Kaibigan Ka ba ng Diyos?—Kung Ano ang Isinisiwalat ng Iyong mga Panalangin
NAKARANAS ka na bang makarinig nang di-sinasadya sa pag-uusap ng dalawang tao? Tiyak na hindi nagtagal at nalaman mo ang uri ng kanilang ugnayan—kung sila ba ay matalik na magkaibigan o di-magkakilala, bahagya lamang na magkakilala o kaya’y magkaibigang matalik at may pagtitiwala sa isa’t isa. Sa kahawig na paraan, isinisiwalat ng ating mga panalangin ang ating kaugnayan sa Diyos.
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin.’ (Gawa 17:27) Sa katunayan, inaanyayahan niya tayong kilalanin siya. Maaari pa nga tayong maging kaniyang mga kaibigan. (Awit 34:8; Santiago 2:23) Maaari nating tamasahin ang tunay na matalik na kaugnayan sa kaniya! (Awit 25:14) Maliwanag, ang ating kaugnayan sa Diyos ang siyang pinakamahalagang bagay na maaaring taglayin nating di-sakdal na mga tao. At pinahahalagahan ni Jehova ang ating pakikipagkaibigan. Maliwanag ito sapagkat ang ating pakikipagkaibigan sa kaniya ay salig sa ating pananampalataya sa kaniyang bugtong na Anak, na nagbigay ng kaniyang buhay alang-alang sa atin.—Colosas 1:19, 20.
Kaya naman dapat masalamin sa mga panalangin natin ang matinding pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova. Subalit nadama mo na ba na ang iyong mga panalangin, bagaman mapitagan, ay medyo kulang sa taimtim na damdamin? Pangkaraniwan ito. Ang susi sa pagpapasulong ng bagay na ito? Alagaan ang iyong pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova.
Paglalaan ng Panahon Upang Manalangin
Una sa lahat, kailangan ng panahon upang alagaan at linangin ang isang pagkakaibigan. Maaaring sa araw-araw ay bumabati o nakikipag-usap ka pa nga sa maraming tao—mga kapitbahay, katrabaho, mga tsuper ng bus, at mga tauhan sa tindahan. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na talagang kaibigan mo ang mga taong iyon. Nabubuo ang pagkakaibigan habang lubusan kang nakikipag-usap sa isang tao, mula sa basta pakikipagkuwentuhan lamang hanggang sa pagpapahayag ng nasa kaibuturan ng iyong damdamin at kaisipan.
Sa kahawig na paraan, tumutulong sa atin ang panalangin upang mapalapit kay Jehova. Subalit kailangang maglaan ng sapat na panahon para rito; higit pa ang kailangan kaysa sa maikling pasasalamat sa panahon ng pagkain. Habang lalo kang nakikipag-usap kay Jehova, lalo mong nasusuri ang iyong sariling damdamin, motibo, at pagkilos. Nagsisimulang mahayag ang mga solusyon sa mahihirap na suliranin habang ipinaaalaala ng espiritu ng Diyos ang mga simulain sa kaniyang Salita. (Awit 143:10; Juan 14:26) Karagdagan pa, habang nananalangin ka, nagiging lalong totoo sa iyo si Jehova, at lalo mong nababatid ang kaniyang maibiging interes at malasakit sa iyo.
Ito ay lalo nang totoo kapag nararanasan mo ang isang sagot sa iyong mga panalangin. Aba, si Jehova ay “makagagawa ng ibayong higit pa kaysa napakasagana sa lahat ng mga bagay na ating hingin o mailarawan”! (Efeso 3:20) Hindi ito nangangahulugan na gumagawa ng himala ang Diyos alang-alang sa iyo. Subalit sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, mga publikasyon ng uring tapat na alipin, o ng bibig ng maibiging mga kapatid, maaaring maglaan siya sa iyo ng kinakailangang payo o patnubay. O baka bigyan ka niya ng lakas na kailangan upang mabata o mapaglabanan ang isang tukso. (Mateo 24:45; 2 Timoteo 4:17) Ang gayong mga karanasan ay pumupuno sa ating puso ng pagpapahalaga sa ating makalangit na Kaibigan!
Kaya naman dapat na maglaan ng panahon ang isa upang manalangin. Totoo, kulang na kulang ang panahon sa maiigting na panahong ito. Ngunit kung talagang nagmamalasakit ka sa isang tao, karaniwan nang naglalaan ka ng panahon upang gugulin kasama ng isang iyon. Pansinin kung paano ipinahayag ng salmista ang kaniyang sarili: “Kung paanong nananabik sa mga batis ang babaing usa, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos. Ang aking kaluluwa ay talagang nauuhaw para sa Diyos, para sa Diyos na buháy. Kailan ba ako lalapit at haharap sa Diyos?” (Awit 42:1, 2) Nananabik ka rin bang tulad nito na makipag-usap sa Diyos? Kung gayo’y bilhin ang panahon upang gawin iyon!—Ihambing ang Efeso 5:16.
Halimbawa, maaari mong sikaping gumising nang maaga upang magkaroon ng sarilinang panahon sa pananalangin. (Awit 119:147) Mayroon bang mga gabing hindi ka makatulog? Kung gayon, tulad ng salmista, maaari mong malasin ang gayong maligalig na panahon bilang isang pagkakataon upang magpahayag ng iyong mga kabalisahan sa Diyos. (Awit 63:6) O kaya’y maaari kang maghandog ng ilang maiikling panalangin sa maghapon. Sinabi ng salmista sa Diyos: “Patuloy akong tumatawag sa iyo buong araw.”—Awit 86:3.
Pinabubuti ang Kalidad ng Ating mga Panalangin
Kung minsan ay makatutulong din sa iyo na habaan ang iyong panalangin. Sa isang maikling panalangin, baka tungkol sa pangkaraniwang bagay lamang ang masabi mo. Ngunit kapag mas mahaba at mas malalim ang iyong mga panalangin, madali mong maipahahayag ang iyong kaisipan at damdamin. Sa paano man ay ginugol ni Jesus ang isang buong gabi sa pananalangin. (Lucas 6:12) Tiyak na masusumpungan mong nagiging lalong taimtim at makahulugan ang iyong mga panalangin kung iiwasan mong magmadali.
Hindi ito nangangahulugan ng magpapaliguy-ligoy ka kapag wala kang gaanong masabi; ni nangangahulugan man ito na babaling ka sa walang-kabuluhang pag-uulit-ulit. Nagbabala si Jesus: “Kapag nananalangin, huwag sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na sila ay pakikinggan dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita. Kaya, huwag kayong maging tulad nila, sapagkat nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa ninyo hingin sa kaniya.”—Mateo 6:7, 8.
Mas makahulugan ang panalangin kapag patiuna mong pinag-iisipan kung anong mga paksa ang ibig mong talakayin. Napakaraming maaaring sabihin—ang ating kagalakan sa ministeryo, ang ating mga kahinaan at pagkukulang, ang ating mga kabiguan, ang ating mga kabalisahan sa kabuhayan, ang panggigipit sa trabaho o sa paaralan, ang kapakanan ng ating pamilya, at ang espirituwal na kalagayan ng ating lokal na kongregasyon, upang banggitin lamang ang ilan.
Kung minsan ba’y gumagala-gala ang iyong isip kapag nananalangin ka? Kung gayo’y dagdagan ang pagsisikap na magtuon ng pansin. Tutal, si Jehova ay handang ‘magbigay-pansin sa ating mga pamamanhik.’ (Awit 17:1) Hindi ba dapat din tayong maging handang magtuon ng higit na pansin sa ating mga panalangin? Oo, ‘ituon ang iyong mga kaisipan sa mga bagay ng espiritu,’ at huwag hayaang ito’y gumala-gala.—Roma 8:5.
Mahalaga rin ang paraan ng pagtawag natin kay Jehova. Bagaman ibig niya na malasin natin siya bilang isang kaibigan, hindi natin dapat kalimutan na nakikipag-usap tayo sa Soberano ng sansinukob. Basahin at bulay-bulayin ang kamangha-manghang tanawin na inilarawan sa Apocalipsis kabanata 4 at 5. Doon ay nakita ni Juan sa isang pangitain ang karingalan ng Isa na nilalapitan natin sa panalangin. Ano ngang laki ng ating pribilehiyo na makalapit at marinig “ng Isa na nakaupo sa trono”! Huwag natin kailanman naising maging labis na pamilyar o walang-dignidad ang ating pananalita. Sa halip, dapat tayong magsumikap na gawing ‘kalugud-lugod kay Jehova ang mga salita ng ating bibig at ang pagbubulay-bulay ng ating puso.’—Awit 19:14.
Subalit dapat nating matanto na hindi natin pinahahanga si Jehova sa ating matatayog na salita. Nalulugod siya sa ating magalang, taos-pusong kapahayagan, gaano man kasimple ang mga ito.—Awit 62:8.
Kaaliwan at Pang-unawa sa Panahon ng Pangangailangan
Kapag kailangan natin ng tulong at kaaliwan, malimit na bumabaling tayo sa isang malapit na kaibigan para sa alalay at pagdamay. Buweno, wala nang kaibigan ang higit pang madaling lapitan kaysa kay Jehova. Siya ang “tulong na agad masusumpungan sa panahon ng kabagabagan.” (Awit 46:1) Bilang “ang Diyos ng buong kaaliwan,” nauunawaan niya ang nararanasan natin nang higit kaysa kaninuman. (2 Corinto 1:3, 4; Awit 5:1; 31:7) At tunay ang pagmamalasakit at pagdamay niya sa mga nasa gipit na kalagayan. (Isaias 63:9; Lucas 1:77, 78) Palibhasa’y natatalos na si Jehova ay isang maunawaing kaibigan, malaya tayong makipag-usap sa kaniya nang taimtim at masinsinan. Napakikilos tayong magpahayag ng ating matitinding pangamba at kabalisahan. Kaya naman tuwirang nararanasan natin kung paanong ang ‘sariling kaaliwan ni Jehova ay nagsimulang humaplos sa ating kaluluwa.’—Awit 94:18, 19.
Kung minsan ay baka madama nating hindi tayo karapat-dapat na lumapit sa Diyos dahil sa ating mga pagkakamali. Ngunit ano kung nagkasala at humiling sa iyo ng kapatawaran ang isang matalik na kaibigan? Hindi ka ba mauudyukang aliwin at bigyang-katiyakan ang isang iyon? Bakit, kung gayon, hindi mo aasahang gagawin iyon ni Jehova? Saganang pinatatawad niya ang kaniyang mga kaibigan na nagkakasala bunga ng di-kasakdalan ng tao. (Awit 86:5; 103:3, 8-11) Sa pagkaalam nito, hindi tayo nagpipigil sa malayang pagpapahayag ng ating mga pagkakamali sa kaniya; makatitiyak tayo ng kaniyang pag-ibig at awa. (Awit 51:17) Kung nanlulumo tayo dahil sa ating mga pagkukulang, maaaliw tayo sa mga salita sa 1 Juan 3:19, 20: “Sa ganito ay malalaman natin na tayo ay nagmumula sa katotohanan, at mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya tungkol sa anuman na doon ay patawan tayo ng hatol ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”
Subalit hindi natin kailangang malagay sa kagipitan upang matamasa ang maibiging pagmamalasakit ng Diyos. Interesado si Jehova sa anumang makaaapekto sa ating espirituwal at emosyonal na kapakanan. Oo, hindi natin kailanman dapat isipin na ang ating damdamin, kaisipan, at kabalisahan ay napakaliliit lamang upang banggitin sa panalangin. (Filipos 4:6) Kapag kasama ka ng isang matalik na kaibigan, mahahalagang pangyayari lamang ba sa inyong buhay ang pinag-uusapan ninyo? Hindi ba pinag-uusapan din ninyo ang mumunting bagay? Sa katulad na paraan, malaya kang makapagsasabi kay Jehova ng tungkol sa anumang pitak ng iyong buhay, palibhasa’y natatalos na “siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Pedro 5:7.
Sabihin pa, malamang na hindi tumagal ang isang pagkakaibigan kung pawang tungkol lamang sa iyong sarili ang sinasabi mo. Gayundin naman, hindi dapat nakasentro sa sarili ang ating mga panalangin. Dapat din nating ipahayag ang ating pag-ibig at pagmamalasakit kay Jehova at sa kaniyang kapakanan. (Mateo 6:9, 10) Ang panalangin ay hindi lamang isang pagkakataon na humiling ng tulong sa Diyos kundi isa ring pagkakataon na magpasalamat at pumuri. (Awit 34:1; 95:2) “Ang pagkuha ng kaalaman” sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral ay tutulong sa atin hinggil dito, yamang tumutulong ito sa atin na lalong makilala si Jehova at ang kaniyang mga daan. (Juan 17:3) Baka lalong makatulong sa iyo na basahin ang aklat ng Mga Awit at pansinin kung paano nagpahayag ng kanilang sarili kay Jehova ang ibang tapat na lingkod.
Tunay ngang isang napakahalagang kaloob ang pakikipagkaibigan kay Jehova. Harinawang ipakita natin na pinahahalagahan natin ito sa pamamagitan ng ating higit na taimtim, taos-puso, at personal na mga panalangin. Kung magkagayo’y tatamasahin natin ang kaligayahang ipinahayag ng salmista, na nagsabi: “Maligaya ang isa na iyong pinipili at pinalalapit.”—Awit 65:4.
[Mga larawan sa pahina 28]
Makapananalangin tayo sa Diyos sa buong araw habang bumabangon ang pagkakataon