Ipinahayag na Maligaya ang mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan
“Mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ang mapapasa ibabaw ng kanilang ulo.”—ISAIAS 35:10.
1. Ano ang kailangang-kailangan ng sanlibutan?
NGAYON higit kailanman, kailangan ng sangkatauhan ang isang mensahero ng mabuting balita. Kailangang-kailangan na may magsasabi ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, isang walang-takot na saksi na magbibigay-babala sa mga balakyot hinggil sa dumarating na pagkapuksa at tutulong sa tapat-pusong mga tao na makasumpong ng makadiyos na kapayapaan.
2, 3. Sa kaso ng Israel, paano tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na nakaulat sa Amos 3:7?
2 Noong kaarawan ng Israel, nangako si Jehova na maglalaan siya ng ganitong uri ng mga mensahero. Sa katapusan ng ikasiyam na siglo B.C.E., sinabi ni propeta Amos: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anupamang bagay malibang isiwalat niya ang kaniyang kompidensiyal na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” (Amos 3:7) Sa mga siglong kasunod ng kapahayagang ito, nagsagawa si Jehova ng maraming makapangyarihang mga gawa. Halimbawa, noong 607 B.C.E., kaniyang dinisiplina nang husto ang kaniyang piniling bayan sapagkat sila’y mapanghimagsik at nagkasala sa dugo. Pinarusahan din niya ang karatig na mga bansa na labis na natuwa dahil sa pagdurusa ng Israel. (Jeremias, kabanata 46-49) Pagkatapos, noong 539 B.C.E., pinapangyari ni Jehova ang pagbagsak ng kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya, at bunga nito, noong 537 B.C.E., isang nalabi ng Israel ang bumalik sa kanilang lupain upang muling itayo ang templo.—2 Cronica 36:22, 23.
3 Iyon ay mga pangyayaring yumanig sa lupa, at kasuwato ng mga salita ni Amos, ang mga ito ay patiunang isiniwalat ni Jehova sa mga propeta na nagsilbing mga mensahero, upang babalaan ang Israel hinggil sa mga bagay na darating. Noong kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., ibinangon niya si Isaias. Noong kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E., ibinangon niya si Jeremias. Pagkatapos, noong bandang katapusan ng siglo ring iyon, ibinangon niya si Ezekiel. Ang mga ito at ang iba pang tapat na mga propeta ay lubusang nagpatotoo tungkol sa mga layunin ni Jehova.
Pagkilala sa mga Mensahero ng Diyos Ngayon
4. Ano ang nagpapakita ng pangangailangan ng sangkatauhan para sa mga mensahero ng kapayapaan?
4 Kumusta naman sa ngayon? Marami sa sanlibutan ang lubhang nababagabag kapag kanilang pinagmamasdan ang unti-unting pagguho ng lipunan ng tao. Ang puso niyaong mga may pag-ibig sa katuwiran ay napipighati kapag nakikita nila ang pagpapaimbabaw at sukdulang kabalakyutan ng Sangkakristiyanuhan. Gaya ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel, sila’y “nagbubuntung-hininga at dumadaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa gitna nito.” (Ezekiel 9:4) Gayunman, hindi natatalos ng marami kung ano ang mga layunin ni Jehova. Kailangang may magsabi sa kanila.
5. Paano ipinakita ni Jesus na magkakaroon ng mga mensahero sa ating panahon?
5 Mayroon bang sinuman sa ngayon na nagsasalita taglay ang walang-takot na espiritu nina Isaias, Jeremias, at Ezekiel? Ipinahiwatig ni Jesus na mayroon. Nang inihula ang mga pangyayari sa ating kaarawan, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sino sa ngayon ang tumutupad sa hulang ito, anupat nagsisilbing mensahero, isang tagapangaral ng mabuting balita? Ang magkahawig na mga kalagayan sa ngayon at noong panahon ng sinaunang Israel ay tutulong sa atin na sagutin ang tanong na ito.
6. (a) Ilarawan ang mga karanasan ng “Israel ng Diyos” noong unang digmaang pandaigdig. (b) Paano natupad ang Ezekiel 11:17 sa sinaunang Israel?
6 Noong malagim na mga araw ng Digmaang Pandaigdig I, ang modernong-panahong bayan ni Jehova, ang nalabi ng pinahirang “Israel ng Diyos,” ay nabihag na kahawig ng pagkabihag ng Israel sa Babilonya. (Galacia 6:16) Dumanas sila ng espirituwal na pagkatapon sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na kalipunan ng mga huwad na relihiyon, na dito ang pinakaprominente at pinakamakasalanan ay ang Sangkakristiyanuhan. Gayunpaman, ang mga salita ni Jehova kay Ezekiel ay nagpakita na hindi sila lubusang pinabayaan. Sinabi niya: “Akin ding pipisanin kayo mula sa mga bayan at titipunin ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.” (Ezekiel 11:17) Upang tuparin ang pangakong iyan sa sinaunang Israel, ibinangon ni Jehova ang Persianong si Ciro, na nagpabagsak sa Pandaigdig na Kapangyarihang Babilonya at nagbukas ng daan upang ang nalabi ng Israel ay makabalik sa kanilang lupain. Ngunit kumusta naman sa ngayon?
7. Anong pangyayari noong 1919 ang nagpakita na si Jesus ay kumilos laban sa Babilonyang Dakila? Ipaliwanag.
7 Maaga sa siglong ito, nagkaroon ng matibay na ebidensiya na may Lalong Dakilang Ciro na kumikilos. Sino siya? Walang iba kundi si Jesu-Kristo, na nakaluklok na mula pa noong 1914 sa makalangit na Kaharian. Ang dakilang Haring ito ay nagpakita ng kabutihang-loob sa kaniyang pinahirang mga kapatid sa lupa noong taóng 1919, nang ang mga pinahirang Kristiyano ay palayain mula sa espirituwal na pagkabihag at pabalikin sa kanilang “lupain,” sa kanilang espirituwal na katayuan. (Isaias 66:8; Apocalipsis 18:4) Sa gayon ang Ezekiel 11:17 ay nagkaroon ng modernong-panahong katuparan. Ang pagbagsak ng Babilonya noong sinaunang panahon ay nagbukas ng daan upang makabalik ang mga Israelita sa kanilang lupain. Ang pagsasauli ng “Israel ng Diyos” sa makabagong panahon ay ebidensiya na ang Babilonyang Dakila ay nakaranas ng isang pagbagsak sa kamay ng Lalong Dakilang Ciro. Ang pagbagsak na ito ay ipinatalastas ng ikalawang anghel ng Apocalipsis kabanata 14, nang ito’y sumigaw: “Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siya na nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!” (Apocalipsis 14:8) Kaylaking pagbaligtad para sa Babilonyang Dakila, lalung-lalo na para sa Sangkakristiyanuhan! At kaylaking pagpapala naman para sa tunay na mga Kristiyano!
8. Paano inilalarawan ng aklat ng Ezekiel ang kaligayahan ng bayan ng Diyos pagkatapos na palayain sila noong 1919?
8 Sa Ezekiel 11:18-20, ating mababasa ang paglalarawan ng propeta sa kaligayahan ng bayan ng Diyos pagkatapos ng pagsasauli sa kanila. Ang unang katuparan ng kaniyang mga salita ay nagbunga ng paglilinis sa Israel noong kaarawan nina Ezra at Nehemias. Ang modernong-panahong katuparan ay may kahawig na bunga. Tingnan natin kung paano. Sinabi ni Jehova: “Sila’y tiyak na darating [sa kanilang lupain] at aalisin ang lahat ng karumal-dumal na bagay nito at ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay nito.” Gaya nga ng inihula, pasimula noong 1919, nilinis ni Jehova ang kaniyang bayan at binigyan sila ng panibagong sigla upang maglingkod sa kaniya. Sinimulan nilang alisin mula sa kanilang espirituwal na kapaligiran ang lahat ng maka-Babilonyang gawain at doktrina na nagparumi sa kanila sa kaniyang paningin.
9. Anong mahahalagang pagpapala ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan, pasimula noong 1919?
9 Pagkatapos, ayon sa talata 19, nagpapatuloy si Jehova sa pagsasabing: “At aking bibigyan sila ng isang puso, at ilalagay ko sa kanilang kalooban ang isang bagong espiritu; at akin ngang aalisin ang batong puso sa kanilang laman at bibigyan sila ng pusong laman.” Kasuwato ng mga salitang ito, noong 1919, pinagkaisa ni Jehova ang kaniyang pinahirang mga lingkod, anupat binigyan sila ng “isang puso,” wika nga, upang makapaglingkod sila sa kaniya nang “balikatan.” (Zefanias 3:9) Karagdagan pa, binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng banal na espiritu upang magpasigla sa kanila sa gawaing pagpapatotoo at upang magluwal sa kanila ng maiinam na bungang inilalarawan sa Galacia 5:22, 23. At sa halip na isang manhid, tulad-batong puso, binigyan sila ni Jehova ng isang malambot, madaling hutukin, at matalimahing puso, isang puso na tutugon sa kaniyang kalooban.
10. Bakit patuloy na pinagpala ni Jehova ang kaniyang isinauling bayan mula noong 1919?
10 Bakit niya ginawa ito? Si Jehova mismo ang nagpapaliwanag. Mababasa natin sa Ezekiel 11:20: “Upang sila’y makalakad sa aking sariling mga batas at makapag-ingat ng aking sariling panghukumang mga pasiya at aktuwal na isagawa ang mga iyon; at sila’y talagang magiging aking bayan at ako’y magiging kanilang Diyos.” Ang Israel ng Diyos ay natutong sumunod sa kautusan ni Jehova sa halip na sumunod sa kanilang sariling mga kuru-kuro. Natutuhan nilang gawin ang kalooban ng Diyos nang walang takot sa tao. Kaya naman, sila’y kitang-kitang naiiba sa mga nagpapanggap na Kristiyano ng Sangkakristiyanuhan. Sila ang bayan ni Jehova. Dahil dito, nakahanda si Jehova na gamitin sila bilang kaniyang mensahero, ang kaniyang “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
Ang Kaligayahan ng mga Mensahero ng Diyos
11. Paano inilalarawan ng aklat ng Isaias ang kaligayahan ng bayan ni Jehova?
11 Maguguniguni mo kaya ang kanilang kaligayahan nang mapagtanto nila ang pinagpalang kalagayan na kanilang tinatamasa? Bilang isang grupo, inulit nila ang mga salita ng Isaias 61:10: “Walang pagsalang magsasaya ako kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos.” Ang pangako ng Isaias 35:10 ay natupad sa kanila: “Mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ay mapapasa kanilang mga ulo. Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at ang pagbubuntung-hininga ay tiyak na tatanan.” Gayung-gayon ang kaligayahan ng mga mensahero ng makadiyos na kapayapaan ni Jehova noong 1919 habang sinisimulan nilang ipangaral ang mabuting balita sa buong sangkatauhan. Mula noon hanggang ngayon, hindi sila tumitigil sa pagsasagawa ng tungkuling ito, at ang kanilang kaligayahan ay lalong nag-iibayo. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga tagapamayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’ ” (Mateo 5:9, talababa sa Ingles) Ang katunayan ng kapahayagang ito ay naranasan ng nalabi ng pinahirang “mga anak ng Diyos” mula noong 1919 hanggang sa ngayon.
12, 13. (a) Sino ang nakisama sa Israel ng Diyos sa paglilingkod kay Jehova, at sa anong gawain sila naging abala? (b) Anong malaking kagalakan ang nararanasan ng mga pinahirang lingkod ni Jehova?
12 Sa paglipas ng mga taon, dumami ang bilang ng Israel ng Diyos hanggang noong dekada ng 1930 nang halos makumpleto na ang pagtitipon ng nalabi ng mga pinahiran. Tumigil na kaya noon ang pagdami ng mga tagapangaral ng mabuting balita? Hinding-hindi. Isang malaking pulutong ng mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ang nagsimulang lumitaw, at ang mga ito ay nakisama sa kanilang pinahirang mga kapatid sa gawaing pangangaral. Ang malaking pulutong na ito ay nakita ni apostol Juan sa pangitain, at kapansin-pansin ang paglalarawan niya sa kanila: “Sila [ay] nasa harap ng trono ng Diyos; at nag-uukol sila ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi.” (Apocalipsis 7:15) Oo, naging abala ang malaking pulutong sa paglilingkod sa Diyos. Bilang resulta, nang magsimulang umunti ang bilang ng mga pinahiran, pagkaraan ng 1935, ang gawaing pagpapatotoo ay ipinagpatuloy nang may ibayong sigla ng mga tapat na kasamahang ito.
13 Sa ganitong paraan ay natupad ang Isaias 60:3, 4: “Ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat. Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot at masdan! Silang lahat ay nangapipisan; sila’y pumaparoon sa iyo. Mula sa malayo ang iyong sariling mga anak na lalaki ay patuloy na dumarating, at ang iyong mga anak na babae na kakalungin.” Ang kaligayahang dulot ng mga pangyayaring ito sa Israel ng Diyos ay buong-kagandahang inilalarawan sa Isaias 60:5, na kababasahan natin ng ganito: “Sa panahong iyon ikaw ay makakakita at tunay na magiging maningning, at ang iyong puso ay titibok at lalaki, sapagkat sa iyo magtutungo ang kasaganaan ng dagat; ang mismong kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.”
Patuloy ang Pagsulong ng Organisasyon ni Jehova
14. (a) Anong pangitain ng makalangit na mga bagay ang nakita ni Ezekiel, at anong utos ang natanggap niya? (b) Ano ang natalos ng bayan ni Jehova sa modernong panahon, at anong obligasyon ang nadama nila?
14 Noong taóng 613 B.C.E., nakakita si Ezekiel ng isang pangitain ng sumusulong na makalangit, tulad-karuwaheng organisasyon ni Jehova. (Ezekiel 1:4-28) Pagkatapos, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Anak ng tao, yumaon ka, pumasok ka sa sambahayan ng Israel, at salitain mo ang aking mga salita sa kanila.” (Ezekiel 3:4) Sa taóng ito ng 1997, ating natatalos na ang makalangit na organisasyon ni Jehova ay patuloy pa sa di-mapipigilang pagsulong nito upang tuparin ang mga layunin ng Diyos. Dahil dito, nakadarama pa rin tayo ng obligasyon na ipahayag sa iba ang mga layuning ito. Noong kaniyang kaarawan, nagsalita si Ezekiel ng mga salitang tuwirang kinasihan ni Jehova. Sa ngayon, nagsasalita tayo ng mga salita mula sa kinasihang Salita ni Jehova, ang Bibliya. At anong inam ng mensahe ng aklat na ito para sa sangkatauhan! Samantalang marami ang nababahala tungkol sa kinabukasan, ipinakikita ng Bibliya na ang kalagayan ay mas malala pa—at kasabay nito, mas maganda pa—kaysa kanilang inaakala.
15. Bakit mas malala pa ang mga kalagayan kaysa sa inaakala ng marami sa ngayon?
15 Mas malala pa ang kalagayan sapagkat, gaya ng natutuhan natin sa mga naunang artikulo, ang Sangkakristiyanuhan at ang lahat ng iba pang huwad na relihiyon ay malapit nang lipulin, gaya ng lubusang paglipol sa Jerusalem noong 607 B.C.E. Hindi lamang iyon kundi ang buong pandaigdig na sistemang pulitikal, na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis bilang isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay, ay malapit nang lipulin, gaya ng nangyari sa maraming paganong karatig-bayan ng Jerusalem noon. (Apocalipsis 13:1, 2; 19:19-21) Noong kaarawan ni Ezekiel ay buong-linaw na inilarawan ni Jehova ang sindak na pinukaw ng nalalapit na pagpuksa sa Jerusalem. Subalit magiging higit na makahulugan ang kaniyang mga salita kapag natalos na ng mga tao ang napipintong pagpuksa sa sanlibutang ito. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Kung para sa iyo, O anak ng tao, magbuntung-hininga ka na may kasamang panginginig ng iyong mga balakang. May-kapaitang magbuntung-hininga ka sa harap ng kanilang mga mata. At mangyayari na, kung sabihin nila sa iyo, ‘Bakit ka nagbubuntung-hininga?’ ay sasabihin mo, ‘Dahil sa isang balita.’ Sapagkat ito’y tiyak na darating, at matutunaw ang bawat puso at lalaylay ang lahat ng kamay at manlulumo ang bawat espiritu at lahat ng tuhod ay tutulong parang tubig. ‘Narito! Tiyak na darating at dadalhin sa kaganapan,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” (Ezekiel 21:6, 7; Mateo 24:30) Kakila-kilabot na mga pangyayari ang napipinto na. Ang ating taimtim na pagkabahala sa ating kapuwa-tao ang nag-uudyok sa atin upang ibigay ang babala, upang ipahayag ang “balita” ng dumarating na poot ni Jehova.
16. Para sa maaamo, bakit mas maganda ang mga kalagayan kaysa sa inaakala ng marami?
16 Kasabay nito, para sa tapat-pusong mga tao ang kalagayan ay mas maganda pa kaysa inaakala ng karamihan. Sa anong diwa? Sa diwa na si Jesu-Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at namamahala na ngayon bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. (1 Timoteo 1:15; Apocalipsis 11:15) Ang waring imposibleng malutas na mga suliranin ng sangkatauhan ay malapit nang mapagtagumpayan sa pamamagitan ng makalangit na Kahariang iyon. Ang kamatayan, sakit, katiwalian, gutom, at krimen ay ibabaon na sa limot, at ang Kaharian ng Diyos ay mamamahala na walang mga kaaway sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 21:3, 4) Tatamasahin ng sangkatauhan ang makadiyos na kapayapaan—isang mapayapang kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa isa’t isa.—Awit 72:7.
17. Anong mga pagsulong ang nagdudulot ng kagalakan sa puso ng mga mensahero ng maka-Diyos na kapayapaan?
17 Sa ilang bahagi ng daigdig, kapansin-pansin na pulu-pulutong ng mga taong maamo ang tumutugon sa mensaheng ito ng makadiyos na kapayapaan. Upang banggitin ang ilang halimbawa, noong nakaraang taon ay nag-ulat ang Ukraine ng 17-porsiyentong pagsulong sa mga mamamahayag. Nag-ulat ang Mozambique ng 17-porsiyentong pagsulong, sa Lithuania ay 29-na-porsiyentong pagsulong. Ang Russia ay may 31-porsiyentong pagsulong, samantalang ang Albania ay nakaranas ng 52-porsiyentong pagsulong sa mga mamamahayag. Ang mga pagsulong na ito ay kumakatawan sa sampu-sampung libong tapat-pusong mga tao na nagnanais na magtamasa ng makadiyos na kapayapaan at naninindigan na sa panig ng katuwiran. Ang gayong mabilis na pagsulong ay nagdudulot ng kagalakan sa buong kapatirang Kristiyano.
18. Makinig man o hindi ang mga tao, ano ang magiging saloobin natin?
18 Tumutugon ba nang gayong kabilis ang mga tao sa inyong lugar? Kung gayon, nakikigalak kami sa inyo. Subalit sa ilang teritoryo, gumugugol ng napakaraming oras ng pagpapagal bago masumpungan ang kahit isang taong interesado. Yaon bang mga naglilingkod sa gayong teritoryo ay nanghihina o nasisiraan ng loob? Hindi. Natatandaan ng mga Saksi ni Jehova ang mga salita ng Diyos kay Ezekiel nang una Niyang atasan ang batang propeta na mangaral sa mga kababayan niyang Judio: “At tungkol sa kanila, sa dinggin man nila o sa itakwil man nila—sapagkat sila’y mapanghimagsik na sambahayan—tiyak na malalaman din nila na nagkaroon nga ng propeta sa gitna nila.” (Ezekiel 2:5) Tulad ni Ezekiel, patuloy nating sinasabi sa mga tao ang tungkol sa makadiyos na kapayapaan sa dinggin man nila o hindi. Kapag sila’y nakikinig, naliligayahan tayo. Kapag sila’y tumatanggi sa atin, kumukutya sa atin, umuusig pa man din sa atin, tayo’y nagtitiyaga. Iniibig natin si Jehova, at sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay . . . binabata ang lahat ng mga bagay.” (1 Corinto 13:4, 7) Dahil nangangaral tayo nang may pagbabata, alam ng mga tao kung sino ang mga Saksi ni Jehova. Alam nila ang ating mensahe. Kapag dumating na ang wakas, malalaman nila na nagsikap ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa kanila na magtamasa ng makadiyos na kapayapaan.
19. Bilang mga lingkod ng tunay na Diyos, anong dakilang pribilehiyo ang pinagyayaman natin?
19 Mayroon pa bang higit na dakilang pribilehiyo kaysa sa paglilingkod kay Jehova? Wala na! Ang ating pinakamalaking kaligayahan ay nagmumula sa ating kaugnayan sa Diyos at sa pagkaalam na ginagawa natin ang kaniyang kalooban. “Maligaya ang bayan na nakararanas ng masayang hiyawan. O Jehova, sila’y patuloy na lumalakad sa liwanag ng iyong mukha.” (Awit 89:15) Harinawang lagi nating pagyamanin ang kagalakan ng pagiging mga mensahero ng kapayapaan ng Diyos sa sangkatauhan. Harinawang buong-sikap nating gampanan ang ating bahagi sa gawaing ito hanggang sa sabihin ni Jehova na ito’y tapos na.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino ang mga mensahero ng kapayapaan ng Diyos sa ngayon?
◻ Paano natin nalalaman na dumanas ng pagbagsak ang Babilonyang Dakila noong 1919?
◻ Ano ang pangunahing pinagkakaabalahan ng “malaking pulutong”?
◻ Bakit mas malungkot ang kinabukasan kaysa sa inaakala ng karamihan ng mga tao sa ngayon?
◻ Para sa tapat-pusong mga tao, bakit magiging mas maganda ang kinabukasan kaysa sa inaakala nila?
[Mga larawan sa pahina 21]
Kapag nakikita nila ang unti-unting pagguho ng lipunan ng tao, marami ang lubhang nababagabag
[Mga larawan sa pahina 23]
Pinakamaliligayang tao ngayon sa lupa ang mga mensahero ng makadiyos na kapayapaan