Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 1/1 p. 30-31
  • Humanap ng Kabiyak Para kay Isaac

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Humanap ng Kabiyak Para kay Isaac
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahirap na Atas
  • Aral Para sa Atin
  • Gustong Mapasaya ni Rebeka si Jehova
    Turuan ang Iyong mga Anak
  • Gusto ni Rebeka na Pasayahin ang Puso ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Isang Pag-aasawa na Pinakikinabangan ng Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Handa Akong Sumama”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 1/1 p. 30-31

Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova

Humanap ng Kabiyak Para kay Isaac

HAPUNG-HAPO ang may-katandaang lalaking nakaupo sa tabi ng balon. Siya at ang kaniyang mga tagapaglingkod kasama ng kanilang sampung kamelyo ay naglakbay mula sa kapaligiran ng Beer-sheba hanggang sa hilagang Mesopotamia​—isang distansiyang mahigit sa 800 kilometro.a Ngayong narating na nila ang kanilang destinasyon, sandaling huminto ang pagod na manlalakbay na ito upang pag-isipan ang kaniyang mahirap na misyon. Sino ang lalaking ito, at bakit niya isinagawa ang ganitong nakapapagod na paglalakbay?

Ang lalaki ay lingkod ni Abraham, “ang pinakamatanda sa kaniyang sambahayan.” (Genesis 24:2) Bagaman hindi binanggit ang pangalan sa ulat, lumilitaw na siya ay si Eliezer, na minsa’y tinukoy ni Abraham bilang ‘isang anak sa kaniyang sambahayan’ at sinasabing nakahanay upang ‘humalili sa kaniya bilang tagapagmana.’ (Genesis 15:2, 3) Mangyari pa, iyon ay noong wala pang anak sina Abraham at Sara. Ngayon ang kanilang anak na si Isaac ay 40 taóng gulang, at bagaman si Eliezer ay hindi na siyang pangunahing tagapagmana ni Abraham, siya ay lingkod pa rin niya. Kaya nagpaunlak siya nang gumawa si Abraham ng isang mahirap na kahilingan. Ano iyon?

Isang Mahirap na Atas

Noong kaarawan ni Abraham ang isang pag-aasawa ay nakaaapekto hindi lamang sa pamilya kundi gayundin sa buong tribo, o pamayanan ng mga patriyarka. Kaya naman kaugalian noon ang pagpili ng mga magulang ng mapapangasawa ng kanilang mga anak. Gayunman, sa paghahanap ng isang kabiyak para sa kaniyang anak na si Isaac, napaharap si Abraham sa isang mabigat na suliranin. Hindi mapahihintulutan ang pagkuha ng mapapangasawa sa mga Canaanitang tagaroon dahil sa kanilang di-maka-Diyos na mga landasin. (Deuteronomio 18:9-12) At bagaman kaugalian na ang isang lalaki ay mag-aasawa sa isa na kabilang sa kaniyang tribo, daan-daang kilometro ang layo ng tinitirahan ng mga kamag-anak ni Abraham sa hilagang Mesopotamia. Hindi naman niya basta na lamang mapalilipat doon si Isaac, sapagkat nangako si Jehova kay Abraham: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito,” ang lupain ng Canaan. (Genesis 24:7) Kaya naman, sinabi ni Abraham kay Eliezer: “Pumaroon ka sa aking bayan at sa aking mga kamag-anak, at kukuha ka ng isang asawa para sa aking anak, para kay Isaac.”​—Genesis 24:4.

Nang matapos ang mahabang paglalakbay, nagpahinga si Eliezer sa tabi ng balon habang pinag-iisipan ang kaniyang misyon. Natalos niya na malapit nang dumating ang mga babae upang kumuha mula sa balon ng tubig na gagamitin sa kinagabihan. Kaya nagsumamo siya kay Jehova: “Sa kabataang babae na sa kaniya’y aking sasabihin, ‘Pakisuyong ibaba mo ang iyong banga ng tubig upang ako ay makainom,’ at magsasabi naman ng, ‘Uminom ka, at akin din namang paiinumin ang iyong mga kamelyo,’ ito ang isa na itatalaga mo sa iyong lingkod, kay Isaac; at sa pamamagitan nito ay hayaan mong malaman ko na nagpamalas ka ng matapat na pag-ibig sa aking panginoon.”​—Genesis 24:14.

Samantalang siya’y nananalangin pa, lumapit ang isang kaakit-akit na kabataang babae na nagngangalang Rebeka. “Pakisuyong bigyan mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga,” ang sabi ni Eliezer sa kaniya. Gayon ang ginawa ni Rebeka, at pagkatapos ay sinabi niya: “Para sa iyong mga kamelyo ay sasalok din ako ng tubig hanggang sa makainom sila.” Ito ay hindi biru-birong alok, sapagkat ang isang nauuhaw na kamelyo ay makaiinom ng hanggang 95 litro ng tubig sa loob lamang ng sampung minuto! Nauuhaw man o hindi ang mga kamelyo ni Eliezer, tiyak na alam ni Rebeka na ang iniaalok niyang paglilingkod ay nakapapagod. Sa katunayan, kaniyang “mabilis na ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa labangang inuman at paulit-ulit na tumakbo sa balon upang sumalok ng tubig, at patuloy na sumalok para sa lahat ng kaniyang kamelyo.”​—Genesis 24:15-20.

Palibhasa’y nadama ang patnubay ni Jehova, binigyan ni Eliezer si Rebeka ng isang gintong singsing na pang-ilong at dalawang gintong pulseras, na nagkakahalaga ng mga $1,400 sa ngayon. Nang sabihin sa kaniya ni Rebeka na siya ang apo ni Nahor, ang kapatid ni Abraham, nanalangin si Eliezer sa Diyos upang magpasalamat. “Inakay ako ni Jehova sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon,” sabi niya. (Genesis 24:22-27) Dinala si Eliezer sa pamilya ni Rebeka. Nang maglaon, si Rebeka ay naging asawa ni Isaac, at siya’y nagkapribilehiyo na maging ninuno ng Mesiyas, si Jesus.

Aral Para sa Atin

Pinagpala ni Jehova ang may-pananalanging pagsisikap ni Eliezer na makasumpong ng isang may-takot-sa-Diyos na kabiyak para kay Isaac. Subalit tandaan na ang pag-aasawa ni Isaac ay tuwirang may kaugnayan sa layunin ng Diyos na magluwal ng isang binhi sa pamamagitan ni Abraham. Kaya hindi tayo dapat na akayin ng salaysay na ito upang isipin na ang lahat ng nananalangin upang makahanap ng mapapangasawa ay makahimalang pagkakalooban nito. Gayunman, kung sumusunod tayo sa mga simulain ni Jehova, bibigyan niya tayo ng lakas upang matiis ang mga hamon na kaakibat sa alinmang kalagayan sa buhay​—ang pag-aasawa o pagiging walang-asawa.​—1 Corinto 7:8, 9, 28; ihambing ang Filipos 4:11-13.

Malaking pagsisikap ang ginawa ni Eliezer upang magawa ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova. Baka masumpungan din natin na hindi laging madali ang pagkilos na kasuwato ng mga pamantayan ni Jehova. Halimbawa, baka mahirap makasumpong ng trabaho na hindi makahahadlang sa teokratikong gawain, ng isang kabiyak na may takot sa Diyos, ng mga kasamang nakapagpapatibay, ng libangan na hindi nakasasama. (Mateo 6:33; 1 Corinto 7:39; 15:33; Efeso 4:17-​19) Subalit inaalalayan ni Jehova yaong tumatangging ipakipagkompromiso ang mga simulain sa Bibliya. Ipinangako ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling unawa. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:5, 6.

[Talababa]

a Kung isasaalang-alang ang katamtamang bilis ng mga kamelyo, maaaring gumugol ng mahigit sa 25 araw upang matapos ang paglalakbay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share