Ang Bibliya—Isang Namumukod-Tanging Aklat
Tinawag ito na pinakamabiling aklat sa daigdig, at angkop naman. Ang Bibliya ay binabasa at pinahahalagahan nang higit kaysa anumang ibang aklat. Sa ngayon, ang naipamahagi (buo o bahagi nito) ay tinatayang apat na bilyong kopya sa mahigit na 2,000 wika.
Subalit ang makapupong higit na nakatatawag-pansin kaysa sa sirkulasyon ng Bibliya ay ang pag-aangkin nito na ito’y akda ng Diyos. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ang isinulat ng Kristiyanong apostol Pablo. (2 Timoteo 3:16) Ano ang ibig sabihin nito? Ang pariralang “kinasihan ng Diyos” (Griego, the·oʹpneu·stos) ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ang isang kaugnay na Griegong salita, ang pneuʹma, ay nangangahulugang “espiritu.” Kaya naman, inaangkin na ang banal na espiritu ng Diyos ang nagpakilos sa mga taong manunulat, anupat hiningahan sila, wika nga, upang ang kinalabasan ay tunay na matatawag na Salita ng Diyos, hindi ng tao. Sa katunayan, ang marami sa mga nag-aral ng Bibliya ay namamangha sa kabuuang pagkakasuwato nito, sa siyentipikong kawastuan nito, sa pagkamatapat at pagkaprangka ng mga manunulat nito, at higit sa lahat, sa natupad na mga hula nito—na pawang nakakumbinsi sa milyun-milyong palaisip na mambabasa na ang pinagmulan ng aklat na ito ay nakahihigit sa tao.a
Subalit gaano ba kahigpit na pinatnubayan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya? Sinasabi ng ilan na idinikta niya ang Bibliya ng salita por salita. Sinasabi naman ng iba na kinasihan lamang niya ang mga kaisipan na masusumpungan sa Bibliya, hindi ang mga salita. Subalit ang totoo, ang pagkasi ay hindi maaaring limitahan sa isang paraan lamang, sapagkat nagsalita ang Diyos “sa maraming paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta.” (Hebreo 1:1; ihambing ang 1 Corinto 12:6.) Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang mga paraan na doo’y nagsalita ang Diyos sa mga 40 tao na sumulat ng Bibliya.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 53-4, at 98-161 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.