mga Saksi sa kanilang mga kababayan ang kanilang pag-asa mula sa Bibliya. Kamakailan ay nagpahayag ang pamahalaan ng Cuba ng taimtim na interes na pahintulutang makagawa nang malaya ang iba’t ibang grupong relihiyoso. Hayagang binanggit ni Pangulong Castro ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupong relihiyoso na nagtatamasa ngayon ng mahusay na kaugnayan sa pamahalaan ng Cuba.
Ang bagong kalagayang ito ay nagbukas ng “isang malaking pintuan na umaakay sa gawain” para sa mga Saksi. Halimbawa, kamakailan ay nagbukas ang mga Saksi ni Jehova ng isang tanggapan sa Cuba, na tumutulong sa kanila upang pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa bansang iyan. Mahigit sa 65,000 Saksi ang tumutulong sa mga tao na mapag-aralan at maunawaan ang Bibliya. Gumagamit sila ng mga literatura sa Bibliya, tulad ng mga magasing Bantayan at Gumising! Maraming taga-Cuba na nakahilig sa katuwiran ang nakikinabang sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Ang mga Saksi ay nagdaraos din ng regular na mga pulong sa maliliit na grupo sa buong isla. Kung minsan ay nagkakapribilehiyo pa nga sila na makapagdaos ng mas malalaking asamblea sa mga grupo na binubuo ng mga 150. Tunay na pinahahalagahan nila ang pahintulot ng mga awtoridad sa Cuba, na siyang nagbibigay sa kanila ng pagkakataong makipagtipon sa kanilang espirituwal na mga kapatid, umawit ng papuri sa Diyos, at manalanging sama-sama.
Ginanap kamakailan ang “Maka-Diyos na Takot” na Pandistritong Kombensiyon nang mahigit sa 1,000 beses sa loob lamang ng tatlong dulo ng sanlinggo. Sinabi ng isang ulat na ang “kaayusan, disiplina, at kapayapaan” ay kitang-kita sa lahat ng kombensiyon. Binati ng mga awtoridad ang mga Saksi sa bagay na ito.
Sa buong daigdig, sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na tuparin ang kanilang bigay-Diyos na atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kasabay nito, sinisikap nilang mapanatili ang isang mapayapang kaugnayan sa mga awtoridad ng pamahalaan. (Tito 3:1) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo ni apostol Pablo, na sumulat: “Kaya nga ako ay masidhing nagpapayo, una sa lahat, na ang mga pagsusumamo, mga panalangin, mga pamamagitan, mga paghahandog ng pasasalamat, ay gawin may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao, may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso.”—1 Timoteo 2:1, 2.