Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 5/1 p. 24-29
  • Ang Diyos ang Aking Kanlungan at Lakas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Diyos ang Aking Kanlungan at Lakas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinalakas Para sa Hinaharap
  • Ang Sagot ng Kaaway​—Bilangguan
  • Sa Lichtenburg
  • Sa Ravensbrück
  • Mahihirap na Taon Pagkatapos ng Digmaan
  • Minsan Pang Ipinagbawal at Ibinilanggo
  • Lakas at Tulong Buhat Kay Jehova
  • Si Jehova Pa Rin ang Aking Kanlungan at Lakas
  • Pag-iingat ng Katapatan sa Alemanyang Nazi
    Gumising!—1993
  • Sa Tulong ni Jehova, Nakayanan Namin ang Pahirap ng mga Totalitaryong Rehimen
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Anong Laking Kagalakan ang Maupo sa Hapag ni Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Matiyagang Naghihintay kay Jehova Mula pa sa Aking Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 5/1 p. 24-29

Ang Diyos ang Aking Kanlungan at Lakas

AYON SA PAGKALAHAD NI CHARLOTTE MÜLLER

“Ang siyam na taóng nagugol mo sa ilalim ni Hitler ay kapuri-puri sa iyo,” ang sabi ng isang Komunistang hukom. “Ikaw ay talagang laban sa digmaan, subalit ngayon ay laban ka sa aming kapayapaan!”

TINUTUKOY niya ang pagbilanggo noon sa akin ng mga Nazi at sa sosyalismo sa German Democratic Republic. Sa simula ay hindi ako makapagsalita subalit pagkatapos ay sumagot ako: “Ang pakikipagpunyagi ng isang Kristiyano ukol sa kapayapaan ay hindi katulad ng paraan ng ibang tao. Sinisikap ko lamang na sundin ang utos ng Bibliya na ibigin ang Diyos at ang aking kapuwa. Tinutulungan ako ng Salita ng Diyos na mapanatili ang kapayapaan sa salita at sa gawa.”

Sa araw na iyon, Setyembre 4, 1951, hinatulan ako ng mga Komunista na mabilanggo nang walong taon​—kulang ng isang taon kaysa sa ginawa ng rehimeng Nazi.

Nang kaming mga Saksi ni Jehova ay pinag-uusig ng mga National Socialists at ng mga Komunista, nakasumpong ako ng kaaliwan sa Awit 46:1: “Ang Diyos ay ating kanlungan at lakas, handang saklolo sa panahon ng kabagabagan.” Tanging si Jehova ang nagbigay sa akin ng lakas upang makapagbata, at habang lalo kong dinidibdib ang kaniyang Salita, lalo akong lumalakas.

Pinalakas Para sa Hinaharap

Isinilang ako noong 1912 sa Gotha-Siebleben sa Thuringia, Alemanya. Bagaman Protestante ang aking mga magulang, hinahanap ng aking ama ang katotohanan sa Bibliya at ang isang matuwid na pamahalaan. Nang mapanood ng aking mga magulang ang “Photo-Drama of Creation,” sila ay natuwa.a Nasumpungan ni Itay ang kaniyang hinahanap​—ang Kaharian ng Diyos.

Sina Itay at Inay, pati na kaming anim na anak, ay tumiwalag sa simbahan noong Marso 2, 1923. Nanirahan kami sa Chemnitz sa Saxony, at doon ay nakisama kami sa mga Estudyante ng Bibliya. (Tatlo sa aking mga kapatid ang naging mga Saksi ni Jehova.)

Sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, nakaantig sa akin ang mga teksto sa Kasulatan at mahahalagang katotohanan, at pinuspos nito ng kaligayahan ang aking pusong nasa kabataan pa. Higit sa lahat ay may pagtuturo sa amin na mga Kristiyanong kabataan, mga 50 kami, tuwing Linggo, at na siyang pansamantala naming tinamasa ng aking kapatid na babaing si Käthe. Kabilang sa aming grupo ang kabataang si Konrad Franke, na nag-oorganisa ng pamamasyal at kasama naming nagsasanay sa pag-awit. Nang maglaon, mula noong 1955 hanggang 1969, si Brother Franke ay naglingkod bilang tagapangasiwa sa sangay ng Watch Tower sa Alemanya.

Ang dekada ng 1920 ay maligalig na mga taon, kung minsan maging sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang ilan, palibhasa’y hindi na tinatanggap Ang Bantayan bilang ang “pagkain sa tamang panahon,” ay laban sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. (Mateo 24:45) Umakay ito sa apostasya. Subalit ang mismong “pagkain” na ito ang nagbigay sa amin ng lakas na lubhang kailangan namin nang panahong iyon. Halimbawa, nariyan ang mga artikulo sa Bantayan na “Pinagpala ang mga Walang-Takot” (1919) at “Sino ang Magpaparangal kay Jehova?” (1926) Nais kong parangalan si Jehova sa pamamagitan ng may lakas ng loob na paggawa, kaya namahagi ako ng maraming aklat at buklet ni Brother Rutherford.

Noong Marso 1933, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova. Sa taon ding iyon, ipinagbawal ang aming gawaing pag-eebanghelyo sa Alemanya. Sa bautismo, ibinigay ang Apocalipsis 2:10 bilang payo para sa hinaharap: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay lubos na mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon kayo ng kapighatiang sampung araw. Patunayan mong tapat ang iyong sarili maging hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay.” Pinag-isipan kong mabuti ang talatang ito, palibhasa’y tiyak kong mahihirap na pagsubok ang naghihintay sa akin. Ito ay napatunayang totoo.

Dahil sa kami ay nanatiling neutral sa pulitika, pinaghinalaan kami ng ilan sa aming mga kapitbahay. Pagkatapos ng isang eleksiyon sa pulitika, isang sinugong pangkat ng mga nakaunipormeng sundalong Nazi ang nagsisigaw sa harapan ng aming bahay, “Traidor ang mga nakatira rito!” Ang artikulong “Huwag Silang Katakutan,” na lumabas sa edisyong Aleman ng Ang Bantayan noong Disyembre 1933, ay totoong nakapagpalakas ng loob sa akin. Nais kong manatiling isang tapat na Saksi ni Jehova kahit sa ilalim ng pinakamahigpit na kalagayan.

Ang Sagot ng Kaaway​—Bilangguan

Maaaring palihim na gumawa ng mga kopya ng Ang Bantayan sa Chemnitz hanggang noong taglagas nang 1935. Pagkatapos noon ang makinang ginagamit sa pagkopya ay kinailangang dalhin sa Beierfeld sa Ore Mountains, kung saan ito ay ginamit upang kumopya ng literatura hanggang noong Agosto 1936. Kami ni Käthe ay namahagi ng mga kopya sa mga kapatid na ang direksiyon ay ibinigay sa amin ni Itay. Maayos na naisagawa ang lahat sa loob ng ilang panahon. Ngunit pagkatapos ay minanmanan ako ng Gestapo, at noong Agosto 1936 ay inaresto nila ako sa aking tahanan at ibinilanggo, na doo’y naghintay ako ng paglilitis.

Noong Pebrero 1937, 25 kapatid na lalaki at 2 kapatid na babae​—kabilang na ako​—ang humarap sa isang pantanging hukuman sa Saxony. Sinasabi na ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay subersibo. Yaong mga kapatid na kumopya ng Ang Bantayan ay nahatulan ng limang taon sa bilangguan. Ako ay nahatulan ng dalawang taon.

Sa halip na palayain pagkatapos kong makumpleto ang sentensiya sa akin, ako ay dinampot ng mga Gestapo. Pinalalagda ako sa isang deklarasyon na nagsasaad na hindi na ako magiging aktibo bilang isang Saksi ni Jehova. Matatag akong tumanggi, na siya namang ikinagalit ng opisyal, anupat biglang tumayo, at naglabas ng mandamyento upang ako ay mabilanggo. Ipinakikita sa larawan ang mandamyento. Ako ay dali-daling dinala sa isang maliit na kampong piitan para sa mga babae sa Lichtenburg sa ilog Elbe nang hindi man lamang pinahintulutang makita ang aking mga magulang. Di-nagtagal pagkatapos noon ay nagkita kami ni Käthe. Siya ay nasa kampong piitan sa Moringen sapol noong Disyembre 1936, subalit nang ang kampong piitang iyon ay isara, siya, kasama ang maraming iba pang kapatid na babae, ay napunta sa Lichtenburg. Nakapiit din ang aking ama, at nagkita na lamang kami noong 1945.

Sa Lichtenburg

Hindi ako agad pinahintulutang makisama sa ibang babaing Saksi, yamang sila ay pinarurusahan sa ilang kadahilanan. Sa isa sa mga bulwagan, napansin ko ang dalawang grupo ng mga bilanggo​—mga babae na karaniwang umuupo sa hapag-kainan at ang mga Saksi na kinailangang maupo nang maghapon sa mga bangkito at hindi binibigyan ng anumang pagkain.b

Agad kong tinatanggap ang anumang atas na trabaho, sa pag-asang sa paano man ay makatagpo ko si Käthe. At gayon nga ang nangyari. Siya ay patungo sa kaniyang trabaho kasama ng dalawang iba pang bilanggo nang magkita kami. Palibhasa’y tuwang-tuwa, niyakap ko siya nang mahigpit. Subalit agad kaming isinumbong ng babaing guwardiya. Kami ay pinagtatanong, at mula noon, sinadya kaming paghiwalayin. Iyon ay napakahirap.

Dalawa pang pangyayari sa Lichtenburg ang naikintal sa aking alaala. Minsan ay kinailangang magtipon ang lahat ng bilanggo sa looban upang makinig sa isa sa mga pulitikal na talumpati ni Hitler sa radyo. Tumanggi kaming mga Saksi ni Jehova, yamang kasangkot ang mga seremonyang makabayan. Kaya itinuon sa amin ng mga guwardiya ang mga hose na pamatay-sunog, anupat binugahan kami ng malakas na bulwak ng tubig buhat sa boka-insendiyo at hinabol kaming mga walang kalaban-labang babae mula sa ikaapat na palapag pababa tungo sa looban. Doon ay kinailangan kaming tumayo, samantalang basang-basa.

Sa isa pang pagkakataon ay inutusan ako, kasama sina Gertrud Oehme at Gertel Bürlen, na palamutian ng mga ilaw ang punong-tanggapan ng komandante, yamang malapit na ang araw ng kapanganakan ni Hitler. Tumanggi kami, palibhasa’y nakikilala ang mga taktika ni Satanas sa pagsisikap na sirain ang aming integridad sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso sa maliliit na bagay. Bilang parusa, kailangang gugulin ng bawat isa sa amin na mga kabataang kapatid na babae ang sumunod na tatlong sanlinggo nang nag-iisa sa isang maliit, madilim na selda. Subalit nanatiling malapit sa amin si Jehova at, maging sa gayong nakapangingilabot na lugar, pinatunayan ang kaniyang sarili na isang kanlungan.

Sa Ravensbrück

Noong Mayo 1939 ang mga bilanggo sa Lichtenburg ay inilipat sa kampong piitan sa Ravensbrück. Doon ay inatasan ako sa labanderiya, kasama ng ibang kapatid na babaing Saksi. Di-nagtagal matapos sumiklab ang digmaan, ipinatitipon sa amin ang mga bandilang swastika, na tinanggihan naman naming gawin. Bunga nito, dalawa sa amin, kami ni Mielchen Ernst, ay dinala sa dakong parusahan. Iyon ang isa sa pinakamalupit na uri ng parusa at nangahulugan na kailangan kaming magtrabaho nang husto araw-araw, kahit Linggo, anuman ang panahon. Karaniwan, ang pinakamatagal na sentensiya ay tatlong buwan, subalit kami ay nanatili roon nang isang taon. Kung wala ang tulong ni Jehova, hindi ako kailanman nakaligtas.

Noong 1942, waring lumuwag ang mga kalagayan para sa amin na mga bilanggo, at ako ay naatasan na magtrabaho bilang tagapaglinis ng bahay para sa isang pamilya ng SS na hindi kalayuan sa kampo. Ang pamilya ay nagbigay sa akin ng isang antas ng kalayaan. Halimbawa, minsan nang ipinapasyal ko ang mga bata, nakilala ko sina Josef Rehwald at Gottfried Mehlhorn, dalawang bilanggo na may mga lilang trianggulo, na nakipagpalitan sa akin ng nakapagpapatibay-loob na mga salita.c

Mahihirap na Taon Pagkatapos ng Digmaan

Nang ang mga sundalong magkakaanib ay umabante noong 1945, ang pamilya na pinagtatrabahuhan ko ay tumakas, at kinailangang samahan ko sila. Kasama ng ibang pamilyang SS, bumuo sila ng isang malaking komboy na naglakbay pakanluran.

Ang huling natitirang mga araw ng digmaan ay magulo at lipos ng panganib. Sa wakas, natagpuan namin ang ilang sundalong Amerikano na nagpahintulot sa akin na magparehistro sa kasunod na bayan bilang isang malayang tao. Sino ang nakita ko roon? Sina Josef Rehwald at Gottfried Mehlhorn. Nabalitaan nila na ang lahat ng Saksi buhat sa kampong piitan sa Sachsenhausen ay nakarating sa Schwerin matapos ang mapanganib na death march. Kaya kaming tatlo ay naglakbay patungo sa bayang iyon, na mga 75 kilometro ang layo. Anong laking kagalakan na makausap ang lahat ng tapat na mga kapatid na iyon sa Schwerin, mga nakaligtas sa mga kampong piitan, kabilang na si Konrad Franke.

Pagsapit ng Disyembre 1945 ang kalagayan sa bansa ay bumuti hanggang sa punto na nakapaglakbay ako sakay ng tren. Kaya ako ay pauwi na! Gayunman, kasali sa paglalakbay ang panahong ginugol na nakahiga sa bubong ng bagon ng tren at nakatayo sa estribo. Sa Chemnitz, naglakbay ako mula sa istasyon ng tren patungo sa lugar na tinirahan namin bilang isang pamilya. Subalit sa kalye na tinayuan noon ng mga sundalong Nazi at sumigaw ng, “Traidor ang mga nakatira rito!” ay walang isa mang bahay ang natira. Ang buong dakong tinitirahan ay lubusang winasak ng bomba. Subalit laking ginhawa ko nang masumpungan kong buhay sina Inay, Itay, Käthe, at ang aking mga kapatid.

Ang kalagayan ng ekonomiya noong matapos ang digmaan sa Alemanya ay napakahirap. Gayunpaman, nagsimulang lumago ang mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong Alemanya. Ginawa ng Samahang Watch Tower ang lahat sa pagsisikap na sangkapan kami para sa gawaing pangangaral. Ang gawain sa Bethel sa Magdeburg, na ipinasara ng mga Nazi, ay muling binuksan. Noong tagsibol ng 1946, inanyayahan akong magtrabaho roon at inatasan sa kusina.

Minsan Pang Ipinagbawal at Ibinilanggo

Ang Magdeburg ay nasa bahagi ng Alemanya na napailalim sa pamamahala ng mga Komunista. Ipinagbawal nila ang aming gawain noong Agosto 31, 1950, at ipinasara ang Bethel sa Magdeburg. Sa gayon ay natapos ang aking paglilingkod sa Bethel, na isang panahon ng mahalagang pagsasanay. Nagbalik ako sa Chemnitz, na determinado sa kabila ng pananakop ng mga Komunista na manghawakang mahigpit sa katotohanan at ihayag ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa naliligalig na sangkatauhan.

Noong Abril 1951, naglakbay ako patungong Berlin kasama ng isang kapatid upang kumuha ng mga kopya ng Ang Bantayan. Nang kami ay bumalik, nanghilakbot kami nang masumpungan na ang istasyon ng tren sa Chemnitz ay napaliligiran ng mga sibilyang pulis. Tiyak na hinihintay nila kami, at kami ay agad na inaresto.

Pagdating sa piitan para sa mga lilitisin, dala-dala ko ang mga dokumento na nagpapatotoo na ako ay ibinilanggo ng ilang taon ng mga Nazi. Dahil dito, iginalang ako ng mga guwardiya. Isa sa mga pinuno ng mga guwardiyang babae ay nagsabi: “Kayong mga Saksi ni Jehova ay hindi mga kriminal; hindi kayo nararapat sa bilangguan.”

Minsan ay dumalaw siya sa aking selda, na doo’y kasama ko ang dalawang iba pang kapatid na babae, at palihim na naglagay ng isang bagay sa ilalim ng isa sa mga higaan. Ano iyon? Ang kaniyang sariling Bibliya, na ibinigay niya sa amin. Sa isa pang pagkakataon, dinalaw niya ang aming mga magulang sa tahanan, yamang naninirahan sila nang di-kalayuan sa bilangguan. Kumuha siya ng mga kopya ng Ang Bantayan at kaunting pagkain, personal na itinago ang mga ito, at palihim na ipinasok ang lahat sa aking selda.

May isa pa na nais kong gunitain. Paminsan-minsan kapag Linggo ng umaga, inaawit namin ang ating teokratikong mga awitin nang gayon na lamang kalakas anupat nasisiyahang pinapalakpakan ng ibang bilanggo ang bawat pag-awit.

Lakas at Tulong Buhat Kay Jehova

Sa panahon ng paglilitis sa hukuman noong Setyembre 4, 1951, sinabi ng hukom ang nasa pambungad ng artikulong ito. Ginugol ko ang aking sentensiya sa bilangguan sa Waldheim, pagkatapos ay sa Halle, at nang dakong huli ay sa Hoheneck. Ipakikita ng isa o dalawang maiikling pangyayari kung paanong ang Diyos ay naging kanlungan at lakas sa amin na mga Saksi ni Jehova at kung paano kami pinasigla ng kaniyang Salita.

Sa bilangguan sa Waldheim, regular na nagtitipon ang lahat ng babaing Saksi sa isang bulwagan, anupat nakapagdaraos kami ng mga pulong Kristiyano. Hindi pinahihintulutan ang lapis at papel, subalit ang ilang kapatid ay may ilang piraso ng tela at nakagawa ng isang maliit na estandarte na nagtataglay ng taunang teksto para sa 1953, iyon ay ang: “Sambahin si Jehova sa banal na kagayakan.”​—Awit 29:2, American Standard Version.

Natuklasan kami ng isa sa mga guwardiyang babae at agad kaming isinumbong. Dumating ang pinuno ng bilangguan at sinabihan ang dalawa sa aming kapatid na babae na itaas ang estandarte. “Sino ang gumawa nito?” ang tanong niya. “Ano ang kahulugan nito?”

Isa sa mga kapatid na babae ang nais magtapat at akuin ang pananagutan para sa amin, subalit agad kaming nagbulungan sa isa’t isa, anupat napagkasunduan na ang pananagutan ay dapat naming balikatin lahat. Kaya sumagot kami: “Ginawa namin ito upang patibayin ang aming pananampalataya.” Kinumpiska ang estandarte, at pinagkaitan kami ng pagkain bilang parusa. Subalit sa buong panahon ng pagtatanong, pinanatili itong nakataas ng mga kapatid na babae upang maikintal sa aming isip ang nakapagpapatibay-loob na kasulatan.

Nang isara ang bilangguan ng mga babae sa Waldheim, kaming magkakapatid ay inilipat sa Halle. Dito ay pinahintulutan kaming tumanggap ng mga pakete, at ano ang itinahi sa loob ng isang pares ng sandalyas na ipinadala sa akin ng aking ama? Mga artikulo sa Bantayan! Nagugunita ko pa yaong pinamagatang “Praktikal ang Tunay na Pag-ibig” at “Umaakay sa Pagkawala ng Buhay ang Pagsisinungaling.” Ang mga ito at ang iba pang artikulo ay tunay na mga pagkain, at nang palihim naming ipasa ang mga ito sa isa’t isa, bawat isa ay gumawa ng nota para sa kaniyang sarili.

Sa panahon ng pagsisiyasat, natagpuan ng isa sa mga guwardiya ang aking personal na mga nota na nakatago sa aking higaang dayami. Di-nagtagal, ipinatawag niya ako para tanungin at sinabi na talagang gusto niyang malaman ang kahulugan ng artikulong “Pag-asa para sa mga Natatakot kay Jehova sa 1955.” Siya, na isang komunista, ay labis na nabahala sa pagkamatay ng kanilang lider, si Stalin, noong 1953, at waring mapanglaw ang kinabukasan. Kung tungkol sa amin, ang kinabukasan ay magdudulot ng ilang kabutihan sa aming mga kalagayan sa bilangguan, subalit hindi ko pa alam ito. May pagtitiwala kong ipinaliwanag na ang pag-asa ng mga Saksi ni Jehova ang siyang pinakamabuti. Bakit? Binigkas ko ang pangunahing teksto sa kasulatan ng artikulo, ang Awit 112:7: “Hindi siya matatakot sa masasamang balita: ang kaniyang puso ay panatag, nagtitiwala kay Jehova.”​—AS.

Si Jehova Pa Rin ang Aking Kanlungan at Lakas

Pagkatapos magkasakit nang malubha, pinalaya ako sa bilangguan maaga nang dalawang taon, noong Marso 1957. Ginipit na naman ako ng mga opisyal ng Silangang Alemanya dahil sa aking mga gawain sa paglilingkod kay Jehova. Kaya, noong Mayo 6, 1957, sinamantala ko ang pagkakataon na makatakas sa Kanlurang Berlin, at mula roon ay nagtungo ako sa Kanlurang Alemanya.

Lumipas ang ilang taon bago nanumbalik ang aking pisikal na kalusugan. Subalit hanggang ngayon ay taglay ko pa rin ang isang masidhing espirituwal na gana at naghihintay sa bawat bagong kopya ng Ang Bantayan. Sinusuri ko ang aking sarili sa pana-panahon. Palaisip pa rin ba ako sa espirituwal? Nakapaglinang ba ako ng maiinam na katangian? Nagdudulot kaya ng kapurihan at karangalan kay Jehova ang subók na katangian ng aking pananampalataya? Tunguhin ko na paluguran ang Diyos sa lahat ng bagay, upang manatili siya bilang aking kanlungan at lakas magpakailanman.

[Mga talababa]

a Ang “Photo-Drama” ay binubuo ng mga slide at pelikula, simula noong 1914, at malawakang ipinalabas ng mga kinatawan ng Watch Tower Bible and Tract Society.

b Iniulat ng magasing Trost (Consolation), inilathala ng Watch Tower Society sa Bern, Switzerland, noong Mayo 1, 1940, pahina 10, na minsan ang mga babaing Saksi ni Jehova sa Lichtenburg ay hindi binigyan ng tanghalian sa loob ng 14 na araw dahil tumanggi silang magbigay parangal kapag pinatutugtog ang mga himnong Nazi. May 300 Saksi ni Jehova doon.

c Isang ulat tungkol kay Josef Rehwald ang lumabas sa Gumising! ng Pebrero 8, 1993, pahina 20-3.

[Larawan sa pahina 26]

Ang tanggapan ng SS sa Ravensbrück

[Credit Line]

Itaas: Stiftung Brandenburgische Gedenkstätten

[Larawan sa pahina 26]

Ang pases ko upang makapagtrabaho sa labas ng kampo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share