Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 4/15 p. 23-26
  • Mga Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Maliligayang Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Patunayan ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iyong Paraan ng Pamumuhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 4/15 p. 23-26

Mga Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova

Ang sumusunod na artikulo sa Kristiyanong mga kasalan ay orihinal na inihanda sa Etiopia upang maglaan ng nakatutulong na giya sa wikang Amharic para sa marami sa lupaing ito na naging mga Saksi Ni Jehova kamakailan. Tinatalakay nito ang ilang lokal na kaugalian at gawain na maaaring naiiba sa mga kaugalian sa lugar ninyo. Malamang na masumpungan mong kawili-wili ang pagkakaiba. kasabay nito, naghaharap ang artikulo ng timbang na payo mula sa bibliya na makikita mong kumakapit kahit na naiiba ang mga kaugalian sa kasalan sa inyong lugar.

“MGA Kasalang Kristiyano na Nagdadala ng Kagalakan” ang titulo ng isang mainam na araling artikulo sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984. Ang sumunod na artikulo sa isyung iyan ay pinamagatang “Timbang na Pagtatamasa ng Kagalakan sa mga Handaan sa Kasalan.” (Para sa sinumang nagbabalak magpakasal, may karagdagang matalinong payo sa mga aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, kabanata 2, at Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, kabanata 19 at 20.)a Marami na ang naging Saksi ni Jehova mula nang lumabas ang mga artikulong ito, kaya ibig naming repasuhin ang ilang punto na lalo nang kumakapit sa ating lugar, gayundin ang iba pang angkop na punto na tutulong sa atin upang ang mga kasalan ay maging mga okasyon na nagpaparangal kay Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.

Ang isang tanong na maaaring isaalang-alang ay, Kailan dapat idaos ang kasalan? Dapat bang ang petsa ay kasuwato ng mga petsa para sa kinaugaliang panahon ng kasalan sa isang lugar? Isang lokal na paniniwala na ang anumang kasalan na ginanap sa ibang panahon ng taon ay hindi magtatagumpay. Walang saligan ang pamahiing ito, sapagkat maraming mag-asawa na maligaya at nagkakaisang naglilingkod kay Jehova ay hindi nagpakasal sa kinaugaliang panahon. Hindi tayo naniniwala sa mabuti o masamang kapalaran. (Isaias 65:11; Colosas 2:8) Hindi natin matutulungan ang di-nananampalatayang mga kamag-anak na makita ang pagkakaiba ng katotohanan sa kabulaanan kung itatakda natin ang petsa ng isang kasalan alinsunod sa kanilang mga pamahiin. Ang totoo, maaaring magpakasal ang mga Kristiyano sa anumang buwan.

Kapag isinaayos ang isang pahayag sa kasal pagkatapos ng kinakailangang seremonyang sibil, makabubuti na huwag paabutin ng maraming araw ang pagitan ng dalawang okasyon. Kung ibig ng mag-asawa na magkaroon ng isang pahayag sa kasal sa Kingdom Hall, dapat silang lumapit sa matatanda sa kongregasyon nang mas maaga upang hilinging magamit ang bulwagan. Titiyakin ng lokal na matatanda na ang mga kaayusan sa seremonya ay mag-iiwan sa kanila na may malinis na budhi. Dapat itakda ang oras upang hindi makasabay ng anumang gawain sa kongregasyon. Ang kapatid na pinili upang magbigay ng pahayag sa kasal ay patiunang makikipag-usap sa magkatipan upang magbigay ng nakatutulong na payo at makatiyak na walang moral o legal na hadlang sa pag-aasawa at na siya ay sang-ayon sa mga plano para sa anumang kasunod na sosyal na pagtitipon. Ang haba ng pahayag sa kasal ay dapat na mga kalahating oras at ipahahayag sa isang marangal na paraan, anupat idiniriin ang espirituwal na bahagi. Tiyak na mas mahalaga ang pahayag sa kasal kaysa sa anumang handaan na maaaring kasunod.

Isang magandang pagkakataon ang Kristiyanong kasalan upang ipakita na tayo ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14; Santiago 1:27) Dapat na kitang-kita ang ating pagiging maayos. Nangangahulugan ito na dapat na tayo’y nasa oras sa halip na papaghintayin ang mga tao, na malamang na makasagabal sa mga gawaing pangkongregasyon. Ito ay isang bagay na lalo nang dapat na matanto ng kasintahang babae, dahil baka himukin siya ng makasanlibutang mga kamag-anak na magpahuli​—na para bang nagtatampok ng kaniyang kahalagahan. Sa pagiging nasa oras ay maipakikita ng isang may-gulang na kapatid na babaing Kristiyano na ang mga espirituwal na katangian, tulad ng pagpapakumbaba at pagkamakonsiderasyon, ay mahalaga sa kaniya! Gayundin, kapag nag-anyaya ng potograpo upang kunan ng mga larawan ang okasyon, mahalaga na maging maayos. Makabubuti na hilingin sa potograpo na magsuot ng amerikana, kurbata, at pormal na pantalon at na huwag siyang makasagabal sa pahayag kapag kumukuha siya ng mga larawan. Hindi dapat kumuha ng mga larawan sa panahon ng panalangin. Magpaparangal kay Jehova at magbibigay ng mainam na patotoo ang ating pagiging maayos. Hindi kailangang sumunod sa kaugalian sa lipunan na maglalayo ng pansin sa tunay na kahulugan ng okasyon.

Hindi kahilingan ang isang handaan para sa matagumpay na kasalan, ngunit walang maka-Kasulatang pagtutol sa gayong masayang okasyon. Gayunpaman, ang gayong pagtitipon para sa mga tunay na Kristiyano ay dapat na maging naiiba sa mga makasanlibutang handaan na kakikitaan ng pagkamaluho, paglalasingan, labis na pagkain, magulong musika, mahalay na pagsasayaw, at maging ng mga away. Inuuri ng Bibliya ang “maiingay na pagsasaya” sa mga gawa ng laman. (Galacia 5:21) Mas madali ang pangangasiwa kapag iyon ay hindi isang napakalaking pagtitipon. Hindi kailangang magtayo ng isang tolda upang masunod ang popular na mga kaugalian. Kung magpasiya ang ilan na gumamit ng tolda dahil sa espasyo o klima, ito ay isang personal na bagay.

Ipinakikita ng karanasan na ang paggamit ng espesipikong nasusulat na mga imbitasyon ay isang mabuting paraan upang malimitahan ang bilang ng mga panauhin. Mas matalino na anyayahan ang mga indibiduwal sa halip na buong mga kongregasyon, at bilang maayos na mga Kristiyano, dapat nating igalang ang gayong limitasyon. Nakatutulong din sa atin ang nasusulat na mga imbitasyon upang maiwasan ang kahihiyan ng pagdalo ng isang tiwalag sa handaan, sapagkat kung mangyari ito, baka mabutihin ng maraming kapatid na umalis na lamang. (1 Corinto 5:9-11) Kung mag-anyaya ang mag-asawa ng di-nananampalatayang mga kamag-anak o kakilala, tiyak na limitado lamang ang bilang ng mga ito, anupat higit na pinahahalagahan yaong “mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Minabuti ng ilan na anyayahan ang makasanlibutang mga kakilala o di-nananampalatayang mga kamag-anak sa pahayag sa kasal sa halip na sa handaan. Bakit? Buweno, nagkaroon ng mga kaso na kung saan lumikha ng nakahihiyang situwasyon sa handaan sa kasal ang di-nananampalatayang mga kamag-anak anupat nadama ng maraming kapatid na hindi na sila makapananatili pa. Isinaayos ng ilang mag-asawa na magkaroon lamang ng isang maliit na salu-salo kasama ng malalapit na miyembro ng pamilya at mga kaibigang Kristiyano.

Alinsunod sa Juan 2:8, 9, praktikal na pumili ng isang “tagapangasiwa ng piging.” Nanaisin ng kasintahang lalaki na pumili ng isang pinagkakatiwalaang Kristiyano na titiyak na mapananatili ang kaayusan at mataas na mga pamantayan. Kung magdala ng regalo ang mga kaibigan, ito ay dapat gawin nang walang “pagpaparangya.” (1 Juan 2:16) Maaaring maging kasiya-siya ang musika na hindi nagtataglay ng kahina-hinalang liriko, labis na ingay, o magulong ritmo. Nasumpungan ng marami na pinakamainam na pakinggan nang patiuna ng isang matanda ang musika na patutugtugin. Baka maging silo ang pagsasayaw, yamang maraming kinaugaliang sayaw ay halaw mula sa sayaw tungkol sa pag-aanak at nagtatampok ng di-wastong pagbibigay-hilig sa laman. Ang “oras para sa cake at champagne” ay kung minsan naging hudyat para sa makasanlibutang mga tao upang magwala. Sa katunayan, nagpasiya ang maraming mag-asawang Kristiyano na huwag magkaroon ng anumang alak sa mga handaan sa kasalan, sa gayon ay makaiiwas sa mga suliranin.

Yamang ibig nating parangalan si Jehova, iiwasan natin ang pagpaparangya upang tumawag ng labis na pansin sa ating sarili. Kahit ang sekular na mga publikasyon ay bumatikos sa popular na hilig na maging marangya. Isa ngang di-katalinuhan na mabaon sa utang ang isang mag-asawa dahil sa isang marangyang kasalan at pagkatapos ay maghikahos sa loob ng maraming taon upang mabayaran ang mga gastos para sa isang araw na iyon! Mangyari pa, ang anumang damit na isusuot sa okasyong iyon ay dapat na may kahinhinan at mabuti ang pagkakaayos, anupat naaangkop sa isang taong nag-aangking nagpipitagan sa Diyos. (1 Timoteo 2:9, 10) Ang artikulong “Dapat Mabanaag ang Pagkamakatuwiran sa mga Kristiyanong Kasalan” (The Watchtower ng Enero 15, 1969) ay nagbigay ng ganitong nakawiwiling komento tungkol sa kasuutan:

“Ang kasal ng isa ay isang natatanging okasyon, kaya karaniwan nang binibigyang-pansin ang pagiging masaya at kaakit-akit ng hitsura. Subalit hindi ito nangangahulugan na ang isa ay kailangang magsuot ng isang uri ng trahe o terno. Makabubuti para sa isa na isaalang-alang ang lokal na mga istilo, gastos at personal na kagustuhan. . . . Subalit makatuwiran kaya na bumili ng isang napakamahal na damit na magiging isang napakalaking gastos para sa kanila o sa iba? . . . Nasiyahan ang ilang kasintahang babae na gamitin ang trahe ng isang malapit na kaibigan o kamag-anak. Ang iba ay lubhang nasiyahan sa paggawa ng kanilang sariling damit pangkasal, anupat posible na sa ganitong paraan ay magkaroon ng isang damit na magagamit sa ibang okasyon sa hinaharap. At totoong angkop para sa mag-asawa na magpakasal na ang suot ay ang kanilang pinakamagandang regular na kasuutan . . . Ang iba na nasa kalagayang magkaroon ng marangyang kasalan ay maaaring personal na magnais na magkaroon ng ‘simpleng kasalan’ dahil sa pagiging maselan ng panahon.”

Gayundin naman, ang mga abay sa kasal (mga kaibigan ng kasintahang lalaki at mga babaing kasama ng kasintahang babae) ay hindi naman kailangang maging marami. Sila rin naman ay hindi magnanais na makatawag ng labis na pansin sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang damit at pagkilos. Bagaman ang isang taong tiwalag ay maaaring payagan na dumalo sa pahayag sa Kingdom Hall, ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984: “Hindi angkop na gawing abay sa kasal ang mga tao na itiniwalag o na ang kahiya-hiyang istilo ng pamumuhay ay lubhang salungat sa mga simulain sa Bibliya.”

Bagaman dumalo si Jesus sa isang kasalan, hindi natin maiisip na sasang-ayunan niya ang popular na kaugalian na isang prusisyon ng mga kotse ang maingay na lilibot sa bayan; pinagmulta pa man din ng pulisya ang mga tsuper dahil sa pagbusina sa isang prusisyon sa kasalan. (Tingnan ang Mateo 22:21.) Bilang pinakabuod, sa halip na gayahin ang pagpaparangya o karaniwang gawain ng mga tao ng mga bansa, ipinamamalas ng mga Kristiyano ang karunungan na taglay ng isa na may-kahinhinan.​—Kawikaan 11:2.

Subalit kumusta naman ang tungkol sa pagdalo sa kasalan ng mga kapitbahay, makasanlibutang katrabaho, o malalayong kamag-anak at kakilala? Personal na magpapasiya ang bawat Kristiyano sa bagay na ito. Makabubuting tandaan na napakahalaga ng ating panahon, yamang kailangan natin ng panahon para sa ating ministeryo, personal na pag-aaral, at iba pang tunguhing pampamilya at pangkongregasyon. (Efeso 5:15, 16) Sa mga dulo ng sanlinggo, tayo ay may mga pulong at paglilingkod sa larangan na hindi natin nais na makaligtaan. (Hebreo 10:24, 25) Ang panahon ng maraming kasalan ay kasabay ng mga asamblea o mga pantanging paglilingkod may kaugnayan sa Hapunan ng Panginoon. Hindi natin dapat na hayaang mahadlangan tayo sa paggawa ng pantanging pagsisikap na ginagawa rin ng ating mga kapatid sa buong daigdig upang makadalo sa Hapunan ng Panginoon. Bago magkaroon ng kaalaman sa katotohanan, malaking panahon ang ginugol natin kasama ng makasanlibutang mga tao, marahil sa mga kalagayan na di-nagparangal sa Diyos. (1 Pedro 4:3, 4) Iba na ngayon ang mga bagay na inuuna natin. Laging posible na bumati sa isang makasanlibutang mag-asawa sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang kard o maikling pagdalaw sa ibang panahon. Ginamit ng ilan ang gayong mga okasyon upang magpatotoo, anupat ibinabahagi ang ilang kasulatan na angkop para sa mga bagong kasal.

Tunay na nagpaparangal kay Jehova ang isang kasalan na doo’y namamayani ang espirituwal na mga katangian sa halip na makasanlibutang mga pamamaraan. Sa pamamagitan ng pagtiyak na sila’y nananatiling hiwalay mula sa sanlibutan lakip ang mga pamahiin at pagmamalabis nito, sa hindi pagpapahintulot na makasagabal iyon sa regular na mga gawaing teokratiko, at sa pagpapamalas ng kahinhinan sa halip ng pagpaparangya, masisiyahan ang mga Kristiyano sa gayong okasyon. Isa pa, maaari nilang gunitain ang pangyayari taglay ang mabuting budhi at masasayang alaala. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng karunungan at pagkamakatuwiran, harinawang magbigay ng patotoo sa tapat-pusong mga tagapagmasid ang lahat ng ating Kristiyanong kasalan.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Hindi pikit-matang sinusunod ng mga Kristiyano ang lahat ng lokal na kaugalian sa kasalan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share