Dapat Ka Bang Maniwala sa Reinkarnasyon?
INIUGNAY ng Griegong pilosopong si Plato ang pagkadama ng pag-ibig sa ideya ng reinkarnasyon. Naniniwala siya na pagkamatay ng katawan, ang kaluluwa, palibhasa’y imortal, ay lumilipat sa tinatawag na “dako ng mga dalisay na mga anyo.” Yamang walang katawan, nananatili ito roon nang ilang panahon, anupat pinagmamasdang mabuti ang mga anyo. Kapag sa bandang huli ay muling-isinilang ito sa ibang katawan, sa di-namamalayang paraan ay naaalaala at nananabik ang kaluluwa sa dako ng mga anyo. Ayon kay Plato, tinutubuan ng pag-ibig ang mga tao dahil sa nakikita nila sa kanilang minamahal ang huwarang anyo ng kagandahan na bahagya nilang naaalaala at hinahanap.
Pagkilala sa Pinagmulan at Saligan
Kailangan sa turo ng reinkarnasyon ang pagiging imortal ng kaluluwa. Kung gayon, ang pinagmulan ng reinkarnasyon ay tiyak na matatalunton sa mga bayan o bansa na may gayong paniniwala. Dahil dito, iniisip ng ilan na nagmula ito sa sinaunang Ehipto. Naniniwala naman ang iba na nagsimula ito sa sinaunang Babilonya. Upang tingalain ang relihiyon ng Babilonya, pinaunlad ng mga saserdote nito ang doktrina ng pagpapalipat-lipat ng kaluluwa. Sa gayo’y maaari nilang sabihin na ang kanilang relihiyosong mga bayani ay mga reinkarnasyon ng bantog, ngunit matagal nang patay, na mga ninuno.
Subalit sa India lubusang yumabong ang paniniwala sa reinkarnasyon. Ang mga pantas na Hindu ay nakikipagbuno noon sa laganap na mga suliranin ng kasamaan at pagdurusa ng mga tao. ‘Paano ito maitutugma sa ideya ng isang matuwid na Maylalang?’ ang tanong nila. Sinubukan nilang lutasin ang pagkakasalungatan sa pagitan ng katuwiran ng Diyos at ng di-inaasahang mga kalamidad at kawalang-katarungan sa daigdig. Nang maglaon, inimbento nila “ang batas ng karma,” ang batas ng sanhi at epekto—‘anuman ang ihasik ng tao, iyon ang kaniyang aanihin.’ Gumawa sila ng isang detalyadong ‘balansehang papel’ na sa pamamagitan nito ang mga kabutihan at mga kasalanan sa isang buhay ay ginagantimpalaan o pinarurusahan sa kasunod na buhay.
Ang “karma” ay nangangahulugan lamang ng “pagkilos.” Sinasabi na ang isang Hindu ay may mabuting karma kung sumusunod siya sa mga pamantayang panlipunan at panrelihiyon at may masamang karma naman kung hindi siya sumusunod. Ang kaniyang pagkilos, o karma, ang siyang nagtatakda ng kaniyang kinabukasan sa bawat sunud-sunod na muling-pagsilang. “Lahat ng tao ay isinilang na may plano ng katangian, na pangunahin nang inihanda ng kanilang mga pagkilos sa mga naunang buhay, bagaman ang kanilang pisikal na mga katangian ay tinitiyak ng pagmamana,” sabi ng pilosopong si Nikhilananda. “Ang isang tao [kung gayon] ang siyang arkitekto ng kaniyang sariling kapalaran, ang tagapagtayo ng kaniyang sariling tadhana.” Subalit ang sukdulang tunguhin ay ang makalaya mula sa siklong ito ng pagpapalipat-lipat at makaisa ng Brahman—ang sukdulang katotohanan. Pinaniniwalaan na ito ay natatamo sa pamamagitan ng pagsusumakit ukol sa paggawi na sinasang-ayunan ng lipunan at pantanging kaalamang Hindu.
Kaya naman ang ginagamit na saligan ng turo ng reinkarnasyon ay ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa at ibinabatay rito ang paggamit ng batas ng karma. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, tungkol sa mga ideyang ito.
Imortal ba ang Kaluluwa?
Upang masagot ang tanong na ito, bumaling tayo sa pinakamataas na awtoridad hinggil sa paksang ito—ang kinasihang Salita ng Maylalang. Sa unang aklat mismo ng Bibliya, ang Genesis, malalaman natin ang tumpak na kahulugan ng “kaluluwa.” Hinggil sa paglalang sa unang tao, si Adan, ganito ang sabi ng Bibliya: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Maliwanag, ang kaluluwa ay hindi ang taglay ng tao kundi kung ano siya. Ang Hebreong salita na ginamit dito para sa kaluluwa ay neʹphesh. Lumilitaw ito nang mga 700 ulit sa Bibliya, at hindi ito kailanman tumutukoy sa isang hiwalay at espirituwal na bahagi ng isang tao kundi laging tumutukoy sa isang bagay na nakikita at pisikal.—Job 6:7; Awit 35:13; 107:9; 119:28.
Ano ang nangyayari sa kaluluwa pagkamatay? Isaalang-alang ang nangyari kay Adan sa kaniyang kamatayan. Nang magkasala siya, sinabi ng Diyos sa kaniya: “[Mauuwi] ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Isipin kung ano ang kahulugan nito. Bago siya lalangin ng Diyos mula sa alabok, si Adan ay hindi umiiral. Pagkamatay niya, si Adan ay bumalik sa gayunding kalagayan ng di-pag-iral.
Sa madaling sabi, itinuturo ng Bibliya na ang kamatayan ang siyang kabaligtaran ng buhay. Sa Eclesiastes 9:5, 10, mababasa natin: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, na iyong pinaroroonan.”
Nangangahulugan ito na ang mga patay ay walang anumang nagagawa o nadarama. Wala na silang kaisipan, ni naaalaala pa man nila ang anumang bagay. Sinabi ng salmista: “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan. Ang kaniyang espiritu ay nawawala, bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan.”—Awit 146:3, 4.
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na sa kamatayan ay hindi lumilipat ang kaluluwa sa ibang katawan, kundi ito ay namamatay. “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay,” ang mariing sabi ng Bibliya. (Ezekiel 18:4, 20; Gawa 3:23; Apocalipsis 16:3) Sa gayon, ang doktrinang imortalidad ng kaluluwa—ang pinakapundasyon ng teoriya ng reinkarnasyon—ay walang anumang saligan sa Kasulatan. Kung wala ito, guguho ang teoriya. Paano, kung gayon, maipaliliwanag ang pagdurusa na nakikita natin sa sanlibutan?
Bakit Kaya Nagdurusa ang mga Tao?
Ang saligang dahilan ng pagdurusa ng tao ay ang di-kasakdalan na minana nating lahat mula sa makasalanang si Adan. “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” sabi ng Bibliya. (Roma 5:12) Palibhasa’y nagmula kay Adan, tayong lahat ay nagkakasakit, tumatanda, at namamatay.—Awit 41:1, 3; Filipos 2:25-27.
Karagdagan pa, ganito ang sinasabi ng di-mababagong moral na batas ng Maylalang: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siya na naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman.” (Galacia 6:7, 8) Samakatuwid, ang isang mahalay na istilo ng pamumuhay ay maaaring humantong sa emosyonal na kabagabagan, di-nararapat na pagdadalang-tao, at mga nakahahawang sakit sa sekso. “Isang nakagugulat na 30 porsiyento ng nakamamatay na mga kanser [sa Estados Unidos] ang pangunahin nang maisisisi sa paninigarilyo, at ang isang katumbas na bilang naman ay sa istilo ng pamumuhay, lalo na sa mga kaugalian sa pagkain at kawalan ng ehersisyo,” sabi ng magasing Scientific American. Ang ilang kasakunaan na nagdudulot ng pagdurusa ay bunga ng maling paggamit ng tao sa mga yaman ng lupa.—Ihambing ang Apocalipsis 11:18.
Oo, ang tao ang dapat sisihin sa malaking bahagi ng kaniyang pagdurusa. Subalit yamang di-imortal ang kaluluwa, ang batas na ‘inaani mo ang iyong inihasik’ ay hindi magagamit upang iugnay ang pagdurusa ng tao sa isang karma—mga gawa sa ipinagpapalagay na naunang buhay. “Siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan,” sabi ng Bibliya. (Roma 6:7, 23) Kaya ang bunga ng kasalanan ay hindi naililipat sa isang buhay pagkamatay.
Si Satanas na Diyablo rin ay nagdudulot ng labis na pagdurusa. Sa katunayan, ang sanlibutang ito ay sinusupil ni Satanas. (1 Juan 5:19) At gaya ng inihula ni Jesu-Kristo, ang Kaniyang mga alagad ay magiging ‘tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa kaniyang pangalan.’ (Mateo 10:22) Bunga nito, malimit na mas maraming suliranin ang napapaharap sa mga matuwid kaysa sa mga balakyot.
Sa sanlibutang ito ay nagaganap ang ilang pangyayari na ang mga sanhi ay hindi agad nalalaman. Maaaring matisod at matalo sa karera ang pinakamabilis na mananakbo. Maaaring magapi ng mas mahihinang puwersa ang isang makapangyarihang hukbo. Ang isang pantas na tao ay maaaring hindi makakuha ng magandang trabaho at sa gayo’y magutom. Ang mga taong may mahusay na kabatiran sa pangangasiwa ng negosyo ay maaaring, dahil sa mga kalagayan, hindi magamit ang kanilang kaalaman at sa gayo’y maghirap. Ang matatalinong tao ay maaaring kapootan niyaong mga may awtoridad at pagkaitan ng pabor. Bakit ganito? “Sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat,” ang sagot ng pantas na si Haring Solomon.—Eclesiastes 9:11.
Matagal nang dumaranas ng pagdurusa ang sangkatauhan bago pa man sinubukang ipaliwanag ng mga pantas na Hindu kung bakit mayroon nito. Ngunit mayroon kayang pag-asa para sa isang mas mabuting kinabukasan? At anong pangako ang taglay ng Bibliya para sa mga namatay?
Isang Mapayapang Kinabukasan
Nangako ang Maylalang na malapit na niyang wakasan ang kasalukuyang lipunan ng sanlibutan na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. (Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44) Pagkatapos ay isang matuwid na bagong lipunan ng tao—“isang bagong lupa”—ang iiral. (2 Pedro 3:13) Sa panahong iyon ay “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) Maging ang matinding sakit ng kamatayan ay mawawala na, sapagkat “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Tungkol sa mga maninirahan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, inihula ng salmista: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Bukod dito, ang maaamo ay “tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Si Mukundbhai, na binanggit sa naunang artikulo, ay natulog sa kamatayan nang hindi nakaalam ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos. Ngunit milyun-milyong namatay na hindi nakakilala sa Diyos ang may pag-asang magising sa gayong mapayapang bagong sanlibutan, sapagkat nangangako ang Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15; Lucas 23:43.
Ang salitang “pagkabuhay-muli” ay isinalin dito mula sa Griegong salita na a·naʹsta·sis, na sa literal ay nangangahulugang “isang pagtayong-muli.” Kaya sa pagkabuhay-muli ay nangangahulugang isasauli ang mismong pagkatao ng indibiduwal.
Walang-hanggan ang karunungan ng Maylalang ng langit at lupa. (Job 12:13) Hindi mahirap para sa kaniya na alalahanin ang mismong pagkatao ng mga namatay. (Ihambing ang Isaias 40:26.) Sagana rin sa pag-ibig ang Diyos na Jehova. (1 Juan 4:8) Kaya naman, maaari niyang gamitin ang kaniyang sakdal na alaala, hindi upang parusahan ang mga namatay dahil sa kanilang masamang nagawa, kundi upang buhayin silang muli sa isang paraisong lupa taglay ang personalidad nila bago sila namatay.
Para sa milyun-milyong katulad ni Mukundbhai, ang pagkabuhay-muli ay mangangahulugang makakapiling nilang muli ang kanilang mga minamahal. Ngunit gunigunihin ang magiging kahulugan nito para sa mga nabubuhay ngayon. Kuning halimbawa ang anak na lalaki ni Mukundbhai, na nakaalam ng kamangha-manghang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Anong laking kaaliwan para sa kaniya na mabatid na ang kaniyang ama ay hindi nakagapos sa isang halos walang-katapusang siklo ng muling-pagsilang, na bawat isa’y napalilibutan ng kabalakyutan at pagdurusa! Siya ay natutulog lamang sa kamatayan, anupat naghihintay ng pagkabuhay-muli. Tunay na nakapananabik para sa kaniya na dili-dilihin ang posibilidad na isang araw ay maibahagi sa kaniyang ama ang natutuhan niya mismo mula sa Bibliya!
Kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Ngayon na ang panahon upang matuto kung paanong ikaw, kasama ng milyun-milyong iba pa na gumagawa na ngayon ng kalooban ng Diyos, ay maaaring mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa.—Juan 17:3.
[Blurb sa pahina 7]
“Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11
[Kahon sa pahina 6]
Ang Personalidad ng Diyos at ang Batas ng Karma
“Ang batas ng Karma,” paliwanag ni Mohandas K. Gandhi, “ay di-mababago at imposibleng iwasan. Kaya talagang hindi kailangan na makialam ang Diyos. Itinakda niya ang batas at, wika nga, nagretiro na lamang.” Nasumpungan ni Gandhi na nakalilito ito.
Sa kabilang panig, isinisiwalat ng pangakong pagkabuhay-muli na ang Diyos ay may matinding interes sa kaniyang mga nilalang. Upang magawang buhaying-muli sa isang paraisong lupa ang isang namatay, kailangan ay nalalaman at naaalaala ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa personang ito. Talaga namang nagmamalasakit ang Diyos sa bawat isa sa atin.—1 Pedro 5:6, 7.
[Larawan sa pahina 5]
Ang gulong ng buhay ng Hindu
[Larawan sa pahina 8]
Itinuturo ng Salita ng Diyos ang pagkabuhay-muli