Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 5/15 p. 3-4
  • Naniniwala Ka ba sa Reinkarnasyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naniniwala Ka ba sa Reinkarnasyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Reinkarnasyon ba ang Susi sa mga Hiwaga ng Buhay?
    Gumising!—1994
  • Reinkarnasyon
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Itinuturo Ba ng Bibliya ang Reinkarnasyon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Itinuturo ba ng Salita ng Diyos ang Reinkarnasyon?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 5/15 p. 3-4

Naniniwala Ka ba sa Reinkarnasyon?

“NATATANDAAN mo pa ba ’yung kapitbahay nating batang babae na gustung-gusto mo noong narito ka pa sa India?” ang sulat ni Mukundbhai sa kaniyang anak na lalaki, na isang estudyante sa pamantasan sa Estados Unidos. “Ilang linggo na lamang at ikakasal na siya. Naisip ko na dapat mong malaman.”

Bakit ibinalita ito ng ama sa kaniyang anak? Tutal, si Mukundbhai ang sapilitang tumapos sa pag-iibigang iyon ng mga tin-edyer maraming taon na ang nakalilipas. Isa pa, anim na taon nang nasa Estados Unidos ang anak na kumukuha ng mataas na edukasyon. Hindi na niya nakita pa ang babae sa loob nang panahong iyon, at alam ito ni Mukundbhai.

Kung gayon, bakit siya nag-aalala? Ito ay dahil sa naniniwala si Mukundbhai sa reinkarnasyon, o muling-pagsilang.a Kung nagkataong ang pagkaakit ng dalawang bata sa isa’t isa ay dahil sa kanilang pagiging magkapareha sa mga naunang buhay, isang kalupitan na papaghiwalayin sila ngayong nasa edad na sila para mag-asawa. Ibig lamang ni Mukundbhai na malaman ng kaniyang anak ang situwasyon bago mapangasawa ng ibang lalaki ang babaing iyon sa kasalukuyang buhay.

Isaalang-alang ang isa pang kaso. Isang apat-na-taóng-gulang na batang babae ang ilang beses na nag-agaw-buhay sa pagkakaospital sa Mumbai, India. Ang suliranin niya ay isang napinsalang balbula sa kaniyang puso. Hindi matiis ng kaniyang nakaririwasang mga magulang na makitang nagdurusa ang bata. Ngunit nangatuwiran sila: “Kailangan naming tanggapin ito. Tiyak na may nagawa siyang isang bagay sa kaniyang naunang buhay kung kaya dinaranas niya ito.”

Ang paniniwala sa reinkarnasyon ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa buhay ng milyun-milyon sa Hinduismo, Budhismo, Jainismo, Sikhismo, at iba pang relihiyon na nagmula sa India. Ang mga karanasan sa buhay​—mula sa pag-iibigan hanggang sa matinding pagdurusa​—ay itinuturing na bunga ng mga nagawa sa isang naunang buhay o mga buhay.

Nawiwili rin sa doktrina ng reinkarnasyon ang marami sa mga nasa lupaing Kanluranin. Ang Amerikanang aktres na si Shirley MacLaine ay nagpahayag na naniniwala rito. Sinabi naman ng manunulat na si Laurel Phelan ng Vancouver, British Columbia, Canada, na siya ay may mga alaala mula sa 50 nakaraang mga buhay. Sa isang surbey ng Gallup noong 1994 na isinagawa para sa CNN/USA Today, mahigit sa 270 ng 1,016 na may sapat na gulang ang nagpahayag ng paniniwala sa reinkarnasyon. Bahagi rin ng kilusang Bagong Panahon ang paniniwala sa reinkarnasyon. Subalit kumusta naman ang ebidensiya na sumusuporta sa paniniwalang ito?

“Mga alaala ng isang naunang buhay!” sabi ng mga naniniwala sa reinkarnasyon. Dahil dito, nang ang tatlong-taóng-gulang na si Ratana sa Bangkok ay magsimulang magkaroon ng “mga alaala ng kaniyang nakaraang buhay bilang isang babaing relihiyoso na namatay nang siya’y nasa mga taon ng 60,” tinanggap ng maraming tagapagmasid ang kaniyang kaso bilang isang matibay na patotoo ng reinkarnasyon.

Subalit palasak ang pag-aalinlangan. At posible ang iba pang paliwanag tungkol sa mga alaalang itinuturing na bahagi ng mga naunang buhay.b Sa kaniyang aklat na Hinduism: Its Meaning for the Liberation of the Spirit, sinabi ng pilosopong Hindu na si Nikhilananda na ‘ang mga karanasan pagkaraan ng kamatayan ay hindi mapatutunayan sa pamamagitan ng pangangatuwiran.’ Gayunma’y iginigiit niya na “ang doktrina ng muling-pagsilang ay mas malamang na mangyari kaysa sa hindi mangyari.”

Subalit sinusuhayan ba ng Bibliya ang turong ito? At anong pag-asa para sa mga namatay ang inihaharap ng kinasihang Salita ng Diyos?

[Mga talababa]

a Ang “reinkarnasyon,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, ay nangangahulugan ng “muling-pagsilang ng kaluluwa sa isa o higit pang sunud-sunod na pag-iral, na maaaring bilang isang tao, hayop, o, sa ilang pagkakataon, bilang gulay.” Ang salitang “muling-pagsilang” ay ginagamit din upang ilarawan ang kababalaghang ito, ngunit karaniwang tinatanggap ang salitang “reinkarnasyon.” Ang mga salitang ito ay pinagpapalit-palit ang paggamit sa ilang diksyunaryo sa mga wikang Indian.

b Tingnan ang pahina 5-7 ng Hunyo 8, 1994, isyu ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 4]

Pinarurusahan kaya siya dahil sa nagawang mga kasalanan sa isang naunang buhay?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share