Magdaraos ng Internasyonal na mga Kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova
Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagpaplanong magdaos ng internasyonal na mga kombensiyon sa 1998. Masiglang tinanggap ang patalastas na ito sa taunang pulong ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, na ginanap sa Jersey City Assembly Hall noong Sabado, Oktubre 5, 1996.
Kasabay ng regular na mga pandistritong kombensiyon, idaraos ang ilang internasyonal na mga kombensiyon sa Hilagang Amerika sa bandang kalagitnaan ng 1998. Inaasahan na daragsa sa mga pagtitipong ito ang daan-daang libong Saksi mula sa maraming panig ng lupa. Upang magkaroon ng mga kinatawan ang pinakamaraming mga bansa hangga’t maaari, bawat isa sa mahigit na 100 tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay magtatalaga ng mga delegado para sa isang piniling lunsod para sa internasyonal na kombensiyon sa Hilagang Amerika.
Maliwanag, hindi lahat ng ibig maglakbay patungong Hilagang Amerika ay makagagawa nito. Gayunpaman, posible para sa libu-libo na dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon na mas malapit sa kanilang lugar. Gumagawa na ng mga kaayusan para magdaos ng internasyonal na mga kombensiyon sa dalawa o tatlong bansa sa Europa at ang iba ay sa Aprika, Asia, Latin Amerika, Timog Pasipiko, at sa Caribbean.
Sa angkop na panahon, ipaaalam ng mga tanggapang pansangay ng Samahan sa mga kongregasyon na nasa kani-kanilang teritoryo ang tungkol sa lunsod o mga lunsod ng kombensiyon na doo’y imbitado sila. Ibibigay ang impormasyon hinggil sa mga petsa ng kombensiyon at mga kaayusan sa pagpili ng mga delegado. Yaong nagbabalak na magpatala para sa pagpili ng mga delegado ay maaaring magnais na magsimula nang mag-ipon ng kanilang pondo bilang paghahanda para sa pantanging mga okasyong ito.
Maaaring asam-asamin ng lahat ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mga inihanda para sa internasyonal na mga pagtitipong ito sa 1998. Magkakaroon ng gayunding programa ang mga pandistritong kombensiyon sa lahat ng bansa.