Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Maaari bang masabi na ang kamakailang napapanahong pagkaunawa sa salitang “salinlahi” sa Mateo 24:34 ay nagpapahiwatig ng ideya na ang katapusan ng sistema ng mga bagay ay maaaring sa malayong hinaharap pa?
Tiyak na hindi ganiyan ang nais ipahiwatig. Sa kabaligtaran, dapat na tumulong sa atin ang kamakailang niliwanag na pagkaunawang ito na manatiling naghihintay sa katapusan. Bakit natin nasabi ito?
Buweno, gaya ng ipinaliwanag ng Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1995, ikinapit ni Jesus ang pariralang “salinlahing ito” sa mga taong balakyot na kapanahon niya. (Mateo 11:7, 16-19; 12:39, 45; 17:14-17; Gawa 2:5, 6, 14, 40) Hindi ito tumutukoy, kung gayon, sa isang tiyak na haba ng panahon na nagsisimula sa isang takdang petsa.
Sa katunayan, ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyu ring iyan ng Ang Bantayan ay nagtuon ng pansin sa dalawang susing punto: “Ang isang salinlahi ng mga tao ay hindi maaaring malasin na isang yugto ng panahon na may takdang bilang ng mga taon” at, “Ang mga tao ng isang salinlahi ay nabubuhay sa isang katamtamang ikli ng panahon.”
Madalas nating ginagamit ang “salinlahi” sa ganitong paraan. Halimbawa, maaari nating sabihin, ‘Ang mga sundalo ng salinlahi ni Napoléon ay walang kabatiran tungkol sa mga eroplano at bomba atomika.’ Ang tinutukoy ba natin ay ang mga sundalo lamang na ipinanganak na kasabay ng taóng isinilang si Napoléon? Tinutukoy ba lamang natin yaong mga sundalong Pranses na namatay bago namatay si Napoléon? Maliwanag na hindi; ni sa gayong paggamit ng “salinlahi” ay sinisikap nating magtakda ng isang tiyak na bilang ng mga taon. Gayunman, maaaring tinutukoy natin ang isang katamtamang ikli ng panahon, hindi daan-daang taon mula sa panahon ni Napoléon hanggang sa hinaharap.
Kahawig nito ang ating pagkaunawa sa sinabi ni Jesus sa hulang sinalita niya sa Bundok ng mga Olibo. Ang katuparan ng iba’t ibang bahagi ng hulang iyon ay nagpapatotoo na ang katapusan ng sistemang ito ay malapit na. (Mateo 24:32, 33) Tandaan na ayon sa Apocalipsis 12:9, 10, nang itatag ang makalangit na Kaharian ng Diyos noong 1914, si Satanas ay inihagis sa kapaligiran ng lupa. Idinagdag ng Apocalipsis na si Satanas ngayon ay may malaking galit. Bakit? Dahil alam niya na “maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
Kaya angkop na Ang Bantayan ng Nobyembre 1 ay may subtitulong “Manatili Kayong Mapagbantay!” Ang kasunod na parapo ay angkop na nagsabi: “Hindi natin kailangang malaman ang eksaktong panahon ng mga pangyayari. Sa halip, tayo ay dapat nakatutok sa pagiging mapagbantay, na naglilinang ng matibay na pananampalataya, at nananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova—hindi sa pagtantiya ng isang petsa.” Pagkatapos ay sinipi nito ang mga salita ni Jesus: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon. Subalit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Manatili kayong mapagbantay.”—Marcos 13:33, 37.