Walang Kapayapaan Para sa Huwad na mga Mensahero!
“Ang mga manggagawa ng masama ay puputulin . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:9, 11.
1. Bakit dapat nating asahan na makasusumpong tayo ng mga mensahero, kapuwa tunay at huwad, sa “panahon ng kawakasan”?
MGA MENSAHERO—huwad o tunay? Parehong umiral ang mga ito noong panahon ng Bibliya. Ngunit kumusta naman sa ating kaarawan? Sa Daniel 12:9, 10, ating mababasa na sinabi ng isang makalangit na mensahero sa propeta ng Diyos: “Ang mga salita ay inilihim at tinatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpapakalinis at magpapakaputi at magpapakadalisay. At ang mga balakyot ay tiyak na gagawa nang may kabalakyutan, at wala kahit isa sa mga balakyot ang makauunawa; ngunit silang may malalim na unawa ay makauunawa.” Nabubuhay tayo ngayon sa binanggit na “panahon ng kawakasan.” Nakikita ba natin ang malaking pagkakaiba ng “mga balakyot” at ng mga “may malalim na unawa”? Tunay na nakikita natin!
2. Paano natutupad sa ngayon ang Isaias 57:20, 21?
2 Sa Isa kabanata 57, mga talata 20 at 21, ating mababasa ang mga salita ng mensahero ng Diyos na si Isaias: “ ‘Ang mga balakyot ay parang maunos na dagat, kapag ito’y hindi mahupa, anupat ang mga tubig nito ay laging nag-aalimbukay ng damong-dagat at burak. Walang kapayapaan,’ sabi ng aking Diyos, ‘para sa mga balakyot.’ ” Anong pagkaangkop nga ng mga salitang ito sa sanlibutan ngayon habang papalapit ito sa ika-21 siglo! Nagtatanong pa nga ang iba, ‘Maaabot pa kaya natin ang siglong iyon?’ Ano ang masasabi sa atin ng mga mensaherong may malalim na unawa?
3. (a) Anong pagkakaiba ang ipinakita sa 1 Juan 5:19? (b) Paano inilarawan sa Apocalipsis kabanata 7 yaong mga “may malalim na unawa”?
3 Si apostol Juan ay may malalim na unawa na kinasihan ng Diyos. Sa 1 Juan 5:19, sinasabi: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Ibang-iba sa sanlibutang ito ang 144,000 espirituwal na mga Israelita, na ang matatanda nang nalabi nito ay kasama pa rin natin. Kasama ng mga ito sa ngayon ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na ngayon ay may bilang na mahigit na limang milyon, na nagtataglay rin ng malalim na unawa. “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” At bakit nga sila gagantimpalaan? Sapagkat “nilabhan [din] nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero” sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Bilang mga mensahero ng liwanag, sila rin naman ay “nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa [Diyos] araw at gabi.”—Apocalipsis 7:4, 9, 14, 15.
Diumano’y mga Mensahero ng Kapayapaan
4. (a) Bakit nakatakdang mabigo ang diumano’y mga mensahero ng kapayapaan sa sanlibutan ni Satanas? (b) Paano kumakapit sa ngayon ang Efeso 4:18, 19?
4 Subalit, kumusta naman ang diumano’y mga mensahero ng kapayapaan sa makasanlibutang sistema ni Satanas? Sa Isaias kabanata 33, talata 7, ating mababasa: “Narito! Ang kanilang mga bayani ay humihiyaw sa lansangan; buong-kapaitang tatangis ang mga mensahero ng kapayapaan.” Totoong-totoo ito sa mga nagkukumahog sa pagpaparoo’t parito sa mga kabisera ng daigdig, anupat nagsisikap na magdulot ng kapayapaan! Ito’y walang anumang saysay! Bakit? Sapagkat kanilang sinisikap na malunasan ang mga sintomas ng mga sakit ng sanlibutan sa halip na harapin ang ugat na mga sanhi nito. Una sa lahat, nabubulagan sila sa pag-iral ni Satanas, na inilalarawan ni apostol Pablo bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Naghasik si Satanas ng mga binhi ng kabalakyutan sa sangkatauhan, kung kaya ang karamihan, kabilang na ang maraming tagapamahala, ay angkop na inilalarawan ng ganito sa Efeso 4:18, 19: “Sila ay nasa kadiliman sa kaisipan, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na nasa kanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso. Palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng kawalang-kalinisan na may kasakiman.”
5. (a) Bakit nabibigo ang mga ahensiya ng tao bilang mga tagapamayapa? (b) Anong nakaaaliw na mensahe ang inihahatid ng Awit 37?
5 Walang ahensiya ng di-sakdal na mga tao ang makapag-aalis mula sa puso ng tao ng kasakiman, ng pag-iimbot, at ng pagkapoot na palasak sa ngayon. Tanging ang ating Maylalang, ang Soberanong Panginoong Jehova, ang makagagawa nito! Karagdagan pa, tanging ang maliit na bilang ng mga maaamo sa sangkatauhan ang handang magpasakop sa kaniyang patnubay. Ang mga resulta sa mga ito at sa mga balakyot ng sanlibutan ay pinaghahambing sa Awit 37:9-11: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay puputulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamana ng lupa. At di-gaanong magtatagal, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo mismo ay magmamana ng lupa, at makasusumpong nga ng walang kahulilip na kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”
6, 7. Anong rekord ng mga relihiyon sa sanlibutan ang nagpapakita na nabigo silang maging mga mensahero ng kapayapaan?
6 Kung gayon, mayroon bang masusumpungang mga mensahero ng kapayapaan sa mga relihiyon ng maysakit na sanlibutang ito? Buweno, kumusta ang rekord ng relihiyon hanggang sa ngayon? Ipinakikita ng kasaysayan na ang relihiyon ay nakilahok, oo, nagsulsol pa nga, sa marami sa pagbububo ng dugo sa nagdaang mga siglo. Halimbawa, ang Christian Century para sa sanlinggo ng Agosto 30, 1995, sa pag-uulat hinggil sa kaligaligan sa dating Yugoslavia, ay nagsabi: “Sa bahagi ng Bosnia na sakop ng mga Serbiano, ang mga pari ay nakaupo sa unang hanay ng sariling-gawang parlamento, at naroon din sila sa unang hanay ng pakikidigma, na doon ang mga sundalo at maging ang mga sandata ay binabasbasan bago makipagbaka.”
7 Ang isang siglo ng pagmimisyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika ay hindi rin nagdulot ng mas magandang resulta, gaya ng makikita nang husto sa Rwanda, isang lupain na sinasabing 80-porsiyentong Katoliko. Ang The New York Times ng Hulyo 7, 1995, ay nag-ulat: “Ang Golias, isang liberal, Katolikong magasin para sa lego na inilalathala sa Lyons [Pransiya], ay may planong ipakilala ang 27 pang mga paring taga-Rwanda at apat na madre na umano’y pumatay o nagsulsol sa mga pagpapatayan sa Rwanda noong isang taon.” Ang African Rights, isang organisasyon ng karapatang pantao sa London, ay nagkomento ng ganito: “Bukod pa sa pananahimik nito, dapat ding managot ang mga simbahan sa aktibong pakikilahok ng ilan sa mga pari, pastor at madre nito sa paglipol ng lahi.” Kahawig ito ng kalagayan sa Israel nang ilarawan ni Jeremias, ang tunay na mensahero ni Jehova, ang “kahihiyan” ng Israel, pati ng kaniyang mga pinuno, mga saserdote, at mga propeta, saka nagdagdag ng ganito: “Sa mga laylayan mo ay nakasumpong ng dugo ng mga kaluluwa ng mga dukhang walang sala.”—Jeremias 2:26, 34.
8. Bakit masasabi na si Jeremias ay isang mensahero ng kapayapaan?
8 Si Jeremias ay madalas tawagin na propeta ng kapahamakan, ngunit maaari din siyang tawagin na mensahero ng kapayapaan ng Diyos. Ang pagbanggit niya ng kapayapaan ay sindami ng kay Isaias na nauna sa kaniya. Ginamit ni Jehova si Jeremias upang maghayag ng kahatulan sa Jerusalem, na sinasabi: “Ang lunsod na ito, mula nang ito’y kanilang itayo, magpahanggang sa araw na ito, ay napatunayang walang iba kundi pampukaw ng aking galit at pampukaw ng aking poot, upang aking mailayo mula sa aking mukha, dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na ginawa nila upang pukawin ako sa galit, sila, at ng kanilang mga hari, ng kanilang mga prinsipe, ng kanilang mga saserdote at ng kanilang mga propeta, at ng mga tao sa Juda at ng mga naninirahan sa Jerusalem.” (Jeremias 32:31, 32) Lumalarawan ito sa kahatulan ni Jehova sa mga pinuno at klero ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Upang mamayani ang tunay na kapayapaan, ang mga manunulsol na ito ng kasamaan at karahasan ay dapat munang iligpit! Tiyak na hindi sila mga mensahero ng kapayapaan.
Ang UN Bilang Isang Tagapamayapa?
9. Paano nag-angkin ang UN bilang isang mensahero ng kapayapaan?
9 Hindi ba puwedeng maging tunay na mensahero ng kapayapaan ang Nagkakaisang mga Bansa? Tutal, ang paunang salita sa karta nito, na unang naiharap noong Hunyo 1945, 41 araw lamang bago wasakin ang Hiroshima ng bomba atomika, ay naglahad ng layunin nito: “iligtas ang kasunod na mga salinlahi mula sa salot ng digmaan.” Ang diumano’y dapat gawin ng 50 magiging miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa ay ang “pagsama-samahin ang [kanilang] lakas upang panatilihin ang pambuong-daigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Sa ngayon ang UN ay may 185 miyembrong bansa, na dapat sana’y pawang nakatalaga sa gayunding layunin.
10, 11. (a) Paano ipinahayag ng mga lider ng relihiyon ang kanilang suporta sa UN? (b) Paano maling ipinakilala ng mga papa “ang Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos”?
10 Sa paglipas ng mga taon, hayag na pinapupurihan ang UN, lalo na ng mga lider ng relihiyon. Noong Abril 11, 1963, nilagdaan ni Papa John XXIII ang kaniyang liham sa mga obispo na pinamagatang “Pacem in Terris” (Kapayapaan sa Lupa) na doon ay sinabi niya: “Taimtim naming hinahangad na ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa—sa kayarian at sa mga pamamaraan nito—ay magkaroon nawa ng kakayahan na harapin ang kadakilaan at karangalan ng mga pakay nito.” Pagkatapos nito, noong Hunyo 1965, ang mga lider ng relihiyon, na sinasabing kumakatawan sa kalahati ng populasyon ng daigdig, ay nagdiwang sa San Francisco ng ika-20 kaarawan ng UN. Noon ding 1965, si Papa Paul VI sa kaniyang pagdalaw sa UN ay naglarawan dito bilang “ang huling pag-asa ng kasunduan at kapayapaan.” Noong 1986, nakipagtulungan si Papa Paul II sa pagtataguyod sa Internasyonal na Taon ng Kapayapaan ng UN.
11 Muli, sa panahon ng kaniyang pagdalaw noong Oktubre 1995, sinabi ng papa: “Sa ngayon ay ating ipinagdiriwang ang Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos.” Ngunit siya na nga ba ang mensahero ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos? Tungkol sa mga suliranin ng daigdig, patuloy niyang sinabi: “Sa pagharap natin sa napakalaking mga hamon na ito, paanong hindi natin kikilalanin ang papel ng Organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa?” Ang UN, sa halip na ang Kaharian ng Diyos, ang siyang pinili ng papa.
Mga Dahilan sa ‘Pagtangis Nang Buong Kapaitan’
12, 13. (a) Paano kumilos ang UN sa paraan na inilarawan sa Jeremias 6:14? (b) Bakit kasali ang pamunuan ng UN sa paglalarawan sa Isaias 33:7?
12 Ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng UN ay nabigong magsiwalat ng anumang tunay na pag-asa para sa “kapayapaan sa lupa.” Ang isang dahilan ay ipinahiwatig ng isang manunulat sa The Toronto Star ng Canada, na sumulat: “Ang U.N. ay isang leong walang ngipin, na umuungal kapag napaharap sa kabagsikan ng tao, ngunit kailangang maghintay muna hanggang sa ikabit ng mga miyembro nito ang kaniyang mga pustiso bago ito makakagat.” Madalas na ang mga kagat nito ay mahina at huli na. Ang mga mensahero ng kapayapaan sa kasalukuyang sistema ng sanlibutan, at lalo na yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan, ay nagpapagunita sa mga salita ng Jeremias 6:14: “Sinisikap nilang pagalingin nang kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.”
13 Sunud-sunod na mga kalihim-panlahat ng UN ang nagpagal, at walang pagsalang taglay ang kataimtiman, upang gawing matagumpay ang UN. Ngunit ang parating pagtataltalan sa pagitan ng 185 miyembro nito na may iba’t ibang layunin kung paano masusugpo ang digmaan, magbabalangkas ng mga palakad, at kukuha ng pamumuhunan ay humadlang sa anumang pag-asang magtagumpay. Sa kaniyang taunang ulat para sa 1995, ang kalihim-panlahat noon ay sumulat tungkol sa paghupa ng “panganib ng pangglobong nuklear na pagkawasak” bilang pagbubukas ng daan upang “sama-samang gumawa ang mga bansa tungo sa pangkabuhayan at panlipunang pag-unlad ng buong sangkatauhan.” Subalit isinusog pa niya: “Nakalulungkot, ang rekord ng kalagayan sa daigdig sa nakalipas na ilang taon ay higit sa lahat nagpabulaan sa maniningning na pag-asang iyon.” Totoo nga, ang diumanong mga mensahero ng kapayapaan ay ‘buong-kapaitang tumatangis.’
14. (a) Bakit masasabi na ang UN ay bangkarote kapuwa sa pananalapi at sa moral? (b) Paano natutupad ang Jeremias 8:15?
14 Ang ulong-balita sa The Orange County Register ng California ay kababasahan ng ganito: “Ang U.N. Ay Bangkarote sa Pananalapi at sa Moral.” Sinabi ng artikulo na sa pagitan ng 1945 at 1990, nagkaroon ng mahigit na 80 digmaan, na pumuti ng mahigit sa 30 milyong buhay. Sinipi nito ang isang manunulat para sa Oktubre 1995 isyu ng Reader’s Digest na “nagsabi na ang mga operasyong militar ng U.N. ay kilala dahil sa ‘walang-kakayahang mga kumander, walang-disiplinang mga sundalo, pakikipagkasundo sa mga mananalakay, kabiguang maiwasan ang mga kalupitan at kung minsa’y nagdaragdag pa nga sa kilabot.’ Karagdagan pa, ‘ang lawak ng pag-aaksaya, pandaraya, at pag-aabuso ay di-masukat.’ ” Sa isang seksiyong pinamagatang “Ang U.N. sa Edad na 50,” ang The New York Times ay may ulong-balitang “Inaagnas ng Masamang Pangangasiwa at Pag-aaksaya ang Pinakamahuhusay na Mithiin ng U.N.” Ang The Times ng London, Inglatera, ay may ganitong uluhan sa isang artikulo, “Mahina sa edad na Limampu—Kailangan ng UN ang isang programa ng ehersisyo upang maibalik ang dating lakas.” Ang totoo, naging katulad ito ng ating mababasa sa Jeremias kabanata 8, talata 15: “Inaasahan ang kapayapaan, ngunit walang dumating na kabutihan; isang panahon ng kagalingan, ngunit, narito! hilakbot!” At ang banta ng isang nuklear na pagkawasak ay panganib pa rin sa sangkatauhan. Maliwanag, ang UN ay hindi ang mensahero ng kapayapaan na kailangan ng sangkatauhan.
15. Paano napatunayang kapuwa mapangwasak at nakawawala ng ulirat ang sinaunang Babilonya at ang relihiyosong supling nito?
15 Saan hahantong ang lahat ng ito? Napakaliwanag ang sagot ng makahulang Salita ni Jehova. Una sa lahat, ano ang naghihintay sa mga huwad na relihiyon ng daigdig na madalas na nagiging labis na palakaibigan sa UN? Ang mga ito ay supling ng isang idolatrosong pinanggalingan, ang sinaunang Babilonya. Angkop naman, ang mga ito ay inilalarawan sa Apocalipsis 17:5 bilang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” Inilarawan ni Jeremias ang pagkalipol ng mapagpaimbabaw na kalipunang ito. Tulad ng isang patutot, kanilang inakit ang mga pulitiko sa lupa, labis na pinapupurihan ang UN at gumagawa ng imoral na mga pakikipag-ugnayan sa mga miyembro nito na makapulitikang kapangyarihan. Ang mga ito’y naging pangunahing kalahok sa mga digmaan ng kasaysayan. Sinabi ng isang komentarista tungkol sa relihiyosong pakikipagdigma sa India: “Tinukoy ni Karl Marx ang relihiyon bilang opyo ng masa. Ngunit hindi talagang tama ang kasabihang iyon sapagkat ang opyo ay isang pampaantok, na naghehele sa mga tao upang mawalan ng ulirat. Hindi, mas tamang sabihin na ang relihiyon ay gaya ng crack cocaine. Nagbubunsod ito ng matinding karahasan at isang totoong mapangwasak na puwersa.” Subalit ang manunulat na iyon ay hindi rin lubusang tama. Ang huwad na relihiyon ay kapuwa nakawawala ng ulirat at mapangwasak.
16. Bakit dapat na tumakas ngayon ang tapat-pusong mga tao mula sa Babilonyang Dakila? (Tingnan din ang Apocalipsis 18:4, 5.)
16 Ano, kung gayon, ang dapat gawin ng tapat-pusong mga tao? Ang sagot ay ibinibigay sa atin ng mensahero ng Diyos na si Jeremias: “Tumakas ka mula sa gitna ng Babilonya, at iligtas ng bawat isa ang kaniyang kaluluwa. . . . Sapagkat ito’y panahon ng paghihiganti ni Jehova.” Maligaya tayo na milyun-milyon ang nakatakas na mula sa pagkakulong sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ikaw ba’y isa sa mga ito? Kung gayon ay mauunawaan mong mabuti kung ano ang naging epekto ng Babilonyang Dakila sa mga bansa sa lupa: “Mula sa kaniyang alak ay nakainom ang mga bansa. Kaya kumikilos nang may kahangalan ang mga bansa.”—Jeremias 51:6, 7.
17. Anong hatol ang malapit nang igawad sa Babilonyang Dakila, at ano ang kasunod ng pagkilos na ito?
17 Di na magtatagal, ang “may kahangalan” na mga miyembro ng UN ay mamaniobrahin ni Jehova upang bumaling laban sa huwad na relihiyon, na inilalarawan sa Apocalipsis 17:16: “Ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy.” Ito ang magiging hudyat ng pasimula ng malaking kapighatian na tinutukoy sa Mateo 24:21 at na aabot sa kasukdulan sa Armagedon, ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Tulad ng sinaunang Babilonya, ang Babilonyang Dakila ay tatanggap ng kahatulang ipinahayag sa Jeremias 51:13, 25: “ ‘O babae na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong pagpapatubo. Narito, ako’y laban sa iyo, O mapangwasak na bundok,’ ang sabi ni Jehova, ‘ikaw na mangwawasak ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo at pagugulungin kita mula sa malalaking bato at gagawin kitang isang sunóg na bundok.’ ” Ang tiwali, nagdidigmaang mga bansa ang siyang susunod na lilipulin pagkatapos ng huwad na relihiyon kapag sila’y inabutan din ng araw ng paghihiganti ni Jehova.
18. Kailan at paano pa matutupad ang Isaias 48:22?
18 Sa 1 Tesalonica 5:3, sinabi tungkol sa mga balakyot: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” Ang mga ito ang tinutukoy ni Isaias nang sabihin niya: “Narito! . . . Buong-kapaitang tatangis ang mga mensahero ng kapayapaan.” (Isaias 33:7) Ang totoo, tulad ng ating mababasa sa Isaias 48:22, “ ‘walang kapayapaan,’ sabi ni Jehova, ‘para sa mga balakyot.’ ” Ngunit anong kinabukasan ang naghihintay para sa tunay na mga mensahero ng maka-Diyos na kapayapaan? Tatalakayin ito ng ating susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Pagrerepaso
◻ Sa pamamagitan ng anong matitinding salita ibinunyag ng mga propeta ng Diyos ang huwad na mga mensahero?
◻ Bakit nabibigo ang mga ahensiya ng tao sa pagsisikap na pairalin ang namamalaging kapayapaan?
◻ Paano naiiba ang tunay na mga mensahero ng kapayapaan sa mga tagapagtaguyod ng UN?
◻ Ano ang dapat na gawin ng maaamo upang malugod sa ipinangakong kapayapaan ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 15]
Pawang inihula nina Isaias, Jeremias, at Daniel ang pagkabigo ng pagsisikap ng mga tao ukol sa kapayapaan
[Larawan sa pahina 16]
“Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—Apostol Juan
[Larawan sa pahina 17]
“Sila ay nasa kadiliman sa kaisipan.”—Apostol Pablo