Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 7/15 p. 20-23
  • Iligtas ang Buhay ng Inyong Anak!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iligtas ang Buhay ng Inyong Anak!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maging Isang Matalik na Kaibigan
  • Ang Pag-ibig ng Diyos
  • Ang Pagkatakot sa Diyos
  • Nakagagalak na mga Gantimpala
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Magulang—Tulungan ang Inyong mga Anak na Mahalin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 7/15 p. 20-23

Iligtas ang Buhay ng Inyong Anak!

NANINIRAHAN sina Michael at Alphina sa isang libis sa lalawigan sa gitna ng luntiang mga burol sa KwaZulu-Natal, Timog Aprika. Napaharap sila sa maraming hamon sa pagpapalaki ng pitong anak. Taglay ang lubusang suporta ng kaniyang asawa, sinikap na mabuti ni Michael na sundin ang utos ng Bibliya sa mga ama: “Patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Subalit kung minsan ay bumabangon ang mga problema.

Halimbawa, karaniwan sa mga Aprikanong kabataang pastol na pagsama-samahin ang mga baka ng kani-kanilang magulang upang magkaroon sila ng mas maraming panahon sa paglalaro nang magkakasama. Kung minsan ay napapasubo sila sa gulo at nagkukuwentuhan ng mga bagay na hindi nila nararapat pag-usapan. Nang humayo ang mga anak na lalaki ni Michael upang magpastol ng mga baka ng pamilya, mahigpit na tinagubilinan niya sila na huwag makisalamuha sa ilang bata. (Santiago 4:4) Subalit, pagdating niya galing sa trabaho, kung minsan ay natatagpuan niyang ginagawa nila ang gayon. Bunga nito, kailangang disiplinahin niya sila.​—Kawikaan 23:13, 14.

Sa palagay mo ba ay masyadong mahigpit si Michael sa kaniyang mga anak? Baka ganoon ang isipin ng iba, subalit sinabi ni Jesu-Kristo na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Sina Michael at Alphina ay lumikha ng kaayaayang kapaligiran sa kanilang tahanan, anupat gumugugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak at tinuturuan sila ng mga salaysay at katotohanan sa Bibliya.

Sina Michael at Alphina ay may apat na anak na babae​—sina Thembekile, Siphiwe, Tholakele, at Thembekani. Silang lahat ay buong-panahong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Dalawa sa kanilang mga anak na lalaki ay naglilingkod bilang punong tagapangasiwa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang ikatlong anak na lalaki, na ang asawa ay isa ring buong-panahong ebanghelisador, ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod.

Maraming Kristiyanong mga magulang na may malalaking pamilya ang pinagpala na magtagumpay sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Gayunman, ang ilang anak na tumatanggap ng mahusay na pag-aaruga ng magulang ay nagtatakwil ng katotohanan. Walang alinlangan, nasa isip ng kanilang mga magulang ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak at umaasa na magsisisi ang kanilang anak na lalaki o babae at sa wakas ay magtatamo ng kaligtasan.​—Lucas 15:21-24.

Gayunman, nakalulungkot na ang lahat ng mga anak ng ilang Kristiyanong magulang ay nararahuyo ng sanlibutan. Ito ay lalo nang nakababahala sa mga lugar sa Aprika kung saan waring mahusay naman ang ginagawa ng mga anak hanggang sa maging tin-edyer sila. Pagkatapos, habang nasa kasibulan ng kabataan, nahihikayat sila ng imoral na mga landasin ng sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Bilang resulta, maraming ama ang hindi nagiging kuwalipikado na maglingkod bilang matatanda sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1, 4, 5) Maliwanag, dapat malasin ng isang Kristiyanong ama na ang kaligtasan ng kaniyang sariling sambahayan ay isang bagay na napakahalaga. Kaya, ano ang magagawa ng mga magulang upang mailigtas ang buhay ng kanilang mga anak?

Maging Isang Matalik na Kaibigan

Si Jesus ay hindi lamang sakdal kundi lubhang nakahihigit din sa kaninumang tao sa kaalaman at karanasan. Gayunpaman, pinakitunguhan niya ang kaniyang mga di-sakdal na alagad bilang matatalik na kaibigan. (Juan 15:15) Kaya naman hinangad nila na makisama sa kaniya at sumulong na kapiling niya. (Juan 1:14, 16, 39-42; 21:7, 15-17) May matututuhan ang mga magulang mula rito. Gaya ng mumunting halaman na may mga nakabukang dahon sa mainit-init na sikat ng araw, ang mga bata ay masisigla kapag may maibigin, palakaibigang kapaligiran sa tahanan.

Mga magulang, madali bang ilapit sa inyo ng inyong mga anak ang kanilang mga ikinababahala? Pinakikinggan ba ninyo sila? Bago kayo magpasiya, inaarok ba ninyo ang kanilang kaisipan at damdamin upang higit na maunawaan ang buong pangyayari? May katiyagaan ba ninyong tinutulungan sila na hanapin ang mga sagot sa ilang katanungan sa pamamagitan ng pagsasaliksik kasama nila sa mga publikasyon sa Bibliya?

Isang ina na taga-Timog Aprika ang nagpaliwanag: “Mula sa unang araw na pumasok sa paaralan ang aming anak na babae, pinasigla na namin siya na ilahad ang mga nangyari sa maghapon. Halimbawa, itatanong ko: ‘Sino ang kasama mong nananghalian? Magkuwento ka naman tungkol sa bago mong guro. Ano ang hitsura niya? Ano ang mga nakaplanong gawain sa sanlinggong ito?’ Minsan, umuwi ang aming anak na babae at sinabi na nais ng guro sa Ingles na manood ang klase ng isang pelikula na igagawa naman nila ng nasusulat na komento pagkatapos. Ang pamagat ng pelikula ay kahina-hinala. Nang suriin, nasumpungan namin na hindi ito angkop para sa isang Kristiyano. Tinalakay namin ito bilang isang pamilya. Nang sumunod na araw ay nilapitan ng aming anak na babae ang guro, anupat ipinaliwanag na hindi niya gustong panoorin ang pelikula, yamang ang moralidad na itinatampok nito ay hindi kasuwato ng kaniyang Kristiyanong paniniwala. Pinag-isipan ng guro ang bagay na ito at nang dakong huli ay pinasalamatan ang aming anak, anupat sinabi na hindi niya nais na ipapanood sa klase ang isang bagay na maaaring pagsisihan niya.” Ang maibiging interes na patuluyang ipinakita ng mga magulang na ito sa kanilang anak na babae ay nagbunga ng mabuti. Siya ay may masayahin, positibong personalidad at ngayon ay naglilingkod bilang isang boluntaryo sa sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Timog Aprika.

Nagpakita si Jesus ng napakahusay na halimbawa sa pakikitungo sa mga anak ng ibang tao. Masaya siyang nakisalamuha sa kanila. (Marcos 10:13-16) Nararapat ngang maging maligaya ang mga magulang na gumawang kasama ng kanilang mga anak! Sa ilang lugar sa Aprika, nahihiya ang isang ama na makita siyang nakikipaglaro ng bola o ng iba pang libangan kasama ng kaniyang mga anak na lalaki. Ngunit hindi kailanman dapat madama ng isang Kristiyanong ama na siya ay napakaimportante anupat hindi nararapat na makitang gumagawang kasama ng kaniyang mga anak. Kailangan ng mga kabataan ang mga magulang na natutuwang gumugol ng panahon kasama nila. Nagpapadali ito sa mga anak na ipahayag ang kanilang mga ikinababahala. Kapag kinakaligtaan ang gayong emosyonal na pangangailangan, maaaring mayamot o magmukmok ang mga bata, lalo na kung palagi silang itinutuwid.

Nang sumulat sa mga taga-Colosas tungkol sa mga ugnayang pampamilya, sinabi ni Pablo: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Maaaring ipahiwatig nito na kung minsan ay may labis na pagdidisiplina at kakaunting pakikipagkaibigan. Ang mga bata, kasali na ang mga tin-edyer, na minamahal at pinahahalagahan ay mas malamang na tutugon sa kinakailangang disiplina.

Ang Pag-ibig ng Diyos

Ang pinakamahalagang maipamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang kanilang sariling halimbawa ng pagpapakita ng pag-ibig. Kailangang makita at marinig ng mga anak ang kanilang mga magulang na nagpapahayag at nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Isang kabataang lalaki na naglilingkod sa sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Timog Aprika ang nagpaliwanag: “Nang ako ay bata, tinutulungan ko ang aking ama sa mga gawain sa bahay. Gustung-gusto kong tulungan siya, iyon ay dahil sa talagang pinahahalagahan ni Itay ang mumunting nagagawa ko. Ginagamit niya ang panahon upang kuwentuhan ako ng maraming bagay tungkol kay Jehova. Halimbawa, naaalaala ko ang isang Sabado nang puspusan kaming nagtatrabaho sa pagtatabas sa damuhan sa bakuran. Talagang napakainit. Pinapawisan si Itay, kaya tumakbo ako at kumuha ng dalawang basong tubig at nilagyan ang mga ito ng yelo. Sinabi ni Itay: ‘Anak, nakikita mo ba kung gaano katalino si Jehova? Lumulutang ang yelo sa tubig. Kung ito ay lulubog, lahat ng buhay sa ilalim ng mga lawa at dagat-dagatan ay mamamatay. Sa halip, ang yelo ay nagsisilbing insulador na blangket! Hindi ba tinutulungan tayo niyan na lalong makilala si Jehova?’a Nang maglaon, nang mabilanggo ako dahil sa pananatiling neutral, nagkapanahon akong mag-isip. Palibhasa’y nanlulumo sa aking selda isang gabi, naalaala ko ang mga salitang iyon ni Itay. Kay lalim ng kahulugan ng mga ito! Sasambahin ko si Jehova magpakailanman kung magagawa ko.”

Oo, kailangang makita ng mga anak ang pag-ibig sa Diyos na masasalamin sa lahat ng bagay na ginagawa ng kanilang magulang. Ang pag-ibig sa Diyos at ang kusang pagsunod sa kaniya ay dapat na lalong makita bilang ang puwersang nagpapakilos sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at sa pampamilyang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. (1 Corinto 13:3) Pinakamahalaga, ang pag-ibig sa Diyos ay dapat na masalamin sa taos-pusong pananalangin ng pamilya. Ang kahalagahan ng pagbibigay ng gayong pamana sa inyong mga anak ay lubhang idiniriin. Kaya naman inutusan ang mga Israelita: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo. At ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay dapat na mapasaiyong puso; at dapat mong itimo ang mga ito sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 6:5-7; ihambing ang Mateo 22:37-40.

Ang isang malaking hadlang sa pag-ibig at pagsunod sa Diyos ay ang ating minanang di-kasakdalan. (Roma 5:12) Kaya, iniuutos din ng Bibliya: “O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10) Ang masasamang kaisipan ay kalimitang umaakay sa masasamang gawa. Upang maiwasan ang mga ito, kailangang magpaunlad ang bata ng isa pang mahalagang katangian.

Ang Pagkatakot sa Diyos

Ang pag-ibig na may lakip na mapitagang pagkatakot na di-makalugod kay Jehova ay isang bagay na kanais-nais. Ipinakita sa atin ni Jesu-Kristo mismo ang sakdal na halimbawa ng isa na nakasumpong ng kasiyahan “sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:1-3) Mahalaga ang gayong pagkatakot habang nararating ng bata ang kasibulan ng kabataan at nagsisimulang maranasan ang malalakas na simbuyo sa sekso. Ang pagkatakot sa Diyos ay tutulong sa isang kabataan na tanggihan ang makasanlibutang panggigipit na maaaring umakay sa imoral na paggawi. (Kawikaan 8:13) Sa ilang komunidad, iniiwasan ng mga magulang ang pagtuturo sa kanilang mga anak kung paano haharapin ang mga tukso sa sekso. Sa katunayan, nadarama ng marami na maling talakayin ang ganitong mga bagay. Subalit ano ang naging bunga ng gayong pagpapabaya ng magulang?

Kinapanayam ng tatlong espesyalistang doktor na nagngangalang Buga, Amoko, at Ncayiyana, ang 1,702 batang babae at 903 batang lalaki na mula sa lalawigan ng Transkei, Timog Aprika. Iniulat ng South African Medical Journal na “76% ng mga batang babae at 90.1% ng mga batang lalaki sa surbey na ito ay may karanasan na sa sekso.” Ang katamtamang edad ng mga batang babae ay 15, at marami ang pinilit na makipagtalik. Mahigit sa 250 ang nakaranas na magdalang-tao nang minsan o higit pa. Isa pang masamang bunga ay ang mataas na insidente ng mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik.

Lumilitaw, maraming magulang ang hindi nakakakita sa pangangailangang turuan ang kanilang mga anak kung paano iiwas sa pakikipagtalik bago ikasal. Sa halip, ang nabanggit na pahayagan ay nagpaliwanag: “Ang pag-aanak at pagiging ina ay lubhang pinahahalagahang mga katangian ng pagkababae sa lipunan ng lalawigan ng Transkei, at ito ay agad nauunawaan ng mga batang babae na nagdadalaga pa lamang.” Gayunding suliranin ang naiulat sa ibang bahagi ng daigdig.

Maraming kabataan sa Aprika ang pumupuna sa kanilang mga magulang dahil sa hindi pagtulong sa kanila na maintindihan ang kanilang seksuwalidad. Ang ilang Kristiyanong magulang ay labis na nahihiyang gamitin ang aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito.b Sa pahina 20-3, ipinaliliwanag nito ang marangal na paggamit sa mga sangkap sa sekso at ang mga pagbabago na nagaganap sa pagdadalaga at pagbibinata.

Ang mga Kristiyanong magulang na natugunan ang hamon ng pakikipag-usap sa kanilang mga anak hinggil sa pangmalas ng Diyos sa sekso ay nararapat papurihan. Ito ay mabisang magagawa nang unti-unti, alinsunod sa kakayahan ng bata na makaunawa ng mga bagay. Depende sa salik tulad ng edad ng bata, maaaring kailanganing maging espesipiko ang mga magulang sa pagtukoy sa mga bahagi ng katawan at sa mga gamit nito. Kung hindi gayon, maaaring hindi maunawaan ng isang walang-karanasang kabataan kung ano ang ipinaliliwanag.​—1 Corinto 14:8, 9.

Ganito ang paliwanag ng isang amang taga-Timog Aprika na may dalawang anak na babae at isang anak na lalaki: “Madalas, may mga pagkakataon ako upang talakayin ang maselan na paksa tungkol sa sekso kahit na sa mga anak na babae. Gayunman, nagbigay ng pantanging pansin ang aking asawa sa aming mga anak na babae, na ginagamit ang aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. [Tingnan ang pahina 26-31.] Nang ang aking anak na lalaki ay 12 taon na, ipinasiya ko na kami’y maglakad nang matagal sa mga bundok. Sa pagkakataong iyon, pinag-usapan namin nang detalyado ang pagbabago sa katawan ng isang batang lalaki at ang pantanging layunin na paggagamitan nito sa pag-aasawa. Tinalakay ko rin sa kaniya ang pangangailangang umiwas sa nakasasamang bisyo ng masturbasyon at na malasin ang mga babae nang may karangalan at paggalang​—gaya ng kaniyang pagtingin sa kaniyang ina at mga kapatid na babae.”

Nakagagalak na mga Gantimpala

Ang binanggit na ama at ina ay nagpagal nang husto at naliligayahan na nagtamo sila ng mabubuting resulta sa pagpapalaki sa kanilang tatlong anak. Ang tatlo ay pawang nasa hustong gulang na ngayon, kasal sa matatapat na Kristiyano. Ang kanilang anak na lalaki at ang mga manugang na lalaki ay pawang naglilingkod bilang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon, at dalawang magkabiyak ang maraming taon nang nasa buong-panahong gawain nang pag-eebanghelyo.

Oo, ang mga magulang na lubhang nagpapagal para sa kaligtasan ng kanilang sambahayan ay makaaasa ng isang nakagagalak na gantimpala buhat sa mga anak na nagpasiyang tumugon sa gayong pagtuturo sa Bibliya, sapagkat sinasabi ng Kawikaan 23:24, 25: “Siyang nagiging ama ng pantas ay magagalak din sa kaniya. Magagalak ang iyong ama at ang iyong ina.” Isaalang-alang ang malaking pamilya na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. “Kapag iniisip ko ang espirituwal na pagsulong na nagawa ng aking mga anak,” ang sabi ni Alphina, “lumulukso sa kagalakan ang aking puso.” Magpagal nawa nang husto ang lahat ng Kristiyanong magulang sa pag-abot sa nakapagpapaligayang gantimpalang ito.

[Mga talababa]

a Habang unti-unting nagiging yelo ang tubig, lalo itong gumagaan at pumapaibabaw. Tingnan ang pahina 137-8 ng aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Tingnan din Ang Mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 23]

Maisasaayos ng isang ama ang angkop na tagpo upang maipaliwanag ang mga katotohanan sa buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share