Kapag Sumapit ang Likas na Kasakunaan
Accra, Ghana, Hulyo 4, 1995: Ang pinakamalakas na mga pag-ulan sa loob ng nakalipas na halos 60 taon ay naging sanhi ng grabeng pagbaha. Mga 200,000 katao ang nawalan ng lahat ng pag-aari, 500,000 ang hindi makabalik sa kanilang tahanan, at 22 ang namatay.
San Angelo,Texas, E.U.A., Mayo 28, 1995:Sinalanta ng mga buhawi at granizo ang lunsod na ito na may 90,000 naninirahan, anupat tinatayang $120 milyon (U.S.) ang halaga ng napinsala.
Kobe, Hapon, Enero 17, 1995: Ang isang lindol na tumagal lamang nang 20 segundo ay nag-iwan ng libu-libong patay, sampu-sampung libong nasaktan, at daan-daang libong walang tahanan.
NABUBUHAY tayo sa matatawag na panahon ng kasakunaan. Isinisiwalat ng isang report ng United Nations na sa yugto ng 30 taon mula noong 1963–92, ang bilang ng mga taong namatay, napinsala, o lumikas dahil sa kasakunaan ay tumaas nang aberids na 6 na porsiyento bawat taon. Ang malungkot na situwasyon ang nag-udyok sa UN upang tawagin ang mga taon ng 1990 bilang “ang Internasyonal na Dekada sa Pagbabawas ng Likas na Kasakunaan.”
Mangyari pa, ang isang puwersa ng kalikasan—tulad ng bagyo, pagputok ng bulkan, o lindol—ay hindi laging nagbubunga ng kasakunaan. Daan-daan ang nagaganap taun-taon nang walang pinsala sa mga tao. Ngunit kapag maraming buhay ang nasawi at ari-arian ang nawasak, iyon ay wastong matatawag na kasakunaan.
Lumilitaw na di-maiwasan ang pagdami ng likas na kasakunaan. Ganito ang sabi ng aklat na Natural Disasters—Acts of God or Acts of Man?: “Binabago ng mga tao ang kanilang kapaligiran upang gawin itong malapit sa ilang kasakunaan, at kumikilos upang gawing walang-laban ang kanilang sarili sa gayong mga panganib.” Nagharap ang aklat ng isang inaakalang halimbawa: “Ang isang mahinang lindol sa isang bayan ng mga barung-barong na yari sa makakapal na ladrilyong-putik na nasa gilid ng matarik na bangin ay maaaring isang kasakunaan na magiging sanhi ng kamatayan at pagdurusa ng mga tao. Ngunit ang kasakunaan ba ay higit na maisisisi sa mga lindol o sa paninirahan ng mga tao sa gayong mga delikadong bahay sa isang delikadong lugar?”
Sa mga estudyante ng Bibliya, may isa pang dahilan kung bakit hindi nakapagtataka ang pagdami ng likas na kasakunaan. Halos 2,000 taon na ang nakalipas, inihula ni Jesu-Kristo na, bukod sa ibang bagay, ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay makikilala sa pamamagitan ng “kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:3, 6-8) Inihula rin sa Bibliya na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, walang likas na pagmamahal, at walang pag-ibig sa kabutihan.a (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga katangiang ito ang madalas na nagpapangyari sa mga tao na kumilos laban sa kaniyang kapaligiran, anupat dahil dito ay nagiging mas walang-laban ang mga tao sa mga puwersa ng kalikasan. Ang gawang-taong kasakunaan ay bunga rin ng isang salat-sa-pag-ibig na lipunan na kinasasadlakan ng karamihan.
Habang lalong dumarami ang nakatira sa ating planeta, habang ang paggawi ng tao ay lalong nagsasapanganib sa mga tao, at habang ang likas na yaman ng lupa ay lalong inaabuso, ang tao ay patuloy na sasalutin ng kasakunaan. Naghaharap ng mga hamon ang paglalaan ng tulong, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa higit na impormasyon tungkol sa tanda ng mga huling araw, tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, pahina 98–107, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Itaas: Information Services Department, Ghana; kanan: San Angelo Standard-Times
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: Maxie Roberts/Courtesy of THE STATE