‘Kailangan Natin ng mga Taong Matapat’
BIHIRA na ang pagkamatapat sa daigdig ngayon. Gayunman, isa itong pangunahing kahilingan sa mga Kristiyano. Sumulat si Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ito ang ibig gawin ni Wilma, isang Saksi ni Jehova sa Faenza, Italya.
Inilahad ng pahayagang Il Resto del Carlino na noong makasumpong siya ng isang pitaka na may malaking halaga ng salapi sa labas ng isang supermarket sa kanilang lunsod, dinala niya iyon sa pulisya “nang walang pag-aatubili” upang maibalik ito sa may-ari.
Nang mabalitaan ito ng alkalde, agad siyang nagpadala ng maikling liham ng pasasalamat kay Wilma. “Sa ngalan ng Lunsod,” isinulat niya, “lubos kitang pinasasalamatan sa iyong mainam na ginawa. Kailangan ng ating marangal na lunsod ng Faenza ang mabuti at matapat na mga tao.”
Malaman man o hindi ang mabubuting gawa, tayo ay dapat na laging magsikap na maging matapat. Gaya ng payo ng Banal na Kasulatan, “sinisikap nating gawin ang tama hindi lamang sa paningin ng Diyos kundi gayundin sa paningin ng mga tao.”—2 Corinto 8:21, The Jerusalem Bible.