Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 1/15 p. 18-22
  • Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Kaniyang mga Kautusan Ay Hindi Nakapagpapabigat”
  • Kumuha ng Kaalaman sa Diyos
  • Inaabot ang mga Pamantayan ng Diyos
  • Igalang ang Buhay at ang Dugo
  • Paglilingkod Kasama ng Organisadong Bayan ni Jehova
  • “Ito ang Kahulugan ng Pag-ibig sa Diyos”
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Ang Pag-ibig ng Diyos ay Walang Hanggan
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Ang Makadiyos na Pangmalas sa Buhay
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Tularan ang Pagpapahalaga ng Diyos sa Buhay
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 1/15 p. 18-22

Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?

“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”​—1 JUAN 5:3.

1, 2. Bakit hindi nakapagtataka na ang Diyos ay may mga kahilingan para sa mga nagnanais na sumamba sa kaniya sa karapat-dapat na paraan?

“NASISIYAHAN na ako sa aking relihiyon!” Hindi ba iyan ang madalas sabihin ng mga tao? Subalit ang totoo, ang dapat itanong ay, “Nalulugod ba ang Diyos sa aking relihiyon?” Oo, may mga kahilingan ang Diyos para sa mga nagnanais na sumamba sa kaniya sa karapat-dapat na paraan. Dapat ba nating ipagtaka iyan? Hindi naman. Ipagpalagay na natin na may maganda kang tahanan, na katatapos mo pa lamang gastusan ng malaki upang pagandahin. Papayagan mo bang matirhan ito ng kahit sino? Siyempre, hindi! Ang sinumang ibig tumira roon ay kailangang makaabot sa iyong mga kahilingan.

2 Kahawig nito, inilaan ng Diyos na Jehova ang makalupang tahanang ito para sa pamilya ng tao. Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, ang lupa ay malapit nang “pagandahin”​—baguhin upang maging isang kaayaayang paraiso. Isasagawa ito ni Jehova. Bagaman para sa kaniya ay malaki ang kapalit na halaga, ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang maging posible ito. Tiyak, may mga kahilingan ang Diyos para sa mga maninirahan doon!​—Awit 115:16; Mateo 6:9, 10; Juan 3:16.

3. Paano sinabi ni Solomon ang pinakabuod ng kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos?

3 Paano natin malalaman kung ano ang mga kahilingan ng Diyos? Kinasihan ni Jehova ang pantas na si Haring Solomon upang sabihin ang pinakabuod ng inaasahan Niya sa atin. Pagkatapos ilahad ang lahat ng kaniyang pinagsumikapan​—kasali na ang kayamanan, mga proyekto sa pagtatayo, hilig sa musika, at romantikong pag-ibig​—ganito ang natalos ni Solomon: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—Eclesiastes 12:13.

“Ang Kaniyang mga Kautusan Ay Hindi Nakapagpapabigat”

4-6. (a) Ano ang literal na kahulugan ng salitang Griego na isinaling “nakapagpapabigat”? (b) Bakit natin masasabi na hindi nakapagpapabigat ang mga utos ng Diyos?

4 “Sumunod sa kaniyang mga utos.” Sa simpleng salita, iyan ang inaasahan ng Diyos sa atin. Mabigat ba ang kahilingan niyang ito? Hindi naman. May sinabi sa atin si apostol Juan na totoong nakagaganyak ng pagtitiwala sa mga utos, o mga kahilingan, ng Diyos. Sumulat siya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”​—1 Juan 5:3.

5 Ang salitang Griego na isinaling “nakapagpapabigat” ay may literal na kahulugang “mabigat.” Ito ay maaaring tumukoy sa isang bagay na mahirap abutin o tuparin. Sa Mateo 23:4, ito ay ginamit upang ilarawan ang “mabibigat na pasan,” ang mga gawang-taong tuntunin at tradisyon, na iniaatang ng mga eskriba at Fariseo sa mga tao. Nakuha mo ba ang diwa ng sinabi ng matanda nang si apostol Juan? Ang mga utos ng Diyos ay hindi isang mabigat na pasanin, ni ang mga ito man ay mahirap para sa atin na sundin. (Ihambing ang Deuteronomio 30:11.) Sa kabaligtaran, kapag iniibig natin ang Diyos, naliligayahan tayong tuparin ang kaniyang mga kahilingan. Nagbibigay ito sa atin ng napakahalagang pagkakataon na ipamalas ang ating pag-ibig kay Jehova.

6 Upang maipakita ang ating pag-ibig sa Diyos, kailangan nating malaman kung ano talaga ang inaasahan niya sa atin. Isasaalang-alang natin ngayon ang lima sa mga kahilingan ng Diyos. Habang ginagawa natin ito, isaisip ang isinulat ni Juan: ‘Ang mga utos ng Diyos ay hindi nakapagpapabigat.’

Kumuha ng Kaalaman sa Diyos

7. Sa ano nakasalalay ang ating kaligtasan?

7 Ang unang kahilingan ay ang pagkuha ng kaalaman sa Diyos. Isaalang-alang ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 17. Ang tagpo ay ang huling gabi ng buhay ni Jesus bilang tao. Malaking panahon ang ginugol ni Jesus nang gabing iyon sa paghahanda sa kaniyang mga apostol para sa kaniyang paglisan. Nababahala siya sa kanilang kinabukasan, sa kanilang walang-hanggang kinabukasan. Habang nakatingala sa langit, nanalangin siya alang-alang sa kanila. Sa talata 3, mababasa natin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Oo, nakasalalay ang kanilang kaligtasan sa kanilang “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos at kay Kristo. Kumakapit din ito sa atin. Upang magtamo ng kaligtasan, kailangan nating kumuha ng gayong kaalaman.

8. Ano ang ibig sabihin ng ‘kumuha ng kaalaman’ tungkol sa Diyos?

8 Ano ang ibig sabihin ng ‘kumuha ng kaalaman’ tungkol sa Diyos? Ang salitang Griego rito na isinaling “pagkuha ng kaalaman” ay may kahulugan na “malaman, makilala” o “ganap na maunawaan.” Pansinin din na ang pagkasalin na “pagkuha ng kaalaman” ay nagpapahiwatig na ito ay isang patuloy na hakbang. Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos kung gayon ay nangangahulugan na makilala siya hindi nang bahagya lamang kundi nang matalik, anupat nagpapaunlad ng malapitang pakikipagkaibigan sa kaniya. Ang namamalaging kaugnayan sa Diyos ay nagdudulot ng sumusulong na kaalaman tungkol sa kaniya. Ang hakbang na ito ay magpapatuloy magpakailanman, sapagkat hindi natin matututuhan ang lahat ng dapat malaman tungkol kay Jehova.​—Roma 11:33.

9. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa aklat ng sangnilalang?

9 Paano tayo kumukuha ng kaalaman tungkol sa Diyos? May dalawang aklat na makatutulong sa atin. Ang isa ay ang aklat ng sangnilalang. Ang mga bagay na nilalang ni Jehova​—kapuwa ang may buhay at walang buhay​—ay nagbibigay sa atin ng malalim na unawa tungkol sa kaniyang personalidad. (Roma 1:20) Tingnan ang ilang halimbawa. Ang lagaslas ng maringal na talon, ang dagundong ng alon kapag may unos, ang mabituing langit sa isang maaliwalas na gabi​—hindi ba ang mga ito’y nagtuturo sa atin na si Jehova ay isang Diyos na “malakas sa kapangyarihan”? (Isaias 40:26) Ang halakhak ng isang bata habang pinanonood niya ang paghabol ng isang tuta sa buntot nito o ang paglalaro ng isang kuting sa isang bola ng sinulid na lana​—hindi ba iyan nagpapahiwatig na si Jehova, “ang maligayang Diyos,” ay may hilig na magpatawa? (1 Timoteo 1:11) Ang linamnam ng masarap na pagkain, ang halimuyak ng mga bulaklak sa parang, ang matitingkad na kulay ng isang kaakit-akit na paruparo, ang huni ng mga ibong nag-aawitan kung tagsibol, ang mahigpit na yakap ng isang minamahal​—hindi ba ibinabadya ng mga ito na ang ating Maylalang ay isang Diyos ng pag-ibig, na nagnanais na tayo’y masiyahan sa buhay?​—1 Juan 4:8.

10, 11. (a) Anong mga bagay tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ang hindi natin matututuhan buhat sa aklat ng sangnilalang? (b) Ang sagot sa anong mga tanong ang masusumpungan lamang sa Bibliya?

10 Gayunman, limitado ang maaari nating malaman tungkol kay Jehova mula sa aklat ng sangnilalang. Halimbawa: Ano ang pangalan ng Diyos? Bakit niya nilalang ang lupa at inilagay rito ang tao? Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan? Ano ang maaasahan natin sa kinabukasan? Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangan nating bumaling sa isa pang aklat na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa Diyos​—ang Bibliya. Sa mga pahina nito, isinisiwalat ni Jehova ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili, kasali na ang kaniyang pangalan, ang kaniyang personalidad, at ang kaniyang mga layunin​—mga impormasyon na hindi natin makukuha sa anumang ibang pinagmulan.​—Exodo 34:6, 7; Awit 83:18; Amos 3:7.

11 Sa Kasulatan, ibinabahagi rin ni Jehova ang mahalagang kaalaman tungkol sa ibang persona na kailangan nating makilala. Halimbawa, sino si Jesu-Kristo, at ano ang papel na ginagampanan niya sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova? (Gawa 4:12) Sino si Satanas na Diyablo? Sa anu-anong paraan niya inililigaw ang mga tao? Paano natin maiiwasang mailigaw niya? (1 Pedro 5:8) Ang nagliligtas-buhay na mga sagot sa mga tanong na ito ay masusumpungan lamang sa Bibliya.

12. Paano mo ipaliliwanag kung bakit hindi isang pabigat ang pagkuha ng kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin?

12 Isa kayang pabigat ang pagkuha ng gayong kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin? Tunay na hindi! Natatandaan mo ba ang nadama mo nang una mong malaman na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, na isasauli ng kaniyang Kaharian ang Paraiso rito sa lupa, na ibinigay niya ang kaniyang sinisintang Anak bilang pantubos sa ating mga kasalanan, bukod sa iba pang mahahalagang katotohanan? Hindi ba parang naalisan ka ng talukbong ng kawalang-alam at nakitang malinaw ang mga bagay-bagay sa unang pagkakataon? Hindi isang pabigat ang pagkuha ng kaalaman sa Diyos. Nakalulugod iyon!​—Awit 1:1-3; 119:97.

Inaabot ang mga Pamantayan ng Diyos

13, 14. (a) Habang kumukuha tayo ng kaalaman sa Diyos, anu-anong pagbabago ang kailangan nating gawin sa ating buhay? (b) Hinihiling ng Diyos na umiwas tayo mula sa anong maruruming gawain?

13 Habang kumukuha tayo ng kaalaman tungkol sa Diyos, natatanto natin na kailangan nating baguhin ang ating buhay. Dito pumapasok ang ikalawang kahilingan. Dapat tayong makaabot sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa tamang paggawi at tanggapin ang kaniyang katotohanan. Ano ba ang katotohanan? Talaga bang mahalaga sa Diyos kung ano ang ating pinaniniwalaan at ginagawa? Maliwanag na hindi gayon ang iniisip ng maraming tao sa ngayon. Ipinahiwatig ng isang ulat na inilathala ng Church of England noong 1995 na ang pagsasama nang di-kasal ay hindi dapat na malasin bilang kasalanan. “Ang pariralang ‘pamumuhay sa kasalanan’ ay humihiya at hindi nakatutulong,” sabi ng isang obispo ng simbahan.

14 Kung gayon, hindi na nga ba kasalanan ang “pamumuhay sa kasalanan”? Tahasang sinasabi sa atin ni Jehova kung ano ang nadarama niya hinggil sa gayong paggawi. Ganito ang sabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Maaaring ang pagsisiping bago ang kasal ay hindi kasalanan sa pangmalas ng liberal na mga klerigo at mga palasimba, ngunit iyon ay isang malubhang kasalanan sa paningin ng Diyos! At gayundin ang pangangalunya, insesto, at homoseksuwalidad. (Levitico 18:6; 1 Corinto 6:9, 10) Hinihiling ng Diyos na iwasan natin ang gayong mga gawain, na sa kaniyang pangmalas ay marumi.

15. Paano nasasangkot sa mga kahilingan ng Diyos kapuwa ang pakikitungo natin sa iba at ang paniniwala natin?

15 Gayunman, hindi sapat na umiwas sa mga gawaing kasalanan sa pangmalas ng Diyos. Kasama rin sa mga kahilingan ng Diyos ang paraan ng pakikitungo natin sa iba. Sa pamilya, inaasahan niyang iibigin at igagalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Hinihiling ng Diyos na asikasuhin ng mga magulang ang materyal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan ng kanilang mga anak. Sinasabihan niya ang mga anak na maging masunurin sa kanilang mga magulang. (Kawikaan 22:6; Colosas 3:18-​21) At kumusta naman ang ating mga paniniwala? Ibig ng Diyos na Jehova na iwasan natin ang mga paniniwala at kaugaliang nagmula sa huwad na pagsamba o na salungat sa dalisay na katotohanang itinuturo sa Bibliya.​—Deuteronomio 18:9-​13; 2 Corinto 6:14-17.

16. Ipaliwanag kung bakit hindi isang pabigat na abutin ang mga pamantayan ng Diyos sa wastong paggawi at tanggapin ang kaniyang katotohanan.

16 Isa bang pabigat para sa atin na abutin ang mga pamantayan ng Diyos sa wastong paggawi at tanggapin ang kaniyang katotohanan? Hindi naman kung isasaalang-alang natin ang mga kapakinabangan​—pagsasamang doo’y nag-iibigan at nagtitiwala ang mag-asawa sa isa’t isa sa halip na pagsasamang winawasak ng pagtataksil; mga tahanang doo’y minamahal at pinahahalagahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa halip na mga pamilyang ang mga anak ay di-minamahal, pinababayaan, at kinaliligtaan; isang malinis na budhi at mabuting kalusugan sa halip na makasalanang budhi at isang katawang sinasalot ng AIDS o ng iba pang sakit na inililipat ng pagsisiping. Tiyak, ang mga kahilingan ni Jehova ay hindi nagkakait sa atin ng anumang kailangan natin upang masiyahan sa buhay!​—Deuteronomio 10:12, 13.

Igalang ang Buhay at ang Dugo

17. Paano minamalas ni Jehova ang buhay at ang dugo?

17 Habang iniaayon mo ang iyong buhay sa mga pamantayan ng Diyos, nauunawaan mo kung gaano talaga kahalaga ang buhay. Pag-uusapan natin ngayon ang ikatlong kahilingan ng Diyos. Kailangan nating igalang ang buhay at ang dugo. Ang buhay ay sagrado kay Jehova. Nararapat lamang ito, sapagkat siya ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Aba, kahit ang buhay ng isang di pa naisisilang na sanggol sa loob ng bahay-bata ng kaniyang ina ay napakahalaga kay Jehova! (Exodo 21:22, 23) Ang dugo ay kumakatawan sa buhay. Samakatuwid, ang buhay ay sagrado rin sa paningin ng Diyos. (Levitico 17:14) Hindi dapat ipagtaka, kung gayon, na inaasahan ng Diyos na mamalasin natin ang buhay at ang dugo kagaya ng pangmalas niya rito.

18. Ano ang hinihiling sa atin ng pangmalas ni Jehova sa buhay at dugo?

18 Ano ang hinihiling sa atin bilang paggalang sa buhay at dugo? Bilang mga Kristiyano, hindi natin isinasapanganib ang ating buhay dahil lamang sa katuwaan. Nag-iingat tayo at sa gayo’y tinitiyak na ang ating mga sasakyan at tahanan ay ligtas. (Deuteronomio 22:8) Hindi tayo naninigarilyo, nagnganganga, o gumagamit ng nakasusugapa o nakasisira-sa-isip na droga dahil sa kaluguran. (2 Corinto 7:1) Dahil sa nakikinig tayo sa Diyos nang sabihin niyang ‘umiwas tayo sa dugo,’ hindi tayo nagpapasalin ng dugo sa ating katawan. (Gawa 15:28, 29) Bagaman mahal natin ang buhay, hindi natin susubuking iligtas ang ating kasalukuyang buhay sa pamamagitan ng paglabag sa batas ng Diyos at sa gayo’y isinasapanganib ang ating pag-asang buhay na walang-hanggan!​—Mateo 16:25.

19. Ipaliwanag kung paano tayo nakikinabang dahil sa paggalang sa buhay at dugo.

19 Isa bang pabigat para sa atin na ituring na sagrado ang buhay at dugo? Tiyak na hindi! Isipin mo. Isa bang pabigat ang maingatan mula sa kanser sa baga na sanhi ng paninigarilyo? Isa bang pabigat ang makaiwas sa pagkasugapa ng isip at katawan sa nakapipinsalang droga? Isa bang pabigat ang makaiwas sa AIDS, hepatitis, o iba pang sakit na nakukuha sa pagsasalin ng dugo? Maliwanag, sa ikabubuti natin ang pag-iwas sa nakasasamang mga kaugalian at gawain.​—Isaias 48:17.

20. Paano nakinabang ang isang pamilya dahil sa pagtataglay ng pangmalas ng Diyos sa buhay?

20 Isaalang-alang ang karanasang ito. Mga ilang taon na ang nakalilipas, isang babaing Saksi na mga tatlo at kalahating buwan nang nagdadalang-tao ang dinugo isang gabi at isinugod sa ospital. Pagkatapos na siya’y suriin ng doktor, naulinigan niyang sinabi nito sa isa sa mga nars na kailangan nilang alisin ang kaniyang ipinagdadalang-tao. Palibhasa’y nalalaman kung paano minamalas ni Jehova ang buhay ng di pa naisisilang, matatag siyang tumanggi sa aborsiyon, anupat sinabi sa doktor: “Kung iyon ay buháy, hayaan ninyo siya riyan!” Dinudugo pa rin siya paminsan-minsan, ngunit pagkaraan ng ilang buwan ay nagsilang siya ng isang malusog na lalaking sanggol bagaman kulang sa buwan, na ngayon ay 17 taong gulang na. Ganito ang paliwanag niya: “Ang lahat ng ito ay sinabi namin sa aming anak, at sinabi niya na natutuwa siya at hindi siya itinapon sa basurahan. Alam niya na kaya lamang siya nabuhay ngayon ay dahil sa aming paglilingkod kay Jehova.” Walang alinlangan, hindi naging pabigat sa pamilyang ito ang pagtataglay ng pangmalas ng Diyos sa buhay!

Paglilingkod Kasama ng Organisadong Bayan ni Jehova

21, 22. (a) Sino ang inaasahan ni Jehova na makakasama natin sa paglilingkod sa kaniya? (b) Paano makikilala ang organisadong bayan ng Diyos?

21 Hindi tayo nag-iisa sa paggawa ng kinakailangang pagbabago upang maiayon ang ating buhay sa mga pamantayan ng Diyos. Si Jehova ay may isang bayan sa lupang ito, at inaasahan niyang paglilingkuran natin siya na kasama nila. Dito pumapasok ang ikaapat na kahilingan. Kailangan tayong maglingkod kay Jehova kasama ng kaniyang pinapatnubayan-ng-espiritung organisasyon.

22 Ngunit paano makikilala ang organisadong bayan ng Diyos? Ayon sa mga pamantayang nakasaad sa Kasulatan, tunay ang pag-ibig nila sa isa’t isa, taimtim na iginagalang nila ang Bibliya, pinararangalan nila ang pangalan ng Diyos, ipinangangaral nila ang kaniyang Kaharian, at hindi sila bahagi ng balakyot na sanlibutang ito. (Mateo 6:9; 24:14; Juan 13:34, 35; 17:16, 17) Iisa lamang na relihiyosong organisasyon sa lupang ito ang nagtataglay ng lahat ng palatandaang ito ng tunay na Kristiyanismo​—ang mga Saksi ni Jehova!

23, 24. Paano natin ilalarawan na hindi isang pabigat ang maglingkod kay Jehova kasama ng kaniyang organisadong bayan?

23 Isa bang pabigat ang maglingkod kay Jehova kasama ng kaniyang organisadong bayan? Talagang hindi! Bagkus, isang napakahalagang pribilehiyo ang tamasahin ang pag-ibig at suporta ng isang pambuong-daigdig na pamilya ng Kristiyanong magkakapatid. (1 Pedro 2:17) Gunigunihin ang inyong sarili na nakaligtas sa paglubog ng barko at naroroon ka sa tubig at nagpupunyagi upang manatiling nakalutang. Nang maramdaman mong hindi ka na tatagal, may nag-abot ng isang kamay sa iyo mula sa isang bangkang salbabida. Oo, may ibang nakaligtas! Sa bangkang salbabida, nagsasalitan kayo sa pagsagwan patungong dalampasigan, anupat sinasagip ang iba pang nakaligtas na nadaraanan.

24 Hindi ba katulad nito ang ating kalagayan? Sinagip tayo mula sa mapanganib na “katubigan” ng balakyot na sanlibutang ito tungo sa “bangkang salbabida” ng makalupang organisasyon ni Jehova. Sa loob nito, magkakasama tayong naglilingkod habang patungo sa “dalampasigan” ng isang matuwid na bagong sanlibutan. Kung nanghihimagod tayo sa daan dahil sa mga panggigipit sa buhay, anong laking pasasalamat natin sa tulong at kaaliwan ng tunay na mga Kristiyanong kasamahan!​—Kawikaan 17:17.

25. (a) Ano ang obligasyon natin sa mga naroroon pa sa “katubigan” ng balakyot na sanlibutang ito? (b) Anong kahilingan ng Diyos ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

25 Kumusta naman ang iba​—ang tapat-pusong mga tao na naroroon pa rin sa “tubig”? Obligasyon nating tulungan silang makapasok sa organisasyon ni Jehova, hindi ba? (1 Timoteo 2:3, 4) Kailangan nila ng tulong upang malaman ang mga kahilingan ng Diyos. Dito pumapasok ang ikalimang kahilingan ng Diyos. Tayo ay kailangang maging matapat na mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Kung ano ang nasasangkot dito ang siyang tatalakayin sa susunod na artikulo.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit hindi nakapagpapabigat ang mga kautusan ng Diyos?

◻ Paano tayo kumukuha ng kaalaman sa Diyos?

◻ Bakit hindi isang pabigat na abutin ang mga pamantayan ng Diyos sa wastong paggawi at tanggapin ang kaniyang katotohanan?

◻ Ano ang hinihiling sa atin ng pangmalas ng Diyos sa buhay at dugo?

◻ Sino ang inaasahan ng Diyos na makakasama natin sa paglilingkod sa kaniya, at paano sila makikilala?

[Mga larawan sa pahina 18]

Natututo tayo tungkol kay Jehova mula sa aklat ng sangnilalang at mula sa Bibliya

[Credit Lines]

Buwaya: Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations; oso: Safari-Zoo ng Ramat-Gan, Tel Aviv

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share