Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 8/1 p. 3-4
  • Ang Budhi—Isa Bang Pabigat o Isang Bentaha?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Budhi—Isa Bang Pabigat o Isang Bentaha?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Budhi​—Ang Pangmalas ng Bibliya
  • Sinanay Bang Mabuti ang Iyong Budhi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Budhi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 8/1 p. 3-4

Ang Budhi​—Isa Bang Pabigat o Isang Bentaha?

‘BINABAGABAG ako ng aking budhi!’ Sa pana-panahon, halos lahat tayo ay nakadarama ng pagkatigatig ng budhi. Maaaring hindi lamang tayo mapalagay o kaya’y humantong sa punto na lubhang nasasaktan na tayo. Ang isang nababagabag na budhi ay maaari pa ngang maging sanhi ng panlulumo o matinding pagkasiphayo.

Kaya kung mamalasin sa ganitong paraan, hindi ba isang pabigat ang budhi? Baka madama ng ilan na ganoon nga. Malimit malasin ng mga nakaraang salinlahi ng mga palaisip na ang budhi ay isang katutubo, likas na kakayahan. Nadama ng marami na ito ay isang moral na giya na tuwirang ibinigay ng Diyos mismo. Kaya naman ang budhi ay tinawag na “ang presensiya ng Diyos sa tao,” “ang ating orihinal na kalikasan,” at maging “ang tinig ng Diyos.”

Subalit sa mga nakaraang taon, naging popular na sabihing ang budhi ay halos isang natutuhang kakayahan​—bunga ng impluwensiya ng mga magulang at ng lipunan. Halimbawa, iginigiit ng ilang sikologo na ang isang bata ay natututong umiwas sa di-kanais-nais na paggawi pangunahin na dahil sa takot na maparusahan, anupat naniniwala na ang tinatawag nating budhi ay isa lamang pagtanggap sa personal na mga simulain at paniniwala ng ating mga magulang. Binabanggit naman ng iba ang papel na ginagampanan ng lipunan sa kabuuan sa pagtuturo ng mga simulain at mga pamantayan. Minamalas ng iba ang pagkatigatig ng budhi bilang isa lamang alitan sa pagitan ng kung ano ang gusto nating gawin at kung ano ang iginigiit sa atin ng isang mapaniil na lipunan!

Sa kabila ng mga teoriya, malimit na ang mga tao’y sumasalungat sa mga magulang, pamilya, at sa buong lipunan dahil sa iyon ang idinidikta sa kanila ng kanilang budhi. Handa pa man din ang ilan na isakripisyo ang kanilang buhay alang-alang sa budhi! At sa kabila ng malalaking pagkakaiba ng mga kultura sa daigdig, ang mga gawa tulad ng pagpatay, pagnanakaw, pangangalunya, pagsisinungaling, at insesto ay minamalas na masama sa halos lahat ng dako. Hindi ba ito magpapatunay na ang budhi ay katutubo at likas?

Budhi​—Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Diyos na Jehova ang siyang tunay na awtoridad sa paksang ito. Tutal, “siya [ang Diyos] ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” (Awit 100:3) Lubusan niyang nauunawaan ang ating kayarian. Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na ang tao ay ginawa sa “larawan” ng Diyos. (Genesis 1:26) Nilalang ang tao na nakadarama kung ano ang tama at ang mali; sa simula pa lamang, likas na bahagi na ng tao ang budhi.​—Ihambing ang Genesis 2:16, 17.

Pinatunayan ito ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, nang sumulat siya: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang batas [ng Diyos] ay gumagawa nang likas sa mga bagay ng batas, ang mga taong ito, bagaman walang batas, ay isang batas sa kanilang mga sarili. Sila mismo yaong mga nagtatanghal na ang diwa ng batas ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang mga budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kani-kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o pinawawalang-sala pa nga.” (Roma 2:14, 15) Pansinin na ang marami na hindi pinalaki sa ilalim ng Batas ng Diyos na ibinigay sa mga Judio ay sumusunod pa rin sa ilang simulain sa batas ng Diyos, hindi dahil sa dikta ng lipunan, kundi “nang likas”!

Kaya malayo sa pagiging isang pabigat, ang budhi ay isang kaloob ng Diyos, anupat isang bentaha. Totoo, maaari tayong masaktan dahil dito. Ngunit kapag sinunod nang wasto, maaari ring ipadama nito sa atin ang matinding kasiyahan at kapayapaan ng loob. Ito ay maaaring pumatnubay, magsanggalang, at mag-udyok sa atin. Ganito ang komento ng The Interpreter’s Bible: “Maiingatan lamang ang mental at emosyonal na kalusugan habang sinisikap ng isang tao na alisin ang agwat sa pagitan ng ginagawa niya at ng inaakala niyang dapat niyang gawin.” Paano maaaring alisin ng isa ang agwat na iyan? Posible kayang hubugin at sanayin ang ating budhi? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share