Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 6/1 p. 24-27
  • Dinadakila ng Kahinaan ng Tao ang Kapangyarihan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dinadakila ng Kahinaan ng Tao ang Kapangyarihan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagharap sa mga Pagsubok
  • Pagharap sa mga Di-Kasakdalan
  • Ang Lakas Upang Mangaral
  • Pagtatagumpay sa “Isang Tinik sa Laman”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Nagtataglay Ka Ba ng “Isang Tinik sa Laman”?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
  • Ang “Tinik sa Laman” ni Pablo
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 6/1 p. 24-27

Dinadakila ng Kahinaan ng Tao ang Kapangyarihan ni Jehova

“Lahat ay nag-aakala na ako ay isang maligaya at masiglang buong-panahong ministro. Laging ako ang tumutulong sa iba sa kanilang mga problema. Subalit kasabay nito, nadarama kong waring nauupos ako. Ang nakababalisang kaisipan at mental na panggigipuspos ay may masamang epekto sa akin. Nagsimula akong makadama ng pagkabukod sa mga tao. Gusto kong matulog na lamang sa bahay. Sa loob ng ilang buwan, nagsumamo ako kay Jehova na hayaan na akong mamatay.”​—Vanessa.

GAYA sa pangyayaring nabanggit na, likas lamang na kung minsan ay madarama ng mga lingkod ni Jehova ang epekto ng pamumuhay sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang ilan ay nasisiraan pa nga ng loob. (Filipos 2:25-27) Kapag nagtagal, ang panghihina ng loob ay makapagnanakaw sa atin ng ating lakas, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo ay uunti.” (Kawikaan 24:10) Oo, kapag tayo ay nasisiraan ng loob, kailangan natin ng lakas​—marahil kahit ang tinatawag ni apostol Pablo na “lakas na higit sa karaniwan.”​—2 Corinto 4:7.

Ang Diyos na Jehova ang bukal ng walang-hanggang kapangyarihan. Makikita ito kapag sinusuri natin ang kaniyang mga nilalang. (Roma 1:20) Kuning halimbawa ang araw. Nasasagap ng lupa ang patuloy na pagdaloy ng mga 240 trilyong horsepower buhat sa araw. Gayunpaman, ang bilang na ito ay kumakatawan lamang sa mga kalahati ng ikaisang bilyong bahagi ng ipinalalabas na enerhiya ng araw. At ang araw ay maliit kung ihahambing sa mga bituin na kilala bilang mga supergiant. Kabilang sa mga ito ang Rigel, isang bituin sa konstelasyong Orion na 50 beses ang laki kaysa sa ating araw at nagpapalabas ng 150,000 ulit ng gayon karaming enerhiya!

Ang Maylalang ng gayong mga planta ng enerhiya ay tiyak na nagtataglay mismo ng ‘saganang dinamikong enerhiya.’ (Isaias 40:26; Awit 8:3, 4) Sa katunayan, sinabi ng propeta Isaias na si Jehova ay ‘hindi napapagod o nanghihimagod.’ At handang ibahagi ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa kaninuman na, dahil sa kahinaan ng tao, ay nakadarama na sila ay napapagod. (Isaias 40:28, 29) Inilalarawan ng nangyari sa Kristiyanong apostol na si Pablo kung paano niya ginagawa ito.

Pagharap sa mga Pagsubok

Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto ang isang balakid na kailangan niyang batahin. Tinawag niya itong “isang tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Ang “tinik” na ito ay maaaring isang suliranin sa kalusugan, marahil ay malabong paningin. (Galacia 4:15; 6:11) O maaaring tinutukoy ni Pablo ang mga bulaang apostol at iba pang nanliligalig na humamon sa kaniyang pagkaapostol at gawa. (2 Corinto 11:5, 6, 12-15; Galacia 1:6-9; 5:12) Anuman iyon, ang “tinik sa laman” na ito ay lubhang nakapighati kay Pablo, at paulit-ulit na idinalangin niya na ito sana ay alisin.​—2 Corinto 12:8.

Subalit hindi pinagbigyan ni Jehova ang kahilingan ni Pablo. Sa halip, sinabi niya kay Pablo: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo.” (2 Corinto 12:9) Ano ang ibig sabihin dito ni Jehova? Buweno, kung isasaalang-alang natin ang nakaraang pag-uusig ni Pablo sa mga Kristiyano, tanging sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya lamang siya magkakaroon ng kaugnayan sa Diyos​—lalo na ang maglingkod bilang isang apostol!a (Ihambing ang Zacarias 2:8; Apocalipsis 16:5, 6.) Maaaring sinasabi ni Jehova kay Pablo na ang pribilehiyo ng pagiging alagad ay “sapat na.” Hindi na ito malalakipan ng makahimalang pag-aalis ng personal na mga problema sa buhay. Ang totoo, ang ilang paghihirap ay maaaring bunga ng karagdagang mga pribilehiyo. (2 Corinto 11:24-27; 2 Timoteo 3:12) Magkagayon man, kailangan pa ring batahin ni Pablo ang kaniyang “tinik sa laman.”

Subalit hindi totoo na walang-awang pinabayaan ni Jehova si Pablo. Sa halip, sinabi niya sa kaniya: “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” (2 Corinto 12:9) Oo, maibiging paglalaanan ni Jehova si Pablo ng lakas upang makayanan ang kaniyang situwasyon. Sa gayon, ang “tinik sa laman” ni Pablo ay naging isang praktikal na aral. Tinuruan siya nito na manalig sa lakas ni Jehova sa halip na sa kaniyang sarili. Maliwanag na natutong maigi si Pablo sa aral na ito, dahil pagkalipas ng ilang taon ay sumulat siya sa mga taga-Filipos: “Natutuhan ko, anumang mga kalagayan ang kinaroroonan ko, na masiyahan-sa-sarili. Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:11, 13.

Kumusta ka naman? Ikaw ba ay nagbabata ng isang uri ng “tinik sa laman,” marahil isang karamdaman o isang kalagayan sa buhay na nagdudulot sa iyo ng labis na kabalisahan? Kung gayon, magkaroon ng kaaliwan. Bagaman maaaring hindi makahimalang alisin ni Jehova ang balakid, mapagkakalooban ka niya ng karunungan at tibay ng loob upang makayanan ito habang patuloy mong inuuna sa buhay ang mga kapakanan ng Kaharian.​—Mateo 6:33.

Kung hinahadlangan ka ng karamdaman o ng pagtanda sa pagsasakatuparan ng iyong hangad na dami ng bahagi sa gawaing Kristiyano, huwag masiraan ng loob. Sa halip na malasin ang iyong pagsubok bilang hadlang sa iyong paglilingkod kay Jehova, malasin ito bilang isang pagkakataon upang mapasulong ang iyong pananalig sa kaniya. Tandaan din na ang halaga ng isang Kristiyano ay sinusukat, hindi sa dami ng kaniyang nagagawa, kundi sa kaniyang pananampalataya at kataimtiman ng pag-ibig. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) Ang pag-ibig kay Jehova nang buong puso mo ay nangangahulugan na paglilingkuran mo siya sa abot ng makakaya mo​—hindi ng iba.​—Mateo 22:37; Galacia 6:4, 5.

Kung ang iyong “tinik sa laman” ay may kinalaman sa nakapipighating kalagayan sa buhay, gaya ng kamatayan ng isang mahal sa buhay, sundin ang payo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) Ito ay ginawa ng isang Kristiyanong babae na nagngangalang Sylvia. Sa loob lamang ng ilang taon, namatay ang kaniyang asawa pagkatapos ng 50 taon ng kanilang pagsasama at gayundin ang siyam na iba pang miyembro ng pamilya​—kasali na ang dalawang kabataang apo. “Kung hindi lamang kay Jehova,” ani Sylvia, “hindi mapipigil ang aking pamimighati. Subalit nakasumpong ako ng malaking kaaliwan sa panalangin. Talagang walang-patid ang aking pakikipag-usap kay Jehova. Alam kong pinagkakalooban niya ako ng lakas upang makapagbata.”

Tunay na nakabubuhay ng loob na malaman na “ang Diyos ng buong kaaliwan” ay makapagbibigay ng lakas sa mga namimighati upang makapagbata! (2 Corinto 1:3; 1 Tesalonica 4:13) Sa pagkatanto nito, mauunawaan natin ang konklusyon ni Pablo hinggil dito. Sumulat siya: “Nalulugod ako sa mga kahinaan, sa mga insulto, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, para kay Kristo. Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.”​—2 Corinto 12:10.

Pagharap sa mga Di-Kasakdalan

Tayong lahat ay nagmana ng di-kasakdalan sa ating mga unang magulang. (Roma 5:12) Bunga nito, tayo ay may pakikipagbaka laban sa mga hangarin ng makasalanang laman. Tunay ngang nakasisiphayong matuklasan na ang gawi ng “lumang personalidad” ay may mas malakas na impluwensiya sa atin kaysa sa akala natin! (Efeso 4:22-24) Sa gayong mga panahon ay baka madama natin ang nadama ni apostol Pablo, na sumulat: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.”​—Roma 7:22, 23.

Dito rin ay makapagtatamo tayo ng lakas mula kay Jehova. Kapag nakikipagpunyagi sa isang personal na kahinaan, huwag kailanman huminto ng pagbaling sa kaniya sa panalangin, anupat taimtim na hinihiling ang kaniyang pagpapatawad gaano mo man kadalas lapitan siya tungkol sa gayunding problema. Dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, pagkakalooban ka ni Jehova, ang isa na “sumisiyasat ng mga puso” at nakakakita ng lalim ng iyong kataimtiman, ng isang nilinis na budhi. (Kawikaan 21:2) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, maipagkakaloob ni Jehova ang lakas sa iyo upang maipagpatuloy ang pakikipagbaka laban sa mga kahinaan ng laman.​—Lucas 11:13.

Kailangan din natin ang lakas mula kay Jehova kapag nakikitungo sa mga di-kasakdalan ng iba. Halimbawa, ang isang kapuwa Kristiyano ay maaaring makipag-usap sa atin nang “walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak.” (Kawikaan 12:18) Ito ay maaaring labis na makasakit sa atin, lalo na kung ito’y galing sa isa na ipinalalagay nating mas nakaaalam. Baka labis tayong mabagabag. Ginamit pa nga ng ilan ang gayong mga pagkakasala bilang dahilan para talikdan si Jehova​—ang pinakamalaking pagkakamali sa lahat!

Gayunman, ang timbang na saloobin ay tutulong sa atin na malasin ang mga kahinaan ng iba sa tamang paraan. Hindi natin maaasahan ang kasakdalan mula sa di-sakdal na mga tao. “Walang tao na hindi nagkakasala,” ang paalaala sa atin ng pantas na taong si Solomon. (1 Hari 8:46) Ganito ang sabi ni Arthur, isang pinahirang Kristiyano na matapat na naglingkod kay Jehova nang mga pitong dekada: “Ang mga kahinaan ng mga kapuwa lingkod ay lumilikha ng pagkakataon upang patunayan ang ating integridad, anupat sinusubok ang ating Kristiyanong kalooban. Kung hahayaan nating makahadlang sa ating paglilingkod kay Jehova ang sinasabi at ginagawa ng mga tao, tayo ay naglilingkod sa mga tao. Isa pa, tiyak na iniibig din ng ating mga kapatid si Jehova. Kung hahanapin natin ang mabuti sa kanila, di-magtatagal at makikita natin na hindi naman pala sila ganoon kasamâ.”

Ang Lakas Upang Mangaral

Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

Kasuwato ng mga salita ni Jesus, ang gawaing ito ay ginaganap ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa 233 lupain sa buong daigdig. Sa kabuuan, gumugugol sila ng mahigit sa isang bilyong oras bawat taon sa pagtulong sa iba na matuto tungkol kay Jehova. Hindi laging madali ang pagsasakatuparan ng gawaing ito. Sa ilang lupain ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay ipinagbabawal o hinihigpitan. Isaalang-alang din kung sino ang gumaganap ng gawain​—mahihina, di-sakdal na mga tao, na bawat isa ay may kani-kaniyang suliranin at kabalisahan. Gayunman ang gawain ay nagpapatuloy, at bilang resulta, sa nakaraang tatlong taon, mahigit sa isang milyong tao ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at sinasagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:18-20) Tunay na ang gawaing ito ay naisasakatuparan dahil lamang sa lakas ng Diyos. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Zacarias: “Hindi sa pamamagitan ng puwersang militar, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu.”​—Zacarias 4:6.

Kung ikaw ay isang mamamahayag ng mabuting balita, ikaw ay may bahagi​—gaano man kaliit​—sa malaking naisagawang iyan. Anuman ang “mga tinik” na kailangan mong batahin, makatitiyak ka na hindi kalilimutan ni Jehova ang “inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Kaya patuloy na manalig sa Bukal ng lahat ng dinamikong enerhiya ukol sa pag-alalay. Tandaan, makapagbabata tayo dahil lamang sa lakas ni Jehova; ang kaniyang kapangyarihan ay pinasasakdal sa ating mga kahinaan.

[Talababa]

a Sabihin pa, yamang “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” katibayan ng awa ng Diyos na kahit ganoon ay maaaring makipag-ugnayan sa kaniya ang sinumang tao.​—Roma 3:23.

[Larawan sa pahina 26]

Naisasakatuparan ang gawaing pangangaral dahil lamang sa kapangyarihan ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share