Mga Sirkero sa mga Dalisdis ng Bundok
MATATAGPUAN sa kahabaan ng kanluraning baybayin ng Patay na Dagat ang sinaunang lunsod at nakapalibot na ilang na tinatawag na En-gedi. Ang mabatong mga daanan at bangin sa lugar na ito ay tamang-tamang tahanan para sa mga kambing sa kabundukan ng Lupang Pangako, katulad sa makikita rito.
Ang may matatag-na-paang mga nilalang na ito ay kabilang sa mga kababalaghan sa mga hayop na nilalang. Buksan natin ang Bibliya at tingnang mabuti ang kawili-wiling hayop na ito.
“Ang Matataas na Bundok ay Para sa mga Kambing sa Kabundukan”
Ganiyan ang inawit ng salmista. (Awit 104:18) Angkop na angkop para sa mga kambing sa kabundukan ang mabuhay sa pagkataas-taas na mga lugar! Ang mga ito’y totoong maliliksi, anupat buong-pagtitiwala at bilis na nagpapalipat-lipat sa ibabaw ng baku-bakong kalupaan. Ito sa isang banda ay dahil sa kayarian ng kanilang mga paa. Ang baak ay maaaring lumaki sa ilalim ng bigat ng kambing, anupat makakakapit ang hayop nang mahigpit kapag nakatayo o tumatakbo sa makikipot na salansan ng bato.
Pambihira rin ang panimbang ng mga kambing sa kabundukan. Nakalulundag sila nang malalayong distansiya at nakalalapag sa isang nakausling bato na doo’y kasyang-kasya lamang ang apat na paa. Minsa’y napagmasdan ng biyologong si Douglas Chadwick ang isa pang uri ng kambing sa kabundukan na gumamit sa panimbang nito upang maiwasang mapirmi sa isang nakausling bato na totoong napakakipot para ito makapihit dito. Sabi niya: “Pagkatapos masulyapan ang kasunod na nakausling bato sa ibaba na ang layo ay mga 120 metro, ibinaon ng kambing ang mga paa nito sa unahan at dahan-dahang itinuwad ang puwitan nito sa ibabaw ng ulo nito na nasa pisngi ng bato na para bang ito’y isang umuusad na kariton. Habang pinipigil ko ang aking paghinga, nagpatuloy ang kambing hanggang sa ang mga paa nito sa hulihan ay makalapag nang sa gayo’y nakaharap na ito sa direksiyon na pinanggalingan nito.” (National Geographic) Hindi nga nakapagtataka na ang mga kambing sa kabundukan ay tinawag na “mga sirkero sa mga dalisdis ng bundok”!
‘Alam Mo ba Kung Kailan Nagsisilang ang mga Kambing sa Kabundukan?’
Napakamahiyaing nilalang ang mga kambing sa kabundukan. Mas gusto ng mga ito na mamuhay nang malayo sa tao. Sa katunayan, nahihirapan ang mga tao na makalapit nang husto sa mga ito upang mapagmasdan ang mailap na pamumuhay ng mga ito. Kaya naman, wastong maitatanong ng May-ari ng “mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok” sa taong si Job: “Nalalaman mo ba ang takdang panahon para magsilang ang mga kambing-bundok sa dalisdis?”—Awit 50:10; Job 39:1.
Ang bigay-Diyos na katutubong-gawi ang siyang nagsasabi sa babaing kambing sa kabundukan kung kailan ito magsisilang. Naghahanap ito ng isang ligtas na dako at nagsisilang ng isa o dalawang anak, karaniwan nang sa bandang katapusan ng Mayo o Hunyo. Sa loob lamang ng ilang araw ay natutunan na ng mga bagong silang ang katatagan ng paghakbang.
“Kaibig-ibig na Usang Babae at Kaakit-akit na Kambing sa Kabundukan”
Hinimok ng pantas na si Haring Solomon ang mga asawang lalaki: “Magalak ka sa asawa ng iyong kabataan, isang mistulang kaibig-ibig na usang babae at kaakit-akit na kambing sa kabundukan.” (Kawikaan 5:18, 19) Hindi ito nilayong humamak sa mga babae. Sa wari, tinutukoy ni Solomon ang kagandahan, kaakit-akit na galaw, at iba pang pambihirang katangian ng mga hayop na ito.
Ang kambing sa kabundukan ay kabilang sa napakaraming “nabubuhay na kaluluwa” na nagbibigay ng saganang patotoo sa karunungan ng Maylalang. (Genesis 1:24, 25) Hindi ba tayo maligaya na pinaligiran tayo ng Diyos ng napakaraming kawili-wiling nilalang?
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Sa kagandahang-loob ng Athens University