Ang Batas Bago ang Kristo
“Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong batas! Iyon ang pinagkakaabalahan ko buong araw.”—AWIT 119:97.
1. Ano ang umuugit sa galaw ng mga bagay sa sangkalangitan?
MULA sa pagkabata, malamang na pinagmasdan ni Job nang may paghanga ang mga bituin. Marahil, itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang mga pangalan para sa malalaking konstelasyon at kung ano ang alam nila tungkol sa mga batas na umuugit sa galaw ng mga konstelasyon sa kalangitan. Sa katunayan, ginamit ng mga tao noong sinaunang panahon ang di-nagbabagong pagkilos ng malalawak, mariringal na pangkat na ito ng mga bituin bilang palatandaan ng pagbabago ng mga kapanahunan. Subalit sa lahat ng panahon na minamasdan niya ang mga ito nang may panggigilalas, walang alam si Job tungkol sa makapangyarihang mga puwersa na sumusupil sa mga pulutong na ito ng mga bituin. Kaya naman, hindi siya makasagot nang tanungin siya ni Jehova: “Nauunawaan mo ba ang mga batas ng kalangitan?” (Job 38:31-33, The New Jerusalem Bible) Oo, ang mga bituin ay inuugitan ng mga batas—mga batas na gayon na lamang kaeksakto at kasalimuot anupat ang mga ito ay hindi lubusang maunawaan ng mga siyentipiko sa ngayon.
2. Bakit masasabi na ang lahat ng nilalang ay inuugitan ng batas?
2 Si Jehova ang Kataas-taasang Tagapagbigay-batas sa sansinukob. Lahat ng kaniyang gawa ay inuugitan ng batas. Ang kaniyang minamahal na Anak, “ang panganay sa lahat ng nilalang,” ay buong katapatang sumusunod sa batas ng kaniyang Ama bago pa umiral ang pisikal na sansinukob! (Colosas 1:15) Ang mga anghel din naman ay pinapatnubayan ng batas. (Awit 103:20) Maging ang mga hayop ay inuugitan ng batas yamang sinusunod nila ang katutubong hilig na idinisenyo sa mga ito ng Maylalang.—Kawikaan 30:24-28; Jeremias 8:7.
3. (a) Bakit nangangailangan ng mga batas ang sangkatauhan? (b) Paano pinamahalaan ni Jehova ang bansang Israel?
3 Kumusta naman ang sangkatauhan? Bagaman pinagpala tayo ng mga kaloob tulad ng katalinuhan, moralidad, at espirituwalidad, kailangan pa rin natin ang isang antas ng batas ng Diyos upang patnubayan tayo sa paggamit ng mga kakayahang ito. Sakdal ang ating mga unang magulang, sina Adan at Eva, kaya iilang batas lamang ang kailangan upang akayin sila. Naging sapat na sana ang pag-ibig sa kanilang makalangit na Ama upang sila’y malugod na tumalima. Ngunit sumuway sila. (Genesis 1:26-28; 2:15-17; 3:6-19) Bunga nito, ang kanilang mga supling ay naging makasalanang mga nilalang na nangangailangan ng mas maraming batas upang maglaan ng patnubay. Sa paglakad ng panahon, maibiging pinunan ni Jehova ang pangangailangang ito. Binigyan niya si Noe ng espesipikong mga batas na ipababatid niya sa kaniyang pamilya. (Genesis 9:1-7) Pagkaraan ng mga dantaon, sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng Diyos ang bagong bansang Israel ng isang detalyado, nasusulat na kodigo ng Batas. Ito ang unang pagkakataon na pinamahalaan ni Jehova ang isang buong bansa sa pamamagitan ng banal na batas. Ang pagsusuri sa Batas na iyan ay tutulong sa atin na maunawaan ang mahalagang papel ng batas ng Diyos sa buhay ng mga Kristiyano sa ngayon.
Ang Batas Mosaiko—Ang Layunin Nito
4. Bakit magiging isang hamon para sa mga piniling inapo ni Abraham na magluwal ng ipinangakong Binhi?
4 Nagtanong si apostol Pablo, isang masugid na estudyante ng Batas: “Bakit, kung gayon, ang Batas?” (Galacia 3:19) Upang masagot, kailangan nating alalahanin na ipinangako ni Jehova sa kaniyang kaibigang si Abraham na ang kaniyang angkan ay magluluwal ng Binhi na magdudulot ng dakilang mga pagpapala sa lahat ng bansa. (Genesis 22:18) Subalit narito ang hamon: Hindi lahat ng mga piniling inapo ni Abraham, ang mga Israelita, ay mga taong umiibig kay Jehova. Sa paglipas ng panahon, ang karamihan ay napatunayang matitigas ang ulo, rebelyoso—ang ilan ay talagang di-masupil! (Exodo 32:9; Deuteronomio 9:7) Para sa kanila, ang pagiging kabilang sa bayan ng Diyos ay dahil lamang sa sila’y ipinanganak na gayon, hindi nila pinili na maging gayon.
5. (a) Ano ang itinuro ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ng Batas Mosaiko? (b) Paanong ang Batas ay dinisenyo upang makaapekto sa paggawi ng mga tagapagtaguyod nito?
5 Paano makapagluluwal at makikinabang sa ipinangakong Binhi ang gayong mga tao? Sa halip na supilin silang gaya ng mga robot, tinuruan sila ni Jehova sa pamamagitan ng batas. (Awit 119:33-35; Isaias 48:17) Sa katunayan, ang salitang Hebreo para sa “batas,” toh·rahʹ, ay nangangahulugan ng “turo.” Ano ang itinuro nito? Pangunahin nang itinuro nito sa mga Israelita ang kanilang pangangailangan ng isang Mesiyas, na tutubos sa kanila buhat sa kanilang makasalanang kalagayan. (Galacia 3:24) Itinuro rin ng Batas ang maka-Diyos na takot at pagsunod. Kasuwato ng pangako kay Abraham, ang mga Israelita ay magiging mga saksi ni Jehova sa lahat ng iba pang bansa. Kaya ang Batas ay magtuturo sa kanila ng isang matayog, marangal na alituntunin ng paggawi na mainam na magpapakilala kay Jehova; ito’y tutulong sa Israel na manatiling hiwalay sa masasamang gawain ng mga nakapalibot na bansa.—Levitico 18:24, 25; Isaias 43:10-12.
6. (a) Mga ilang batas ang nilalaman ng Batas Mosaiko, at bakit iyan ay hindi dapat na ituring na labis? (Tingnan ang talababa.) (b) Anong malalim na unawa ang matatamo natin sa pag-aaral ng Batas Mosaiko?
6 Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang Batas Mosaiko ay naglalaman ng maraming kautusan—mahigit na 600 ang mga ito.a Ang nasusulat na kodigong ito ay umugit sa larangan ng pagsamba, pamamahala, mabuting-asal, katarungan, maging sa pagkain at kalinisan. Subalit nangangahulugan ba ito na ang Batas ay isa lamang kalipunan ng walang-damdaming mga regulasyon at tuwirang mga utos? Malayung-malayo! Ang pag-aaral sa kodigong Batas na ito ay nagbibigay ng saganang malalim na unawa sa maibiging personalidad ni Jehova. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Batas na Nagtatampok ng Awa at Pagkamadamayin
7, 8. (a) Paano pinatingkad ng Batas ang awa at pagkamadamayin? (b) Paano may kaawaang ipinatupad ni Jehova ang Batas sa kaso ni David?
7 Pinatingkad ng Batas ang awa at pagkamadamayin, lalo na sa mabababa at sa mahihina. Pinili ang mga balo at mga ulila para sa proteksiyon. (Exodo 22:22-24) Ipinagsanggalang ang mga pantrabahong hayop buhat sa pagmamalupit. Iginalang ang saligang mga karapatan tungkol sa pag-aari. (Deuteronomio 24:10; 25:4) Samantalang itinatakda sa Batas ang parusang kamatayan para sa pagpaslang, ipinaaabot naman nito ang awa para sa mga kaso ng di-sinasadyang pagpatay. (Bilang 35:11) Maliwanag, ang mga hukom na Israelita ay may kalayaang magpasiya tungkol sa parusang ipapataw sa ilang pagkakasala, depende sa saloobin ng nagkasala.—Ihambing ang Exodo 22:7 at Levitico 6:1-7.
8 Nagpakita ng halimbawa si Jehova para sa mga hukom sa pamamagitan ng pagkakapit ng Batas nang may katatagan kung kinakailangan ngunit kalakip ang awa hangga’t maaari. Si Haring David, na nangalunya at pumatay, ay pinagpakitaan ng awa. Hindi nangangahulugan na nakaiwas siya buhat sa parusa, sapagkat hindi siya ipinagsanggalang ni Jehova mula sa kakila-kilabot na bunga ng kaniyang pagkakasala. Subalit, dahil sa tipan ng Kaharian at dahil si David ay isang likas na maawaing tao at nagpamalas ng taimtim na pagsisisi, hindi siya pinatay.—1 Samuel 24:4-7; 2 Samuel 7:16; Awit 51:1-4; Santiago 2:13.
9. Anong papel ang ginampanan ng pag-ibig sa Batas Mosaiko?
9 Isa pa, pinatingkad ng Batas Mosaiko ang pag-ibig. Mag-isip ng isang bansa sa ngayon na may kodigo ng batas na aktuwal na nagtatakda ng pag-ibig! Samakatuwid, hindi lamang ipinagbawal ng Batas Mosaiko ang pagpatay; iniutos nito: “Dapat mong ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Hindi lamang nito ipinagbawal ang di-makatarungang pagtrato sa mga naninirahang dayuhan; iniutos nito: “Dapat ninyo siyang ibigin na gaya ng inyong sarili, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto.” (Levitico 19:34) Hindi lamang nito ipinagbawal ang pangangalunya; iniutos nito sa asawang lalaki na pasayahin ang kaniyang sariling kabiyak! (Deuteronomio 24:5) Sa aklat ng Deuteronomio lamang, mga 20 beses na ginamit ang mga salitang Hebreo na nagpapakilala sa katangian na pag-ibig. Tiniyak ni Jehova sa mga Israelita ang kaniyang pag-ibig—noong nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. (Deuteronomio 4:37; 7:12-14) Sa katunayan, ang pinakadakilang utos sa Batas Mosaiko ay: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang iyong buong mahalagang lakas.” (Deuteronomio 6:5) Sinabi ni Jesus na ang buong Batas ay nakasalalay sa utos na ito, lakip na ang utos na ibigin ang kapuwa. (Levitico 19:18; Mateo 22:37-40) Hindi nakapagtataka na sumulat ang salmista: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong batas! Iyon ang aking pinagkakaabalahan buong araw.”—Awit 119:97.
Ang Maling Pagkakapit ng Batas
10. Paano minalas ng mga Judio, sa pangkalahatan, ang Batas Mosaiko?
10 Ano ngang lungkot, kung gayon, na sa pangkalahatan ay hindi nagpahalaga ang Israel sa Batas Mosaiko! Sinuway, ipinagwalang-bahala, o kinalimutan ng mga tao ang Batas. Ang dalisay na pagsamba ay dinumhan nila ng nakasusuklam na relihiyosong mga gawain ng ibang mga bansa. (2 Hari 17:16, 17; Awit 106:13, 35-38) At itinakwil din nila ang Batas sa iba pang paraan.
11, 12. (a) Paano gumawa ng pinsala ang grupo ng mga pinunong relihiyoso pagkaraan ng mga araw ni Ezra? (Tingnan ang kahon.) (b) Bakit inakala ng mga sinaunang rabbi na kailangang “gumawa ng isang bakod sa palibot ng Batas”?
11 Ang ilan sa pinakamalulubhang pinsala sa Batas ay ginawa niyaon mismong mga nag-aangking nagtuturo at nag-iingat nito. Nangyari ito pagkatapos ng mga araw ng tapat na eskribang si Ezra noong ikalimang siglo B.C.E. Nakipagpunyagi si Ezra laban sa nakasasamang impluwensiya ng nakapalibot na mga bansa at idiniin niya ang pagbabasa at pagtuturo ng Batas. (Ezra 7:10; Nehemias 8:5-8) Ang ilang guro ng Batas ay nag-angking sumusunod sa yapak ni Ezra at bumuo ng sa dakong huli’y tinawag na “Dakilang Sinagoga.” Kabilang sa mga kasabihan nito ay ang tagubilin na: “Gumawa ng bakod sa palibot ng Batas.” Ikinatuwiran ng mga gurong ito na ang Batas ay tulad sa isang napakahalagang halamanan. Upang walang sinumang makapasok nang walang pahintulot sa halamanang ito sa pamamagitan ng paglabag sa mga batas nito, lumikha sila ng karagdagang mga batas, ang “Binigkas na Batas,” upang ang mga tao ay hindi magmuntikan sa gayong pagkakasala.
12 Maaaring igiit ng ilan na may katuwiran ang mga pinunong Judio sa pagkadama ng ganito. Pagkaraan ng panahon ni Ezra ang mga Judio ay sinakop ng banyagang mga kapangyarihan, lalo na ng Gresya. Upang labanan ang impluwensiya ng Griegong pilosopiya at kultura, bumangon ang mga grupo ng mga pinunong relihiyoso sa gitna ng mga Judio. (Tingnan ang kahon, pahina 10.) Dumating ang panahon na ang ilan sa mga grupong ito ay nakipagpaligsahan at hinigitan pa nga ang Levitikong pagkasaserdote bilang mga guro ng Batas. (Ihambing ang Malakias 2:7.) Pagsapit ng 200 B.C.E., ang binigkas na batas ay nakaimpluwensiya na sa Judiong pamumuhay. Sa una ay hindi isinusulat ang mga batas na ito, dahil baka ituring ang mga ito bilang kapantay ng nasusulat na Batas. Subalit unti-unti, inuna ang kaisipan ng tao kaysa sa kaisipan ng Diyos, kaya nang dakong huli ay aktuwal na sinira ng “bakod” na ito ang mismong “halamanan” na dapat sana’y ipinagsanggalang nito.
Ang Polusyon ng Fariseismo
13. Paano binigyang-katuwiran ng ilang Judiong pinuno ng relihiyon ang paggawa ng maraming alituntunin?
13 Ikinatuwiran ng mga rabbi na yamang ang Torah, o Batas Mosaiko, ay sakdal, tiyak na may sagot ito sa bawat tanong na babangon. Ang kaisipang ito ay hindi talagang mapitagan. Ang totoo, binigyan nito ng kalayaan ang mga rabbi upang gumamit ng tusong pangangatuwiran ng tao, anupat waring ipinakikitang ang Salita ng Diyos ang siyang batayan para sa mga alituntunin sa lahat ng uri ng isyu—ang ilan ay personal, ang iba naman ay pangkaraniwan lamang.
14. (a) Paano labis na pinalawak ng mga Judiong pinuno ng relihiyon ang maka-Kasulatang simulain ng pagiging hiwalay sa mga bansa anupat iyon ay hindi na naging maka-Kasulatan? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga rabinikong alituntunin ay hindi nagsanggalang sa bayang Judio buhat sa mga impluwensiyang pagano?
14 Paulit-ulit na ginamit ng mga pinunong relihiyoso ang maka-Kasulatang mga simulain at labis na pinilipit ang mga ito. Halimbawa, itinataguyod ng Batas Mosaiko ang pagiging hiwalay sa ibang mga bansa, ngunit ipinangaral ng mga rabbi ang isang anyo ng di-makatuwirang paghamak para sa lahat ng bagay na hindi Judio. Itinuro nila na ang isang Judio ay hindi dapat na mag-iwan ng kaniyang baka sa isang bahay-tuluyan ng Gentil, sapagkat ang mga Gentil “ay pinaghihinalaan na sumisiping sa hayop.” Ang isang babaing Judio ay hindi pinapayagang tulungan ang isang manganganak na babaing Gentil dahil sa ganito ay “tinutulungan [niya] na maisilang ang isang bata para sa idolatriya.” Yamang angkop lamang na sila ay maghinala sa mga Griegong himnasyo, ipinagbawal ng mga rabbi ang lahat ng mga ehersisyong pang-atleta. Pinatutunayan ng kasaysayan na lahat ng ito ay walang gaanong nagawa upang ipagsanggalang ang mga Judio buhat sa mga paniniwalang Gentil. Sa katunayan, nang maglaon ang mga Fariseo mismo ay nagturo ng paganong Griegong doktrina na imortalidad ng kaluluwa!—Ezekiel 18:4.
15. Paano pinilipit ng mga Judiong pinuno ng relihiyon ang mga batas tungkol sa pagdadalisay at insesto?
15 Pinilipit din ng mga Fariseo ang mga batas tungkol sa pagdadalisay. Sinabi na dadalisayin ng mga Fariseo ang araw mismo kung mabibigyan ng pagkakataon. Isinaad sa kanilang batas na ang pagkaantala sa “pagsagot sa tawag ng kalikasan” ay magpaparumi sa isang tao! Naging masalimuot na ritwal ang paghuhugas ng kamay, na may mga alituntunin kung aling kamay ang dapat na unahing hugasan at kung paano. Ang mga babae ay itinuring na lalo nang marumi. Salig sa maka-Kasulatang utos na huwag “lumapit” sa sinumang kamag-anak (sa totoo ay isang batas laban sa insesto), pinagbawalan ng mga rabbi ang mga asawang lalaki na lumakad na kasunod ng kaniyang asawa; ni kausapin siya sa pamilihan.—Levitico 18:6.
16, 17. Paano pinalawak ng binigkas na batas ang utos na ipangilin ang lingguhang Sabbath, at ano ang resulta?
16 Lalo nang kilalang-kilala ay ang espirituwal na kalapastanganang idinulot ng binigkas na batas tungkol sa batas ng Sabbath. Binigyan ng Diyos ang Israel ng isang simpleng utos: Huwag gumawa ng anumang trabaho sa ikapitong araw ng sanlinggo. (Exodo 20:8-11) Gayunman, nagdagdag ang binigkas na batas ng mga 39 na iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gawain, kasali na ang pagtatali o pagkakalag ng isang buhol, pananahi ng dalawang hilbana, pagsulat ng dalawang Hebreong titik, at marami pa. Pagkatapos ang bawat isa sa mga uring ito ay may kalakip pang napakaraming alituntunin. Aling buhol ang ipinagbabawal at alin naman ang pinapayagan? Sumasagot ang binigkas na batas sa pamamagitan ng di-makatuwirang mga regulasyon. Ang paggamot ay itinuring na bawal na gawain. Halimbawa, ipinagbabawal na hilutin ang napilayan kapag Sabbath. Ang isang lalaking may masakit na ngipin ay maaaring gumamit ng suka upang timplahan ang kaniyang pagkain, pero hindi niya dapat na sipsipin ang suka. Baka pagalingin nito ang kaniyang ngipin!
17 Palibhasa’y natabunan ng daan-daang gawang-taong alituntunin, nawalan ang batas ng Sabbath ng espirituwal na kahulugan nito para sa karamihan ng mga Judio. Nang si Jesu-Kristo, ang “Panginoon ng Sabbath” ay nagsagawa ng kagila-gilalas, nakapagpapasiglang mga himala sa Sabbath, hindi man lamang naantig ang mga eskriba at mga Fariseo. Ang iniintindi lamang nila ay ang waring pagwawalang-bahala niya sa kanilang mga regulasyon.—Mateo 12:8, 10-14.
Matuto Buhat sa Kamangmangan ng mga Fariseo
18. Ano ang epekto ng pagdaragdag ng binigkas na mga batas at tradisyon sa Batas Mosaiko? Ilarawan.
18 Sa kabuuan, masasabi natin na ang idinagdag na mga batas at tradisyong ito ay nakakabit sa Batas Mosaiko kung paanong ang mga taliptip ay nakadikit sa katawan ng barko. Gumugugol ng malaking panahon at pagsisikap ang may-ari ng barko upang kayurin ang nakaiinis na mga nilikhang ito mula sa kaniyang barko dahil pinababagal nito ang sasakyan at sinisira ang pintura nitong panlaban sa kalawang. Gayundin naman, ang binigkas na batas at tradisyon ay nagpabigat sa Batas at inilantad ito sa nakasisira at maling pagkapit. Gayunman, sa halip na alisin ang gayong mapagmalabis na mga batas, patuloy na nagdagdag ang mga rabbi. Nang dumating ang Mesiyas upang tuparin ang Batas, ang “barko” ay balot na balot na ng “mga taliptip” anupat halos hindi na iyon makalutang! (Ihambing ang Kawikaan 16:25.) Sa halip na ingatan ang tipang Batas, nakagawa ng kamangmangan ang mga pinunong relihiyosong ito sa pamamagitan ng paglabag dito. Subalit bakit nabigo ang kanilang “bakod” ng mga alituntunin?
19. (a) Bakit nabigo ang “bakod sa palibot ng Batas”? (b) Ano ang nagpapakita na walang tunay na pananampalataya ang mga Judiong pinuno ng relihiyon?
19 Hindi naunawaan ng mga lider ng Judaismo na ang pakikipagbaka laban sa katiwalian ay ipinaglalaban sa puso at hindi sa mga pahina ng mga aklat ng batas. (Jeremias 4:14) Ang susi sa tagumpay ay pag-ibig—pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang batas, at sa kaniyang matuwid na mga simulain. Ang gayong pag-ibig ay nagbubunga ng katumbas na pagkapoot sa kinapopootan ni Jehova. (Awit 97:10; 119:104) Kaya naman yaong ang puso’y punô ng pag-ibig ay nananatiling tapat sa mga batas ni Jehova sa tiwaling sanlibutang ito. Tinaglay ng mga Judiong pinuno ng relihiyon ang malaking pribilehiyo na magturo sa mga tao upang maitaguyod at mapukaw ang gayong pag-ibig. Bakit nabigo silang gawin ito? Maliwanag na wala silang pananampalataya. (Mateo 23:23, talababa sa Ingles) Kung may pananampalataya sila sa kapangyarihan ng espiritu ni Jehova na magpakilos sa puso ng tapat na mga tao, hindi nila madarama ang pangangailangan na buong-higpit na supilin ang buhay ng iba. (Isaias 59:1; Ezekiel 34:4) Palibhasa’y walang pananampalataya, hindi sila nagturo ng pananampalataya; pinabigatan nila ang mga tao ng gawang-taong mga kautusan.—Mateo 15:3, 9; 23:4.
20, 21. (a) Ano ang naging pangkalahatang epekto sa Judaismo ng makatradisyong pag-iisip? (b) Anong aral ang matututuhan natin sa nangyari sa Judaismo?
20 Hindi itinaguyod ng mga pinunong Judiong iyon ang pag-ibig. Ang kanilang mga tradisyon ay nagbunga ng isang relihiyong labis na nagtuon ng pansin sa mga bagay na panlabas, sa mekanikal na pagsunod para lamang makita ng iba—isang matabang lupa para sa pagpapaimbabaw. (Mateo 23:25-28) Ang kanilang mga regulasyon ay lumikha ng napakaraming dahilan sa paghatol sa iba. Kaya naman inakala ng mapagmataas, diktador na mga Fariseo na sila’y may katuwiran sa pagpuna kay Jesu-Kristo mismo. Nakalimutan nila ang pangunahing layunin ng Batas at tinanggihan nila ang tunay na Mesiyas. Kaya naman, kinailangan niyang sabihin sa bansang Judio: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”—Mateo 23:38; Galacia 3:23, 24.
21 Ano ngayon ang aral para sa atin? Maliwanag, ang isang mahigpit, makatradisyong pag-iisip ay hindi nagtataguyod ng dalisay na pagsamba kay Jehova! Subalit nangangahulugan ba ito na ang mga mananamba kay Jehova sa ngayon ay hindi magkakaroon ng anumang alituntunin maliban nang ang mga ito ay espesipikong isinasaad sa Banal na Kasulatan? Hindi. Para sa kumpletong sagot, isaalang-alang naman natin kung paano pinalitan ni Jesu-Kristo ang Batas Mosaiko ng isang bago at mas mabuting batas.
[Talababa]
a Mangyari pa, kakaunti lamang iyan kung ihahambing sa mga sistema ng batas sa modernong mga bansa. Halimbawa, maaga noong mga taon ng 1990, ang pederal na mga batas ng Estados Unidos ay umabot na sa mahigit na 125,000 pahina, anupat libu-libong bagong batas ang idinaragdag bawat taon.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano inuugitan ng batas ng Diyos ang lahat ng nilalang?
◻ Ano ang pangunahing layunin ng Batas Mosaiko?
◻ Ano ang nagpapakita na pinatingkad ng Batas Mosaiko ang awa at pagkamadamayin?
◻ Bakit dinagdagan ng mga Judiong pinuno ng relihiyon ang Batas Mosaiko ng napakaraming alituntunin, at ano ang naging resulta?
[Kahon sa pahina 10]
Ang mga Judiong Pinuno ng Relihiyon
Mga Eskriba: Itinuring nila ang sarili bilang mga kahalili ni Ezra at tagapagpaliwanag ng Batas. Ayon sa aklat na A History of the Jews, “hindi lahat ng eskriba ay matatayog na persona, at ang kanilang mga pagtatangkang magpahiwatig ng nakakubling mga kahulugan mula sa batas ay malimit na humantong sa walang-saysay na mga pormula at walang-kabuluhang mga restriksiyon. Ang mga ito ay naging mahigpit na mga kaugalian, na di-nagtagal ay naging malupit na pinuno.”
Hasidim: Ang pangalan ay nangangahulugang “mga maka-Diyos” o “mga santo.” Unang binanggit bilang isang uri noong mga 200 B.C.E., sila’y makapangyarihan sa pulitika, panatikong mga tagapagtanggol ng kadalisayan ng Batas laban sa paniniil ng Griegong impluwensiya. Ang Hasidim ay nahati sa tatlong grupo: ang mga Fariseo, mga Saduceo, at mga Essene.
Mga Fariseo: Naniniwala ang ilang iskolar na ang pangalan ay galing sa mga salita para sa “mga Nakahiwalay,” o “Separatists.” Talaga namang sila’y panatiko sa kanilang pagsisikap na maging hiwalay sa mga Gentil, ngunit minalas din nila ang kanilang kapatiran bilang hiwalay—at nakahihigit—sa pangkaraniwang mga Judio, na walang-alam sa pagkamasalimuot ng binigkas na batas. Ganito ang sabi ng isang istoryador tungkol sa mga Fariseo: “Sa pangkalahatan, minalas nila ang mga tao na parang mga bata, anupat sinasang-ayunan at binibigyang-katuturan ang pinakamaliliit na detalye ng ritwal na mga pagdiriwang.” Sabi naman ng isa pang iskolar: “Ang Fariseismo ay nagbunga ng napakaraming legal na mga alituntunin na sumasaklaw sa lahat ng situwasyon, anupat humantong sa pagpapalaki nila ng mumunting bagay at sa paggawa nito ay napawalang-kabuluhan ang mga malalaking bagay (Mat. 23:23).”
Mga Saduceo: Isang grupo na may malapit na kaugnayan sa aristokrasya at pagkasaserdote. Mahigpit nilang sinalungat ang mga eskriba at ang mga Fariseo, anupat sinasabing hindi taglay ng binigkas na batas ang bisa ng nasusulat na Batas. Na sila’y nabigo sa labanang ito ay ipinakikita ng Mishnah mismo: “Mas mahigpit na pagsunod ang nauukol sa [pagtupad ng] mga salita ng mga Eskriba kaysa sa [pagtupad sa] mga salita ng [nasusulat na] Batas.” Ang Talmud, na dito’y kasali ang maraming komentaryo sa binigkas na batas, ay nagsabi pa nang bandang huli: “Ang mga salita ng mga eskriba ay . . . mas mahalaga kaysa sa mga salita ng Torah.”
Mga Essene: Isang grupo ng mga mapagpakasakit na nagbukod ng kanilang sarili sa hiwalay na mga komunidad. Ayon sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible, ang mga Essene ay mapagsarili pa kaysa sa mga Fariseo at “kung minsan ay mas Fariseo pa kaysa sa mga Fariseo mismo.”
[Larawan sa pahina 8]
Malamang na tinuruan si Job ng kaniyang mga magulang ng tungkol sa mga batas na umuugit sa mga konstelasyon