Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 10/15 p. 8-9
  • Pinalabis Kaya ang Kayamanan ni Haring Solomon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinalabis Kaya ang Kayamanan ni Haring Solomon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Ginto
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ginto—Ang Hiwaga Nito
    Gumising!—1998
  • Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto
    Gumising!—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 10/15 p. 8-9

Pinalabis Kaya ang Kayamanan ni Haring Solomon?

“Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay nagkahalaga ng hanggang sa anim na raan at animnapu’t anim na talento.”​—1 Hari 10:14.

AYON sa talatang ito sa Bibliya, nagkaroon si Haring Solomon ng mahigit sa 25 tonelada ng ginto sa loob lamang ng isang taon! Ito ay nagkakahalaga sa ngayon ng $240,000,000. Halos doble ito ng dami ng ginto na namina sa buong daigdig noong taóng 1800. Posible ba ito? Ano ang ipinakikita ng mga katibayan sa arkeolohiya? Ipinahihiwatig nito na ang ulat ng Bibliya tungkol sa kayamanan ni Solomon ay tiyak na mapaniniwalaan. Ganito ang sabi ng Biblical Archaeology Review:

◻ Naghandog si Haring Thutmose III ng Ehipto (ikalawang milenyo B.C.E.) ng humigit-kumulang 13.5 tonelada ng mga bagay na ginto sa templo ni Amon-Ra sa Karnak​—at ito ay bahagi lamang ng kaloob.

◻ Ang mga inskripsiyong Ehipsiyo ay nagtala ng mga kaloob na sa kabuuan ay umaabot sa halos 383 tonelada ng ginto at pilak na inihandog ni Haring Osorkon I (pasimula ng unang milenyo B.C.E.) sa mga diyos.

Karagdagan, nag-ulat ang tomong Classical Greece sa seryeng Great Ages of Man:

◻ Ang mga minahan ng Pangaeum sa Thrace ay naglabas ng mahigit sa 37 tonelada ng ginto bawat taon para kay Haring Felipe II (359–336 B.C.E.).

◻ Nang mabihag ng anak ni Felipe na si Alejandrong Dakila (336–323 B.C.E.) ang Susa, na kabisera ng imperyong Persiano, nakasumpong ng mga kayamanang nagkakahalaga ng mga 1,200 tonelada ng ginto.

Kaya ang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa kayamanan ni Solomon ay hindi imposible. Tandaan din na si Solomon ay “mas dakila sa kayamanan at karunungan kaysa sa lahat ng iba pang hari sa lupa” nang panahong iyon.​—1 Hari 10:23.

Paano ginamit ni Solomon ang kaniyang kayamanan? Ang kaniyang trono ay binalutan ng “dinalisay na ginto,” ang kaniyang mga sisidlang inuman ay “ginto,” at nagmamay-ari siya ng 200 malalaking kalasag at 300 pansalag na yari sa “hinaluang ginto.” (1 Hari 10:16-21) Higit sa lahat, ginamit ang ginto ni Solomon may kaugnayan sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Ang mga patungan ng lampara at sagradong mga kasangkapan tulad ng tinidor, mangkok, pitsel, at palanggana sa templo ay yari sa ginto at pilak. Binalutan ng ginto ang apat-at-kalahating-metro-ang-taas na mga kerubin sa Kabanal-banalang dako, ang altar ng insenso, at maging ang kabuuan ng loob ng bahay.​—1 Hari 6:20-​22; 7:48-​50; 1 Cronica 28:17.

Kumusta naman ang templong kinalupkupan ng ginto? Kapansin-pansin, ang gayong paggamit ng ginto ay talagang pangkaraniwan sa sinaunang daigdig. Sinabi ng Biblical Archaeology Review na “pinarangalan [ni Amenophis III ng Ehipto] ang dakilang diyos na si Amun ng isang templo sa Thebes na ‘ang lahat ng bahagi ay kinalupkupan ng ginto, ang sahig nito ay pinalamutian ng pilak, [at] ang lahat ng pintuan nito ng electrum’ ”​—isang metal na pinaghalong ginto at pilak. Bukod dito, kinalupkupan ng ginto ni Esar-haddon ng Asirya (ikapitong siglo B.C.E.) ang mga pintuan at pinahiran ng ginto ang mga pader ng dambana ni Ashur. Hinggil sa templo ni Sin sa Harran, iniulat ni Nabonido ng Babilonya (ikaanim na siglo B.C.E.): “Dinamtan ko ang mga pader nito ng ginto at pilak, at pinakintab ang mga ito na tulad ng araw.”

Sa gayon, ipinakikita ng makasaysayang mga rekord na hindi pinalabis ang ulat ng Bibliya tungkol sa kayamanan ni Haring Solomon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share