Pundamentalismo—Ano ba Ito?
SAAN nagsimula ang pundamentalismo? Sa bandang katapusan ng nakaraang siglo, binago ng liberal na mga teologo ang kanilang mga paniniwala upang bigyang-daan ang maselang na pagpuna sa Bibliya at ang mga siyentipikong teoriya, tulad ng ebolusyon. Bunga nito, natinag ang pagtitiwala ng mga tao sa Bibliya. Tumugon ang mga konserbatibong lider ng relihiyon sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagtatatag ng tinatawag nilang mga saligan ng pananampalataya.a Maaga noong ika-20 siglo, inilathala nila ang pagtalakay sa mga saligang ito sa isang serye ng mga tomo na pinamagatang The Fundamentals: A Testimony to the Truth. Sa pamagat na ito nagmula ang salitang “pundamentalismo.”
Noong unang kalahatian ng ika-20 siglo, napapabalita sa pana-panahon ang pundamentalismo. Halimbawa, noong 1925, isinakdal ng mga relihiyosong pundamentalista ang guro sa paaralan na nagngangalang John Scopes ng Tennessee, E.U.A., sa napabalitang “Scopes trial.” Ano ang kaniyang krimen? Nagtuturo siya ng ebolusyon, at iyon ay laban sa batas ng estado. Noon, naniniwala ang ilan na di-magtatagal ang pundamentalismo. Noong 1926, sinabi ng Christian Century, isang Protestanteng magasin, na ito ay “walang-kabuluhan at artipisyal” at “talagang di-nagtataglay ng mga katangian ng nakapagpapatibay na tagumpay o pananatili.” Maling-mali nga ang pangmalas na ito!
Sapol noong mga taon ng 1970, madalas na nasa balita ang pundamentalismo. Ganito ang sabi ni Propesor Miroslav Volf, ng Fuller Theological Seminary, sa California, E.U.A.: “Hindi lamang nanatili ang pundamentalismo, kundi lumaganap din naman.” Sa ngayon, ang salitang “pundamentalismo” ay hindi lamang kumakapit sa mga kilusang Protestante kundi gayundin sa mga nasa ibang relihiyon, tulad ng Katolisismo, Islam, Judaismo, at Hinduismo.
Isang Reaksiyon sa Ating Panahon
Bakit lumalaganap ang pundamentalismo? Yaong mga nag-aaral nito ay nagsasabing iyon, sa paano man, ay dahil sa di-katiyakan ng moral at relihiyon sa ating panahon. Noon ang mga lipunan ay namumuhay sa isang kapaligiran na tinitiyak ang moral salig sa tradisyunal na mga paniniwala. Ngayon ang mga paniniwalang iyon ay hinahamon o tinatanggihan. Iginigiit ng maraming intelektuwal na walang Diyos at na ang tao ay nag-iisa sa isang malamig na sansinukob. Itinuturo ng maraming siyentipiko na ang sangkatauhan ay bunga ng di-sinasadyang ebolusyon, hindi ng pagkilos ng isang maibiging Maylalang. Nangingibabaw ang isang maluwag na kaisipan. Ang sanlibutan ay sinasalot ng kawalan ng moral na mga pamantayan sa lahat ng antas ng lipunan.—2 Timoteo 3:4, 5, 13.
Inaasam ng mga pundamentalista ang mga katiyakan noon, at ang ilan sa kanila ay nagsisikap na ibalik ang kanilang mga pamayanan at mga bansa sa inaakala nilang angkop na mga pundasyon sa moral at doktrina. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pilitin ang iba na mamuhay ayon sa isang “wastong” alituntunin sa moral at sistema ng mga doktrina. Totoong kumbinsido ang isang pundamentalista na siya ay tama at ang iba ay mali. Sinasabi ni Propesor James Barr, sa kaniyang aklat na Fundamentalism, na ang pundamentalismo “ay malimit na itinuturing na isang masama at nakasusuklam na salita, anupat nagpapahiwatig ng pagkamakitid, pagkapanatiko, pagkamalihim at sektaryanismo.”
Yamang walang nagnanais na tawaging makitid, panatiko, o maka-sekta, hindi lahat ay sumasang-ayon sa kung sino ang pundamentalista at kung sino ang hindi pundamentalista. Subalit may ilang katangian na nagpapakilala sa relihiyosong pundamentalismo.
Pagkilala sa Isang Pundamentalista
Ang relihiyosong pundamentalismo ay karaniwan nang isang pagtatangka na panatilihin ang pinaniniwalaang orihinal na mga tradisyon o relihiyosong paniniwala ng isang kultura at salungatin ang inaakalang sekular na saloobin ng sanlibutan. Hindi ito nangangahulugan na ang mga pundamentalista ay salungat sa lahat ng bagay na makabago. Ginagamit ng ilan ang makabagong komunikasyon sa napakabisang paraan upang itaguyod ang kanilang pangmalas. Ngunit nilalabanan nila ang sekularisasyon ng lipunan.b
Hindi lamang determinado ang ilang pundamentalista na panatilihin para sa kanilang sarili ang isang tradisyunal na balangkas ng mga doktrina o paraan ng pamumuhay kundi ipilit din ang mga ito sa iba, baguhin ang mga kaayusan sa lipunan upang ang mga ito ay umayon sa mga paniniwala ng mga pundamentalista. Samakatuwid, ang isang Katolikong pundamentalista ay hindi lamang tatanggi sa aborsiyon. Malamang na gipitin pa niya ang mga mambabatas sa kaniyang bansa upang itaguyod ang mga batas na nagbabawal sa aborsiyon. Sa Poland, ayon sa pahayagang La Repubblica, upang maipasa ang batas laban sa aborsiyon, nagsagawa ang Simbahang Katoliko ng “isang ‘digmaan’ na doo’y ginamit nito ang lahat ng kapangyarihan at impluwensiya nito.” Sa paggawa nito, ang mga awtoridad ng simbahan ay kumilos na katulad na katulad ng mga pundamentalista. Ang Protestanteng Christian Coalition sa Estados Unidos ay nakikipagbaka sa nakakatulad na “mga digmaan.”
Higit sa lahat ay makikilala ang mga pundamentalista sa kanilang malalim-ang-pagkaugat na mga relihiyosong pananalig. Kaya naman, ang isang Protestanteng pundamentalista ay lubusang sasang-ayon sa literal na pagpapakahulugan sa Bibliya, malamang na kasali ang paniniwala na ang lupa ay nilalang sa loob ng anim na literal na araw. Walang alinlangan ang isang Katolikong pundamentalista hinggil sa kawalang-pagkakamali ng papa.
Kaya naman mauunawaan kung bakit ang salitang “pundamentalismo” ay pumupukaw ng larawan ng di-makatuwirang pagkapanatiko at kung bakit yaong mga hindi pundamentalista ay nababahala kapag nakikita nilang lumalaganap ang pundamentalismo. Bilang mga indibiduwal, maaari tayong sumalungat sa mga pundamentalista at mangilabot sa kanilang pulitikal na pagmamaniobra at sa kanilang marahas na pagkilos kung minsan. Sa katunayan, ang mga pundamentalista sa isang relihiyon ay maaaring nangingilabot sa mga ginagawa niyaong mga pundamentalista na kabilang sa ibang relihiyon! Gayunpaman, nababahala ang maraming palaisip na tao tungkol sa mga bagay na siyang dahilan ng paglaganap ng pundamentalismo—ang lumalagong kaluwagan sa moral, ang kawalan ng pananampalataya, at ang pagtanggi ng makabagong lipunan sa espirituwalidad.
Ang pundamentalismo lamang ba ang siyang tanging tugon sa mga hilig na ito? Kung hindi, ano ang mapagpipilian?
[Mga talababa]
a Ang tinaguriang Limang Punto ng Pundamentalismo, na binigyang-katuturan noong 1895, ay “(1) ang ganap na pagkasi at kawalang-pagkakamali ng Kasulatan; (2) ang pagka-Diyos ni Jesu-Kristo; (3) ang pagsilang sa Kristo ng isang birhen; (4) ang panghaliling pantubos ng Kristo sa krus; (5) ang pagkabuhay-muli ng katawan at ang personal at pisikal na ikalawang pagparito ni Kristo sa lupa.”—Studi di teologia (Pag-aaral sa Teolohiya).
b Ang “sekularisasyon” ay nangangahulugan ng pagdiriin sa bagay na sekular, na kasalungat ng espirituwal o sagrado. Ang sekular ay walang kinalaman sa relihiyon o mga relihiyosong paniniwala.
[Blurb sa pahina 5]
Noong 1926, inilarawan ng isang Protestanteng magasin ang pundamentalismo bilang “walang-kabuluhan at artipisyal” at “talagang di-nagtataglay ng mga katangian ng nakapagpapatibay na tagumpay o pananatili”