Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 5/15 p. 30-31
  • Epafras—“Isang Tapat na Ministro ng Kristo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Epafras—“Isang Tapat na Ministro ng Kristo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ebanghelisador sa Libis ng Lycus
  • Ang Ulat ni Epafras
  • Isang Taong Nagpahalaga Sa Panalangin
  • Epafras
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tulungan ang Iba na Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Tumayong Ganap na May Matibay na Pananalig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Aklat ng Bibliya Bilang 51—Mga Taga-Colosas
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 5/15 p. 30-31

Epafras​—​“Isang Tapat na Ministro ng Kristo”

SINO ang nagtatag ng mga kongregasyong Kristiyano sa Corinto, Efeso, at Filipos? Malamang na walang-pag-aatubiling sasagot ka: ‘Si Pablo, ang “apostol sa mga bansa.” ’ (Roma 11:13) Tama ka.

Ngunit sino naman ang nagtatag ng mga kongregasyon sa Colosas, Hierapolis, at Laodicea? Bagaman hindi tayo makatitiyak, maaaring iyon ay ang lalaking nagngangalang Epafras. Sa paano man, marahil ay nais mong makaalam pa ng higit tungkol sa ebanghelisador na ito, yamang siya ay tinawag na “isang tapat na ministro ng Kristo.”​—Colosas 1:7.

Ebanghelisador sa Libis ng Lycus

Ang pangalang Epafras ay isang pinaikling anyo ng Epafrodito. Ngunit si Epafras ay hindi dapat mapagkamalang si Epafrodito mula sa Filipos. Si Epafras ay taga-Colosas, isa sa tatlong sentro ng mga kongregasyong Kristiyano sa libis ng Ilog Lycus, na nasa Asia Minor. Ang Colosas ay 18 kilometro mula sa Laodicea at 19 na kilometro mula sa Hierapolis, sa sinaunang rehiyon ng Frigia.

Hindi tiyakang sinasabi ng Bibliya kung paano nakarating ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Frigia. Gayunman, naroroon sa Jerusalem ang mga taga-Frigia noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E., marahil yamang ang ilan sa kanila ay mula sa Colosas. (Gawa 2:1, 5, 10) Sa panahon ng ministeryo ni Pablo sa Efeso (mga 52-​55 C.E.), gayon na lamang katindi at kabisa ang pagpapatotoo sa lugar na iyon kung kaya hindi lamang ang mga taga-Efeso kundi gayundin “ang lahat niyaong nananahan sa distrito ng Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, kapuwa ang mga Judio at mga Griego.” (Gawa 19:10) Waring hindi naipangaral ni Pablo ang mabuting balita sa buong Libis ng Lycus, yamang hindi siya kailanman nakita ng marami sa mga naging Kristiyano sa lugar na iyon.​—Colosas 2:1.

Ayon kay Pablo, si Epafras ang siyang nagturo sa mga taga-Colosas tungkol sa “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa katotohanan.” Ang bagay na tinawag ni Pablo ang kamanggagawang ito na “isang tapat na ministro ng Kristo alang-alang sa atin” ay nagpapakita na si Epafras ay isang aktibong ebanghelisador sa lugar na iyon.​—Colosas 1:6, 7.

Kapuwa sina apostol Pablo at ebanghelisador Epafras ay lubhang nababahala sa espirituwal na kapakanan ng kanilang kapananampalataya sa Libis ng Lycus. Bilang “apostol sa mga bansa,” tiyak na nagalak si Pablo na matanggap ang balita tungkol sa kanilang pagsulong. Walang iba kundi kay Epafras narinig ni Pablo ang tungkol sa espirituwal na kalagayan ng mga taga-Colosas.​—Colosas 1:4, 8.

Ang Ulat ni Epafras

Totoong maselan ang naging mga suliranin ng mga taga-Colosas anupat nahikayat si Epafras na gawin ang mahabang paglalakbay patungo sa Roma para sa espesipikong layunin na ipakipag-usap ang mga bagay na ito kay Pablo. Ang detalyadong ulat ni Epafras ay maliwanag na siyang nagpakilos kay Pablo na sumulat ng dalawang liham sa mga kapatid na iyon na hindi naman niya kilala. Ang isa ay yaong liham sa mga taga-Colosas. Ang isa pang liham, na maliwanag na hindi na naingatan, ay ipinadala sa mga taga-Laodicea. (Colosas 4:16) Makatuwirang isipin na ang nilalaman ng mga liham na iyon ay nilayong tumugon sa mga pangangailangan ng mga Kristiyanong iyon gaya ng nadarama ni Epafras. Ano ang mga nakita niyang pangangailangan? At ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa kaniyang personalidad?

Waring ipinakikita ng liham sa mga taga-Colosas na si Epafras ay nababahala na ang mga Kristiyano sa Colosas ay nanganganib sa mga paganong pilosopiya may kinalaman sa asetisismo, espiritismo, at idolatrosong pamahiin. Bukod dito, ang Judiong turo tungkol sa pag-iwas sa mga pagkain at pangingilin ng ilang araw ay maaaring nakaimpluwensiya sa ilang miyembro ng kongregasyon.​—Colosas 2:4, 8, 16, 20-23.

Ang bagay na sumulat si Pablo tungkol sa mga paksang ito ay nagpapakita sa atin kung gaano kalisto at kasensitibo si Epafras sa mga pangangailangan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Nagpakita siya ng maibiging pagmamalasakit sa kanilang espirituwal na kapakanan, anupat palaisip sa mga panganib sa kanilang kapaligiran. Hiningi ni Epafras ang payo ni Pablo, at isinisiwalat nito na mapagpakumbaba siya. Marahil ay nadama niya ang pangangailangang tumanggap ng payo mula sa isa na mas makaranasan. Sa paano man, kumilos nang may katalinuhan si Epafras.​—Kawikaan 15:22.

Isang Taong Nagpahalaga Sa Panalangin

Sa pagtatapos ng liham niya sa mga Kristiyano sa Colosas, sinabi ni Pablo: “Si Epafras, na mula sa inyo, isang alipin ni Kristo Jesus, ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, na laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos. Ako ay tunay ngang nagpapatotoo sa kaniya na ginugugol niya ang kaniyang sarili na may malaking pagsisikap alang-alang sa inyo at doon sa mga nasa Laodicea at doon sa mga nasa Hierapolis.”​—Colosas 4:12, 13.

Oo, kahit na noong siya ay “kapuwa bihag” ni Pablo sa Roma, iniisip ni Epafras ang kaniyang mahal na mga kapatid sa Colosas, Laodicea, at Hierapolis, at nananalangin siya alang-alang sa kanila. (Filemon 23) Sa literal na paraan, ‘nakipagpunyagi siya’ para sa kanila sa panalangin. Ayon sa iskolar na si D. Edmond Hiebert, ang Griegong salita na ginamit dito ay nagpapahiwatig ng “isang mabigat at malaking gawain,” isang bagay na katulad sa “matinding paghihirap” ng isip na naranasan ni Jesu-Kristo habang nananalangin siya sa halamanan ng Getsemani. (Lucas 22:44) Marubdob na hinangad ni Epafras na makamit ng kaniyang espirituwal na mga kapatid ang katatagan at ang ganap na Kristiyanong pagkamaygulang. Tiyak na isang malaking pagpapala sa mga kongregasyon ang gayong kapatid na palaisip sa espirituwal!

Yamang si Epafras ay tinawag na isang “iniibig na kapuwa alipin,” walang alinlangan na napamahal siya sa mga kapuwa Kristiyano. (Colosas 1:7) Kapag ipinahihintulot ng kalagayan, lahat ng miyembro ng kongregasyon ay dapat na maging totoong masigla at maibigin. Halimbawa, maaaring pag-ukulan ng pansin ang pagtulong sa mga maysakit, matatanda na, o iba pa na may pantanging pangangailangan. Maaaring may iba’t ibang pananagutan na dapat asikasuhin sa kongregasyon, o baka posibleng mag-abuloy para sa teokratikong mga proyekto sa pagtatayo.

Ang pananalangin para sa iba, gaya ng ginawa ni Epafras, ay isang anyo ng sagradong paglilingkod na magagawa nating lahat. Maaaring ilakip sa gayong mga panalangin ang pagmamalasakit sa mga sumasamba kay Jehova na napapaharap sa iba’t ibang panganib o suliraning espirituwal o pisikal. Sa pamamagitan ng pagpupunyagi natin sa ganitong paraan, maaari tayong maging katulad ni Epafras. Bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng pribilehiyo at kagalakang mapatunayang isang “iniibig na kapuwa alipin” sa pamilya ng tapat na mga lingkod ni Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share