Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 12/15 p. 5-8
  • Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
  • Saligan sa Pagtitiwala
  • Kung Bakit Hindi Sila Naniniwala
  • Pagkasumpong sa Tunay na Jesus
  • Ang “Bagong Tipan”—Kasaysayan o Alamat?
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Ang Tunay na Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Kristiyanismo—Si Jesus ba ang Daan Tungo sa Diyos?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Jesu-Kristo—Mga Tanong na Sinagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 12/15 p. 5-8

Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus

WARING walang katapusan ang mga teoriya at haka-haka tungkol sa kung sino si Jesus at kung ano ang nagawa niya. Subalit kumusta naman ang Bibliya mismo? Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol kay Jesu-Kristo?

Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya

Sa masusing pagbasa sa Bibliya, mapapansin mo ang mga pangunahing puntong ito:

◻ Si Jesus ang bugtong na Anak ng Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang.​—Juan 3:16; Colosas 1:15.

◻ Mga dalawang libong taon na ang nakaraan, inilipat ng Diyos ang buhay ni Jesus sa sinapupunan ng isang birheng Judio upang isilang bilang isang tao.​—Mateo 1:18; Juan 1:14.

◻ Si Jesus ay hindi lamang isang mabuting tao. Sa lahat ng bagay ay eksaktong masasalamin sa kaniya ang magandang personalidad ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.​—Juan 14:9, 10; Hebreo 1:3.

◻ Sa kaniyang ministeryo sa lupa, maibiging pinaglaanan ni Jesus ang mga pangangailangan ng mga inaapi. Makahimalang pinagaling niya ang mga maysakit at ibinangon pa man din ang mga patay.​—Mateo 11:4-6; Juan 11:5-45.

◻ Ipinahayag ni Jesus ang Kaharian ng Diyos bilang siyang tanging pag-asa ng napipighating sangkatauhan, at sinanay niya ang kaniyang mga alagad upang ipagpatuloy ang gawaing ito na pangangaral.​—Mateo 4:17; 10:5-7; 28:19, 20.

◻ Noong Nisan 14 (mga Abril 1), 33 C.E., si Jesus ay inaresto, nilitis, hinatulan, at pinatay batay sa maling paratang na sedisyon.​—Mateo 26:18-​20, Mat 26:48–27:50.

◻ Ang kamatayan ni Jesus ay nagsisilbing pantubos, anupat nagpapalaya sa nananampalatayang sangkatauhan mula sa kanilang makasalanang kalagayan at sa gayo’y nagbubukas ng daan sa buhay na walang-hanggan para sa lahat ng sumasampalataya sa kaniya.​—Roma 3:23, 24; 1 Juan 2:2.

◻ Noong Nisan 16, binuhay-muli si Jesus, at di-nagtagal pagkatapos ay bumalik siya sa langit upang bayaran sa kaniyang Ama ang pantubos na halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao.​—Marcos 16:1-8; Lucas 24:50-​53; Gawa 1:6-9.

◻ Bilang Haring hinirang ni Jehova, ang binuhay-muling si Jesus ay may ganap na awtoridad upang isakatuparan ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao.​—Isaias 9:6, 7; Lucas 1:32, 33.

Sa gayon, ipinakikilala ng Bibliya si Jesus bilang ang siyang may pangunahing bahagi sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. Ngunit paano mo matitiyak na ito ang tunay na Jesus​—ang Jesus sa kasaysayan, na isinilang sa Betlehem at lumakad sa lupang ito mga 2,000 taon na ang nakalipas?

Saligan sa Pagtitiwala

Maraming pag-aalinlangan ang mapapawi sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Kristiyanong Griegong Kasulatan taglay ang bukas na kaisipan. Sa paggawa nito, masusumpungan mo na ang ulat sa Bibliya ay hindi isang malabong salaysay ng mga pangyayari, na tulad ng mitolohiya. Sa halip, ang mga pangalan, espesipikong mga panahon, at eksaktong mga lugar ay binabanggit. (Halimbawa, tingnan ang Lucas 3:1, 2.) Isa pa, ang mga alagad ni Jesus ay buong-katapatang inilalarawan, taglay ang pagkaprangka na pumupukaw ng pagtitiwala ng mambabasa. Walang sinumang pinagtakpan ang mga manunulat​—maging ang kanilang sarili​—sa kapakanan ng tapat na pag-uulat. Oo, makikita mo na taglay ng Bibliya ang taginting ng katotohanan.​—Mateo 14:28-​31; 16:21-​23; 26:56, 69-​75; Marcos 9:33, 34; Galacia 2:11-​14; 2 Pedro 1:16.

Subalit hindi lang iyan. Paulit-ulit na pinatunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya ang ulat ng Bibliya. Halimbawa, kung dadalaw ka sa Israel Museum sa Jerusalem, makikita mo ang isang batong may inskripsiyon na bumabanggit kay Poncio Pilato. Pinatunayan din ng iba pang tuklas sa arkeolohiya sina Lisanias at Sergio Paulo, na binabanggit sa Bibliya, bilang tunay na mga persona sa halip na kathang-isip ng mga naunang Kristiyano. Ang mga pangyayaring iniulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Bagong Tipan) ay saganang pinatotohanan ng mga pagtukoy ng mga sinaunang manunulat, kasali na sina Juvenal, Tacitus, Seneca, Suetonius, Pliny the Younger, Lucian, Celsus, at ang Judiong istoryador na si Josephus.a

Ang mga salaysay na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tinanggap nang walang alinlangan ng libu-libong nabuhay noong unang siglo. Hindi ikinaila maging niyaong mga kaaway ng Sangkakristiyanuhan ang katotohanan ng naiulat na sinabi at ginawa ni Jesus. Kung tungkol sa posibilidad na ang katauhan ni Jesus ay pinalamutian ng kaniyang mga alagad pagkamatay niya, ganito ang komento ni Propesor F. F. Bruce: “Tiyak na hindi magiging napakadali gaya ng iniisip ng ilang manunulat na kumatha ng mga salita at mga gawa ni Jesus sa mga unang taóng iyon, nang napakarami sa Kaniyang mga alagad ang nabubuhay pa, na makagugunita kung ano ang naganap at hindi naganap. . . . Hindi mapahihintulutan ng mga alagad ang mga pagkakamali (huwag pang banggitin ang sinasadyang pagbabago sa mga katotohanan), na agad maibubunyag niyaong handang gumawa nito.”

Kung Bakit Hindi Sila Naniniwala

Gayunpaman, nag-aalinlangan pa rin ang ilang iskolar. Samantalang ipinagpapalagay nila na di-totoo ang ulat ng Bibliya, masigla nilang sinasaliksik ang apokripang mga kasulatan at tinatanggap ang mga ito bilang mapanghahawakan! Bakit? Maliwanag, taglay ng ulat sa Bibliya ang mga bagay na ayaw paniwalaan ng maraming makabagong intelektuwal.

Sa kaniyang Union Bible Companion, na inilathala noong 1871, iniharap ni S. Austin Allibone ang isang hamon sa mga nag-aalinlangan. Sumulat siya: “Tanungin ang sinuman na nag-aangking nag-aalinlangan sa katotohanan ng kasaysayan sa Ebanghelyo kung ano ang dahilan sa paniniwala niyang si Cæsar ay namatay sa Kapitolyo, o na si Emperador Carlomagno ay pinarangalan ni Papa Leo III. noong 800 bilang Emperador sa Kanluran? . . . Naniniwala tayong lahat sa sinabi . . . tungkol sa mga lalaking ito; at iyon ay dahil sa tayo ay may makasaysayang ebidensiya sa katotohanan ng mga ito. . . . Kung, sa pagkakaroon ng patotoong gaya nito, mayroon pa ring ayaw maniwala, hinahayaan natin sila bilang mga sutil na mangmang o talagang ignorante. Ano ang sasabihin natin, kung gayon, tungkol doon sa mga nag-aangking sila’y di-kumbinsido, sa kabila ng saganang ebidensiyang mayroon na ngayon hinggil sa pagiging totoo ng Banal ng Kasulatan? . . . Hindi nila gustong paniwalaan yaong magbababa sa kanilang pagmamapuri, at magtutulak sa kanila na mamuhay sa ibang paraan.”

Oo, ang ilang nag-aalinlangan ay may pansariling motibo sa pagtanggi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang suliranin nila ay hindi ang kredibilidad nito kundi ang mga pamantayan nito. Halimbawa, ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Gayunman, maraming nag-aangking Kristiyano ang lubhang nasasangkot sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutang ito, anupat nakikibahagi pa nga sa madudugong digmaan. Sa halip na umayon sa mga pamantayan ng Bibliya, mas gusto ng maraming tao na ang Bibliya ang umayon sa kanilang sariling mga pamantayan.

Tingnan din ang tungkol sa moral. Matindi ang naging payo ni Jesus sa kongregasyon sa Tiatira dahil sa pagkunsinti sa pakikiapid. “Ako yaong sumasaliksik ng mga bato at mga puso,” sabi niya sa kanila, “at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang alinsunod sa inyong mga gawa.”b (Apocalipsis 2:18-23) Subalit, hindi ba totoo na marami sa mga nag-aangking Kristiyano ang tumatanggi sa mga pamantayang moral? Mas gugustuhin nilang tanggihan ang sinabi ni Jesus sa halip na talikuran ang kanilang imoral na paggawi.

Palibhasa’y ayaw tanggapin ang Jesus sa Bibliya, lumikha ang mga iskolar ng isang Jesus na ayon sa nais nila. Nagkasala sila ng paggawa ng alamat na siya namang may kamalian nilang ipinaparatang sa mga manunulat ng Ebanghelyo. Pinananatili nila ang mga bahagi ng buhay ni Jesus na ibig nilang tanggapin, tinatanggihan ang iba pa, at idinaragdag ang ilang detalye na kinatha nila. Ang totoo, ang kanilang pagala-galang paham o rebolusyonaryo sa lipunan ay hindi siyang Jesus sa kasaysayan na inaangkin nila na kanilang hinahanap; sa halip, siya ay isa lamang guniguni ng mapagmataas na mga iskolar.

Pagkasumpong sa Tunay na Jesus

Sinikap ni Jesus na antigin ang puso niyaong taimtim na nagugutom sa katotohanan at katuwiran. (Mateo 5:3, 6; 13:10-15) Ang gayong mga tao ay tumutugon sa paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”​—Mateo 11:28-30.

Ang tunay na Jesus ay hindi masusumpungan sa mga aklat na isinulat ng makabagong mga iskolar; ni siya man ay matatagpuan sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, na naging isang dakong pinagmumulan ng gawang-taong tradisyon. Masusumpungan mo ang makasaysayang Jesus sa iyong kopya ng Bibliya. Nais mo bang matuto ng higit pa tungkol sa kaniya? Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa iyo sa paggawa nito.

[Mga talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, kabanata 5, pahina 55-70, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Sa Bibliya, ang mga bato (kidney) ay lumalarawan kung minsan sa pinakamatitinding kaisipan at damdamin ng isa.

[Kahon sa pahina 6]

MGA SIGLO NG PAGPUNA

Ang pagpuna sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagsimula mahigit na 200 taon na ang nakalilipas, nang ipahayag ng pilosopong Aleman na si Hermann Samuel Reimarus (1694–​1768): “May katuwiran tayo sa pagbuo ng ganap na pagkakaiba sa pagitan ng turo ng mga Apostol sa kanilang mga isinulat at ng kung ano ang ipinahayag at itinuro ni Jesus Mismo sa buong-buhay Niya.” Mula kay Reimarus, maraming iskolar ang naturuan na mag-isip nang gayon.

Sinabi ng aklat na The Real Jesus na hindi itinuturing ng maraming tagapuna noon na sila ay mga apostata. Sa halip, “minalas nila ang kanilang sarili bilang mas tunay na Kristiyano dahil sa pag-alpas mula sa gapos ng doktrina at pamahiin.” Inaakala nila na ang maselang na pagpuna ay isang “dinalisay na anyo ng Kristiyanismo.”

Ang masaklap na katotohanan ay ang bagay na naging dakong pinagmumulan ng gawang-taong tradisyon ang Sangkakristiyanuhan. Ang mga doktrina tungkol sa imortal na kaluluwa, ang Trinidad, at isang maapoy na impiyerno ay ilan lamang sa mga turo na salungat sa Bibliya. Ngunit ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay walang pananagutan sa pagsirang ito sa katotohanan. Sa kabaligtaran, sinalungat nila ang mga naunang bakas ng huwad na mga turo noong kalagitnaan ng unang siglo, nang sumulat si Pablo na isang apostasya sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano ang noon “ay gumagana na.” (2 Tesalonica 2:3, 7) Makapagtitiwala tayo na ang nilalaman ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay isang ulat ng tunay na kasaysayan at mga doktrina.

[Kahon sa pahina 7]

KAILAN ISINULAT ANG MGA EBANGHELYO?

Iginigiit ng maraming tagapuna sa Bagong Tipan na ang Mga Ebanghelyo ay isinulat matagal nang panahon ang lumipas pagkatapos ng mga pangyayaring inilalarawan ng mga ito at samakatuwid ay halos tiyak na naglalaman ng mga pagkakamali.

Gayunman, ipinakikita ng ebidensiya ang isang maagang petsa sa pagsulat ng Mateo, Marcos, at Lucas. Ang mga marka sa ilang kopya ng manuskrito ng Mateo ay nagpapakita na ang orihinal na pagsulat ay naganap noong sing-aga ng 41 C.E. Ang Lucas ay malamang na isinulat sa pagitan ng 56 at 58 C.E., sapagkat ang aklat ng Mga Gawa (malamang na nakumpleto noong 61 C.E.) ay nagpapahiwatig na ang manunulat, si Lucas, ay nakabuo na ng kaniyang “unang ulat,” ang Ebanghelyo. (Gawa 1:1) Ipinagpapalagay na ang Ebanghelyo ni Marcos ay binuo sa Roma alinman noong una o pangalawang pagkabilanggo ni apostol Pablo​—malamang noong pagitan ng 60 at 65 C.E.

Sumang-ayon si Propesor Craig L. Blomberg sa maagang petsa ng mga Ebanghelyong iyon. Sinabi niya na kahit na idagdag natin ang Ebanghelyo ni Juan, na binuo noong bandang katapusan ng unang siglo, “mas malapit pa rin tayo sa orihinal na mga pangyayari kaysa sa maraming sinaunang talambuhay. Halimbawa, ang dalawang pinakamaagang mananalambuhay ni Alejandrong Dakila, sina Arrian at Plutarch, ay sumulat mahigit na apat na raang taon pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C., gayunma’y sila’y karaniwan nang itinuturing na mapagkakatiwalaan ng mga istoryador. Ang pambihirang mga alamat tungkol sa buhay ni Alejandro ay nabuo sa paglakad ng panahon, subalit sa kalakhang bahagi ay noon lamang ilang siglo pagkaraan ng dalawang manunulat na ito.” Ang makasaysayang mga bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tiyak na karapat-dapat kahit man lamang sa katulad na pagkilala na iniuukol sa sekular na mga kasaysayan.

[Larawan sa pahina 8]

Maghahari ang kagalakan para sa lahat sa darating na Paraiso sa lupa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share