“Hindi Pababayaan ni Jehova ang Kaniyang Bayan”
“Marami ang kalamidad ng isa na matuwid, ngunit inililigtas siya ni Jehova mula sa lahat ng iyon.”—AWIT 34:19.
1, 2. (a) Paano pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon? (b) Ano ang napapaharap sa maraming Kristiyano, at anong mga tanong ang bumabangon?
BILANG katuparan ng hula sa Bibliya, nananahan sa isang espirituwal na paraiso ang mga sumasamba kay Jehova. (2 Corinto 12:1-4) Kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa isang internasyonal na samahan na kakikitaan ng pag-ibig at pagkakaisa. (Juan 13:35) Nagtatamasa sila ng malalim at malawak na kaalaman sa mga katotohanan sa Bibliya. (Isaias 54:13) Anong laking pasasalamat nila kay Jehova na ipinagkakaloob niya sa kanila ang pribilehiyo na maging mga panauhin sa kaniyang espirituwal na tolda!—Awit 15:1.
2 Bagaman lahat ng kabilang sa organisasyon ni Jehova ay nagtatamasa ng espirituwal na kasaganaan, ang ilan ay masasabing waring namumuhay sa kapayapaan at katahimikan samantalang ang iba ay dumaranas ng iba’t ibang uri ng kapighatian. Nasumpungan ng maraming Kristiyano ang kanilang sarili sa isang kahabag-habag na situwasyon sa loob ng mahahabang yugto ng panahon at nang walang natatanaw na kaginhawahan. Likas lamang ang pagkasira ng loob sa ilalim ng gayong mga kalagayan. (Kawikaan 13:12) Ang mga kalamidad kaya ay katunayan ng di-pagsang-ayon ng Diyos? Naglalaan ba si Jehova ng pantanging proteksiyon sa ilang Kristiyano samantalang pinababayaan naman ang iba?
3. (a) May pananagutan ba si Jehova sa mga paghihirap na dinaranas ng kaniyang bayan? (b) Bakit maging ang tapat na mga mananamba kay Jehova ay dumaranas ng pagdurusa?
3 Sumasagot ang Bibliya: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman.” (Santiago 1:13) Si Jehova ang Tagapagsanggalang at Tagapag-alalay ng kaniyang bayan. (Awit 91:2-6) “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) Hindi ito nangangahulugan na ang tapat na mga mananamba ay hindi na daranas ng pagdurusa. Ang kasalukuyang sistema ng mga bagay sa sanlibutan ay pinamamahalaan ng mga taong likas na di-sakdal. Marami ang tiwali, at ang ilan ay talagang napakasama. Walang sinuman sa kanila ang bumabaling kay Jehova para sa karunungan. Nagbubunga ito ng labis-labis na pagdurusa ng mga tao. Nililiwanag ng Bibliya na hindi laging maiiwasan ng bayan ni Jehova ang malulungkot na bunga ng di-kasakdalan at kabalakyutan ng tao.—Gawa 14:22.
Inaasahan ng Matapat na mga Kristiyano ang Pagdurusa
4. Ano ang maaasahan ng lahat ng Kristiyano hangga’t sila’y namumuhay sa sistemang ito ng mga bagay, at bakit?
4 Bagaman hindi bahagi ng sanlibutan, ang mga tagasunod ni Jesus ay namumuhay sa gitna ng sistemang ito ng mga bagay. (Juan 17:15, 16) Ibinubunyag ng Bibliya si Satanas bilang siyang nangingibabaw na puwersa sa likod ng sanlibutang ito. (1 Juan 5:19) Kaya naman, makaaasa ang lahat ng Kristiyano na sa malao’t madali ay haharap sila sa malulubhang suliranin. Taglay ito sa isip, sinabi ni apostol Pedro: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila. Subalit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:8, 9) Oo, inaasahan ng buong samahan ng mga Kristiyano ang mga pagdurusa.
5. Paano niliwanag ni Jesus na daranas ng malulungkot na bagay sa buhay ang tapat na mga Kristiyano?
5 Kahit na taimtim tayong umiibig kay Jehova at matapat sa kaniyang mga simulain, mararanasan natin ang malulungkot na bagay sa buhay. Niliwanag ito ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon na nakaulat sa Mateo 7:24-27, kung saan ipinakita niya ang pagkakaiba niyaong sumusunod sa kaniyang mga salita at niyaong hindi sumusunod. Inihambing niya ang masunuring mga alagad sa isang maingat na tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng isang malaking bato. Yaong hindi sumusunod sa kaniyang salita ay itinulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. Pagkatapos ng isang malakas na bagyo, tanging ang bahay na nakatayo sa malaking bato ang natira. Pansinin na sa kaso ng bahay ng taong maingat, “ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho.” Hindi ipinangako ni Jesus na laging magtatamasa ng kapayapaan at katahimikan ang taong maingat. Sa halip, ang pagiging maingat ng taong iyon ay maghahanda sa kaniya upang makaligtas sa bagyo. Katulad na kaisipan ang ipinahihiwatig ng ilustrasyon tungkol sa manghahasik. Doon ay ipinaliwanag ni Jesus na kahit ang masunuring mga mananamba na “taglay ang mainam at mabuting puso” ay ‘magbubunga na may pagbabata.’—Lucas 8:4-15.
6. Sa ilustrasyon ni Pablo tungkol sa di-tinatablan ng apoy na mga materyales, sino ang nakararanas ng maapoy na pagsubok?
6 Nang sumulat sa mga taga-Corinto, gumamit si apostol Pablo ng makasagisag na pananalita upang ilarawan ang pangangailangan sa matitibay na katangian na makatutulong sa atin na harapin ang mga pagsubok. Ang di-tinatablan ng apoy na mga materyales tulad ng ginto, pilak, at mahahalagang bato ay katumbas ng makadiyos na mga katangian. (Ihambing ang Kawikaan 3:13-15; 1 Pedro 1:6, 7.) Sa kabilang dako, ang mga katangiang makalaman ay inihalintulad sa madaling-masunog na mga bagay. Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magpapakita nito, dahil isisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy mismo ang magpapatunay kung anong uri ng gawa ang sa bawat isa. Kung ang gawa ng sinuman na itinayo niya rito ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala.” (1 Corinto 3:10-14) Dito, muling ipinaliliwanag ng Bibliya na tayong lahat ay di-makaiiwas na humarap sa ilang anyo ng maapoy na pagsubok.
7. Ayon sa Roma 15:4, paano makatutulong sa atin ang Kasulatan na mabata ang mga pagsubok?
7 Maraming salaysay sa Bibliya tungkol sa matapat na mga lingkod ng Diyos na nagbata ng mga kalamidad, kung minsan sa loob ng mahabang panahon. Gayunman, hindi sila pinabayaan ni Jehova. Malamang na nasa isip ni apostol Pablo ang gayong mga halimbawa nang sabihin niya: “Ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Tingnan ang halimbawa ng tatlong lalaki na dumanas ng maraming kalamidad bagaman nagtatamasa ng malapit na kaugnayan sa Diyos.
Kung Ano ang Natututuhan Natin sa mga Salaysay ng Bibliya
8. Ano ang pinahintulutan ni Jehova sa kalagayan ni Jose, at hanggang kailan?
8 Nilingap na ni Jehova ang anak ni Jacob na si Jose mula pa sa murang edad. Gayunpaman, bagaman hindi niya kasalanan, dumanas siya ng sunud-sunod na kalamidad. Siya ay kinidnap at may kalupitang tinrato ng kaniyang sariling mga kapatid. Ipinagbili siya bilang alipin sa isang banyagang lupain kung saan siya’y buong-kasinungalingang pinaratangan at inilagay sa isang “bilangguang lungaw.” (Genesis 40:15) Doon, “ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pataw, anupat inilagay sa mga bakal ang kaniyang kaluluwa.” (Awit 105:17, 18) Sa panahon ng kaniyang pagkaalipin at pagkabilanggo, tiyak na paulit-ulit na nakiusap si Jose kay Jehova upang siya’y makalaya. Subalit, sa loob ng mga 13 taon, bagaman pinalakas ni Jehova sa iba’t ibang paraan, isa pa rin siyang alipin o bilanggo tuwing gigising siya sa umaga.—Genesis 37:2; 41:46.
9. Ano ang kinailangang batahin ni David sa loob ng ilang taon?
9 Kahawig nito ang nangyari kay David. Nang pumipili si Jehova ng isang kuwalipikadong lalaki upang mamahala sa Israel, sinabi niya: “Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse, isang lalaking naaayon sa aking puso.” (Gawa 13:22) Sa kabila ng kaniyang sinang-ayunang kalagayan sa paningin ni Jehova, labis na nagdusa si David. Dahil nanganganib ang kaniyang buhay, may ilang taon siyang nagtago sa iláng, sa mga yungib, sa mga guwang, at sa lupaing banyaga. Palibhasa’y tinugis na parang mabangis na hayop, siya’y nasiraan ng loob at natakot. Gayunpaman, nakapagbata siya sa tulong ng lakas ni Jehova. Wasto lamang na masabi ni David mula sa kaniyang sariling karanasan: “Marami ang kalamidad ng isa na matuwid, ngunit inililigtas siya ni Jehova mula sa lahat ng iyon.”—Awit 34:19.
10. Anong matinding kalamidad ang sumapit kay Nabot at sa kaniyang pamilya?
10 Noong panahon ni propeta Elias, mayroon lamang 7,000 sa Israel na hindi lumuhod sa huwad na diyos na si Baal. (1 Hari 19:18; Roma 11:4) Si Nabot, na malamang na isa sa kanila, ay naging biktima ng isang kahila-hilakbot na kawalang-katarungan. Dumanas siya ng kahihiyan dahil sa paratang na pamumusong. Nasumpungang nagkasala, siya’y hinatulan at sa pamamagitan ng isang maharlikang dekreto ay sinentensiyahang batuhin hanggang sa mamatay, at hinimod ng mga aso ang kaniyang dugo. Maging ang kaniyang mga anak na lalaki ay pinatay! Gayunman, inosente siya sa paratang. Sinungaling ang mga saksi laban sa kaniya. Ang buong pangyayari ay pakana ni Reyna Jezebel upang makuha ng hari ang ubasan ni Nabot.—1 Hari 21:1-19; 2 Hari 9:26.
11. Ano ang sinasabi sa atin ni apostol Pablo tungkol sa tapat na mga lalaki at babae sa kasaysayan ng Bibliya?
11 Sina Jose, David, at Nabot ay tatlo lamang sa maraming tapat na lalaki at babaing binanggit sa Bibliya na dumanas ng mga kalamidad. Sumulat si apostol Pablo ng isang makasaysayang repaso ng mga lingkod ni Jehova sa nakalipas na mga panahon. Doon ay bumanggit siya tungkol sa mga ‘tumanggap ng kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak at mga panghahagupit, higit pa nga riyan, sa pamamagitan ng mga gapos at mga bilangguan. Sila ay binato, sila ay sinubok, sila ay nilagari, sila ay namatay sa pamamagitan ng pagpaslang ng tabak, sila ay nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing, samantalang sila ay nasa kakapusan, nasa kapighatian, pinagmamalupitan; at ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga disyerto at mga bundok at mga yungib at mga lungga sa lupa.’ (Hebreo 11:36-38) Subalit hindi sila pinabayaan ni Jehova.
Nagmamalasakit si Jehova sa mga Nagdurusa
12. Ano ang ilan sa mga kapighatian na dinaranas ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
12 Kumusta naman ang bayan ni Jehova ngayon? Bilang isang organisasyon, maaasahan natin ang banal na proteksiyon at ligtas na daan patawid sa mga huling araw at sa malaking kapighatian. (Isaias 54:17; Apocalipsis 7:9-17) Subalit bilang mga indibiduwal, natatanto natin na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay dumarating sa lahat ng tao. (Eclesiastes 9:11) Maraming tapat na Kristiyano ang dumaranas ng mga kalamidad sa ngayon. Tinitiis ng ilan ang labis na karukhaan. Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa mga Kristiyanong “ulila at mga babaing balo” na may kapighatian. (Santiago 1:27) Nagdurusa ang iba bunga ng mga likas na kasakunaan, digmaan, krimen, pang-aabuso sa kapangyarihan, sakit, at kamatayan.
13. Anong mahihirap na karanasan ang iniulat kamakailan?
13 Halimbawa, sa kanilang 1996 na ulat sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, inilahad ng mga tanggapang pansangay ng Watch Tower na ang ilan sa ating mga kapatid ay nakabilanggo sa nakahahapis na mga kalagayan dahil sa kanilang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Tatlong kongregasyon sa isang bansa sa Timog Amerika ang nabuwag nang sapilitang paalisin ng mga grupong gerilya ang daan-daang Saksi sa lugar na iyon. Sa isang bansa sa Kanlurang Aprika, napatay ang ilang Saksi na naipit sa isang sagupaan bunga ng gera sibil. Sa isang bansa sa Sentral Amerika, lalo pang lumala ang paghihikahos ng ilang kapatid dahil sa pagtama ng isang bagyo. Sa ibang lugar kung saan maaaring hindi gaanong suliranin ang kahirapan at kakapusan sa pagkain, ang negatibong mga impluwensiya ay maaaring mag-alis ng kagalakan ng ilan. Ang iba ay nabibigatan dahil sa kaigtingan ng modernong-panahong pamumuhay. Dahil sa kawalang-interes ng mga tao, ang iba naman ay baka nasisiraan ng loob kapag nangangaral sila ng mabuting balita ng Kaharian.
14. (a) Ano ang natututuhan natin sa halimbawa ni Job? (b) Sa halip na mag-isip nang negatibo, ano ang dapat nating gawin kapag dumaranas tayo ng kabagabagan?
14 Hindi dapat malasin ang ganitong mga kalagayan bilang katunayan ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Tandaan ang kalagayan ni Job at ang maraming kahirapan na dinanas niya. Siya ay “isang lalaking walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:8) Tiyak na nasiraan ng loob si Job nang si Elifaz ay magparatang na gumagawa siya ng masama! (Job, kabanata 4, 5, 22) Hindi natin ibig na isipin kaagad na dumaranas tayo ng mga kalamidad dahil sa binigo natin si Jehova sa isang paraan o dahil sa binawi ni Jehova ang kaniyang pagpapala. Ang ating pananampalataya ay maaaring pahinain ng negatibong kaisipan sa harap ng kapighatian. (1 Tesalonica 3:1-3, 5) Kapag dumaranas ng kabagabagan, pinakamabuti na bulay-bulayin ang bagay na si Jehova at si Jesus ay malapit sa mga matuwid anuman ang mangyari.
15. Paano natin nalalaman na si Jehova ay lubhang nababahala sa mga kalamidad na dinaranas ng kaniyang bayan?
15 Pinatitibay ni apostol Pablo ang ating loob nang sabihin niya: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo? Ang kapighatian ba o ang kabagabagan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak? . . . Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anumang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:35, 38, 39) Si Jehova ay taimtim na nababahala sa atin at nakababatid ng ating pagdurusa. Samantalang isang takas, ganito ang isinulat ni David: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakabukas sa kanilang mga daing. Si Jehova ay malapit sa mga may bagbag na puso.” (Awit 34:15, 18; Mateo 18:6, 14) Ang ating makalangit na Ama ay nagmamalasakit sa atin at nahahabag sa mga nagdurusa. (1 Pedro 5:6, 7) Naglalaan siya ng kailangan natin upang makapagbata, anuman ang nararanasan nating pagdurusa.
Inaalalayan Tayo ng mga Kaloob ni Jehova
16. Anong paglalaan mula kay Jehova ang tumutulong sa atin na makapagbata, at paano?
16 Bagaman sa matandang sistemang ito ng mga bagay ay hindi tayo makaaasa ng isang buhay na malaya sa kahirapan, hindi naman tayo “iniiwan sa kagipitan.” (2 Corinto 4:8, 9) Nangako si Jesus na maglalaan ng isang katulong sa kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” (Juan 14:16, 17) Noong Pentecostes 33 C.E., sinabi ni apostol Pedro sa kaniyang mga tagapakinig na sila ay makatatanggap ng “walang bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gawa 2:38) Tinutulungan ba tayo ngayon ng banal na espiritu? Oo! Pinagkakalooban tayo ng aktibong puwersa ni Jehova ng kamangha-manghang bunga: “Pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Lahat ng ito ay mahahalagang katangian na nakatutulong sa atin upang makapagbata.
17. Ano ang ilan sa mga katotohanan sa Bibliya na nagpapatibay ng ating pananampalataya at determinasyon na matiyagang maghintay kay Jehova?
17 Tumutulong din sa atin ang banal na espiritu upang maunawaan na “panandalian at magaan” ang kasalukuyang mga kapighatian kung ihahambing sa gantimpalang buhay na walang-hanggan. (2 Corinto 4:16-18) Kumbinsido tayo na hindi kalilimutan ng Diyos ang ating mga gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin sa kaniya. (Hebreo 6:9-12) Sa pagbabasa ng kinasihang mga salita sa Bibliya, naaaliw tayo sa mga halimbawa ng tapat na mga lingkod noon na nagbata ng maraming kalamidad ngunit ipinahayag na maliligaya. Sumulat si Santiago: “Mga kapatid, kunin ninyo bilang parisan ng pagdurusa ng kasamaan at ng pagsasagawa ng pagtitiis ang mga propeta, na nagsalita sa pangalan ni Jehova. Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata.” (Santiago 5:10, 11) Nangangako ang Bibliya ng “lakas na higit sa karaniwan” upang matulungan tayo na makapagbata ng mga pagsubok. Pinagpapala rin tayo ni Jehova ng pag-asa ng pagkabuhay-muli. (2 Corinto 1:8-10; 4:7) Sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga pangakong ito, mapatitibay natin ang ating pananampalataya at determinasyon na matiyagang maghintay sa Diyos.—Awit 42:5.
18. (a) Sa 2 Corinto 1:3, 4, pinasisigla tayo na gawin ang ano? (b) Paanong ang Kristiyanong mga tagapangasiwa ay mapatutunayang pinagmumulan ng kaaliwan at kaginhawahan?
18 Karagdagan pa, pinagkalooban tayo ni Jehova ng espirituwal na paraiso kung saan natatamasa natin ang tunay na pag-ibig ng ating mga kapatid na Kristiyano. Tayong lahat ay may papel na kailangang gampanan sa pag-aliw sa isa’t isa. (2 Corinto 1:3, 4) Ang Kristiyanong mga tagapangasiwa lalo na ay maaaring maging malaking pinagmumulan ng kaaliwan at kaginhawahan. (Isaias 32:2) Bilang “kaloob na mga tao,” sila ay inatasan na patibayin yaong nagdurusa, “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo,” at “alalayan ang mahihina.” (Efeso 4:8, 11, 12; 1 Tesalonica 5:14) Pinasisigla ang matatanda na gamitin nang lubusan ang mga magasing Bantayan at Gumising!, gayundin ang iba pang publikasyon na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Naglalaman ang mga ito ng saganang payo na salig sa Bibliya na makatutulong sa atin na lutasin—at hadlangan pa nga—ang ilan sa mga suliranin na nagdudulot sa atin ng kabalisahan. Tularan sana natin si Jehova sa pamamagitan ng pag-aliw at pagpapatibay-loob sa isa’t isa sa mahihirap na panahon!
19. (a) Ano ang tumutulong sa atin na maiwasan ang ilang kagipitan? (b) Sa katapus-tapusan, kanino tayo dapat magtiwala, at ano ang magpapangyari sa atin na makayanan ang mga pagsubok?
19 Habang papalapit na tayo sa katapusan ng mga huling araw at lalong sumasama ang mga kalagayan sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, ginagawa ng mga Kristiyano ang makakaya nila upang maiwasan ang mga kalamidad. (Kawikaan 22:3) Ang mabuting pagpapasiya, katinuan ng isip, at kaalaman sa mga simulain ng Bibliya ay makatutulong sa atin na makagawa ng matalinong mga pasiya. (Kawikaan 3:21, 22) Nakikinig tayo sa Salita ni Jehova at sinusunod ito upang maiwasan ang di-kinakailangang mga pagkakamali. (Awit 38:4) Gayunpaman, natatanto natin na gaano man kalaki ang ating pagsisikap ay hindi lubusang maaalis ang pagdurusa sa ating buhay. Sa sistemang ito ng mga bagay, maraming matuwid ang nakaharap sa matitinding kagipitan. Gayunpaman, makakayanan natin ang ating mga pagsubok taglay ang lubusang pagtitiwala na “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) At alam natin na malapit nang magwakas ang sistemang ito ng mga bagay at ang mga kapighatian nito. Kaya naman, ipasiya sana natin na ‘huwag manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.’—Galacia 6:9.
Ano ang Natutuhan Natin?
◻ Anong mga pagsubok ang nararanasan ng buong samahan ng mga Kristiyano?
◻ Anong mga halimbawa sa Bibliya ang tumutulong sa atin upang maunawaan na ang mga kalamidad ay hindi katunayan ng di-pagsang-ayon ni Jehova?
◻ Ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa mga paghihirap na dinaranas ng kaniyang bayan?
◻ Ano ang ilan sa mga kaloob mula kay Jehova na tumutulong sa atin na mabata ang mga pagsubok?
[Mga larawan sa pahina 10]
Sina David, Nabot, at Jose ang tatlo na dumanas ng mga kalamidad